“Ang Panahon ng mga Pagtuklas”—Anong Kabayaran?
“Ang Panahon ng mga Pagtuklas”—Anong Kabayaran?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
“TINGNAN mo itong nakita ko!” sigaw ng paslit na batang babae, hawak-hawak ang isang magandang paruparo. Kahit ang mga may edad na ay nais ding magpasikat ng kanilang bagong mga tuklas.
At saan pa mas mainam na gawin iyan kundi sa isang pandaigdig na pagtatanghal o perya? Mula Abril 20 hanggang Oktubre 12, 1992, ang Seville, sa dakong timog ng Espanya, ang dakong pinagdausan ng huli at pinakamalaking pandaigdig na perya ng siglong ito, tinaguriang Expo ’92.
Ang tema ng Expo ’92 ay “Ang Panahon ng mga Pagtuklas,” kaya pinagsikapan ng mga kalahok na ilarawan ang kanilang naging papel sa mga pagtuklas ng sangkatauhan kapuwa noon at ngayon. Ang bisita ay binigyan ng pambihirang pagkakataon na tuklasin ang luto, ang alamat, ang arkitektura, at ang teknolohiya ng 111 bansa sa daigdig.
Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, isang madilim na panig ng pagtuklas ang lumitaw. Isang di-kanais-nais na kakambal na produkto ng maraming pagtuklas ay ang pagkawasak ng maselang kapaligiran ng lupa. Kung paanong maaaring mapinsala ng paslit na batang babae ang maselang mga pakpak ng isang paruparo, gayundin ang iresponsableng paggamit ng teknolohiya ay makagagawa ng di na maaayos na pinsala sa ating planeta.
Kaya, gaya ng ipinaliwanag ng Expo’92 Official Guide, ang tunguhin ay hindi lamang mag-alok ng “isang parangal sa kakayahan ng Sangkatauhan sa pagtuklas” kundi itaguyod din ang pandaigdig na pagkakaisa na
kailangan upang pangalagaan ang ating maselan na planeta.“Ang Daigdig sa Isang Pulo”
Ang Seville, ang lunsod na maybisita, ay yumaman noong ginintuang panahon ng pagtuklas. Si Christopher Columbus ay naglayag mula sa Seville sa kaniyang pangalawang malayong paglalakbay para tumuklas. Noong ika-16 na siglo, karamihan ng ginto at pilak mula sa Amerikas ay inilulan ng mga galeon ng mga Kastila patungo sa Seville. Ang baras ng ginto—ang pangunahing pangganyak para sa maraming sinaunang mga manggagalugad—ay idiniskarga sa Torre del Oro (Tore ng Ginto), isa sa kilalang palatandaan ng lunsod.
Gayunman, kamakailan lamang ay umagos papalabas ang salapi sa halip na papasok. Sa nakalipas na limang taon, sampung bilyong dolyar ang ginugol sa paghahanda sa pangunahing lunsod ng Andalusia para sa Expo ’92. Ano ang nagawa ng lahat ng salaping iyon?
Ang La Cartuja, isang mabuhanging pulo na likha ng Ilog Guadalquivir sa labas ng bayan ng Seville, ang kinatatayuan ng isang matandang monasteryo at isang giba-gibang pagawaan ng porselana. Ito ay binago at ginawang isang napakalaking temang parke, kumpleto sa mga lansangang nahahanayan-ng-puno, mga hardin, kanal, may bubong na mga daanan, at maningning na mga pabilyon, na pawang iniuugnay sa lunsod ng ilang magagandang tulay. Inilarawan ni Juan Carlos I, hari ng Espanya, ang bagong La Cartuja na “ang daigdig sa isang pulo, at isang pulo para sa daigdig.” Anong uri ng daigdig ang natuklasan ng mga bisita sa Expo ’92?
Waring binigyan-diin ng Expo ’92 ang kultura, luto, at libangan gayundin ang pagkadalubhasa sa teknolohiya. Ang manunulat na si César Alonso ay nagsabi: “Sa Expo’92, sumulong tayo mula sa paghanga sa Pag-unlad tungo sa di-basta pagtitiwala sa mga nagawa ng siyensiya at teknolohiya.” Bukod diyan, ang pagsali ng maraming maliliit na bansa ay nagbigay rin sa eksibisyon ng isang makatao sa halip na isang teknolohikal na aspekto.
Ang iba’t ibang pabilyon ay nagbigay ng pagkakataon sa mga hindi makadadalaw sa malalayong bansa na masilayan ang kagandahan, mamamayan, at kasaysayan ng mga bansang iyon. Nakipagpaligsahan ang madulang mga sayaw na pantribo ng New Zealand at Papua New Guinea sa masisiglang katutubong sayaw ng Russia, sevillanas ng mga Kastila, at magandang mga indayog ng Indonesia para sa pansin ng mga bisita. Nakaragdag ng ibayong kulay sa kapaligiran ang mga produksiyong operatiko, mga pagtatanghal ng kuwitis, at mga mang-aaliw sa mga lansangan.
Mga Pagtuklas Noon at Ngayon
Mamamalas ng bisita kung gaano kalaki ang ipinagbago ng daigdig sa nakalipas na limang siglo. Ipinakita ng isinauli-sa-dating kalagayan na monasteryo sa eksibisyon sa La Cartuja kung paano ang buhay noong 1492—hindi lamang sa Europa kundi gayundin sa Amerikas, sa Silangan, at sa daigdig ng Islam. Noong panahong iyon ang apat na rehiyong ito ay tulad ng malalaking pulo na pinaghiwa-hiwalay ng mga karagatan, disyerto, o ng kawalang-tiwala.
Higit sa lahat, nilayon ng Expo ’92 na mahalin ang kapaligiran. Sa kauna-unahang pagkakataon sa isang pandaigdig na pagtatanghal, binigyan-diin ang tungkol sa pangangalaga. Ipinaliwanag ng isang dokumentadong pelikula na tres-dimensiyonal kung paanong ang mga natuklasan kamakailan—gaya ng butas sa ozone layer—ay nagtampok sa mga gawang-taong banta sa ating planeta. Sinuri ng Pabilyong Pangkapaligiran ang suliranin ng pagbabalanse ng pag-unlad sa kabuhayan sa pangangalaga, at ang Pabilyon ng Kalikasan, na kinalalagyan ng isang maliit na modelo ng mayabong na kagubatan ng Amazon, ay nagdiin sa kahinaan ng napakahalagang pamanang ito.
Sa isa sa pangunahing mga proyektong panghalaman ng Europa, 30,000 punungkahoy at 300,000 palumpong ang itinanim sa Pulo ng La Cartuja. Ang tunguhin ay upang pagandahin ang lugar ng eksibisyon at ipatalastas ang mensahe na ang pagtuklas ay hindi dapat humantong sa pagkasira ng ating kapaligiran. Ang pula at dilaw na liryo sa tubig ay katabi ng masalimuot na mga satelayt na gamit sa komunikasyon, samantalang ang mga punong jacaranda naman ay namumulaklak sa ilalim ng di-maiiwasang monorail, at ikinubli naman ng malalawak na damuhan ang isang masalimuot na sistemang pangkomunikasyon na fiber optic.
Maraming pabilyon ay nagtatampok ng tradisyunal na arkitektura at kapansin-pansin, sa hugis o sa materyales na ginamit sa pagtatayo. Sinasabing ang Pabilyon ng Hapón ang pinakamalaking gusali sa daigdig na yari sa kahoy, samantalang ang Suiso ay nagtayo ng isang magandang tore na yari sa papel. Isang palasyong Arabe ang itinayo ng Morocco, at isang munting kastilyo naman ang sa United Arab Emirates. Ang harapan ng pabilyon ng New Zealand ay isang mabatong dalisdis na may talón at animo’y tunay na pulutong ng pumipiyak na ibong-dagat, samantalang napuputungan naman ng isang dambuhalang buntot ng paboreal ang pabilyon ng India na yari sa kahoy.
Laging suliranin ang pagpapanatiling malamig sa maalinsangang tag-araw sa Seville. Sinikap lunasan ng mga tagapagtatag ng Expo ang suliranin sa likas na paraan, ginagamit ang subok nang pamamaraan ng mga Moor na nanirahan sa Seville sa nakalipas na mga dantaon. Napakaraming bukal at artipisyal na ulap ng umaambong tubig kasama ng mga punungkahoy, palumpong, at may bubong na mga daanan upang gawing katamtaman ang init.
“Ang Pinakadakilang Tuklas ng Ating Panahon”
Bago tumulak si Columbus sa kaniyang unang paglalakbay, nanirahan siya sa matandang monasteryo sa La Cartuja. Inilunsad ng kaniyang paglalakbay ang panahon ng pagtuklas na siyang ipinagdiwang ng pagtatanghal. Ngunit sa kabila ng limang siglo ng pag-unlad sa maraming larangan, nakatingin ang sangkatauhan sa hinaharap na may tumitinding pagkabahala. Tinukoy ni Haring Juan Carlos I na ang “sama-samang hangarin at pag-asa sa mabuting bukas ay pangunahing nakasalalay sa pag-uusap ng mga bansa, sa pagkakaunawaan sa isa’t isa.”
Sa layuning iyan sinikap ng Expo ’92 na “ipaabot ang mensahe ng kapayapaan, mabuting pakikipagkapuwa at pagkakaisa sa lahat ng naninirahan sa ating . . . planetang Lupa”—isang mahirap na tunguhin dahil sa isang lubhang nababaha-bahaging daigdig. Tulad ng kinilala ng Official Guide, “tunay, nga, ang isang kaayusan ng bagong sanlibutan na nakasalig sa mga simulaing ito ay magiging ang pinakadakilang tuklas ng ating panahon.”
[Larawan sa pahina 17]
Ang kilalang ika-13 siglong Torre del Oro (Tore ng Ginto) sa Seville
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga liryo sa tubig ay katabi ng eksibit na satelayt na ginagamit sa komunikasyon
[Larawan sa pahina 18]
Ipinababanaag ng Pabilyon ng Morocco ang istilo ng isang palasyong Moro