“Sagot sa Aking Panalangin”
“Sagot sa Aking Panalangin”
Tugon ng mga Mambabasa sa Serye ng Alkoholismo
ITO ang kapayahagan na aming narinig buhat sa mga mambabasa mula sa buong daigdig: “Sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin.” Sa gayon, tinukoy ng mga mambabasa ang serye ng mga artikulo na lumitaw sa aming Mayo 22, 1992, na labas na pinamagatang “Tulong Para sa mga Alkoholiko at sa Kanilang mga Pamilya.”
Ipinakita ng salig-Bibliyang mga artikulong ito kung paano maaaring lupigin ng alkoholismo ang buong pamilya. Ang mga mag-asawa at mga anak ay kalimitang napapasama sa pagkakaila ng alkoholiko na siya’y talagang may problema sa pag-inom. Sila at ang iba pa ay maaaring gumamit ng di-mabisang mga pamamaraan sa pagsisikap na tulungang magbago ang alkoholiko—subalit maaari lamang magtagumpay sa pagpapamalagi ng kaniyang pagkasugapa. Sa gayon dapat na maunawaan ng mga miyembro ng pamilya ang katangian ng alkoholismo, at ang espesipikong mga mungkahi ay ibinigay upang tulungan sila na kalagin ang mapangwasak na kunyapit nito. Ang impormasyon ay itinuon din sa adultong mga anak ng mga alkoholiko upang matulungan silang makilala—at mapagaling—ang kanilang emosyonal na mga sugat. Kung gayon, hindi kataka-taka na ang mga artikulong ito ang nagpangyari ng nakaaantig-damdaming tugon mula sa aming mga mambabasa!
Isang babae ang sumulat: “Nang makita ko ang pabalat, ako’y kinilabutan. Nitong nakaraang isang taon at kalahati, ako’y labis na nagkasakit. Noong Disyembre, sinumpong ako ng nerbiyos at ng matinding panlulumo. Ako’y pinalaki ng isang alkoholikong ama subalit inakala kong isang kahangalan na gunitain pa ang lumipas. Nang matanggap ko ang inyong magasin, paulit-ulit ko itong binasa. Sa unang-unang pagkakataon, naunawaan ko ang aking sarili.”
Maraming mambabasa ang nagpahayag ng katulad na damdamin. Tinawag ng isang 16-na-taóng-gulang na may alkoholikong ama ang mga artikulo na pasimula ng kaniyang pagpapagaling. Wika pa ng isang mambabasa: “Ako’y nagbabasa na ng Gumising! simula pa noong 1969, at hindi kailanman nagkaroon ng gayon katinding epekto sa akin ang impormasyon. Pagkatapos ng maraming taon ng pagkadama na waring bigo, pakiramdam ko maging si Jehova ay aking binigo. Ano ba ang nangyayari sa akin? Ako’y napakasal sa katulad na uri ng kirot at kahihiyan na inakala ko’y limot ko na at nagpalaki ng limang anak sa isang alkoholikong kapaligiran. Hindi ko maibigay sa kanila ang emosyonal na katatagan na kailangan nila. Ang Mayo 22 ng Gumising! ang nagbukas ng daan para sa akin! Salamat kay Jehova sa pagtulong sa akin na maunawaan ang aking pagkukulang.”
Hindi kataka-taka, ang mga artikulo ay tumulong sa maraming mambabasa sa espirituwal na paraan. “Sa mahabang panahon, ako ay nagdusa dahil sa aking kakulangan na ikapit ang mga simulain ng Bibliya,” pagtatapat ng isang babae sa Hapón. “Ako’y nanalangin sa Diyos na tulungan akong magbago ng aking personalidad. Pagkalipas ng ilang araw, natanggap ko ang magasing ito. Itinuro nito sa akin ang mga dahilan ng aking paggawi at nagbigay ng tibay ng loob sa akin na sikaping ayusin ang mga bagay-bagay.”
Ang mga artikulo ay tumulong sa ibang mambabasa na pagtagumpayan ang mga hadlang ng pagkakaila. “Ako rin ay isang biktima ng isang alkoholikong ama,” sabi ng isang babaing taga-Canada. “Subalit pagkatapos ko lamang mabasa ang inyong artikulo saka ko naunawaan kung ano talaga ang aking suliranin. Ako’y lumaki na ikinakailang kailanma’y may problema sa bahay. Sa ngayon gumawa ako ng hakbang sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa maygulang na Kristiyanong kapatid na babae. Ako’y nabigla na marinig na ang kaniyang ama ay isang alkoholiko rin.”
Para sa iba, pinawi ng materyal ang pagkadama ng pag-iisa. “Nakagiginhawa para sa akin na mabasa ang mga artikulong ito,” sabi ng isang mambabasa, “sapagkat alam ko na ngayon na mayroon akong Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae na tulad ko ang nadarama at nakauunawa.”
Maraming mambabasa ang napaluha habang kanilang binabasa ang mga artikulo. “Pagkakita ko pa lamang sa titulo, napaiyak na ako,” sabi ng isang babae. “Ang aking ama ay isang alkoholiko, gayundin ang aking asawa. Hindi ko batid kung gaano kalaki ang ginampanang bahagi ng alkoholismo sa pagwasak ng aking pagkabata. Sinira nito ang aking pag-aasawa, at halos sirain din ako nito. Ako’y napapaiyak sapagkat nabigyan ng liwanag ang mga katanungan na taglay ko sa buong buhay ko, gaya ng, ‘Bakit lagi akong nakadarama ng kawalang-kabuluhan? Bakit takot na takot akong magtiwala? Ano ba itong kahungkagan na aking nadarama?’”
Nadama ng iba na sinagot ng mga artikulo ang ibang bumabagabag na mga katanungan. Isang kabataang lalaki mula sa Finland ang nagsabi: “Noon ay pinagtatakhan ko ang aking nadarama, yamang hindi ko magawang magtiwala sa tao o magpakita ng kasiglahan.” “Ang impormasyon ang siyang kailangan ko,” pagsang-ayon ng isang babae. “Ang mga kapuwa Kristiyano ay kalimitang pinupuri kami sa pagbibigay ng mabuting halimbawa bilang isang pamilya. Maging ang aming mga kapitbahay ay pumupuri sa amin. Subalit, sa kabila ng lahat ng tagumpay na ito, maraming beses na nadama ko, sa loob ko, may nadarama akong hindi tama. Kung minsan pinaglalabanan ko ang pagkadama ng pagkakasala at mababang pagpapahalaga-sa-sarili, subalit kailanma’y hindi ko maintindihan kung bakit. Ang mga artikulo ay tumulong sa akin na malasin ang maraming bagay sa mas timbang na paraan. Ang aking mga sugat ng damdamin ay nagsimulang gumaling.”
Ang adultong mga anak ng alkoholikong mga magulang ay kalimitang pinahihirapan ng pagkadama ng pagkakasala. Subalit, pansinin kung ano ang isinulat ng isang mambabasa buhat sa Hapón: “Pagka binubugbog ng aking lasing na ama ang aking ina, ako’y nagdaranas ng kaigtingan sa isip at panghihilakbot. Ako’y naaalibadbaran at napapaduwal pa nga! Kaniyang sasabihin, ‘Kung ititigil mo ang Bibliya, ihihinto ko ang pag-inom.’ Gayunman, itinuro ng artikulong ito na ipinapasa ng mga alkoholiko ang pananagutan ng kanilang pag-inom sa iba at na hindi tayo dapat madaya nito! Nadama ko na para bang napalaya ako.” Buhat sa Brazil isang mambabasa ang sumulat: “Pagka umiinom si itay, lagi niya kaming sinisisi. Maraming ulit na nadama kong kasalanan ko iyon. Ipinakita sa akin ng mga artikulo na hindi iyon kasalanan ng aking ina ni kasalanan ko man.”
Ang maibiging Kristiyanong matatanda ay maaaring maging mahalagang pinagmumulan ng tulong. (Isaias 32:2) Ang mga artikulo sa alkoholismo ay nilayon upang tulungan ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon na mabisang pakitunguhan ang gayong mga suliranin. (Isaias 50:4) Ganito ang gunita ng isang Kristiyanong babae: “Ako’y napakatagal nang umiinom ng mga antidepressant o pampasigla; nakiusap ang aking doktor na ako’y humingi na ng propesyonal na pagpapayo. Subalit asiwa akong ipakipag-usap sa isang estranghero ang aking mga suliranin. Ipinatawag ko ang matatanda, at sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila, kasama ng aking asawa, naihinga ko ang karamihan sa aking pangamba, galit, kabiguan, at damdamin na pagpapabaya.”
Kadalasan ang propesyonal na tulong ay kailangan upang lutasin ang mga suliraning likha ng alkoholismo. Yamang hindi nagrekomenda ang mga artikulo ng anumang partikular na uri ng terapi, maraming mambabasa ang naglahad ng kanilang personal na mga karanasan. “Ang aking asawa ay lumahok sa isang programa sa paggamot sa alkoholiko,” paglalahad ng isang babae. “Iyon ay pasimula lamang ng tatlong-taóng pakikipagpunyagi naming dalawa. Pinasimulan namin ang masidhing terapi linggu-linggo. Walang paraan upang kami’y makaalpas sa gayong emosyonal na kadiliman sa ganang sarili namin.” Isang babae sa Alemanya na nagtatrabaho sa isang klinika para sa mga sakit sa pagkasugapa ay nagsusog: “Maraming salamat sa pagtukoy na ang mga taong humaharap sa mga suliranin at humihingi ng tulong ang malalakas—hindi yaong mga pinipigil o minamaliit ang mga bagay-bagay. Maliwanag na inyong ipinakita na ang isang tao ay hindi napapahiya sa pamamagitan ng pagpapagamot.”
Bagaman nakalulugod na makita ang mabuting pagtugon na ito sa mga artikulo, batid naming lubos na ang pagpapagaling sa emosyonal na mga pilat ng alkoholismo ay matagal at kalimitang mahirap na proseso. Ang aming mga panalangin ay para sa mga, sa tulong ng Diyos na Jehova, nakikipagpunyagi sa malulubhang suliraning ito. Isang mambabasa ang nagsabi: “Ako’y lumaki na may alkoholikong ama. Bagaman maligaya akong naglilingkuran kay Jehova, ang emosyonal na mga pilat ay nahahalata pa rin. Sa tulong ni Jehova, malaki na ang ibinuti ko, subalit ako’y sumasang-ayon na ang ganap na paggaling ay sasapit lamang sa bagong sanlibutan ni Jehova.”—Isaias 65:17.