Masdan ang mga Dakong Tinatawag Naming Tahanan
Masdan ang mga Dakong Tinatawag Naming Tahanan
“Sa gitna man ng mga kasiyahan at mga palasyong naggagandahan, Gaano man ito kahamak, walang ibang dakong gaya ng tahanan.”—John Howard Payne.
ANO ba ang tinatawag mong tahanan? Ang isa ba na matibay ang pagkayari na bahay na itinayo ng propesyonal na mga tagapagtayo na gumagamit ng makabagong mga materyales? O isang bahay na itinayo ng may-ari nito na gumamit ng mga materyales na matatagpuan lamang doon? Tingnan natin sumandali ang mga dakong tinatawag ng mga tao na tahanan sa buong mundo.
Ang ating unang hinto ay sa bansa ng El Salvador, na doo’y makikilala natin si Jorge at ang kaniyang mga magulang sa munting nayon ng Texistepegue. Habang aming nililibot ang tahanan ni Jorge, napansin naming ang sahig ay basta lupa. Ang mga suhay ng bubong ay yari sa katawan ng puno na nakabaon sa lupa. Ang mga dingding na ladrilyong adobe ay pinalitadahan ng putik. Ang tisang bubong ay lumalampas sa mga dingding upang magsilbing medya-agwa at maingatan ang mga dingding mula sa ulan. Gayunman, sa halip na tisa, ginagawa ng maraming tao sa El Salvador ang bubong mula sa mahahabang kugon, pinagsuson na labinlimang centimetro ang kapal.
Ang ilan sa mga taong maralita sa bansa ng Colombia ay halos nakatira sa katulad na mga tahanan. Sa pagitan ng panulukang mga haligi na nakabaon sa lupa, ang hinating kawayan na pinalitadahan ng putik ang nagsisilbing dingding. Ang bubong ay binubuo ng mga dahon ng palma na inilagay sa suhay na mga haligi.
Sa Tacuarembó, Uruguay, ang ilang bahay ay yari sa ladrilyong adobe na gawa sa pinaghalong dumi ng kabayo, lupa, at tubig. Ang halo ay ibinubuhos sa hulmahang kahoy na iniiwan sa patag na lugar upang patuyuin sa araw. Ang pinatigas na mga ladrilyo ay ginagamit para sa mga dingding, at ang bubong na pawid ay nakapatong sa sumusuhay na mga haligi ng bubong. Sa halip na salamin na mga bintana, mga pananggang kahoy ang ginagamit, at ang mga sahig ay lupa lamang.
Ang ilang mahihirap na pamilya sa looban ng Uruguay ay nakatira sa mga bahay na yari sa tangkas. Gaya ng mga bahay na yari sa ladrilyong adobe, ang gayong mga tahanan ay malamig kung tag-araw at mainit kung taglamig. Ang mga blokeng tangkas ay inilalatag na magkakasalabid upang makagawa ng dingding na punto sais metro ang kapal at uno punto otso metro naman ang taas. Ang mga tambo ay ikinakabit sa mga haligi upang makagawa ng labingwalong centimetrong bubong na pawid. Upang magkaroon ng matigas, makinis na pang-ibabaw ang panlabas ng dingding, pinapalitadahan ng ilang may-ari ng bahay ang mga ito ng halo ng putik at dumi ng baka. Ang mga dingding sa bahay ay yari sa balangkas ng murang mga puno na binalutan ng pinagtahi-tahing mga kanyamaso (telang gaya ng sinamay o katsa). Kung minsan pinapalitadahan ng putik ang ibabaw ng kanyamaso.
Sa mga lugar na malapit sa mga sapa at mga
latian, ang ilan na nasa looban ng bansang Uruguay ay naninirahan sa mga bahay na yari sa tambo, na binalangkas ng bagong putol na mga katawan ng puno kung saan mahigpit na itinatali ang mga bungkos ng tambo. Paano ito ginagawa? Ang mga tambo ay pinuputol mula sa mga habang uno punto singko metro hanggang uno punto otso metro at pinatutuyo sa araw hanggang sa hindi na maumido. Pagkatapos ito ay ibinubungkos na halos dalawampu’t tatlong centimetro ang diyametro, at sa wakas ang mga ito’y ikinakabit sa mga balangkas upang mag-anyong mga dingding at bubong ng bahay.Lumulutang na mga Bahay
Malapit sa bayan ng Iquitos, Peru, ang dukhang tao ay nagtatayo ng kaniyang bahay sa Ilog ng Amazon. Kung gayon, paano niya naiingatan ang bahay sa pagkaanod? Siya’y pumuputol ng malalaki, magagaang na troso mula sa gubat upang makagawa ng isang balsa, at kaniyang idinadaong ito sa mga haligi na nakabaon sa ilalim ng ilog. Pagkatapos na maitali ang balsa sa mga haligi, siya’y nagtatayo ng kaniyang bahay rito—isang silid na bahay na may dingding na kawayan at bubong na pawid. Ang bahay ay may sariling anyo ng pampalamig—pumapasok ang hangin sa mga siwang sa pagitan ng dingding na mga kawayan. Kalimitan ay iniiwang bukas ang isang dingding dahil sa matinding init sa tropiko.
Ang mga tulugan ay karaniwang binubuo ng papag, duyan, o mga banig sa sahig. Bagaman ang bahay na ito ay makaluma kung ihahambing sa karamihan ng mga bahay sa Iquitos, ito ay tahanan para sa mas maralita.
Sa magandang Lawa ng Titicaca sa Peru, itinatayo ang mga bahay na tambo sa lumulutang na mga isla. Ang mga islang ito ay yari rin sa mga tambo at sa maraming iba’t ibang sukat, ang ilan ay kasinliit ng isang palaruan ng tennis. Sagana ang mga tambo sa lawang ito na mahigit na 3,800 metro ang taas sa antas ng dagat.
Itinatali nang sama-sama ng mapamaraang mga naninirahan ang mga bungkos ng mga tambo upang makagawa ng mga dingding at mga bubong para sa kanilang mga tahanan, na itinatayo sa lumulutang na sahig. Minsan sa isang taon pinapalitan ng mga tao ang pinakaibabaw na suson ng mga tambong sahig, na kapalit sa pagkabulok ng pinakailalim na suson. Ang pinakasahig ay halos uno punto otso metro ang kapal, at ang ilalim ay unti-unti namang nabubulok.
Isang kakaibang uri ng lumulutang na bahay, ang isa na tinatawag ng mga Intsik na tahanan, ang matatagpuan sa Hong Kong. Karaniwan na ang maliit na taksing pantubig na ito na nagdadala ng mga pasahero sa Aberdeen Harbor sa Hong Kong ay nagsisilbi ring lumulutang na tahanan ng pamilya na nagpapatakbo ng taksi. Dito nagluluto, kumakain, at natutulog ang pamilya. Ginugugol ng ibang pamilyang Intsik ang halos buong buhay nila sa mga bangka na tinatawag na mga junk, na naging tahanan sa kanila.
Sa Europa maraming ilog at mga bambang ang ginagamit ng mga gabara upang maghatid ng kalakal. Ginawa ng ilang mga pamilya na nagpapatakbo ng mga gabarang ito ang isang dulo na tirahan, at sa gayo’y naging kanilang lumulutang na tahanan.
Mga Bahay na Apartment na Istilong-Borneo
Sa isla ng Borneo, ang mga taong kilala bilang ang mga Iban, o Dayaks ng Dagat, ay nagtatayo ng mahahabang bahay na kanilang istilo ng mga gusaling apartment. Ang mahahaba, mabababang kayariang ito, na sinusuportahan ng ilang haliging nakabaon sa lupa, ay matatagpuang mataas sa bai-baitang na mga pampang ng ilog. Ang bawat mahabang bahay ay naglalaman ng buong pamayanan, isang nayon sa ilalim ng isang bubong.
Ang haba ng bahay ay iba’t iba ayon sa laki ng pamayanan, na maaaring mula sa sampu hanggang isandaan katao. Mientras dumarami ang pamilya dahil sa pag-aasawa, dinurugtungan lamang ang mahabang bahay upang sila’y mabigyang-lugar.
Ang bawat pamilya ay may sariling apartment. Paano nakapapasok ang mga miyembro ng pamilya sa kanilang tirahan? Sa pamamagitan ng bukas na galerya na dumaraan sa buong kahabaan ng bahay. Ang nakayungyong na bubong na pawid ay naglalaan ng lilim at proteksiyon mula sa ulan. Pagka nasa bahay lamang ginugugol ng mga naninirahan ang halos lahat ng kanilang panahon sa galerya, bumibisita o gumagawa ng mga gawaing-kamay, gaya ng paggawa ng basket o paghahabi ng sarong.
Sa loob ng bawat apartment, ang pamilya ay nagluluto, kumakain, at natutulog. Sa itaas ng mga apartment at galerya ay may isang maliit na silid na ginagamit na imbakan ng mga gamit sa pagsasaka at bigas. Ito’y nagsisilbi ring tulugan para sa mga dalaga. Ang mga binata ay natutulog sa labas sa mga banig sa sahig ng galerya.
Di-tulad ng nagtataasang mga apartment sa Kanluraning mga lunsod, ang mahahabang bahay na ito ay walang mga paliguan at palikuran. Ang paliligo ay ginagawa sa kalapit na mga ilog, at ang mga dumi ay inihuhulog sa silát-silát na sahig sa lalim na 4 na metro kung saan ang mga baboy at mga manok ay tumutulong sa pagliligpit nito.
Mga Tahanan sa Ilalim ng Lupa
Noong ika-19 na siglo, marami sa mga naunang maninirahan sa Estados Unidos ay gumawa ng mga bahay na yari sa mga troso o tangkas, subalit ang ilan ay nagtayo ng kanilang mga tahanan sa ilalim ng lupa. Sila ay maghuhukay ng isang-silid na kublihang hukay sa gilid ng bangin, na kapantay ng bubong ang gilid ng bangin. Isang kalang de tubo ang inilalagay sa bubungan upang maging labasan ng usok sa pagluluto at pagpapainit. Totoo, ang mga tahanang ito sa ilalim ng lupa ay madilim, subalit mainit naman ang mga ito kung taglamig. At karaniwan nang kasama ng mga tao ang kanilang mga kabayo o baka.
Sa ngayon sa Orchid Island malapit sa Taiwan, ang mga Yamis ay nagtatayo pa rin ng kanilang saunahing mga tahanan na karamihan ay sa ilalim ng lupa. Nakahanay ang mga bato sa pader ng bukas na hukay, at iniingatan ito ng isang alulod upang huwag mapuno ng tubig kung tag-ulan. Ang mga kahoy na biga ay sumusuporta sa mga kilo at bubong na pawid. Sa ibabaw, ang bawat bahay ay may maliit, bukod na silid na walang dingding na may platapormang bahagyang nakaangat na inatipan ng bubong na pawid. Ang inatipang platapormang ito ay nagiging palamigang tore ng pamilya, kung saan maaari nilang takasan ang alinsangang tropiko sa katanghalian. Gayumpaman, may ibang tao na ang mga tahanan ay talagang nasa ilalim ng lupa.
Mga ilang taóng nakalipas, ang idea ng paggamit ng mga yungib bilang tahanan ay naging isang bagong aspekto sa ibang bahagi ng daigdig. Sa Libis ng Loire sa Pransiya, naging kausuhan sa gitna ng maraming mayayamang pamilya ang paninirahan sa mga yungib. Doon ay makakakita ka ng isang yungib na ginawang sala, silid kainan, at kusina—magkakasunod na mga silid na umaabot hanggang sa pinakadalisdis. Ang isa pang tahanan ay dinisenyo na maraming magkakatabing yungib. Ang bawat yungib ay may mga bintana at salaming pinto na itinayo sa harapan ng yungib, hinahayaang pumasok ang liwanag. Ang mga pamilyang nakatira sa mga yungib na ito ay gumagastos nang napakalaki upang gawing makabago ang mga ito na may tubig, kuryente, at iba pang mga kaalwanan, kasali na ang forced-air na bentilasyon upang malabanan ang halumigmig at tagulamin.
Ang mga bahay na aming binanggit dito ay maaaring iba mula sa inyo. Subalit para sa mga taong nakatira sa iba’t ibang dakong ito ng daigdig, iyon ay “tahanan.”