Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Tinulungan ang mga Biktima ng Lindol

Kung Paano Tinulungan ang mga Biktima ng Lindol

Kung Paano Tinulungan ang mga Biktima ng Lindol

NOONG Mayo 23, 1992, ang Desert Sun ng Palm Springs, California, E.U.A., ay nag-ulat “kung ano ang maaaring gawin ng isang nakatatakot na pagyanig ng 7.5 na lindol sa Coachella Valley.” Sabi nito: “Ang pinsala ay maaaring maging kapaha-pahamak. Sa isang malubhang-kaso ng kasunod na mga pangyayari na inihanda para sa isang pag-aaral ng gobyerno, ang lindol ay:

● Sumawi ng 5,000 katao

● Puminsala sa iba pang 15,000

● Iniwang walang tirahan ang 50,000.”

Kataka-taka, noong Linggo, Hunyo 28​—pagkatapos lamang ng ilang linggo—​isang lindol na nagtatala ng 7.5 ang lakas sa Richter scale ang yumanig sa lugar na iyon! Ngunit ito ay nakasentro malapit sa maliliit na bayang disyerto ng Landers at Yucca Valley, mga 60 hanggang 100 kilometro mula sa malalaking bayan ng Coachella Valley. Walang lindol sa taóng iyon na mas malakas saanman sa daigdig. At sa California, isang estado na kilala sa mga lindol nito, tatlo lamang sa siglong ito ang naging mas malakas.

Ang hindi gaanong malalakas na lindol ay sumawi ng libu-libo. Sa Armenia, 55,000 ang namatay sa isang 6.8 na lindol noong 1988, at niwasak ng isang lakas na 6.2 ang kabisera ng Nicaragua, ang Managua, noong 1972, sumasawi ng mahigit na 5,000. Ang lindol sa California ay maraming ulit na mas malakas, yamang ang bawat bilang sa Richter scale ay kumakatawan ng isang lindol na sampung beses na kasinlakas ng isa sa susunod na mas mababang bilang. Kaya, ang isang lindol na 7.5 ay sampung beses na malakas kaysa isa na 6.5.

Anong mga sakuna at pinsala ang ginawa ng malakas na lindol sa California? Paano naapektuhan ang mga biktima, at paano sila tinulungan?

Isang Umaga ng Sindak

Noong Sabado ng gabi, Hunyo 27, ang dumadagundong na lupa ay nagpangyari sa ilang residente sa paligid ng Landers na matulog sa labas ng bahay. Ang mga lindol ay lubhang nakatakot sa pitong-taóng-gulang na si Kelsey Tharp at sa kaniyang apat-na-taóng-gulang na kapatid na lalaki anupat sila’y pinayagang matulog sa silid ng kanilang mga magulang. “Linggo, sa ganap na ika–4:58 n.u.,” sabi ng nanay nila, “isang tunog na parang isang tren ang umugong sa aming bahay. Tinamaan ako sa ulo ng aming nahuhulog na ilawan; ang asawa ko ay hinagis mula sa kama. Para bang ang aming bahay ay nasa loob ng isang pagkalaki-laking popcorn popper. Ang lahat ay tumatalbog.”

Si Roger Terfehr, na nakatira ilang kilometro ang layo, ay nagsabi: “Para bang isang dambuhalang halimaw ang nasa ilalim ng aming bahay at sinunggaban ang pundasyon, inuuga ito nang husto. Ang buong bahay ay lumalangitngit at umuugoy. Ang lahat ng bagay ay naglagapakan sa paligid namin! Ang pagyanig ay para bang walang katapusan, bagaman nang maglaon ay sinabi sa amin na ang malaking lindol ay tumagal lamang ng 32 segundo.”

Bago madaling-araw noong Linggo ng umagang iyon, si Terry Bogart ay nagmamaneho ng kaniyang trak sa daan upang tumulong sa gawaing pagtatayo sa isang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova. “Sa simula akala ko ay may diperensiya ang trak ko. Nang ako’y tumigil, ang trak ay talagang tumatalbog. Ang mga kawad ng kuryente ay umuugoy, at sumabog ang mga transpormer.

“Talos ko na kailangan kong bumalik sa aking asawa at mga anak na babae. Sa Highway 247, nadaanan ko ang mga lugar kung saan ang daan ay napilipit ng mga ilang metro. Nang ako’y huminto upang magdingas ng apoy, isang babae na kasama ang kaniyang sanggol ay dumating. Tinanong niya ang tungkol sa kalagayan ng daan sa unahan. Nakapambahay na damit lamang, wari bang siya’y nasindak. Iminungkahi ko na sumunod siya sa kotse ko pauwi ng bahay kung saan siya’y binigyan ng aking asawa ng ilang damit at ng gatas para sa kaniyang sanggol.”

Si Fritz Grainer, isang tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Ang lahat ay nasa labas ng bahay nang humampas ang ikalawang lindol, halos mga tatlong oras lamang pagkaraan ng unang lindol. Ito ay nakasentro malapit sa Big Bear, mahigit na 50 kilometro sa kanluran. Ang ilan sa amin ay nasa bahay ng mga Bogart noon. Ang lupa ay kumilos na parang mga alon sa ilalim ng aming mga paa. Nang dakong huli ang epekto ay pabirong binansagang land surfing.” Ang lindol na iyon ay sumukat ng 6.6.

Nang sandaling iyon, sina Warren at Ernestine Stoker, mga residente ng Yucca Valley, ay nasa St. Petersburg, Russia, na doon ay pagabi na. Kababalik lamang nila sa kanilang otel pagkatapos daluhan ang pangwakas na mga sesyon ng kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova nang malaman nila ang tungkol sa lindol. Agad nilang binuksan ang TV at nakita nila ang mga larawan ng pagkawasak na nangyari halos isang kilometro mula sa gusali ng opisina na kanilang pinapasukan sa Yucca Valley.

“Samantalang pinanonood namin ang balita sa telebisyon,” sabi ni Ernestine, “humampas ang lindol na Big Bear. Tinanong ng reporter ang isa na hindi nakikita sa kamera, ‘Magtatago na ba ako sa mesa ko? Maaari ba akong sumige at ipagpatuloy ang ulat tungkol sa [Landers/Yucca Valley] na lindol?’” Maliwanag, ang mag-asawa ay nababalisa tungkol sa kalagayan ng kanilang pamilya at mga kaibigan at tungkol sa kanilang ari-arian doon.

Hindi ang Pinakamalubhang-Kaso na Kalagayan

Halos isang libo at anim na raang kilometro ang layo​—sa Denver, Colorado, at Boise, Idaho—​ang pagkilos ng tubig sa mga palanguyan ay iniulat. Mahigit na kalahating milyong tao ang naapektuhan ng isang blackout. Gumuho ang mga gusali, nagbagsakan ang mga tsiminea, ang mga haywey ay hindi madaanan dahil sa mga pagguho ng lupa, at bumuka ang lupa. Ang palanguyan ng isang pamilya ay nilamon ng lupa. Para itong isang hukay na binagsakan ng bomba.

Gayunman, kapuna-puna, isang tao lamang ang nasawi sa mga paglindol, isang tres-anyos na batang lalaki na tinamaan ng mga labí mula sa gumuguhong apuyan sa isang bahay sa Yucca Valley. Subalit mahigit na 400 ang nasugatan, at ang pinsala sa ari-arian ay halos $100 milyon. Isang kabuuang bilang na 6,321 bahay ang napinsala, pati na ang 595 na nasira at 2,119 na nagkaroon ng malaking pinsala. Sa Kongregasyon ng Landers ng mga Saksi ni Jehova, ang tahanan ng sampung pamilya ay lubhang nasira anupat hindi na nila ito matirhan. Ang ilan ay may mga travel trailer na malilipatan, at ang iba ay inanyayahan na tumira sa kapuwa mga Saksi.

Ano ang dahilan ng kamangha-manghang kaunting kamatayan? “Ang pangunahing bagay,” sabi ni John Hall, isang inhinyero sa California Institute of Technology, “ay na ito ay nangyari sa isang liblib na lugar.” At ang sismologo ng Caltech na si Egill Hauksson ay nagsabi: “Kung iisipin mo ito, ang mga lindol ay hindi pumapatay ng mga tao. Ang mga gusali ang pumapatay ng mga tao. At iilan lamang ang malalaki, matataas na mga gusali roon.”

Ang isa pang mahalagang dahilan ay na ang mga bahay sa dakong iyon ay yari sa balangkas na kahoy. Ito ay kumikilos at sumusunod sa isang lindol at hindi madaling bumagsak, na gaya ng ibang gusali na bumabagsak kahit na sa hindi gaanong malakas na mga paglindol. At, ang mga kodigo sa pagtatayo sa California ay mahigpit, humihiling, halimbawa, na ang mga tahanan ay dapat na nakaturnilyo sa kanilang mga pundasyon.

Gayumpaman, iniwan ng lindol ang daan-daan na walang tirahan at libu-libo na walang tubig. Pagkaraan halos ng isang linggo, hanggang 10,000 katao ang wala pa ring tubig sa bahay. Ano ang ginawa upang tulungan ang mga biktima?

Kung Ano ang Ginawa ng mga Saksi ni Jehova

Karaka-raka, habang lumiliwanag, tinitingnan ng mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova ang kalagayan ng iba. Sa loob ng isang oras ang lahat sa kongregasyon ay naisaalang-alang. Isa man ay walang malubhang nasugatan. Ang dalawang Kingdom Hall sa lugar na iyon ay napinsala ngunit mahusay pa ang gusali.

Noong bandang kalagitnaan ng umaga, ang mga kapatid ay nagsaayos na magdala ng isinaboteng maiinom na tubig. Ang natitirang bahagi ng araw ay ginugol ng mga kapatid sa paggawa ng mga pagkumpuni sa nasirang mga linya ng gas at sa pag-alam kung sinu-sino ang walang tirahan. Gayunman, kahit ang ilan na hindi naman nasira ang bahay ay natulog sa labas ng bahay noong mga gabi pagkatapos ng lindol.

Noong tanghali ng Lunes, 23,000 litrong tubig sa isang trak ng tubig ang naroon sa Kingdom Hall sa Landers, gayundin ang 3,800 litro ng isinaboteng maiinom na tubig. Ang natitirang oras ng araw na iyon ay ginugol sa paghahatid ng tubig sa mga nangangailangan. Natiyak na 47 bahay ng mga Saksi ang nasira​—32 sa Landers, 10 sa Yucca Valley, at 5 sa Joshua Tree. Noong linggong iyon, gumawa ng mga plano upang kumpunihin ang mga ito.

Sabado, Hulyo 4, ang petsang itinakda para sa gawain, at ang mga kongregasyon sa paligid ay pinatalastasan. Ang lokal na mga Saksi ay nagluto ng pagkain upang pakanin ang mga manggagawa. Ang pulisya ay pinatalastasan, yamang sarado pa ang mga daan. Kaya nang dumating ang Sabado, pinahintulutan ng mga pulis na dumaan ang mga Saksi sa mga daan na may harang.

Mahigit na 500 boluntaryo ang dumating sa mga Kingdom Hall sa Landers at Yucca Valley maaga noong Sabado ng umaga. Sila ay tumanggap ng mga atas na trabaho roon na kinabibilangan ng elektrikal na mga pagkumpuni, pagtutubero, paglilinis sa mga nasira, at ang paglalagay ng mga mobile home sa isang patag na posisyon sa mga pundasyon nito.

Kinabukasan ang unang pahina ng Sun ng San Bernardino ay nagsabi: “Sa palibot ng Landers, na may populasyon ng humigit-kumulang 4,000, ang mga Saksi ni Jehova ay nanguna sa pagtatayong-muli.” Nag-uulat tungkol sa isa sa mga proyektong pagkumpuni, sinabi ng pahayagan: “Ang gawain sa bahay sa University Boulevard ay parang walang-tigil-na-pagtatayo. Mabilis na inayos ng dalawang dosenang manggagawa ang mga dingding, nagtayo ng mga pintuan at naglagay ng bagong mga entrepanyo. Lahat ng ito ay ginawa para sa pamilya ng isang Saksi na iilan lamang sa mga boluntaryo ang nakakikilala. Hindi mahalaga iyan. Ang mga dingding ay naitayo at ang paglalagay ng mga entrepanyo ay nagpatuloy.”

Nang magbalik sa mga Kingdom Hall ang mga tripulante noong tanghali para mananghali, natiyak na ang karamihan ng gawain sa mga bahay ng mga Saksi ay natapos na. Kaya nakipag-ugnayan sila sa mga istasyon ng radyo na KCDZ at KROR, at gumawa sila ng mga patalastas na ang sinumang nangangailangan ng tulong ay maaaring tumawag, at kukumpunihin ng mga Saksi ni Jehova ang pinsala ng lindol nang walang bayad.

Marami ang humingi ng tulong. Isang lalaki ang nangailangan ng tulong upang ayusin ang kaniyang bodega at talaksan ng kahoy. Halos isang dosenang Saksi ang tumugon. Inilabas nila ang lahat mula sa bodega, nilinis ito, at maayos na pinalitan ang lahat. Gayon na lamang ang paghanga ng lalaki anupat pagkaraan ng dalawang araw sa isang programa sa radyo, pinuri niya ang mga Saksi sa kanilang pagtulong.

Isang mag-asawang Saksi, sina Jim at Debbie Venoble, ay nagsabi: “Sa isang sakuna, ang mga tao ay tutulong sa iyo sa simula, at pagkatapos ikaw ay agad na nalilimutan, subalit hindi gayon sa aming Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae. Tatlong linggo na ang nakakaraan, at sila ay nagpupunta pa rin upang alamin kung mayroon kaming kailangan. Natutuhan namin mula sa karanasang ito na ang materyal na mga bagay na nawala namin ay hindi gaanong mahalaga.”

Si Steve Porto ay nagsabi: “Marami kaming natutuhan mula sa lindol na ito at sa mga pangyayaring naganap pagkatapos nito. Ang pag-ibig na ipinakita ng aming mga kapuwa Saksi na tumulong sa amin ay katunayan na tayo ay talagang isang pambuong daigdig na kapatiran.”​—Juan 13:34, 35.

Maigting na mga Pagyanig Pagkatapos ng Lindol

Pagkalipas ng ilang linggo ang lupa sa lugar na iyon ay paulit-ulit at kung minsan ay malakas na yumanig. Sa loob ng tatlong linggo, mahigit na 5,000 pagyanig ang naramdaman; ang isa ay sumukat ng mahigit na 6 sa Richter scale, 11 ang sumukat sa pagitan ng 5.0 at 5.9, at mahigit na 80 ang sumukat ng di-kukulanging 4.0.

Isang 5.4 na pagyanig pagkatapos ng lindol noong Hulyo 8 ay iniulat na yumanig sa 50 bahay sa mga pundasyon nito. “Talagang napakaigting nito,” sabi ng manggagawa sa konstruksiyon na si Rick Erickson. “Hindi ka makatulog. Hindi mo alam kung babagsakan ka ng bahay o hindi.” Mga ilang araw pagkaraan ng malakas na lindol, si Billie Boston ay nagsabi: “Maaaring kailanma’y hindi na ako pumasok na muli ng bahay.” Totoo, isang buwan pagkatapos ng lindol, ang ilan ay nakatira pa rin sa mga tolda, takot na manatili sa loob ng bahay.

Kinikilala ng mga Kristiyano ang mga lindol bilang bahagi ng tanda na inihula ni Jesus na magiging palatandaan ng katapusan ng sistema ng mga bagay. Kaya kapag nakikita nila ang mga ito, pati na ang maraming iba pang kalamidad na inihula, ginagawa nila ang gaya ng itinagubilin ni Jesus: “Tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”​—Lucas 21:28.

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang punto nuwebe metro na pagtaas sa lupa ay nangyari sa ibaba lamang ng bahay sa isang burol sa Landers, California. Naangat at nabasag ng lakas ng lindol ang matibay na granito

[Larawan sa pahina 16]

Bahay na niyanig ng lindol mga tatlong kilometro mula sa sentro ng lindol sa Yucca Valley, California