Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagpasiya Upang Tulungan ang mga Bata

Nagpasiya Upang Tulungan ang mga Bata

Nagpasiya Upang Tulungan ang mga Bata

KAHAPON 40,000 bata na wala pang limang taon ang namatay sa nagpapaunlad na mga bansa. At 40,000 pa ang mamamatay ngayon. Isa pang 40,000 bukas. Karamihan ng mga kamatayang ito ay maaari sanang hadlangan.

Sa loob ng mga taon ang kalagayang ito ay tinawag na ang “tahimik na kagipitan” o ang “tahimik na malaking sakuna,” ibig sabihin na ito ay halos hindi pansin sa daigdig. “Kung 40,000 kuwagong batik-batik ang namamatay araw-araw, magkakaroon ng karahasan. Ngunit 40,000 bata ang namamatay, at ito ay hindi halos napapansin,” panangis ni Peter Teeley, isang tagapagsalita ng E.U. sa UN World Summit for Children na ginanap sa punong-tanggapan ng UN sa New York noong 1990.

Akala ng iba, maaaring baguhin ng komperensiya ang lahat ng iyan. Matataas na opisyal, kabilang na ang 71 pinuno ng Estado, ang dumalo mula sa 159 bansa. Sama-sama ay kinakatawan nila ang 99 na porsiyento ng populasyon ng daigdig. Ang kalagayan ay binuod ni Mikhail Gorbachev, na nagsabi: “Hindi na maipahihintulot ng sangkatauhan ang bagay na angaw-angaw na mga bata ang namamatay sa bawat taon.”

Bago ang summit, ipinamalas ng daigdig ang pagsuporta nito. Literal na daan-daang pambansa at pampamayanang mga miting, seminar, workshop, at mga debate ay nagtuon ng pansin sa mga suliranin ng mga bata. Mahigit na isang milyong tao sa 80 bansa ang nagdingas ng mga kandila upang sumagisag sa kanilang pag-asa na sa kabila ng mga problema at mga panganib sa unahan, ang daigdig ay maaaring maging isang mas mabuting dako.

Ang huling araw ng summit ay pinapurihan ng UNICEF (United Nations Children’s Fund) bilang “marahil ang pinakamahalagang araw kailanman para sa mga bata sa buong daigdig.” Bakit ang gayong kasiglahan? Sapagkat pinagtibay ng mga lider ng daigdig ang espesipikong “Plano ng Pagkilos” upang bawasan ang paghihirap at kamatayan ng mga kabataan sa buong lupa.

Totoo, ang kasaysayan ng diplomasya sa komperensiya ay punô ng mga pangakong napapako. Gayunman, nadama ng marami ang bagong espiritu ng kataimtiman at pagtutulungan bilang resulta ng wakas ng Cold War. Si James Grant, ehekutibong patnugot ng UNICEF, ay masiglang nagsabi: “Sa katunayan, ang mga pangulo ng Estado at Gobyerno ay kumuha ng unang hakbang sa pagtatatag ng kapakanan ng lahat ng tao​—ng ‘mga kabataan’ gayundin ng mga bata—​bilang ang sentrong layunin ng paggawa ng isang bagong daigdig na kalakaran.”

Oo, sa loob ng isang taon kasunod ng summit, karamihan ng mga bansa ay nakagawa na ng pambansang mga plano upang ipatupad ang mga resolusyon ng summit. Ito ang nag-udyok kay Direktor Grant na magsabi: “Nakikita natin ngayon ang isang makatotohanang pag-asa na ang kalusugan para sa lahat ng mga bata ay matatamo sa taóng 2000.”

Ngunit ano nga ba ang suliranin ng mga bata, ang nakahihiyang sekreto ng pamilya ng daigdig, na inilantad ng internasyonal na media? May mabuting dahilan ba ngayon, pagkatapos ng Cold War na kapaligiran ng internasyonal na pagtutulungan, na maniwala na pangungunahan ng United Nations ang isang kahanga-hangang bagong daigdig na kalakaran? Makatotohanan kayang makaaasa tayo ng isang maaliwalas na kinabukasan para sa ating mga anak? Tatalakayin ng susunod na dalawang artikulo ang mga tanong na ito.