Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Humihina ang Pag-aasawa

“Karamihan sa mga babae’t lalaki na napapakasal sa ngayon ay dati nang nagsama,” ulat ng Guardian Weekly ng Manchester, Inglatera. Binabanggit ng pahayagan na ipinakikita sa mga pagsusuri sa Canada, Inglatera, Sweden, at Estados Unidos na ang babae’t lalaking nagsasama bago napakasal ay may mas mataas na bilang ng diborsiyo. Nasumpungan sa isang surbey sa Inglatera na sa pangkalahatan ang gayong mag-asawa ay 60 porsiyentong mas malamang na magdiborsiyo o maghiwalay kaysa mga hindi nagsama bago napakasal. Subalit, parami nang paraming sanggol ang isinisilang sa mga magulang na hindi nagpapahalaga sa pag-aasawa. Sa Inglatera at Wales, 31.2 porsiyento ng mga pagsilang ay sa di-kasal na mga magulang. Gayundin, ipinakita ng isang surbey kamakailan na sa Scandinavia, Austria, Switzerland, at Liechtenstein, halos sangkatlo ng mga pagsilang ay mga anak sa pagkakasala. Sa 12 bansa sa European Community, ang bilang ay halos 20 porsiyento.

Pagtitipon ng Ulap

Ang munti, hikahos na nayon ng pangingisda sa Chungungo, Chile, ay walang malinis na inuming tubig sa loob ng maraming taon. Subalit kamakailan ay nagbago iyan, dahil sa pambihirang paraan ng pag-iipon ng tubig. Kakaunti ang ulan sa rehiyong ito, subalit malimit na pumapalibot ang ulap mula sa Karagatang Pasipiko. Habang ito’y dumaraan sa 800-metrong bundok sa itaas ng nayon, ang ulap ay lubhang makapal. Isang pangkat ng mga siyentipikong taga-Canada at Chile ang nagladlad ng 50 malalaking plastik na lambat na may pinong butas na nilayon upang tipunin ang tubig mula sa mga ulap na ito. Habang ang mga patak ay natitipon sa butas, ito ay nagsasama-sama at tutulo sa tubo sa pinaka-puno ng lambat. Ang mga tubo ay nagpipisan at dinadala ang tubig sa nayon. Hindi man lamang gumagamit ng anumang kuryente, ang madaling imantini na sistemang ito ay naglalaan ng 25 litro ng malinis na inuming tubig sa isang araw sa bawat isa sa 350 maninirahan ng Chungungo. Naniniwala ang mga mananaliksik na kaugnay sa proyektong ito na mga 22 bansa sa anim na kontinente ay maaaring makinabang mula sa gayong sistema. Subalit hindi na ito bagong idea; ang mga punungkahoy ay nagtitipon na ng tubig mula sa ulap sa loob ng libu-libong taon na.

Arnibal na Ilog

Ang Ilog Nam Pong ng Thailand, ang mahalagang pinagkukunan ng pagkain ng libu-libong taganayon sa kahabaan ng pampang nito, ay biglang naging malapot at malagkit kamakailan . Sang-ayon sa magasing Asiaweek, isang imbakan sa isang kabyawan doon ang nagkaroon ng butas, nagtapon ng 9,000 tonelada ng pulot sa ilog. Dahil sa nasugpo ng nakasusuyang natapong matamis ang oksiheno ng ilog, pumatay ito ng tinatayang 2,000 libra ng isda sa bawat sanlibong kilometro na naagusan nito. Sa tinatawag ng Asiaweek na “lihis na pagtatangka sa pagsupil ng pinsala,” sinikap ng mga opisyal na paagusin ang arnibal sa pamamagitan ng pagpapakawala sa 84 milyon metro cubico ng tubig mula sa kalapit na prinsa. Nagtagumpay lamang ang plano sa pagkakalat ng pulot sa 600 kilometro na daloy at sa dalawa pang ilog. Tinataya ng isang dalubhasa sa kapaligiran na kukuha ng di-kukulangin sa 12 taon bago bumalik sa dati ang tatlong ilog.

Mga Batang Nasa Ilalim ng Panggigipit

Maraming bata sa lunsod ng Hapón ang namumuhay sa ilalim ng panggigipit na nagpapangyaring sila’y pisikal na magkasakit, ulat ng Asahi Shimbun, isang pahayagan sa Tokyo. Pagkatapos ng isang araw sa paaralan, iniulat na pangkaraniwan para sa mga bata na dumalo sa paaralang naghahanda para sa pagsusulit hanggang sa gabi. May matinding panggigipit na makipagkompitensiya sa mga pagsusulit sa pagpasok sa high school at sa pamantasan. Iniuulat ng pahayagan na 37 porsiyento ng mga batang lalaki sa elementarya ay bumabaling sa “may gamot na mga inuming pampalakas” upang matulungan silang mapaglabanan ang pagkahapo, at mahigit na 20 porsiyento ang nakaranas ng paninigas ng mga balikat, hindi pagkatulog, o pagkaliyo.

Pagtuturo sa mga Doktor ng Empatiya

Ang ilang ospital at mga paaralan sa panggagamot sa Estados Unidos ay nagpapatupad ng pambihirang mga programa upang sanayin ang mga doktor na maging higit na maunawain. Isang ospital sa New York City ay umuupa ng mga aktor upang gumanap sa bahagi ng mga pasyente. Samantalang nakikinig ang isang sinasanay na doktor sa kanilang mga reklamo, siya ay itineteyp sa video at sa dakong huli ay pinanonood niya ang kaniyang ginawa. “Sila’y natututong maging mapagpakumbaba at nagulat sila sa nakikita nila sa mga tape,” sabi ng patnugot ng ospital na si Dr. Mark Swartz sa The New York Times. “Anila, ‘Ganiyan ba lagi ang hitsura ng aking mukha?’ ‘Ako ba’y talagang ganiyang kalupit?’ ” Pinapapasok naman ng isang ospital ang mga doktor bilang mga pasyente upang makita kung ano ang pakiramdam na siya naman ang ginagamot. Isa pang ospital ang nagtuturo sa mga manggagamot na magkaroon ng makataong damdamin sa mga may edad sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapapurol sa pandamdam ng mga manggagamot sa pamamagitan ng malabong mga contact lens, mga earplug, at mga guwantes na goma. Ang mga tinuturuan ay kailangang gumamit din ng mga balangkat upang panigasin ang kanilang mga kasu-kasuan at nilalagyan ng matitigas na gisantes ang kanilang mga sapatos upang magkunwang mga lipak at kalyo. Pagkatapos kailangan nilang isagawa ang “simpleng” mga atas, gaya ng pagsagot sa pormularyo sa seguro at pag-aalis ng mga takip sa mga bote ng bata. “Sa kasunod na yugto ng talakayan,” ulat ng Times, “ang mga manggagamot ay kalimitang nagpapahayag ng pagkahiya sa pagkayamot na kanilang nadama noon sa ilang matatandang pasyente.”

Umuunti ang Iglesya sa Ireland

Sang-ayon sa bilang na inilathala sa Irish Times, ang bilang ng mga tao sa Republika ng Ireland na pumapasok sa relihiyosong bokasyon ay mabilis na umuunti. Noong 1970, 750 ang pumasok sa relihiyosong mga panawagan sa Iglesya Katolika. Noong 1989 ang bilang na iyan ay bumaba sa 322, na kumakatawan sa 57-porsiyentong pagbaba. Sa pagitan ng 1977 at 1989, ang bilang ng kalalakihan na naging mga paring paroko ay bumaba mula 206 hanggang 139; ang bilang ng bagong mga pasok sa pagpapari at sa relihiyosong mga orden ay bumaba mula 261 tungo sa 99; ang bilang ng bagong mga monghe ay umunti mula 98 tungo sa 9.

Putulin ang Sungay, Iligtas ang Rhino

Ang pamahalaan ng Zimbabwe ay bumaling sa pinakahuling paraan upang maingatan ang pag-unti ng bilang ng itim na rhino mula sa ilegal na mga mangangaso at mula sa malamang na pagkalipol nito. Yamang sungay lamang ang nais ng ilegal na mga mangangaso, isang beterinaryo at isang pangkat ng mga tanod-gubat ay gumagamit ng pampatulog sa rhino at pinuputulan ng sungay ang mga ito. Bagaman nababahala ang ilang biyologo na maaaring kailanganing gamitin ng mga hayop ang sungay sa ilang hindi pa alam na layunin, waring ang rhino ay may kakayahan namang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga anak kahit wala niyaon. Sa 3,000 itim na rhino na nalabi sa kabuuan ng Aprika, halos 1,000 ang nabubuhay sa Zimbabwe. Sa kasalukuyang bilang, ang ilegal na mga mangangaso sa bansang iyan ay nakapapatay ng mahigit sa sandaan ng nakatatakot na mga hayop na ito sa bawat taon.

Suliranin sa Iskuwater

Pangunahin nang dahil sa matinding tagtuyot, libu-libo sa Timog Aprika ay lumilisan sa kanilang mga tahanan sa lalawigan at humuhugos sa mga lunsod sa paghahanap ng mapapasukan. Dahil sa pagbagsak ng ekonomiya, ang tsansa na makatagpo ng mapapasukan sa mga lunsod ay hindi mabuti, sabihin pa. Ang mga panirahang iskuwater na binubuo ng pansamantalang mga barung-barong ay dumami. Ang mga may-ari ng bahay sa kalapit na residensiyal na mga lugar ay nagrereklamo sa pagbaba ng mga halaga ng ari-arian at biglang paglago ng pagnanakaw. Inaakala ng ilan na dapat maglaan ang pamahalaan ng mababang-halaga na pabahay para sa mga iskuwater. Subalit gaya ng sabi ng pahayagang Sowetan, ang gayong proyekto ay hindi magiging “mababang-halaga”​—o madali. Tinataya ng isang pangkat ng mananaliksik na may 7,000,000 katao ang naninirahan sa mga kampo ng iskuwater sa buong bansa.

Kape Bilang Droga?

Ang mga manlalaro ay maaari​—at kung minsan ay ginagawa nila—​na gumamit ng kape upang pasiglahin ang kanilang pagtatanghal, gaya ng paggamit nila ng droga, sabi ng isang propesor sa Brazil. Sang-ayon sa pahayagang O Estado de S. Paulo, si Luiz Oswaldo Rodrigues, propesor sa School of Physical Education ng Federal University ng Minas Gerais, ay nagsabi: “Wala akong alinlangan na ang mga manlalaro na aking napagmasdan sa aking pananaliksik ay nasa ilalim ng epekto ng droga​—bagaman sila’y gumagamit ng caffeine na mas kaunti kaysa itinuturing na ilegal.” Itinakda ng International Olympic Committee ang 750 miligramo ng caffeine bilang sukdulan, na halos 11 tasa ng matapang na kape. Sang-ayon sa doktor, napasulong ng mga mananakbo ng malayong-distansiya ang kanilang pagtakbo ng halos 20 porsiyento dahil sa caffeine sa kape.

“Katiwalian sa Sakristiya”

Ibinunyag kamakailan ni Rodolfo Reviglio, isang mataas ang posisyon na pari sa Turin, Italya, ang laganap na “katiwalian sa sakristiya.” Ang kaniyang pagbatikos ay iniulat ng pahayagang La Repubblica. Aniya: “Sa nakalipas na ilang buwan, waring may mga kaso ng mga pari na tumanggap ng mga regalo at mga pabor mula sa mga pulitiko at mga kandidato kapalit ng hayagan o patagong pangangampaniya alang-alang sa kanilang [mga pulitiko].” Binatikos ni Reviglio na ang gayong katiwalian ay hindi lamang sa mga panahon ng eleksiyon, iginigiit na karaniwan nang “nakaririnig ng bawal na pagnenegosyo sa pagitan ng mga pari at mga opisyal ng publiko sa pangangasiwa sa papeles, pag-aaplay sa mga permiso,” at iba pang gawain, na pawang itinulad ni Reviglio sa “mga paraan ng Mafia.”

‘Mga Balo ng Biglang-Kamatayan’

“Wala nang pamamaalam, wala nang panahon upang sabihing, ‘Iniibig kita,’ wala nang paghahanda o panahon upang matanto ang katotohanan ng kamatayan.” Ganito inilalarawan ng nabalong manunulat na si Jenny Cullen, sa magasing Femina ng Timog Aprika, ang epekto ng di-inaasahang kamatayan ng asawang lalaki. Ang gayong kamatayan ay maaaring magbunga ng mas matagal na yugto ng pagkasindak kaysa naranasan ng mga babae na ang mga asawa ay namatay pagkatapos ng matagal na pagkakasakit. “Sa loob ng mga buwan ang balo ng biglang-kamatayan ay maaaring hindi man lamang makapaniwala sa nangyari sa kaniya,” sabi ni Cullen, isinususog pa na mahigit sa santaon ang maaaring lumipas bago niya lubos na mapagwari ang kaniyang kawalan​—isang katotohanan na kalimitang pinagwawalang-bahala ng mga kaibigan at mga kamag-anak. Mangyari pa, gaya ng ipinakikita ni Cullen, “ang kamatayan ng asawang lalaki, kahit na inaasahan pa, ay isang pagkasindak.” Subalit mula sa kaniyang sariling karanasan, tinitiyak niya sa mga balo na bagaman hindi lubusang nawawala ang pagdadalamhati, “sa dakong huli ang matinding kirot ng pagkamatay ay unti-unting maiibsan at sa wakas ay maglalaho.”

Isang Mapanganib na Negosyo

Ang Red Cross Society sa Hapón ay gumagawa ng matinding pagsisikap na hadlangan ang mga tao mula sa pagbibigay ng dugo upang kanila lamang maipasuri ito para sa AIDS virus nang libre. Ang samahan kamakailan ay nag-utos sa mga center ng dugo na huwag ihayag ang mga resulta ng mga pagsusuri ng AIDS sa mga nagbibigay ng dugo. At sa isang anunsiyo sa pahayagang Asahi Shimbun, hiniling ng Red Cross sa mga nangangamba na maaaring sila’y nagtataglay ng virus na huwag nang magbigay ng dugo. Sinabi ng anunsiyo: “Walang paraan, maging sa pinakamakabagong mga paraan ng pagsusuri, upang salain ang nahawahang dugo sa pagitan ng mga yugto sa pagkahawa ng AIDS at pag-aanyo ng mga antibody.” Gayumpaman, “waring dumarami ang mga tao na ginagamit ang pagbibigay ng dugo bilang libre at madaling paraan ng pagsusuri sa AIDS,” ulat ng pahayagang Yomiuri Shimbun. Noong nakaraang taon, ipinakilala ng paraang ito ang 29 na nagbigay ng dugo na may AIDS.