Ang Magagandang Orkidyas na Iyon!
Ang Magagandang Orkidyas na Iyon!
IPINTA mo ang kawayan kapag ikaw ay galit; orkidyas kapag ikaw ay masaya.” Ang kasabihang Intsik na ito ay nagpapabanaag ng dalawang-libong-taóng pag-ibig sa pagitan ng orkidyas at ng mga hardinero’t pintor sa Oryente na pinanatiling buháy ang mga orkidyas sa pamamagitan ng kanilang mga pinta.
Maliwanag, ang mga orkidyas ay mga bulaklak na pumupukaw ng matitinding damdamin. Subalit ang kanilang pantanging halina ay hindi pinahalagahan sa Kanluran kundi nitong kamakailan lamang. Sa katunayan, ang pagtatanim nito ay nagsimula halos nang di sinasadya.
Maaga noong dekada ng 1800, napansin ni William Cattley, isang nag-aangkat ng tropikal na mga halaman, ang ilang sinibuyas na mga tangkay na ginagamit na paniksik. Dala ng pagkausyoso ay itinanim niya ito sa kaniyang greenhouse. Nang dakong huli ng taóng iyon siya ay ginantimpalaan ng isang napakagandang kulay-lilang bulaklak. Agad na nakita ng ibang nagtatanim at nagnenegosyo ng mga halaman sa Europa ang komersiyal na mga posibilidad ng gayong kaakit-akit na mga bulaklak.
Di-nagtagal ay nagsimula na ang masugid na paghahanap sa tropikal na mga kayamanang ito. Ang mga kagubatan ay sinaliksik para sa pambihirang mga orkidyas, na ang marami ay hindi nabuhay sa mahabang paglalakbay sa dagat patungo sa Europa. Yaong mga nabuhay ay naipagbili nang mahal. Isang kabuuang halaga na 1,150 guineas (mga $100,000 sa presyo ngayon) ang ibinayad sa isang subasta sa London noong 1906 para sa isa lamang ispesimen. Ang mga presyo ay lubhang bumaba sa pagdating ng mga mestisong orkidyas na artipisyal na itinatanim. Subalit kahit na sa ngayon ang isang kolektor ay maaaring magbayad ng hanggang $25,000 para sa isang bagong mestisong orkidyas.
Ano ang gumagawa sa orkidyas na lubhang natatangi? Marahil ito ang kanilang walang katapusang pagkasari-sari ng hugis at kulay. O ito kaya’y ang kanilang mahiwagang kagandahan? O ang eksotikong pang-akit na napakahirap ipaliwanag? Anuman ang kadahilanan, napakalakas nito upang itaguyod ang isang umuunlad na internasyonal na kalakalan ng orkidyas.
Karaniwan nang pinipili ng mga hardinero na magtanim ng mas kagila-gilalas na mga uri ng orkidyas mula sa tropiko, subalit karamihan ng orkidyas ay hamak na mga bulaklak na halos di-pansin. Ang ilan ay napakaliit anupat ang bulaklak ay sumusukat lamang ng 2 milimetro ang lapad.
Ang ligaw na mga orkidyas ay masusumpungan sa mga disyerto, sa mga latian, at sa mga tuktok ng bundok, mula sa maumidong tropikal na mga kagubatan hanggang sa mga iláng ng Artiko. Marami ang tumutubo sa mga punungkahoy, at pinipili pa nga ng ilan ang isang kaktus o ugat ng isang bakawan na doon ito tutubo. Subalit ang mga orkidyas ay hindi mga parasito; kailangan lamang nila ang punungkahoy para sa suporta upang ang kanilang mga ugat ay makasipsip ng halumigmig mula sa atmospera.
Bukod sa kanilang pagkasari-sari, ang mga orkidyas ay natatangi rin dahil sa kanilang pambihirang mga paraan ng pagpaparami. Ang isang kapsulang-binhi ng orkidyas—isang kababalaghan ng pag-iimpake—ay maaaring maglaman ng kasindami ng dalawang milyong pagkaliliit na mga binhi, na maaaring dalhin sa lahat ng dako ng hangin. Di-gaya ng karamihan ng mga binhi, ito ay walang likas na suplay ng pagkain, at upang matagumpay na sumibol ang mga ito ay dumidepende sa paghanap ng halamang-singaw na magtutustos sa kanila ng ilang kinakailangang nutriyente.
Upang gumawa ng mga binhi, ang bulaklak ay dapat munang ma-pollinate, karaniwang sa pamamagitan ng isang insekto. Ano ang umaakit sa mga insekto sa bulaklak? Ang mga orkidyas ay walang pollen na ihahandog sa bisita bilang pagkain, ni may nektar man kaya ang lahat ng uri ng orkidyas. Ang paboritong pang-akit? Kagandahan, bango, at balatkayo.
Naaakit sa Ganda
Ang mga dalubhasa sa paghahalaman ay nagpagal sa loob ng mahigit na isang dantaon upang makagawa ng mga mestisong orkidyas mula sa kaakit-akit na mga uri na makikita sa iláng. Mayroon na ngayong mahigit na 75,000 nakarehistrong uri ng orkidyas.
Ang ganda ay kapaki-pakinabang sa ligaw na orkidyas. Ang kaakit-akit na bulaklak ay nagsisilbing pang-akit sa mga insekto na magpo-pollinate sa kanila. Ang malaking talulot sa gitna, o ang labellum—karaniwan nang ang pinakamakulay—ay nagsisilbing isang kaakit-akit na mapaglalapagan ng insekto.
Ang mga bulaklak na matitingkad ang kulay ay umaakit sa mga pukyutan, putakti, paruparo, at mga hummingbird, at ang magkahanay na mga guhit sa mga talulot ng maraming orkidyas ay nagsisilbing mga tanda sa daan na nagtuturo sa bisita sa daan patungo sa pagkain, ang nektar, sa ibang uri. Ngunit ang ganda ay hindi siyang lahat ng bagay sa daigdig ng insekto.
Kahali-halinang Bango
Ang isang insekto na ang panlahat na paningin ay hindi gaanong matalas ay maaaring lampasan ang kagandahan nang hindi napapansin ito. Gayunman, ang humahalimuyak na bango ay kahali-halina. Ang bango ay maaaring katulad ng bango ng isang babaing insekto. Sinasabing ang ilang orkidyas ay mas amoy babaing putakti kaysa mga putakti mismo!
Ang amoy ay hindi laging mahalimuyak. Ang ilang orkidyas ay parang bulok na bagay na umaalingasaw. Gayunman, ang amoy ay mabisa rin. Isa ito na hindi wawaling-bahala ng langaw. At kung hindi pa sapat ang amoy, isang mabisang balatkayo ang maaaring gamitin upang pagbutihin ang pagdaraya sa amoy.
Matalinong Panggagaya
Kapag ang orkidyas ng uring Oncidium ay marahang gumagalaw sa ihip ng hangin, ang mga ito ay nahahawig sa isang kaaway na insekto anupat ang galit na pukyutan ay sasalimbay sa orkidyas sa pagtatangkang itaboy ang kaniyang “kaaway.” Sa paggawa nito, di sinasadyang nakukuha niya ang isang pakete ng pollen buhat sa orkidyas.
Sa kabilang panig naman, ang orkidyang pukyutan ng uring Ophrys ay mukhang mga kaibigan sa halip na mga kaaway. Ang mga ito ay amoy pukyutan at mukhang pukyutan. Dinadalaw ng lalaking pukyutan ang bulaklak, napagkakamalan itong isang konsorte, at kapag natuklasan ng kaawa-awang manliligaw ang pandaraya, ang pollinia (maliliit na kumpol ng pollen) ay nakadikit na sa kaniyang katawan. Ang susunod na orkidyas na dadaya sa kaniya (ang isang pukyutan ay maaaring madaya nang dalawang ulit) ay mapo-pollinate gaya ng nararapat.
Papuri sa Isang Maylikha
Ang gayong lubhang kagila-gilalas na pagkasari-sari at masalimuot na mga mekanismo ay buháy na patotoo sa karunungan ng Maylikha. Tiyak na hindi magagawa ng bulag na pagkakataon o ng pangangailangan lamang ang mga kababalaghang ito.
Binanggit ni Jesu-Kristo ang isa pang aral na matututuhan mula sa kagandahang iyon ng bulaklak: “Wariin ninyo ang mga bulaklak sa parang,” sabi niya. “Tinitiyak ko sa inyo na kahit si Solomon man sa lahat ng maharlikang kasuutan niya ay hindi nakapagsuot ng gaya ng isa sa mga ito. Ngayon kung pinararamtan ng Diyos ng ganito ang mga bulaklak sa parang . . . , hindi ba lalo na kayong pararamtan niya?”—Mateo 6:28-30, New Jerusalem Bible.
Kaya naman, maaasahan natin ang panahon kapag pangangalagaan ng tao ang di mabibili ng salapi na orkidyas ng ating planeta. Libu-libong tropikal na mga uri ang naghihintay pang tuklasin, at sino ang nakaaalam kung anong mga sekreto at mga sorpresa ang taglay nila! Ngunit anuman ang kanilang kulay o hugis, walang alinlangan na lalo pa nilang pupukawin ang ating pagpapahalaga sa kagandahan at pagkasari-sari ng paglalang.—Ihambing ang Isaias 35:1, 2.
[Mga larawan sa pahina 16-18]
1. Cattleya (mestiso)
2. Cattleya (mestiso)
3. Vanda (mestiso)
4. Phalaenopsis (mestiso)
5. Cattleya (mestiso)
6. Phalaenopsis (mestiso)
7. Vanda (mestiso)
8. Phalaenopsis
9. Phalaenopsis (mestiso)
10. Cattleya auriantiaca
[Credit Line]
Mga larawan 1,2,4-6,8-10: Sa kagandahang-loob ng Jardinería Juan Bourguignon, Madrid, Espanya