Ang Unang Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia
Ang Unang Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia
ANG St. Petersburg, Russia, ay kilalang-kilala sa tinatawag ng mga residente roon na “maliliwanag na gabi”—isang yugto ng panahon na halos tatlong-linggo sa Hunyo kapag ang langit ay hindi kailanman dumidilim. Subalit ang Hunyo 26 hanggang 28 ng 1992 ay natatangi.
Noong mga araw na iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos ng isang kombensiyon na nakatawag-pansin, hindi sa literal na liwanag na lumalaganap sa lunsod ng St. Petersburg sa lahat ng panahon, kundi sa espirituwal na liwanag na ipinababanaag ng tunay na mga Kristiyano. Kaya ang tema para sa kombensiyon ay: “Mga Tagapagdala ng Liwanag.”
Ito ang unang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi sa dating Unyong Sobyet. May mga delegado buhat sa halos 30 bansa sa buong daigdig, kasali na ang Britaniya, Canada, Denmark, Finland, Alemanya, Italya, Hapón, Netherlands, Norway, Sweden, Switzerland, at Estados Unidos.
Karagdagan pa, halos 29,000 Saksi mula sa dating Unyong Sobyet ay naroroon. Ang ilan ay galing sa Estonia, Georgia, Latvia, Lithuania, Moldova, at Ukraine. Ang pagtitipon ay pambihira kung isasaalang-alang na ang Russia ay dumaranas ng mahirap ng mga pagbabago sa ekonomiya. Katangi-tangi ang pagkanaroroon ng mga delegadong Ruso na naglakbay ng mga 8,000 kilometro mula sa Vladivostok at sa iba pang dako sa silangang baybayin ng Russia.
Ang pinakamalaking banyagang delegasyon ay nanggaling sa kalapit na Finland, na may mahigit na 10,000 kinatawan. Ang istadyum ay hinati sa dalawang seksiyon—ang nagsasalita ng Ruso at nagsasalita ng Finnish, bawat isa’y may kani-kaniyang plataporma na doo’y ipinahayag ang programa.
Mga Paghahanda
Ang lugar ng kombensiyon ay ang 42-taóng-gulang na Kirov Stadium, na nasa isla ng Krestovsky, mga ilang kilometro lamang mula sa sentro ng St. Petersburg. Ito ay makapag-uupo ng halos 60,000 at ang ikalawang pinakamalaking istadyum sa dating Unyong Sobyet. Sa likuran nito ang tubig ng Ilog Neva na makikita kung saan ito ay nagtutungo sa Golpo ng Finland.
Gayunman, ang istadyum ay kinakailangang kumpunihin. Ang mga tubo ng alkantarilya ay nilinis, at karagdagang mga pasilidad ng palikuran ang itinayo. Mga 30 kilometro ng bai-baitang na dakong upuan ng istadyum ay kailangang pinturahan. Isa pa, ang mga palumpong sa palibot ng istadyum ay pinutol, at ang damo ay tinabas. Kumuha ng maraming linggo upang matapos ang gawaing ito.
Paglalakbay at Mga Tuluyan
Palibhasa’y 17,000 dayuhang mga delegado ang inanyayahan, ang mga kaayusan sa paglalakbay at mga tuluyan ay napatunayang isang pagkalaki-laking gawain. Ang mga awtoridad sa Russia ay totoong matulungin hindi lamang sa iba’t ibang konsulado kundi rin naman sa mga hangganan din naman at sa internasyonal na paliparan sa St. Petersburg.
Gumawa ng mga kaayusan sa 32 otel na tutuluyan ng karamihan ng 17,000 dayuhang mga delegado. Ang 29,000 delegado mula sa iba’t ibang panig ng dating Unyong Sobyet ay tumuloy sa 132 paaralan at mga sentro ng day-care. Ang mga delegado ay nangangailangan din ng transportasyon araw-araw patungo sa dako ng kombensiyon, at mga 390 bus ang inarkila para rito.
Maraming dayuhang delegado ang kumain sa kani-kanilang otel. Gayunman, ilang buwan pa bago ang kombensiyon, ang mga awtoridad sa St. Petersburg ay nagpahayag ng pagkabahala tungkol sa problema ng pagpapakain sa libu-libong delegado na darating mula sa iba’t ibang panig ng dating Unyong Sobyet. Sinabi nilang walang sapat na pagkain sa lunsod at na ang mga Saksi ay kailangang magdala ng pagkain mula sa ibang dako.
At iyan nga ang ginawa nila. Ang ilang sangay ng Samahang Watch Tower ay nag-abuloy ng maraming inilulang pagkain. Ang sangay lamang sa Finland ay nagbigay ng 200 tonelada ng pagkain para sa kombensiyon! Isa pa, karamihan ng mga dayuhang delegado ay nagdala ng maliliit na balutan ng de-latang karne, tuyong mga prutas at nuwes, tinapay, at iba pang pagkain. Noong huling araw ng kombensiyon, mga trak ng mga kahon ng pagkain ay ipinamahagi sa istadyum sa mga delegado mula sa dating Unyong Sobyet upang may pagkain sila sa kanilang biyahe pauwi.
Malawakang Kampanya sa Pag-aanunsiyo
Ang St. Petersburg ang ikalawang-pinakamalaking lunsod sa Russia, na may limang milyong mamamayan. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay pinayagang maglunsad ng isang malawakang kampanya sa pag-aanunsiyo.
Ang walang katulad na kampanyang ito ay
nagsimula mga ilang linggo bago ang kombensiyon. Halos isang milyong handbill ang inilimbag sa wikang Ruso at ipinamahagi. Sa harapan ng handbill ay isang paanyaya sa pahayag pangmadla sa Sabado ng hapon. Sa likod, inilalarawan ang programa sa Linggo. Karagdagan pa, halos 750,000 kopya ng pulyetong Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova? ay ipinamahagi sa mga residente ng St. Petersburg. Ipinabatid nito sa kanila ang mga turo ng mga Saksi.Karamihan ng mga delegado ay dumating sa St. Petersburg sa pagitan ng isa o apat na araw bago ang kombensiyon. Noong mga panahong iyon, libu-libong delegado ang nasa mga lansangan at namamahagi ng mga handbill at nag-aalok ng mga pulyeto at iba pang literatura sa wikang Ruso. Karagdagan pa, ilang malalaking paskil ang inihanda at inilagay sa kahabaan ng abalang mga lansangan sa kabayanan ng St. Petersburg. Ang mga ito ay halos tatlong metro ang taas at isa’t kalahating metro ang lapad, na may makulay na paanyaya sa pahayag pangmadla sa harap at sa likod. Ang ilan ay ikinabit doon mismo sa mga pasukan ng pinakaabalang mga istasyon ng subwey.
Ang Programa
Sa wakas, ang unang araw ng kombensiyon ay dumating, na may dumalo na mahigit na 45,000! Ang programa ay bahagyang binago sa kapakanan ng maraming delegado na hindi nagsasalita ng Ruso o Finnish. Halimbawa, ang ilang pahayag ay binigkas sa Ingles at isinalin sa Finnish at Ruso. Pitong miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang nagpahayag ng ilan sa mga pahayag na ito.
Sa bawat araw ng kombensiyon, may mga ulat at mga karanasan mula sa ibang bansa na nagtatampok kung paanong pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral sa mga bansang iyon. Ang mga ulat na ito, pati na ang maraming karanasan, ay binigkas din sa Ingles at isinalin sa Ruso at Finnish.
Ang pahayag pangmadla sa seksiyon ng Ruso ay may kinalaman sa isang tanong na lubhang nakababahala sa maraming Ruso ngayon. Ang pamagat ay “Talaga bang Nagmamalasakit sa Atin ang Diyos?” Pagkatapos ng pahayag ang mga delegado ay tuwang-tuwang tumanggap ng bagong brosyur na Talaga bang Nagmamalasakit sa Atin ang Diyos? sa wikang Ruso at Finnish.
Ang aklat awitan na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pulong ay wala pa sa wikang Ruso. Kaya, ang Samahang Watch Tower ay naghanda ng isang pantanging brosyur na naglalaman ng mga salita ng lahat ng mga awit na aawitin sa panahon ng kombensiyon. Kinuha ng mga delegadong Ruso ang kanilang personal na mga kopya pagpasok nila sa istadyum. Anong laking kagalakang makinig sa 46,000 katao mula sa 30 iba’t ibang bansa na umaawit ng mga papuri sa Diyos na Jehova sa kani-kanilang wika, pati na sa Ruso!
Sa loob ng mga dekada ang teoriya ng ebolusyon ay itinuro sa maraming bahagi ng daigdig, pati na sa mga teritoryo ng dating Unyong Sobyet. Ang mga Saksi ni Jehova sa mga bansang ito ay higit na nasasangkapan ngayon upang ilantad ang mga kamalian ng teoriyang ito at ipalaganap ang katotohanan tungkol sa Maylikha ng buhay. Tuwang-tuwa ang mga delegado nang matapos ang sesyon noong Linggo ng umaga nang ilabas ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? sa wikang Ruso! Isang regalong kopya ay ipinamahagi sa lahat.
Patiunang ipinaalam sa dayuhang mga delegado na marami sa mga Saksi sa Russia ay walang
mga Bibliya. Kaya libu-libong Bibliya sa wikang Ruso ang dinala bilang mga regalo. Ang mga Bibliya ay tinipon sa isang dako upang dalhin nang dakong huli sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at ipamahagi sa mga nangangailangan ng isang kopya.Sila’y Humanga!
Noong Sabado, sa buong umaga at maaga noong hapon, may patuloy na daloy ng mga bisitang hindi Saksi na nagtutungo sa istadyum. Sila ay nagtataka at nais nilang makita sa kanila mismong mga mata kung ano ang nagaganap. Marami ang humanga. Karamihan sa kanila ay hindi pa nakarinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova bago nila tanggapin ang isang paanyaya sa pahayag pangmadla. Ang ilan ay nakarinig tungkol sa kombensiyon sa pamamagitan ng balita sa telebisyon. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa kombensiyon ay 46,214.
Isang dalaga na kabilang sa Russian Orthodox Church ay nagkomento: “Hangang-hanga ako sa mga Saksi. Sila ay mapayapa, magalang, at marangal na mga tao.” Isa pang bisita ang nagsabi: “Sana’y magkaroon ng higit pang mga kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova rito sa St. Petersburg.” Isang nakatataas na sarhento ng pulisya sa Russia, o militia, na naatasang magtrabaho sa dako ng kombensiyon ay nagsabi na “nakatutuwang maatasan dito sa kombensiyon.”
Isang lokal na opisyal ay nagkomento na ‘ang mga Saksi ni Jehova ay itinuturing ng ilan bilang isang uri ng pailalim na sekta na nauupo sa kadiliman at pinagmamalupitan ang mga bata at ang
kanilang mga sarili. Subalit nakikita ko ang normal, nakangiting mga tao, mas mabuti pa nga sa maraming tao na nakikilala ko. Sila ay mapayapa, mahinahon, at mahal na mahal nila ang isa’t isa.’ Sabi pa niya: “Talagang hindi ko maunawaan kung bakit ang mga tao ay nagsasabi ng mga kasinungalingan tungkol sa inyo.”Noong Sabado ng hapon sinikap ng ilang mananalansang na guluhin ang kombensiyon. Sila’y nagdala ng malalaking baner na may maling mga paratang laban sa mga Saksi. Habang ang pulutong ng mga nagpoprotesta ay dumami at palakas nang palakas, ang pulisya ay tumawag ng karagdagang pulis upang pangalagaan ang mga delegado sa kombensiyon. Ang mga nagpoprotesta ay hindi nakarating sa mga pasukan sa harap. Sa kinahapunan, sila ay basta umalis, na bigo.
Isa sa mga delegado ng kombensiyon na nakakita kung ano ang naganap ay lalo nang humanga sa pakikipagtulungan ng militia. “Hindi ako makapaniwala sa aking nakita nang makita ko ang militia na gumagawa ng pantanging pagsisikap na pangalagaan tayo. Mga ilang taon lamang ang nakalipas, ang mga Saksi ni Jehova ay itinuturing na mga kaaway ng Estado. Ngunit ngayon tayo ay aktuwal na ipinagtatanggol ng militia!” Isang opisyal ng militia ang prangkong nagpahayag ng kaniyang damdamin nang sabihin niya sa maraming delegado: “Ayaw naming matakot kayo sa amin. Narito kami upang pangalagaan kayo at tiyakin na ang lahat ng bagay ay maayos.”
Ang lahat ng bagay ay naging maayos. Kahit na ang lagay ng panahon ay mabuti. Bawat araw ng kombensiyon, ang panahon ay tuyo, mainit, at napakaaliwalas.
Libu-libo ang Nabautismuhan
Para sa marami ang tampok ng kombensiyon ay ang bautismo ng libu-libo. Isang kongregasyon sa St. Petersburg, na may 254 mamamahayag, ay nag-ulat na 108 ang nabautismuhan! Mahirap sabihin ang pumupukaw na damdamin na naranasan ng mga delegado nang makita nilang tumayo ang 3,256 na mga kandidato sa bautismo. Ang tagapagsalita ay nagtanong ng dalawang katanungan tungkol sa kanilang pag-aalay kay Jehova, at sila’y tumugon ng isang dumadagundong na “da” (oo).
Pagkatapos ng panalangin, ang mga kandidatong babae ay inakay sa isang daan patungo sa dakong pagbibihisan para sa bautismo, at ang mga kandidatong lalaki ay sa iba namang daan patungo sa kanilang mga silid na bihisan. Habang daan-daan sa kanila ay umaalis sa arena, sila at ang mga tagapakinig ay nagbatian sa pamamagitan ng pagkaway ng kanilang mga kamay.
Marami sa mga tagapakinig ay naiyak sa galak. Ang iba ay walang tigil na pumalakpak sa loob ng mahigit na 45 minuto. Hindi mapigil ng isang delegadong taga-Finland ang kaniyang damdamin at siya’y umiyak. Sabi niya: “Noong 1943, ako’y kinalap sa hukbong Finnish laban sa mga Ruso. Ito’y isang kakila-kilabot na digmaan. At ngayon, sa kombensiyong ito, nakita ko ang libu-libong Ruso na nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova! Nang makita ko ang ilan sa kanila sa silyang de gulong at ang iba ay lumalakad nang papilay, naiyak ako. Tinanong ko ang aking sarili: ‘Sila kaya ay mga beterano rin ng digmaan? Sila kaya’y nasugatan ng mga sundalong taga-Finland?’ Marahil ay matutulungan ako ni Jehova ngayon na makatulong sa aking mga kapatid na Ruso.”
Pinahalagahan ba ng mga kapatid na nagsasalita-ng-Ruso ang mga paglalaan ni Jehova ng tatlong-araw na espirituwal na piging na ito na inihanda para sa kanila, ang kauna-unahang malaking kombensiyon na ito sa St. Petersburg? Nang binibigkas ng huling tagapagsalita ang kaniyang pahimakas na mga salita, sinabi niya: “Higit sa lahat pinasasalamatan natin ang Diyos na Jehova sa kahanga-hangang kombensiyon na ito.” Ang mga tagapakinig ay tumayo at masigabong pumalakpak nang mahigit na limang minuto. Ito ay isang masiglang pagpupuri kay Jehova!
Tunay na itinataguyod ng Diyos na Jehova, ang Pinagmumulan ng Liwanag, ang libu-libong tagapagdala ng liwanag sa mga bansang ito na dating bahagi ng Unyong Sobyet. Pagkaraan ng mahigit na 70 taon ng paghihigpit at pag-uusig, naging maliwanag ngayon na sa loob ng mahabang panahon tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako sa Isaias 60:22, na doo’y kaniyang sinasabi: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”
[Kahon sa pahina 27]
Iba Pang Kombensiyon
Lahat-lahat, anim na mga kombensiyon ang idinaos nitong nakaraang tag-araw sa buong nasasakupan ng dating Unyong Sobyet. Isang kabuuang bilang na 91,673 ang dumalo, at 8,562 ang nabautismuhan. Ito’y nangangahulugan na 9.3 porsiyento ng bilang ng dumalo ay nabautismuhan sa mga kombensiyong ito. Mangyari pa, ang persentaheng ito ay mas mataas pa sana kung wala ang 17,000 dayuhang mga delegado sa internasyonal na pagtitipon sa St. Petersburg.
Ganito ang sabi ng Visoki Zamok, inilathala sa Lviv (dating Lvov): “Ang kabaitan at kataimtiman ay tunay na namayani sa istadyum sa panahon ng tatlong araw na kombensiyon. Sa kabila ng maraming nagsidalo, ang dako ng kombensiyon ay malinis pa rin na gaya noong bago ang kombensiyon. Kapuri-puring kaayusan at kapayapaan ang masusumpungan sa lahat ng dako.”
Ngayon na tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ang kalayaan ng pagsamba sa Diyos nang hayagan sa dating Unyong Sobyet, marami roon ang nagkaroon ng pagkakataon na makita mismo kung ano ang katulad ng mga Saksi. Ang Krasnoyarskii Komsomolets, isang pahayagang Ruso, ay nagsabi: “Sila ay kaakit-akit, lubhang palakaibigan, at lubusang hindi makapulitikal na mga tao; hinihimok nila ang mga tao na maging masikap, hindi ang maghabol sa ‘madaling pera.’ ”
Mga Kombensiyon sa Dating Unyong Sobyet
PETSA LUNSOD PINAKAMATAAS NA BAUTISMO
BILANG NG DUMALO
Hunyo 26-28 St. Petersburg, 46,214 3,256
Russia
Hulyo 10-12 Lviv, Ukraine 15,011 1,326
Alma-Ata, 6,605 829
Kazakhstan
Hulyo 17-19 Kharkov, Ukraine 17,425 2,577
Hulyo 24-26 Irkutsk, Siberia 5,051 536
Tallinn, Estonia 1,367 38
KABUUAN 91,673 8,562
[Larawan sa pahina 24]
Inianunsiyo ng mga paskilan ang kombensiyon
[Mga larawan sa pahina 25]
Isang delegadong Ruso ay tumatanggap ng kaniyang sariling kopya ng Bibliya
Pantanging mga brosyur ng awit ay ginamit
[Mga larawan sa pahina 26]
Isang kahanga-hangang 3,256 ang nabautismuhan