Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Isang “Lansakang Pagkalipol”
Milyun-milyong uri ng halaman at hayop ang umiiral sa ngayon. Minsa’y tinaya ng mga siyentipiko na sa buong kasaysayan ng buhay sa lupa, ang mga uri ng hayop at halaman ay nalilipol (dahil sa sakit, kakulangan ng pagkain, at hindi pakikibagay) sa dami na wala pa sa sampung uri bawat taon. Sa ngayon, ayon sa UN Department of Public Information, inaakala ng mga siyentipiko na ang bilang ay daan-daan, marahil libu-libo pa ngang mas mataas. Noong 1970 tinataya na isang uri ang nalilipol bawat araw. Noong 1990 ang bilang ay tumaas ng isa bawat oras. Noong 1992 isang uri ang nalilipol bawat 12 minuto. Ang pangunahing sanhi ng pagkalipol ay ang pagkawala ng likas na tirahan dahil sa pagkalbo sa kagubatan, pagpapalawak ng lunsod, pagpapaunlad ng kabukiran, at polusyon ng hangin at tubig. Maraming dalubhasa sa kapaligiran ang nagsasabi na ang planeta ay nasa gitna ng isang “lansakang pagkalipol.” Wika ni Dr. Mostafa Tolba, punong tagapamahala ng UN Environment Program: “Kung nabubuhay lamang si Charles Darwin sa ngayon, malamang na ang pagtuunan ng pansin ng kaniyang gawa ay hindi ang mga pinagmulan kundi ang pagkamatay ng mga uri ng hayop at halaman.”
Tulong ng Ibang Bansa—Paano Ito Ibinabaha-bahagi?
Malaki ba ang nagagawa ng tulong ng ibang bansa upang pakinabangan ng mahihirap? Sang-ayon sa Human Development Report 1992 ng UN, tanging 27 porsiyento lamang ng tulong ng ibang bansa ang nagtutungo sa sampung bansa na kinaroroonan ng 72 porsiyento ng mahihirap na tao sa daigdig. Ang pinakamayamang 40 porsiyento ng populasyon ng nagpapaunlad na daigdig ang nakakukuha ng mahigit na doble ng tulong na ibinibigay sa pinakamahirap na 40 porsiyento. Ang mga bansa sa Timog Asia, tirahan ng halos kalahati ng pinakamahihirap na tao sa daigdig, ay tumatanggap ng $5 na tulong sa bawat tao. Ang mga bansa sa Gitnang Silangan, na may tatlong ulit na kita ng bawat tao sa Timog Asia, ay tumatanggap ng $55 sa bawat tao. Idinagdag pa ng report na ang mga bansang gumagastos nang malaki sa mga armas ay tumatanggap ng dobleng tulong sa bawat tao kaysa tinatanggap ng mga bansang gumagasta ng katamtaman sa armas. Ang pinakamababang bahagi ng pondo (halos 7 porsiyento ng opisyal na tulong na ibinibigay ng isang bansa sa ibang bansa at 10 porsiyento ng tulong na ibinibigay ng isang grupo ng mga bansa) ang siyang nagtutungo sa mahalagang mga pangangailangan ng tao—edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, ligtas na maiinom na tubig, sanitasyon, pagpaplano ng pamilya, at mga programa sa nutrisyon.
Potensiyal na Nuklear na Masamang Panaginip
“Ang pagsisikap ng Kanluran na hadlangan ang paglaganap ng mga sandatang nuklear ay nabigo,” sabi ng U.S. News & World Report, “at isang bago at mas mapanganib na panahon ng nuklear na pagdami ang nagpasimula na.” Ngayon ang mapagpipiliang nakakaharap nila ay alin sa gumamit ng lakas upang hadlangan ang bagong mga bansa na maging nuklear o “matutuhang mamuhay sa isang daigdig na doon halos bawat bansa na nagnanais ng mga sandatang nuklear ay mayroon nito.” Ano ang umakay sa ganitong kalagayan? “Ang mga bagay na napakahirap para sa pinakamatalinong tao noong 1943 ay madali para sa ordinaryong mga tao ngayon,” sabi ng pisikó at dating tagapagdisenyo ng mga sandatang nuklear na si Richard Garwin. Ang matematikal na mga problemang humamon sa pinakamagaling na mga utak noon ay maaari na ngayong malutas sa isang personal na computer. Karagdagan pa, naging padali nang padali para sa isang determinadong bansa na makuha ang mahahalagang teknolohiyang kinakailangan sa paggawa ng isang bomba. Sa isang pagsisikap na sugpuin ito, 27 bansa ang lumagda ng isang kasunduan noong Abril na nagtatakda sa pagbibili ng mga materyales o makinarya na maaaring gamitin sa paggawa ng mga bomba atomika. Gayunman, may malaking problema, yamang maraming bansa na may kakayahang nuklear o naghahangad na magkaroon nito ay hindi kabilang.
Lipunan ng “Palainom ng Pill” sa Australia
Ang Australian National Health Survey ay naglabas ng ilang nakapangangambang mga resulta. Isiniwalat ng pagsusuri na 1 sa bawat 50 Australiano ang gumagamit ng mga tranquilizer o pampakalma araw-araw. Ang iba pang pitumpu’t limang libo ay umamin na umiinom ng mga drogang gaya ng Valium at Serepax paminsan-minsan dalawang linggo bago ng surbey. Sang-ayon sa pahayagang The Sun-Herald ng Sydney, ang National Drug and Alcohol Research Centre ay nagsasabi na halos sampung milyong reseta para sa mga benzodiazepine ay isinusulat bawat taon at ang mga ito ang pinakamalawak na inihahatol na mga gamot sa Kanluraning mga bansa. Sinabi ng isang mananaliksik sa center na maaaring hindi man lamang nababatid ng marami sa mga taong regular na umiinom ng uri ng drogang ito na sila’y talagang nagdedepende sa gamot.
Bagong Salot sa Aprika
“Ang negosyong narkotiko ay naging isa sa pinakamalubhang banta sa katatagan at pag-unlad ng ekonomiya sa kontinente ng [Aprika].” Gayon ang sabi ni Dr. Simon Baynham ng Africa Institute of South Africa, na sumusulat sa The Star ng Johannesburg. Ang kalakalan ng droga sa Aprika ay biglang lumago noong nakaraang dekada, yamang nasa mahusay na lugar ito para sa mga paglululan mula sa Colombia at Asia. “Noong 1990, sangkatlo ng heroin na naharang sa Europa ay naipadala mula sa Aprika,” sabi ni Baynham. Kaniyang sinabi na mayroon ding pagsasabwatan sa pagitan ng internasyonal na kalakalan ng droga at ng mga organisasyon ng terorista.
Tinutukoy ni Dr. Baynham ang kalakalan ng droga sa Aprika bilang isang potensiyal ng “bagong epidemya sa napakalaking proporsiyon” na “makadaragdag pa sa kaabahan ng digmaan, taggutom at AIDS sa Aprika.”Itinapon ang Sobrang Gatas
Sa kabila ng matinding mga kakapusan ng pagkain, milyun-milyong litro ng gatas ang itinapon ng mga pagatasan ng Timog Aprika sa nakalipas na limang taon. Ang mga pagatasan ay pinatawan ng buwis ng Dairy Board, na maaari sanang gumawa ng pagtustos upang maipamahagi ang sobrang gatas. Subalit yamang hindi nito ginawa ang gayon, isang ehekutibo ng National Milk Distributors Association ay nagsabi: “Ano ang magagawa namin? Kailangang itapon namin ito. Walang kabuluhan sa ekonomiya na pabagsakin ang kalagayan ng aming sariling ekonomiya sa pamamagitan ng pamimigay ng gatas o pagbabayad upang kunin iyon.” Sa kabilang panig, ikinalungkot nang labis ng ibang institusyon ang pagtatapon. Ang Council for the Aged ay nagsasabi na itinapon ang gatas “sa panahon nang ang milyun-milyong matatanda sa Timog Aprika ay nagpupunyaging makabili ng kaunting pangangailangan upang mabuhay.”
Mahabang-Buhay na mga Hapones
Ang mga Hapones ang mayroong mas mahabang buhay kaysa anumang ibang bansa sa lupa, ayon sa pinakahuling istadistika ng World Health Organization. Ang katamtamang haba ng buhay ng kababaihan sa Hapón ay 82.5 taon, samantalang sa kalalakihan ay 76.2 taon. Ang ikalawa sa pinakamataas na haba ng buhay sa kababaihan, 81.5 taon, ay sa Pransiya, sinundan halos ng Switzerland na 81.0 taon. Ang ikalawang puwesto sa kalalakihan ay sa Iceland, na 75.4 taon, sinundan ng Gresya na 74.3 taon. Ang 350-pahina ng taunang aklat ng istadistika ay naglaan din ng ibang kawili-wiling mga ulat. Ang pinakamataas na bilang ng panganganak sa mundo ay sa Rwanda, kung saan ang bawat babae ay may katamtamang anak na 8.3. Ang pinakamababang bilang ng pagpapatiwakal ay sa Bahamas, na may 1.3 sa bawat 100,000 katao, samantalang ang Hungary ang may pinakamataas na bilang, 38.2 sa bawat 100,000. At ang pinakamataas na bilang ng mga kamatayan sa aksidente sa awto ay nasa maliit na bansa sa Timog Amerika na Suriname, na 33.5 bawat 100,000. Ang pinakamababa? Ang Malta, na may 1.6 nakamamatay na mga aksidente sa awto sa bawat 100,000 katao.
Masakit na Musika
“Pahinaan mo ang musikang iyan!” ay malaon nang sigaw ng naiinis na mga magulang. Inaakala ng maraming tin-edyer na hindi sila masisiyahan sa kanilang musika malibang madama nila ang kumpas nito. Bagaman ang malakas na musika ay kadalasang nauugnay sa pagkabingi, ipinaliwanag ng isang report kamakailan sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada, na isa ring karaniwang resulta ang tinnitus. Ang tinnitus ay “isang humuhugong, humahagibis, humuhuni, pumuputok o sumasagitsit na tunog sa loob ng ulo, karaniwang nakaaapekto sa dalawang tainga. Subalit ang [paglalarawang] iyan ay hindi lubusang inilalarawan ang tunog,” sabi ng pahayagan. Minsang magkaroon ka nito, “kailanma’y hindi ka magkakaroon ng sakdal na kapayapaan at katahimikan [muli],” sabi ni Elizabeth Eayrs, coordinator ng Tinnitus Association of Canada. Lalo nang apektado ang mga gumagamit ng headphone na pinalalakas ito nang husto upang marinig ng iba. Ang kanilang kakayahang masiyahan sa musika o sa anumang ibang tunog sa kanilang pagtanda ay kadalasang lubhang nasisira.
Humingi ng Paumanhin ang Papa
Si Papa Juan Paulo II ay makalawang beses na humingi ng paumanhin sa kontinente ng Aprika dahil sa kalakalan ng alipin. Ang una ay noong Pebrero, noong panahon ng paglalakbay ng papa sa Senegal. Sa panahong iyon nag-ulat ang Italyanong pahayagang Corriere della Sera na ang papa ay nagsumamo “ ‘ng kapatawaran ng langit’ at kapatawaran ng Aprika dahil sa makasaysayang krimen ng pang-aalipin na maging ang mga Kristiyano . . . ay nasangkot.” Ang ikalawang paumanhin, pagkaraan ng halos tatlong buwan, ay binigkas noong panahon ng kaniyang pagdalaw sa Saõ Tomé. Sa Vatican, ipinaliwanag ng papa na “yamang ang iglesya ay isang pamayanan na binubuo ng mga makasalanan din, sa nakalipas na mga siglo ay nagkaroon ng mga paglabag sa alituntunin ng pag-ibig. . . . Ang mga ito’y pagkukulang sa bahagi ng mga indibiduwal at ng mga grupo na ginagayakan ang kanilang mga sarili ng pangalang Kristiyano.” Nagkokomento sa “mga paumanhin ng papa,” sinabi ng pahayagang La Repubblica na “tinukoy ng [papa] ang kasalanan sa bahagi ng mga Kristiyano sa pangkalahatan, subalit maaari rin naman niyang banggitin ang mga papa, mga kongregasyon sa Roma, at ang mga obispo at mga klerigo. Sa katunayan, ang kasaysayang ito ng pang-aalipin ay may kahalo ring responsibilidad sa bahagi ng herarkiya Katolika.”
Di Dapat na Matakot sa Gagamba
Ang arachnophobia (pagkatakot sa mga gagamba) “ay kalimitang bunga ng kawalang-alam,” sabi ng magasing South African Panorama. Nag-uulat mula sa gawa ni Dr. Ansie Dippenaar, nangungunang awtoridad sa mga gagamba sa Aprika, ipinakikita nito na kulang-kulang na 0.2 porsiyento ng kilalang mga uri ng gagamba sa daigdig ay mapanganib sa tao. Sa kanilang tamang dako, ang mumunting nilalang na ito ay dapat tratuhin bilang mga kaibigan, hindi mga kaaway. Napakahalaga ng mga ito sa pagsugpo ng mga peste. Ang isang gagamba ng ilang uri ay makapapatay ng hanggang 200 pesteng larva sa isang araw. Halimbawa, kung pananatilihin ang mga gagamba sa bukirin ng strawberry, maaaring magkaroon ng ani ng higit sa 6 na tonelada bawat hektarya kaysa mga bukirin kung saan pinapatay ang mga gagamba. “Dapat na pangalagaan ng mga magsasaka ang populasyon ng gagamba,” susog pa ng artikulo, “sa gayo’y malimitahan din ang paggamit ng mamahaling mga pestisidyo na nakatutulong sa polusyon sa kapaligiran.”
Epekto ng Mararahas na Pelikula
Sa isang panayam ng magasing Veja sa Brazil, tinanong ang direktor sa pelikula na si Steven Spielberg tungkol sa maaaring maging epekto ng karahasan sa libangan sa mga manonood. Sinabi ni Spielberg: “Ang panonood ng karahasan sa mga pelikula o sa mga programa sa TV ay nagpapasigla sa mga manonood na tularan ng higit kung ano ang kanilang nakikita kaysa kung aktuwal na nakita ito o sa balita sa TV. Sa mga pelikula, ang karahasan ay isinapelikula na may ganap na liwanag, kahanga-hangang tanawin, at sa mabagal na pagkilos, na ginagawa pa man din itong romantiko. Gayunman, sa mga balita, ang publiko ay may higit na pang-unawa kung gaano kahindik-hindik ang karahasan, at ito’y ginagamit na may layon na hindi umiiral sa mga pelikula.” Isinusog pa ni Spielberg na hanggang ngayon ay hindi niya pinahihintulutang manood ang kaniyang batang anak na lalaki ng ilan sa kaniyang kilalang mga pelikula (Jaws, mga serye ng Indiana Jones) dahil sa dami ng dugo at karahasan na ipinakikita nito.
‘Paganong Bansa ang Alemanya’
“Ang Pederal na Republika [ng Alemanya] ay naging paganong bansa na may labí ng Kristiyano. Anim na milyon ang nawalan ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang bilang ng mga tao na hindi kabilang sa anumang relihiyon ay mas marami kaysa nagsisimba. Ang nagsisimba bawat Linggo ay 10 porsiyento lamang.” Iyan ang mga pagsusuri ng surbey na isinagawa ng Alemang magasin ng balita na Der Spiegel. Inihambing ang mga kasagutan na ibinigay sa katulad na surbey noong 1967. Ang “bagong mga pagano,” gaya ng tawag ng magasin sa mga lumisan sa iglesya, “ay nagpaalam sa mga iglesya na hindi nasaktan o nagalit. Hindi pagkagalit kundi pagkawalang-bahala ang nag-alis ng katapatan ng mga taong ito sa simbahan.”
Mga Wika at ang Utak
Sang-ayon kay Franco Fabbro, isang mananaliksik sa Trieste University sa Italya, bawat wika na ating alam, o bahagyang nalalaman, ay matatagpuan sa isang pantanging lugar sa utak. Paano siya sumapit sa konklusyong ito? Maraming indibiduwal na may iba’t ibang wikang alam na dumanas ng pinsala sa utak at hindi na makapagpahayag ng kanilang mga sarili sa kanilang wika ay nakapagsasalita ng isang wikang banyaga nang may katatasan na kanilang inaakalang bahagya lamang nilang nalalaman. Ito’y nagpapahiwatig, sabi ng magasing L’Espresso, “na ang inang wika ay nahahadlangan ng iba pa, nalilimitahan ang kanilang pagpapahayag.”
Nagluluwas ng Nakalalasong mga Basura
Dahil sa napakamahal na halaga ng pangangasiwa sa mga basura, “ang mayayamang bansa ay nagluluwas ng nakalalasong mga basura sa mahihirap na bansa,” sabi ni Sebastião Pinheiro ng Institute of Environment and Renewable Natural Resources ng Brazil. Gaya ng iniulat sa magasing Veja, ipinakita ng isang pagsusuri na “halos isang milyong tonelada ng mapanganib na mga basura ay iniluluwas taun-taon sa mahihirap na bansa.” Ano ang ginagawa sa inangkat na nakalalasong mga basura? Ang mga ito’y maaaring sunugin bilang panggatong sa bagong mga planta ng kuryente. “Ipinagtatanggol ng nagpapaunlad na mga bansa ang kanilang panukala na kailangang gumawa ng trabaho rito anuman ang mangyari,” sabi ng isang tagapayo sa isang ahensiya ng kapaligiran sa Brazil. Gayunman, bumangon ang mga katanungan sa buong mundo. Nagtanong ang Financial Times ng London: “Ang mga pagpapasiya ba tungkol sa lugar ng mga pabrika ay nakasalalay sa mga pagtaya kung saan ang halaga ng buhay ng tao ay mas mababa?” Balintunang isinusog pa ng Veja: “Waring ang sagot ay oo.”