Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Maaliwalas na Kinabukasan Para sa mga Bata

Isang Maaliwalas na Kinabukasan Para sa mga Bata

Isang Maaliwalas na Kinabukasan Para sa mga Bata

SA World Summit for Children, maraming lider ng daigdig ang buong pagtitiwalang nagsalita tungkol sa kinabukasan. Inihula nila ang “isang bagong panahon” para sa mga bata, “isang bagong paglalaan sa mga pangangailangan ng bata.” Binanggit nila ang tungkol sa “‘isang bagong pagkakaisa’ na nagbibigay ‘buhay sa isang nagkakaisa at determinadong koalisyong pandaigdig’” upang tulungan ang mga bata.

Iyon ay napakagandang mga salita. Ngunit kung gaano nga bang pagsisikap ang gagawin ng mga bansa upang makamit ang kanilang mga tunguhin ay malalaman natin. Kawili-wiling pansinin na sa loob ng limang buwan pagkatapos ng komperensiya, ang mga bansa ay naglaban sa isang digmaan sa Persian Gulf na napatunayang isa sa pinakamagastos​—$61 bilyon​—at lubhang mapangwasak sa kapaligiran. Bunga nito daan-daang libo katao sa Iraq at Kuwait ang tumakas mula sa kanilang bansa. Libu-libo ang namatay​—sa isang yugto ay daan-daang tao araw-araw—​mula sa gutom, pagkalantad, malnutrisyon, at sakit. Halos 8 sa 10 ay mga babae at mga bata.

Inihulang Kaabahan

Batid ng mga estudyante ng Salita ng Diyos na ang mga suliraning nagpapahirap sa mga bata sa daigdig ay inihula halos dalawang libong taon na ang nakalipas. Inihula ng Bibliya hinggil sa “mga huling araw” na ito:

◻ “Magkakaroon ng . . . mga salot.”​—Lucas 21:11.

◻ “Magkakaroon ng kakapusan ng pagkain.”​—Mateo 24:7.

◻ “Ipapahamak [ng mga tao] ang lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

◻ “Titindig ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.”​—Marcos 13:8.

◻ “Darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, . . . walang katutubong pagmamahal.”​—2 Timoteo 3:1-3.

Inihula rin ng Bibliya na malapit na ang panahon kapag iisipin ng mga bansa na sila ay gumagawa ng sapat na pag-unlad sa paglutas sa mga suliranin ng sangkatauhan anupat kanilang ipahahayag: “Kapayapaan at katiwasayan!”​—1 Tesalonica 5:3.

Isang Maaliwalas na Kinabukasan

Gayunman, ang paghahayag na iyon ay aktuwal na huhudyat sa panahon ng pakikialam ng Diyos sa mga suliranin ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian, aalisin ng Diyos ang kasalukuyang sistema ng mga bagay na ito at dadalhin ang isang bagong sanlibutan ng tunay na kapayapaan at walang-hanggang katiwasayan, para sa mga bata gayundin sa mga may sapat na gulang.​— Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44; Mateo 6:10.

Sa ilalim ng kamangha-manghang kaayusan ng Kaharian ng Diyos, “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) Ang malnutrisyon ay magiging isang lipas na bagay: “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” (Awit 72:16) Maging ang digmaan ay mawawala na, sapagkat ang Bibliya ay nangangako: “Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”​—Awit 46:9.

Subalit kumusta naman ang lahat ng mga bata​—at ang mga iba pa—​na nangamatay na mula sa malnutrisyon, sakit, o iba pang dahilan? Ang kinasihang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga matuwid at di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

Nang siya’y nasa lupa, ipinakita ni Jesus na makakasama sa pagkabuhay na muli sa buhay sa lupa sa bagong sanlibutan ng Diyos ang mga bata. Halimbawa, nang isang batang babae na mga 12 anyos ay mamatay, “ang mga tao ay pawang tumatangis at nananambitan sa kaniya.” Subalit, tinatangnan ang kamay ng dalaga, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Dalaga, magbangon ka!” Ang makasaysayang ulat ay nagsasabi: “Siya’y nagbangon pagdaka, at kaniyang ipinag-utos na siya’y bigyan ng pagkain.” Ano ang reaksiyon ng kaniyang mga magulang? Ang Bibliya ay nag-uulat: “Sila’y nalipos ng kaligayahan.”​—Lucas 8:40-42, 49-56; Marcos 5:42.

Sa isa pang pagkakataon, nakasalubong ni Jesus ang isang prusisyon ng libing na kinasasangkutan ng isang biyuda na ang bugtong na anak na lalaki ay namatay. Si Jesus ay “lumapit at hinipo ang kabaong, at ang mga nangagdadala ay tumigil, at sinabi niya: ‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka!’ At naupo ang patay at nagpasimulang magsalita, at siya’y ibinigay niya [ni Jesus] sa kaniyang ina.” Yaong mga naroroon sa malapit ay “niluwalhati ang Diyos.”​—Lucas 7:11-16.

Sa gayon, sa ilalim ng matuwid na pagpupuno ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos, ang mga bata, pati na yaong mga binuhay-muli, ay magkakaroon ng pinakamaaliwalas na kinabukasan na maaaring mangyari. Sila ay lálakí sa isang daigdig ng katuwiran at kapayapaan na napakaganda, napakatiwasay, napakasagana, anupat angkop na tinawag ito ni Jesus na “Paraiso.”​—Lucas 23:43.

[Larawan sa pahina 9]

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga bata ay lálakíng tiwasay, malusog, at maligaya