Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Pakikitunguhan ang mga Puna ng Aking mga Magulang?

Paano Ko Pakikitunguhan ang mga Puna ng Aking mga Magulang?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Pakikitunguhan ang mga Puna ng Aking mga Magulang?

“MARAMING magulang ang naniniwala na ang pinakamabuting paraan upang tulungan ang kanilang mga anak na sumulong ay punahin ang ginagawa nilang mali.” Gayon ang sulat ni Clayton Barbeau sa kaniyang aklat na How to Raise Parents.

Walang alinlangan hinggil dito, kung ikaw ay isang kabataan, malamang na ikaw ay itinutuwid ng iyong mga magulang na halos ay kasindalas ng pagpapakain sa iyo. Bagaman ito ay nakaiinis kung minsan, ang gayong pagpuna ay hindi naman masama. a Lahat tayo ay kinakailangang ituwid paminsan-minsan; ang pagpuna na nakatutulong ay maaaring maging mabuti, kapaki-pakinabang.

Sa kabilang panig naman, ang mga magulang kung minsan ay hindi makatuwiran, sinisisi ang kanilang mga anak hanggang sa masiraan ng loob. (Colosas 3:21) O maaaring hayaan nilang supilin sila ng kanilang mga emosyon at kagalitan at hiyain ang kanilang mga anak sa maliliit na pagkakamali. Gayunman, anuman ang paraan ng pagpuna, posibleng makinabang mula rito. Sa paano man, malamang na ang iyong pinakamabuting kapakanan ang hangad ng iyong mga magulang. Gaya ng malaon nang sinabi ng Bibliya, “ang mga sugat mula sa isang kaibigan ay tapat.” (Kawikaan 27:6) Totoo, sapagkat ang iyong mga magulang ay napakalapit sa iyo, ang kanilang paghahanap ng kamalian ay maaaring makasakit nang husto. Subalit kung marunong kang tumugon nang may katalinuhan sa puna, mababawasan mo ang sama ng loob at magkakaroon ka ng higit na mga pakinabang.

Ang Maling Paraan

Isaalang-alang ang karanasan ng kabataang si Stephanie: “Kapag dumarating ng bahay ang nanay ko buhat sa trabaho,” sabi ni Stephanie, “kagagalitan na niya ako tungkol sa hindi ko paglilinis ng bahay o pagtatapon ng basura. Sabi niya, ‘Wala kang magawang magaling sa bahay, pero pagdating sa paglalakwatsa, diyan ka magaling.’ Sabi ko, ‘Pagdating sa paninisi, diyan kayo magaling.’ Sinigawan niya ako at ako’y umalis at isinara ko ang pinto sa aking silid upang hindi ko marinig ang boses niya. Sinugod niya ako na galit na galit, nagsisisigaw na ako’y parurusahan.”​—My Parents Are Driving Me Crazy, ni Dr. Joyce L. Vedral.

Pamilyar ba iyan sa iyo? Kung gayon alam mo kung gaano kasakit na ikaw ay sabihan na “wala kang magawang magaling.” Gayumpaman, ano ang nagawa ni Stephanie sa paggalit sa kaniyang nanay? Ang pag-angal, pagsigaw, o pagrerebelde ay nakapagpapagalit sa magulang. Ang kaunting kasiyahang natamo sa paglalabas ng iyong galit ay maliit lamang kung ihahambing sa parusang tiyak na darating. Isa pa, ang kabataang Kristiyano na nagsasalitang walang-galang sa magulang ay dumaranas ng ilang espirituwal na pinsala​—at nanganganib na hindi kalugdan ng Diyos.​—Kawikaan 30:17; Efeso 6:1, 2.

Maaaring hindi napangasiwaan ng nanay ni Stephanie ang mga bagay sa pinakamabuting paraan. Subalit hindi kaya may bahagyang katotohanan sa kaniyang mga reklamo tungkol kay Stephanie? Kaya sa pagtanggi sa puna, hindi lamang ginawa ni Stephanie na mas mahirap ang buhay para sa kaniya kundi naiwala rin niya ang pagkakataon upang gumawa ng kinakailangang mga pagsulong.

Ang Halaga ng Pakikinig

Ang Bibliya ay nagpapayo: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang ikaw ay maging pantas sa iyong kinabukasan.” (Kawikaan 19:20) Oo, pigilin mo ang simbuyo na bigyan-matuwid ang iyong sarili, umangal, sagutin ang puna ng magulang ng mga puna mo, at ituon ang isip sa kung ano ang sinasabi nila. Ganito ang pagkakasabi ng magasing ’Teen: “Gamitin ang iyong ulo sa pakikinig sa puna at huwag ang iyong mga emosyon.”

Sa paggawa ng gayon naiiwasan mong palakihin o gawing labis ang sinasabi ng iyong magulang. Ikaw ba ay talagang tinatawag ng iyong magulang na walang silbi o isang ganap na kabiguan, o kaniya bang sinasabi lamang na hindi maganda ang pagpinta mo sa garahe o ang paglinis sa kalan? Kung ang huling banggit ang totoo, bakit labis ang reaksiyon mo? “Walang isa man sa lupa na gumagawa ng matuwid sa lahat ng panahon at hindi kailanman nagkakamali,” sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 7:20, Today’s English Version) At kahit na kung ikaw ay bigo sa ilang partikular na atas, hindi naman ibig sabihin niyan na ikaw ay bigo na sa lahat ng pitak ng buhay. Kaya ipaalaala mo sa iyong sarili na ikaw ay may iba pang mabubuting katangian at mga kagalingan.

Pananatiling Mahinahon sa Ilalim ng Panggigipit

“Tuwing may gagawin siyang katangahan,” sabi ng isang ama, “Sinasabi ko, ‘Tanga ka.’” Ano kung ang iyong magulang ay bumabaling din sa pagbabansag sa iyo o sa iba pang berbal na pag-abuso? Una, supilin ang iyong mga damdamin! “Siyang pumipigil ng kaniyang mga salita ay may kaalaman, at ang taong nag-uunawa ay may diwang malamig.”​—Kawikaan 17:27.

Huwag ituon ang isip sa waring pang-aapi na sinabi; lalo ka lamang magagalit. Sa halip, ituon ang isip sa mga dako na kailangan mong pasulungin. Ipaalaala sa iyong sarili na mahal ka ng iyong mga magulang at na malamang na hindi naman masama ang kanilang hangarin. (Ang amang sinipi kanina ay umamin: “Hindi ko dapat na lagi na lamang sinasabihan siyang tanga. Di-magtatagal ay paniniwalaan niya ito.”) Paniwalaan mo kung sila ay waring pagod o maigting dahil sa trabaho. “Ang matalinong unawa ng tao ay tiyak na nagpapakupad sa kaniyang galit, at kaniyang kagandahan na paraanin ang pagsalansang.”​—Kawikaan 19:11. b

Yamang ang kontra-salakay ay hindi nararapat, maaari mong alisin ang galit sa berbal na pagsalakay. Halimbawa, subuking ulitin ang mga salita ng iyong magulang, itinutuon na muli ang mga ito sa problema. Kung ikaw ay tinatawag na tanga ng iyong tatay dahil sa hindi niya nagustuhan ang paglinis mo sa kotse ng pamilya, subuking tumugon: “Nagagalit kayo kasi hindi maayos ang paglinis ko sa kotse.” O maaaring ikaw ay basta sumang-ayon sa puna. (“Tama kayo, Itay. Dapat sana’y mas mabuti ang ginawa ko.”) O subuking humingi ng espesipikong mga paraan upang sumulong. Sabi ng Kawikaan 15:1: “Ang sagot, kapag malumanay, ay pumapawi ng poot, ngunit ang nakasasakit na salita ay humihila ng galit.”

Natatandaan mo ba si Hukom Gideon? Sinasabi ng Bibliya na pinangunahan niya ang bansang Israel tungo sa madulang tagumpay sa kaaway na bansa ng Midian. Si Gideon ay saka nagsugo ng mga mensahero sa kilalang tribo ng Ephraim at hiniling na hadlangan nila ang pagtakas ng natalong mga Midianita. Ang mga Ephraimita ay tumugon, binibihag ang dalawang prinsipe ng Midian. Ngunit ang palalong mga lalaki sa tribo ay “mapusok na gustong makipag-away” kay Gideon! Sila’y nagalit na sila’y hindi inanyayahang makibahagi sa digmaan nang mas maaga.​—Hukom 8:1.

Ang berbal na pagsalakay na ito ay maliwanag na hindi makatuwiran. At kung si Gideon ay naging mapusok, maaaring kinagalitan niya ang mga Ephraimita​—at magpadali sa gera sibil. Sa halip, siya’y tumugon: “Ano ang aking ginawa ngayon na paris ng inyo? Di ba mainam ang pagsimot ng ubas ng Ephraim kaysa pag-aani ng sa Abi-ezer?” (Hukom 8:2) Ang sagot ni Gideon ay nangangahulugan na sa pagbihag sa Midianitang mga prinsipe, ang mga Ephraimita ay nakagawa ng higit kaysa nagawa mismo ni Gideon. Kaya ang mahinahon at mapakumbabang tugon ni Gideon ay bumigo sa di-matuwid na puna at napanatili ang kapayapaan.

Ang aral? Iwasan ang labis na reaksiyon kapag ikaw ay pinupuna ng iyong mga magulang. Ang pananatiling mahinahon ay mag-iingat sa iyo sa pagsasalita o paggawa ng isang bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli.​—Ihambing ang Eclesiastes 10:4.

Pagkilos

Gayunman, ang mababait na salita ay hindi sapat. Kumilos ka! Tandaan, “ang karunungang mula sa itaas ay . . . handang sumunod.” (Santiago 3:17) Simulang linisin ang silid na iyon, linisin ang kotse, ipagupit ang buhok mo, palitan mo ang iyong mga damit, o gawin ang anumang pagbabagong nais ng iyong mga magulang na gawin mo. Ito ang pinakamabuting paraan upang ihinto ang higit pang paghahanap ng kamalian.

Sa kabilang panig naman, ikaw ay maaaring matapat na tumutol sa puna. Tutal, kahit na ang pinakamahusay na mga magulang ay nagkakamali. Subalit sa halip na subuking lutasin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga pagsigaw, hintayin ang “tamang panahon,” saka kausapin ang iyong mga magulang. (Kawikaan 15:23) “Ang karunungan ay nasa nagsasangguniang mainam,” sabi ng Kawikaan 13:10. Iharap mo ang iyong mga hinanakit sa isang mahinahon, maygulang na paraan, sinasabi sa iyong mga magulang ang espesipikong mga dahilan kung bakit ikaw ay hindi sumasang-ayon. Marahil mahihikayat mo silang magkaroon ng katulad na pangmalas na gaya ng sa iyo. Kung hindi, baka kailangan mo na lamang pasakop sa kanilang awtoridad bilang mga magulang.​—Kawikaan 6:20.

Gayunman, ang pangwakas na resulta ng pagsunod sa kanilang disiplina ay makabubuti sa iyo. Aba, kahit na nga ang sakdal na taong si Jesus ay “natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.” (Hebreo 5:8) Ikaw man ay maraming mahahalagang aral na dapat matutuhan. Iyo nang napakitunguhan ang puna mula sa mga guro. Sa hinaharap, kakailanganin mong pakitunguhan ang mga amo. Pag-aralan mong tanggapin ang pagpuna.

Sa kalaunan maaari mo pa ngang pasalamatan ang punto de vista ng iyong mga magulang. Ganito ang sabi ng binatang nagngangalang James tungkol sa kaniyang mga magulang: “Sila’y mahigpit sa akin sa mga bagay na may kaugnayan sa paaralan, kongregasyon, at mga gawain sa bahay. Kung minsan hindi man lamang ako makapahinga! Ngunit habang nagkakaedad ako, napahalagahan ko na ang kagalingan ay nangangailangan ng puspusang paggawa.” Hindi ba iyan ay isang aral na sulit matutuhan? At ikaw ay matuto ng katulad na mahahalagang aral sa ganang sarili sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga puna.

[Mga talababa]

b Hindi namin tinutukoy ang berbal o pisikal na pag-abuso ng mga magulang na maliwanag na pinahihirapan ng emosyonal na mga problema o may problema sa alkoholismo o pagkasugapa sa droga. Ang mga gayon ay baka nangangailangan ng propesyonal na tulong.

[Larawan sa pahina 11]

Ang pagsigaw, pag-angal, o pagbibigay-matuwid sa sarili ay nakapagpapagalit sa magulang

[Larawan sa pahina 11]

Ang pagtanong sa iyong magulang ng espesipikong mga paraan kung paano susulong ay makaaalis sa kirot ng pagpuna