Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gatong na Kahoy—Naglalaho ba sa Usok?

Gatong na Kahoy—Naglalaho ba sa Usok?

Gatong na Kahoy​—Naglalaho ba sa Usok?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria

ANG araw ay lumulubog at pinapupula ang langit sa Aprika. Si Sampa ay nagsasaing para sa kaniyang asawa at sa kanilang mga anak. Kaniyang sinasalok ang tubig mula sa isang timba at ibinubuhos ito sa kalderong aluminyo na maitim dahil sa usok. Sa ilalim ng kaldero ay kumakaluskos ang munting apoy, ginagatungan ng tatlong makakapal na kahoy.

Nakabunton sa malapit ang higit pang kahoy. Binibili ito ni Sampa mula sa mga taong naglululan nito sa trak mula sa mga bundok. Ang kahoy ay mahalaga. Kung walang kahoy ay walang apoy. Kung walang apoy ay hindi ka makapagsasaing.

Sabi ng panganay na anak na lalaki ni Sampa: “Kapag wala kaming kahoy, hindi kami kumakain.” Itinuturo niya ang mga bahay ng mayayaman sa ibabaw ng burol. “Sa mga bahay na iyon, may kuryente. May mga kalan na pinaaandar ng kuryente at iba pang kalan na ginagamitan ng gas.” Bumabaling siya sa apoy, nagkikibit-balikat, at ang sabi: “Ang gamit namin ay kahoy.”

Kung sa bagay, marami ang may katulad na kalagayan sa pamilya ni Sampa. Sa bawat 4 katao sa nagpapaunlad na mga bansa sa daigdig, 3 ang dumidepende sa kahoy bilang ang kanilang tanging pinagmumulan ng gatong sa pagluluto at pagpapainit. Ngunit may malubhang kakulangan ng kahoy.

Sang-ayon sa FAO (UN Food and Agriculture Organization), ang lawak ng krisis sa gatong na kahoy ay totoong matindi. Nakakaharap ng halos isang bilyon katao sa nagpapaunlad na mga bansa ang kakulangan ng gatong na kahoy. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang hilig, ang bilang na ito ay maaaring mabilis na dumoble sa pagtatapos ng dantaon. Isang kinatawan ng FAO ang nagsabi: “Walang gaanong halaga na maglaan ng pagkain para sa nagugutom na daigdig kung wala silang paraan upang lutuin ito.”

Bakit ang Kakulangan?

Mula pa noong unang panahon, ginamit na ng tao ang kahoy na panggatong. Ang dahilan? Ang kahoy ay napakakombinyente. Hindi mo kailangan ang mamahaling kagamitan o masalimuot na teknolohiya upang tipunin ito. Maliban na lamang kung ito’y labis na pagsamantalahan, ang panustos ay maaaring ipagpatuloy ng paglaki ng bagong mga punungkahoy. Ang pagluluto at pagpapainit sa pamamagitan ng kahoy ay hindi nangangailangan ng mga kalan o mga pampainit. At huwaran, ang kahoy ay libre at makukuha sa pinakamalapit na punungkahoy. Nito lamang nakalipas na dalawang daang taon na ang mas mayamang mga bansa ng daigdig ay lumipat sa ibang gatong, gaya ng gas, uling, at langis. Ang iba pa ay nanatili sa kahoy.

Ang ilang dalubhasa ay nagsasabi na ang ugat ng problema sa ngayon ay ang mabilis na pagdami ng populasyon. Habang dumarami ang tao, ang mga gubat ay nahahawan upang palawakin ang mga panirahanan, palawakin ang agrikultura, at maglaan ng kahoy para sa industriya gayundin sa panggatong. Mabilis na nakakalbo ang mga gubat sa pag-unlad ng halos lahat ng bansa. Naranasan ng Hilagang Amerika at ng Europa ang yugtong iyon.

Ngunit ang populasyon sa ngayon ay lumalago sa nakatatakot na bilis. Sa ngayon, mayroon nang lima at kalahating bilyong tao sa planetang ito. Sa nagpapaunlad na mga bansa, ang mga populasyon ay dumudoble sa bawat 20 hanggang 30 taon. Habang dumarami ang bilang ng tao, dumarami rin ang pangangailangan sa kahoy. Para bang ang populasyon ay naging isang dambuhala, kumakain-ng-gubat na hayop na may ganang walang kabusugan, isang hayop na palaki nang palaki at lalong nagugutom araw-araw. Ang panustos na gatong na kahoy sa gayon ay nauubos bago pa man ito napapalitan. Sang-ayon sa FAO, mahigit na sandaang milyon katao sa 26 na bansa ang hindi na makakuha ng sapat na gatong na kahoy upang pangalagaan kahit na ang kanilang pinakamahalagang mga pangangailangan.

Gayunman, hindi lahat ng nakatira sa mga bansang may lubhang kakapusan ng kahoy ay pare-parehong apektado. Yaong may kaya ay basta bumabaling sa ibang gatong, gaya ng gas o isinaboteng gas. Ang problema sa gatong na kahoy ay isang problema ng mahihirap, na lumalago ang bilang.

Ang Epekto sa mga Tao

Nitong nakalipas na mga taon ang halaga ng kahoy ay dumoble, naging triple, at sa ilang dako ay apat na beses ang itinaas. Ngayon, ang mga presyo ay patuloy na tumataas habang ang mga dako sa palibot ng mga lunsod ay nakakalbo. Maraming lunsod sa Asia at sa Aprika ang ngayo’y napaliligiran ng mga dakong halos ay kalbo na ang kagubatan. Ang ilang lunsod ay kailangang magdala ng kahoy mula sa layo na mahigit sandaan at animnapung kilometro.

Ang tumataas na presyo ay nakadaragdag pa sa pasanin niyaong hirap na hirap. Ipinakikita ng mga pag-aaral na sa mga bahagi ng Sentral at Kanlurang Aprika, ang mga pamilyang nagtatrabahong-uri ay nagbabayad ng mga 30 porsiyento ng kanilang kabuuang kita para sa gatong na kahoy. Ang lahat ng iba pa​—pagkain, pananamit, pabahay, transportasyon, edukasyon—​ay dapat na kunin sa kung ano ang natira. Para sa kanila ang kasabihan ay totoo na “kung ano ang nasa ilalim ng kaldero ay mas mahal kaysa kung ano ang nasa loob ng kaldero.”

Paano sila nakakaraos? Kung saan ang kahoy ay kakaunti o mahal, binabawasan ng mga tao ang bilang ng mainit na pagkain na kanilang kinakain. Bumibili sila ng murang pagkain o kaunting pagkain, na ang resulta ay hindi timbang na pagkain. Hindi rin nila gaanong iniluluto ang kanilang pagkain. Ang mga mikrobyo at mga parasito ay hindi napapatay, at kaunting sustansiya ang nakukuha ng katawan. Hindi nila pinakukuluan ang kanilang iniinom na tubig. Sila’y namumulot sa basura ng anumang bagay na masusunog.

Angaw-angaw na tao ang bumabaling sa mababang uring mga gatong, gaya ng dayami, mga tangkay, o tuyong dumi ng hayop. Kung saan mahal ang kahoy at ang dumi ng hayop ay hindi, waring matipid na ilagay ang dumi ng hayop sa apoy kaysa sa bukirin. Kadalasan ay kaunti lamang ang mapagpipilian. Subalit ang halagang pinagbabayaran ay na ang lupa ay pinagkakaitan ng mahalagang organikong mga bagay. Di-magtatagal ang lupa ay hindi magiging mataba at matutuyo.

Bagaman yaong nakatira sa mga rural na dako ay karaniwang hindi nagbabayad para sa kanilang kahoy, ang kasalatan nito ay lubhang nakadaragdag sa panahong ginugugol sa pangangahoy. Sa ilang lugar sa Timog Amerika, ang mga babae ay gumugugol ng 10 porsiyento ng kanilang araw sa pagtitipon ng kahoy. Sa ilang lupain sa Aprika, ang pangangahoy maghapon ay naglalaan lamang ng panustos para sa tatlong araw. Kung minsan ang mga pamilya ay nag-aatas ng isang anak na buong-panahong mamumulot ng gatong.

Kadalasan na, ang rural na kapaligiran ay isinasakripisyo upang matugunan ang mga pangangailangan ng lunsod. Ang kahoy ay mas mabilis na pinuputol at ipinagbibili kaysa pagpapalaki nito. Kaya ang panustos ay umuunti, at ang mga pamilya ay alin sa lumilipat sa mga lunsod o gumugugol ng higit na panahon sa pangangahoy para sa kanilang sarili.

Kaya, angaw-angaw na mga tao ang gumugugol ng higit na panahon at salapi upang matugunan ang kanilang mahalagang pangangailangan para sa gatong. Ang mga mapagpipilian? Para sa mahihirap ito ay nangangahulugan ng pagbawas ng pagkain, pagiging malamig, at pamumuhay nang walang ilaw sa gabi.

Kung Ano ang Ginagawa

Mga ilang taon na ang nakalipas ang kalubhaan ng problema sa gatong na kahoy ay tumanggap ng internasyonal na pansin. Ang World Bank at iba pang mga ahensiya ay nagbuhos ng salapi sa mga proyektong panggugubat. Bagaman hindi lahat ng mga proyektong ito ay matagumpay, marami ang natutuhan. Ipinakita ng karanasan na ang lunas sa problema ng gatong na kahoy ay hindi basta ang pagtatanim ng higit na mga punungkahoy. Ang isang problema ay na kung minsan ay hindi isinasaalang-alang ng mga tagaplano ang mga damdamin ng mga tao roon. Kaya, sa isang bansa sa Kanlurang Aprika, sinira ng mga taganayon ang mga punla sapagkat ang mga ito ay itinanim sa tradisyunal na mga damuhan.

Ang isa pang problema ay na ang pagtatanim ng bagong mga punungkahoy ay isang pangmatagalang pangyayari. Maaaring kumuha ng hanggang 25 taon bago ang mga punungkahoy ay makagawa ng gatong na kahoy na sumusustini-sa-sarili. Ito’y nangangahulugan ng pagkaantala sa pagitan ng puhunan at pakinabang. Nangangahulugan din ito na ang pagtatanim ay walang nagagawa upang sapatan ang kasalukuyang pangangailangan.

Ang mga proyekto na pagtatanim ng bagong mga punungkahoy ay isinasagawa sa maraming bansa. Ngunit masasapatan kaya nito ang mga pangangailangan sa hinaharap? Ang mga dalubhasa sa panggugubat ay nagsasabi ng hindi. Ang mga punungkahoy ay mas mabilis na pinuputol kaysa ang mga ito’y napapalitan. Isang mananaliksik sa Worldwatch Institute ay sumusulat: “Nakalulungkot naman, ang pulitikal na kalooban at pangako ng mga yaman na kinakailangan upang ihinto ang siklo na sinimulan ng pagkalbo sa kagubatan ay kulang sa karamihan ng tropikal na Third World. Sa kasalukuyan, isang ektarya lamang ng mga punungkahoy ang natatamnan sa bawat sampung ektaryang nahahawan. Ang agwat ay pinakamalaki sa Aprika, kung saan ang katumbasan ng gubat na hinawan sa tinamnan ay beinte-nuebe sa isa. Ang pagtugon sa inaasahang pangangailangan sa gatong na kahoy sa Third World [sa taóng] 2000 ay mangangailangan ng labintatlong ulit na pagsulong sa kasalukuyang dami ng itinatanim na punungkahoy para sa hindi industriyal na mga gamit.”

Mga Pag-asa sa Hinaharap

Sa ngayon maraming taimtim na tao ang aktibong nasasangkot sa pagsisikap na lutasin ang problema hinggil sa kakulangan ng gatong na kahoy. Gayunman, ang kanilang mga tantiya para sa hinaharap ay kadalasang pesimistiko. Ang mga mananaliksik sa Earthscan ay sumulat sa kanilang aklat na Fuelwood​—The Energy Crisis That Won’t Go Away: “Lahat ng mga hakbang na iyon na sama-sama [upang lutasin ang problema sa gatong na kahoy] ay hindi lubusang mapagiginhawa ang mga pabigat na dulot ng kakapusan ng gatong at ng tumataas na presyo ng kahoy sa mahihirap.” Ang manwal sa pagtuturo ng FAO na The Fuelwood Crisis and Population​—Africa ay nagsasabi: “Ang anumang pagsisikap na lutasin ang problema ay hindi gaanong magtatagumpay hangga’t hindi nasusupil ang pagdami ng populasyon.” Ipinakikita ng publikasyon ding iyon, gayunman, na ang populasyon ay patuloy na lalago “sapagkat ang mga magulang bukas ay mas marami kaysa mga magulang ngayon. Naipanganak na ang mga magulang bukas.”

Kabaligtaran ng gayong malungkot na mga hula, malinaw na ipinakikita ng hula ng Bibliya na nilalayon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na lubusang isauli ang Paraiso sa lupang ito. (Lucas 23:43) Ang masalimuot na mga problema tungkol sa gatong na kahoy, populasyon, at karalitaan ay kaya niyang lutasin.​—Isaias 65:17-25.

Naglalaho ba sa usok? Hindi! Hindi na magtatagal ay matutupad ang hula tungkol sa ating maibiging Maylikha: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang naisin ng bawat bagay na may buhay.”​—Awit 145:16.

[Blurb sa pahina 14]

‘Walang gaanong halaga na maglaan ng pagkain kung wala naman silang paraan upang lutuin ito’