Ako Kaya’y Maging Gaya ng Kapatid Ko?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ako Kaya’y Maging Gaya ng Kapatid Ko?
“MAGIGING gaya ka ng iyong kapatid! Mag-ingat ka, kung hindi ay magiging gaya ka niya!”
Kung ikaw ay may kapatid na lalaki o babae na napariwara—na marahil ay pinalayas sa bahay ng iyong mga magulang, ibinilanggo, o itiniwalag mula sa kongregasyong Kristiyano—ang masasakit na salitang ito ay maaaring hindi bago sa iyong pandinig. Ang mga magulang, mga guro, nagmamalasakit na mga kamag-anak, at maging ilan sa iyong mga kasama ay maaaring ulit-ulitin ito sa iyo. Kung minsan madarama mo pa nga na iniiwasan ka ng ilang kaibigan.
Mangyari pa, ang pagkakaroon ng isang kapatid na tumahak sa maling landas ay isang mapait na karanasan sa ganang sarili. Isang batang babae na nagngangalang Carol, na ang kuya ay itiniwalag (inalis) mula sa kongregasyong Kristiyano, ay may ganitong gunita: “Mas malapit ako sa aking kuya kaysa kaninuman. Nang siya’y huminto sa pagiging Kristiyano, labis akong naapektuhan nito.” a Si Becky, na 15 taóng gulang nang matiwalag ang kaniyang ate, ay ganito rin ang gunita: “Natatandaan ko pa ang araw na kaniyang sabihin sa akin na siya’y itiniwalag. Matindi ang kirot na aking nadama at talagang ako’y nasaktan. Parang ako’y nalinlang. Paano niya nagawa ito sa amin?”
Napakasakit ding mawala ang malayang pakikipag-usap na kinagiliwan ng isa sa isang nakatatandang kapatid. Ang panangis ni Becky: “Napakalapit namin. Nasasabik ako sa pakikipag-usap sa kaniya at sa paggawa na kasama siya.” Karagdagan pa sa pagkapariwarang iyon ay ang pagkasiphayong makita ang kabiguan ng isa na tinitingala mo bilang iyong halimbawa. Isang kabataang nagngangalang Marvin ay nagsabi hinggil sa kaniyang kuya: “Hinahangaan namin siya. Subalit ngayon ay hindi na namin siya kasama.”
Kaya naman, ang pinakamasaklap na bahagi nito ay maaaring ang namamalaging pangamba na baka ikaw ay maging gayon din.
Sumunod sa Lider?
Sa isang surbey, 64.9 porsiyento ng mga kabataan ay umamin na sila ay matinding naimpluwensiyahan ng isang nakatatandang kapatid. Isang babae ang nagsabi: “Ang aking kuya . . . ay labis na maimpluwensiya sa aking buhay. Lagi siyang nagpapakita ng pantanging interes sa akin. Ipinapasyal niya ako na kasama ang kaniyang mga kaibigan, tinuruan akong magsulat, isinisintas ang aking sapatos, at laging naroroon kung ako’y may bahagyang problema.”—Adolescents and Youth, ni Dorothy Rogers.
Kaya pagka ang iginagalang na kapatid ay biglang nagrebelde, “ang mga tin-edyer ay waring nagwawala,” ayon sa manunulat na si Joy P. Gage. Kaniyang isinalaysay ang kuwento ng isang babaing nagngangalang Linda na humahanga sa kaniyang kuya. Nang biglang iwan ng kaniyang kuya ang asawa nito, ang pinakamamahal na modelo ni Linda ay “naglaho.” Wika ni Joy Gage: “Ang kapatid na ito na inakala niyang dapat tularan ay hindi na karapat-dapat tularan.” Bilang resulta, “si Linda
ay galit. Siya ay takot na takot pa nga.” Si Linda ay nagpasimulang sumubok na uminom.—When Parents Cry.Ang gayong labis na reaksiyon ay karaniwan. Sa katunayan, ang aklat na How to Survive Your Child’s Rebellious Teens, ni Myron Brenton, ay nagsabi na “sa mas mababa o mataas na antas, ang ibang anak sa pamilya ay laging apektado ng mapaghimagsik na paggawi ng kapatid.” Ipinaliwanag ni Brenton na kung minsan ang nalalabing mga kabataan sa pamilya ay “nakadarama na sila’y pinagbabantaan. May pangamba na kanilang iniisip: ‘Mangyari kaya ito sa akin? Ako kaya ay magloko ng ganito? Mayroon din ba ako ng ganiyang uri ng kalokohan?’”
Piliin ang Naiibang Landas
Kung gayon, anuman ba rito ay nangangahulugan na ikaw ay nakataan na sumunod sa masamang halimbawa ng iyong kapatid? Hindi naman. Ikaw ay may kapangyarihan na pumili para sa iyong sarili kung anong landasin ang iyong tatahakin. (Ihambing ang Josue 24:15.) Maraming kabataang may-takot sa Diyos noong panahon ng Bibliya ay gumawa ng ganiyan.
Halimbawa, isaalang-alang ang kabataang si Jacob. Ang kaniyang kakambal, si Esau, ay isa na “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na banal.” (Hebreo 12:16) Gayumpaman, si Jacob ay naging lalaking walang kapintasan na may pananampalataya. (Genesis 25:27; Hebreo 11:21) Sina Eleazar at Ithamar, ang dalawang nakababatang anak na lalaki ni Aaron, ay nanatiling tapat sa paglilingkuran kay Jehova nang ang kanilang dalawang nakatatandang mga kapatid na lalaki, sina Nadab at Abihu, ay pinuksa ni Jehova. Ang nakatatandang mga kapatid na lalaking ito ay maliwanag na pinatay sapagkat kanilang nilabag ang kanilang makasaserdoteng mga pananagutan samantalang nasa ilalim ng impluwensiya ng alkohol. Subalit si Eleazar ni si Ithamar man ay hindi tumulad sa kanilang mga kapatid, at kapuwa ay nasiyahan sa mga pribilehiyo bilang mga saserdote ng Diyos na Jehova.—Levitico 10:1-11.
Maaari mo ring piliin ang isang maka-Diyos na landasin ng paggawi at iwasang magbigay ng sama ng loob sa iyong sarili at sa iyong mga magulang.
‘Iniiwasan Nila Ako’
Gayunman, si Carol ay nagrereklamo: “Inaabangan ako ng lahat na makagawa ng pagkakamali. Ang ilang magulang ay nag-iisip pa man din na ako’y magiging masamang impluwensiya sa kanilang mga anak.” Marahil kung minsan nakadarama ka ng ganiyan sa iyong sarili. Subalit ang waring walang awang panunuri ay kalimitang lumalabas na pagmamalasakit. Gayunman, habang kanilang nakikita na ikaw ay patuloy na nagpapanatiling may mabuting asal, ang kanilang mga pag-aalala ay kadalasang naiibsan.—Ihambing ang 1 Pedro 2:12.
Kung gayon, bakit ang ilang kaibigan ay biglang naging malayo? Marahil ito ay, hindi naman dahil sa sila’y hindi nagtitiwala sa iyo, kundi dahil sa hindi nila alam kung ano ang sasabihin. Maaaring sila’y naiilang na lumapit sa iyo, batid na ikaw at ang iyong pamilya ay nakaranas ng labis na sakit
ng damdamin; maaaring sila’y nangangambang makapagsalita nang mali. Bakit hindi gawin ang magagawa mo upang alisin ang pagkaasiwa sa pamamagitan ng pagpapasimula ng pakikipag-usap? Sikapin na maging mahinahon at magiliw kung ang iba ay nagtatanong nang nakasasakit, gaya ng, “Ano ang nangyari sa iyong kapatid?”Totoo, ang ilan ay waring lalayo sa iyo. At pagka pinakitunguhan ka ng mga tao na para bang isa kang masamang tao, nakatutuksong makadama na mabuti pang totohanin iyon at gumawa ng masasamang bagay. Gayunman, laging tandaan ang mga salita sa Galacia 6:9: “Kaya’t huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.”
Kalimitan, ang unang yugto ng pagkaasiwa ay madaling lilipas. Sabi ng kabataang si Becky: “Nang maglaon ang mga tao ay nakitungo na sa akin na gaya ng dati.” Isinusog pa niya: “Ang bagay na hindi ako nilayuan ng lahat ng aking mga kaibigan ay naging isang malaking tulong. Sila’y handang tumulong sa akin.” Ang karamihan sa iyong kapuwa mga Kristiyano ay tutulong din sa iyo. Malaki ang kanilang magagawa na tulungan kang “patuloy na lumakad sa matuwid na landas.”—Hebreo 12:13.
Ipakipag-usap Ito
Totoo, kung minsan makadarama ka ng gaya ng kabataang lalaking nagngangalang Fred na ang kapatid na lalaki ay natiwalag. “Ako’y naging mapag-isa,” kaniyang pagtatapat. “Subalit nabatid ko na hindi ito nakatulong sa akin o sa aking mga magulang na magkimkim ng damdamin.” Oo, iwasan na ibukod ang iyong sarili, lalo na mula sa iyong mga magulang. (Kawikaan 18:1) Si Marvin ay nagbibigay ng mabuting payo nang kaniyang sabihin: “Ipakipag-usap ito sa iba. Kailangan mong gawin ito!”
Halimbawa, may ilan ba sa inyong kongregasyon na waring malamig ang pakikitungo sa iyo? Ang iyong mga magulang ay makatutulong sa iyo kung ipaaalam mo sa kanila ang suliranin. O marahil ikaw ay nasisiphayo sapagkat ang iyong mga magulang ay nagtutuon ng lahat ng kanilang pansin sa iyong napariwarang kapatid at niwawalang-bahala ang iyong mga pangangailangan. Huwag kang magloko upang matawag ang kanilang pansin. Sa halip, makipag-usap sa kanila nang puso-sa-puso at ipaalam sa kanila ang iyong nadarama.
Noon ay sinasamantala ni Fred ang kaniyang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya upang gawin ito. “Kung ako’y may problema, ginagamit ko ang pagkakataong iyan upang ipakipag-usap ang mga bagay-bagay kina Itay at Inay.” Sa gayong pakikipag-usap ikaw ay maaaring matulungan na pahalagahan kung paano rin naging kalunus-lunos ang kalagayan para sa iyong mga magulang. At gayundin, mas mauunawaan nila ang iyong damdamin at marahil makapagsasaayos na ikaw ay bigyan ng higit na personal na atensiyon.
Mangyari pa, hindi lahat ng mga kabataan ay may mga magulang na may-takot sa Diyos. Kung gayon ang kalagayan, sikaping ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa isang maygulang na Kristiyano. (Kawikaan 17:17) Makatutulong din na manatiling abala sa espirituwal na mga gawain. “Kailangang ipakita mo na talagang ayaw mong maging masama,” sabi ni Marvin. “At pagka ikaw ay nananatiling masigasig at nagpapamalas na talagang nais mo ang katotohanan, ang iyong Kristiyanong mga kapatid ay malamang na handang sumuporta sa iyo.”
Sa anumang kalagayan, ikaw ay laging may suporta ng iyong makalangit na Ama. (Awit 27:10) “Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya,” sabi ng Awit 62:8. Siya ay magsisilbing isang tunay na moog para sa iyo. Talagang nauunawaan niya kung ano ka sa loob, maging ang iba man ay hindi nakauunawa o mali ang hatol sa iyo.—1 Samuel 16:7.
Maaari Kang Maging Iba
Isang kawikaan sa Bibliya ay nagsasabi: “Ang mabait na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Oo, pagka ikaw ay natutukso na sumunod sa iyong kapatid, bulay-bulayin ang bunga ng kaniyang masamang landas. Ang sabi ni Becky: “Ang pagkakita sa mga bunga ng ginawa ng aking kapatid na babae ay tumulong sa akin na iwasan ko mismo na mapasangkot sa gulo.”
Sina Fred, Marvin, at Becky—sinipi sa artikulong ito—ay naging iba sa kanilang mga kapatid na napariwara; bawat isa ay nagtaguyod ng karera sa ministeryong Kristiyano. Kumusta ka naman? Maaaring mahalin mo sa lahat ng panahon ang iyong kapatid. Subalit hindi mo kailangang mamuhay na tulad niya. Maaari kang gumawa ng iyong sariling mga pagpili. Ikaw ay maaaring maging iba.
[Talababa]
a Ang mga pangalan ay binago.
[Larawan sa pahina 21]
Hindi mo kailangang sumama sa pagrerebelde ng iyong kapatid