Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makatuwiran ba ang Pag-aaginaldo?

Makatuwiran ba ang Pag-aaginaldo?

Makatuwiran ba ang Pag-aaginaldo?

KARAMIHAN ng paggasta sa Pasko ay ginagawa sapagkat ang pag-aaginaldo sa panahong iyon ang inaasahang bagay na dapat gawin. Kung ang isa ay hindi magbibigay, nalabag na niya ang isang malaon nang kaugalian. Subalit binabatikos ng ekonomistang si James S. Henry, sumusulat sa The New Republic, ang gayong “sapilitang pagbibigay” bilang pumapatay-ng-kagalakan at maaksaya.

“Ang pagbibigay ng regalong hindi angkop sa tatanggap nito ay isang kapahayagan ng pag-aaksayang ito,” paliwanag niya. “Sang-ayon sa mga department store sa New York, taun-taon halos 15 porsiyento ng lahat ng binibili kung Pasko ay isinasauli sa mga tindahan. Sabihin na nating ang maraming di-angkop na mga regalo ay pinananatili ng mga tumanggap . . . , hanggang sangkatlo ng mga binili ay maaaring hindi nakatutugon sa mga pangangailangan o kagustuhan ng mga tumatanggap nito.”

Tunay, makatuwiran bang mag-impok ng pera sa buong taon upang bumili ng mga regalo na maaaring hindi naman kailangan o gusto ng iba? At makatuwiran bang sikaping pahangain ang iba sa pamamagitan ng mamahaling mga regalo?

“Ang isang partikular na lubhang nakapipinsalang aspekto ng pamimili ng mga paninda kung Pasko ay ang ‘kahanga-hangang pagbibigay,’” sabi ni Henry. “Ang mamahaling mga regalo,” sabi niya, “ay idinisenyo nga para roon sa hindi nangangailangan ng anumang regalo (‘mga taong may lahat ng bagay’). Karamihan ng mamahaling mga regalong iyon na ibinibigay kung Pasko; ang huling tatlong buwan ng taon, sang-ayon sa isang paghahalimbawa ng mga department store sa New York, ay nagbibigay ng mahigit na kalahati ng benta sa isang taon ng mga brilyante, relos, at mamahaling kasuutang yari sa balahibo ng hayop.”

Gayunman, kahit na ang mamahaling regalo ay kadalasang hindi nakapagpapaligaya sa mga tumatanggap, lalo na kung ito ay ibinibigay upang pagtakpan ang isang magulong kaugnayan. Sang-ayon sa doktor na taga-Canada na si Richard Allon, “kung hindi maganda ang ugnayan ninyo sa isa’t isa sa buong taon, hindi ka magbibigay ng isang mamahaling regalo upang maayos ito. Babagabagin ka ng iyong konsensiya, at malamang na makonsensiya rin ang isang iyon.”

Nakalulungkot naman, milyun-milyon katao sa nagpapaunlad na mga bansa ang wala ng pinakamahahalagang pangangailangan sa buhay, gayunman yaong nasa industriyalisadong mga bansa ay kadalasang tila may lahat ng bagay maliban sa pagpapahalaga sa kanilang kasaganaan. Ang mga regalo kung Pasko ay tinatanggap na may pagwawalang bahala​—“anong gagawin ko rito?”—​o may pagkayamot​—“talaga namang ayaw ko nito”—​o maaari pa nga na may galit​—“ang regalong ibinigay ko ay doble ng halaga nito!” Hindi kataka-taka isang Alemang pangkat na nangangalaga-sa-bata ay naghinuha na kung Pasko napakarami ng ibinibigay at kadalasan nang ibinibigay na walang pagpapahalaga.

Isa pa, pinatitingkad ng Pasko ang mga kawalang-katarungan ng tao, na nagiging sanhi ng labis-labis na panggigipit at kalungkutan. Ang ilan ay walang sapat na pera upang ibili ng regalo, at sa Estados Unidos, ito ay maliwanag na humahantong sa higit pang mga panloloob sa Kapaskuhan kaysa anumang panahon sa isang taon. Ang ekonomistang si Henry ay nag-uulat: “Ang pulisya ay naghihinala na ang lahat ng krimeng ito laban sa pag-aari ay dahilan sa ang mga kriminal ay nauudyukan ng pangangailangan na bigyan ng regalo ang kani-kanilang pamilya.”

Marami ang sasang-ayon sa kolumnistang si Tom Harpur, na sumulat sa Sunday Star ng Toronto, Canada: “Sa ilalim ng lahat ng sapilitang pagsasaya, batid ko na ang Pasko ay higit at higit na nagiging isang panahon ng matinding pagkaasiwa, kawalang-kasiyahan, pagkadama ng pagkakasala at pagod sa angaw-angaw sa ating lipunan.”

‘Ngunit ang hirap ay sulit naman alang-alang sa mga bata,’ maaaring ikatuwiran ng isa. Gayunman, talaga bang kapaki-pakinabang sa mga bata ang pag-aaginaldo?

Kung Ano ang Ginagawa Nito sa mga Bata

“Bagaman ito ay dapat na maging isang ‘maligayang’ panahon ng taon,” sabi ng tagapayo sa paaralan na si Betty Poloway, “maraming batang hindi maligaya.” Bakit? Paano maaaring maging nakapipinsala sa mga bata ang pag-aaginaldo?

Si Susan James, ina ng tatlong bata, ay nag-ulat: “Minasdan ko ang aking mga anak na binubuksan ang kani-kanilang mga regalo, isa-isa. Pagdating sa huli, sila’y tumayo sa kaguluhang ito at humihingi ng higit pa! Hindi naman sila masasakim na bata gayunman ang lahat ng regalo, lahat ng patiunang pag-aanunsiyo at mga pangako, ay nangibabaw sa kanila anupat sila’y naging masakim.”

Inilarawan ni Karen Andersson, punò ng pediatric psychology sa isang ospital sa Connecticut, E.U.A., ang problema: “Nakakalipos ang manaog sa hagdan sa umaga ng Pasko at makita ang lahat ng mga regalong inilagay roon ng mga magulang noong nakalipas na gabi. Tuwang-tuwang binubuksan nila ang bawat laruan at wala silang pagkakataon na magtuon ng pansin sa alinmang bagay. Para sa isang bata na maaaring napakaaktibo o mapusok, o isa na madaling mataranta kahit na sa pinakamahinahong kalagayan, ang Pasko ay maaaring maging mapangwasak.”

“Ang mga regalo ay hindi na nagdudulot ng kaligayahan na gaya ng dati,” sabi ng isang pahayagang Aleman sa isang artikulo tungkol sa Pasko. Isang babae ang nanangis: “Dati-rati ang mga bata ay nasisiyahan sa pagtanggap ng isang magandang aklat, isang pares na guwantes, o iba pang maliliit na bagay. Subalit sinasabi sa akin ng aking mga apo ngayon: ‘Lola, sa taóng ito gusto ko ng isang computer!’”

Oo, ang pag-aaginaldo ay nagpapaunlad ng kasakiman at pagkamakasarili. “Kailangan lamang dalawin ng isa ang anumang [tindahan ng laruan] sa panahong ito ng taon,” sabi ng ekonomistang si Henry, “upang makita ang epekto ng di-karaniwang panggigipit ng panahong ito sa mga ugnayang anak-magulang: balisang mga ina na kinakaladkad ang mumunting mga anak na sugapa sa mga laruan na nagsisisipa at nagtititili mula sa pinakabagong mamahalin, masagwang mga bagay na ipinagbibili.”

Subalit may higit pang malubhang mga problemang nasasangkot sa pag-aaginaldo.

Mga Aginaldo at Katotohanan

Tanungin mo ang isang bata kung saan nanggaling ang kaniyang mga regalo, at malamang na ano ang kaniyang isasagot? Sang-ayon sa isang surbey ng New York Times, 87 porsiyento ng mga batang Amerikano sa pagitan ng edad na tatlo at sampu ay naniniwala kay Santa Klaus. Pinananatili ng maraming magulang ang paniwalang ito, na nagtatanong: “Anong gusto mong dalhin sa iyo ni Santa sa taóng ito?” Gayunman, ano ang mga resulta?

Inilalarawan ito ng karanasan ni Cynthia Keeler, iniulat sa Daily News ng New York. “Inay,” tanong ng kaniyang pitong-taóng-gulang na anak na lalaki, si Britton, “talaga bang may Santa Klaus?”

Si Cynthia ay hindi sumagot nang tuwiran, gaya ng maraming magulang kapag tinatanong ng tanong na iyan. “Ano sa palagay mo?” tanong niya.

Sinabi ni Britton na sinabi sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan na wala namang Santa Klaus, subalit hindi niya tiyak. Pagkatapos siya ay nagsimulang umiyak. “Kailangang malaman ko, Inay,” sabi niya sa pagitan ng mga pag-iyak.

“Kung hindi siya umiyak, malamang na hindi ko sinabi sa kaniya,” sabi ni Cynthia. “Ngunit ito ay isang bagay na para bang buhay at kamatayan para sa kaniya. Kailangan niya ng kasagutan. Sinabi ko sa kaniya na walang totoong Santa.”

Ang Daily News ay nag-ulat: “Umiiyak pa rin, hinarap ni Britton Keeler ang kaniyang ina ng paratang na pinangangambahan ng lahat ng magulang kapag natuklasan ang panlilinlang at si Santa Klaus ay malantad: ‘Bakit kayo nagsinungaling tungkol dito?’”

Ang mga resulta ng panlilinlang ng magulang ay kadalasang mapangwasak, gaya ng sabi ni Bruce Roscoe, propesor ng pag-aaral ng pamilya sa Central Michigan University, E.U.A.: “Nalalaman ng bata na si inay ay nagsinungaling at lahat ng iba pang bata ay tama.” Bunga nito, paliwanag ni Propesor Roscoe, kadalasang pinag-aalinlanganan ng bata ang iba pang bagay na sinabi sa kaniya ng kaniyang mga magulang.

Ganito ang idiniin ni Fred Koenig, propesor ng sosyal na sikolohiya sa Tulane University sa New Orleans, Louisiana, E.U.A.: “Kapag nalaman nila, talagang nasisira ang kredibilidad ng mga magulang.” Susog pa niya: “Nagiging kaduda-duda ang maraming bagay.” Maaaring isipin ng bata na “marahil ang lahat ng bagay tungkol sa relihiyon ay pawang kasinungalingan.”

Tunay, hindi mabuting panatilihin ang isang kasinungalingan sa pagsasabi sa mga bata na ang ilang makaalamat na mga tauhan ang nagbibigay ng mga regalo sa kanila. Gayunman, hindi ba nagbigay ng mga regalo ang mga dumalaw sa sanggol na si Jesus noong kaniyang kapanganakan? Kaya hindi ba sasang-ayunan niya ang pag-aaginaldo sa ngayon?

Isang Gawaing Kristiyano?

Sinasabi ng Bibliya na mga mago, o mga astrologo, ay nagdala ng mga regalo kay Jesus. Gayunman, ang pag-aaginaldo ay hindi galing sa kanilang halimbawa sapagkat sila ay hindi nagpalitan ng regalo sa isa’t isa. Higit na mahalaga, hindi nila ibinigay ang kanilang mga regalo noong kapanganakan ni Jesus kundi noong dakong huli. Ang kanilang mga kilos ay kasuwato ng sinaunang kaugaliang pagpaparangal sa mga pinuno. Pansinin na binabanggit ng ulat ng Bibliya na nang sila’y dumating si Jesus ay wala na sa sabsaban kundi nakatira sa isang bahay. Iyan ang dahilan kung bakit si Herodes, batay sa kung ano ang sinabi nila sa kaniya, ay nag-utos na patayin ang lahat ng batang lalaki na dalawang taóng gulang at pababa.​—Mateo 2:1-18.

Isaalang-alang din: Hindi ba kakatwa na noong ipinalalagay na kapanganakan ni Jesus, siya mismo ay walang anumang tinanggap? Maaari pa ngang siya ay hindi binigyan ng bahagya mang pagtingin! Tunay, saan ba nanggaling ang kaugalian ng pag-aaginaldo?

Sumusulat sa Independent ng Los Angeles, si Diane Bailey ay nagpaliwanag: “Ang pagpapalitan ng regalo ay noon pang panahon ng sinaunang Roma, kapag ang mga tao ay nagpapalitan ng mumunting alaalang mga regalo kung mga seremonya ng pagsamba sa araw at kung bagong taon.”

Sa ilalim ng paulong-balitang “Unwrapping Yule Traditions,” si Anita Sama ay sumulat ng isang kuwento sa Gannett News Service: “Bago pa man ang mga pagdiriwang Kristiyano, ang pagpapalitan ng regalo ay bahagi na ng mga selebrasyon kung taglamig. Ang mga Romano ay nagbibigayan ng mga sanga mula sa sagradong mga punungkahoy, pagkatapos ay lumipat sa mas masalimuot na mga bagay na sumasagisag sa mabubuting hangarin para sa darating na taon​—pilak, ginto, at mga regalong pagkain na pinatamis ng pulot-pukyutan.”

Ang totoo ay, ang Pasko ay isang selebrasyong pagano na sinunod ng Sangkakristiyanuhan. Ang Disyembre 25 ay, hindi ang petsa ng kapanganakan ni Jesu-Kristo, kundi isang petsa na nauugnay sa sinaunang mahalay na kapistahang pagano na iniwasan ng sinaunang mga Kristiyano.​—Tingnan ang kahon, “Ano ang Tunay na Pinagmulan ng Pasko?” sa susunod na mga pahina.

Kung si Jesu-Kristo ay nasa lupa ngayon, ano kaya ang madarama niya tungkol sa pag-aaginaldo?

Kung Paano Minamalas ni Jesus ang Pagbibigay

Tiyak na hindi hinahatulan ni Jesus ang pagbibigay. Sa kabaligtaran, laging handang ibigay ang kaniyang sarili nang walang pag-iimbot sa paglilingkod sa iba, tinuruan niya ang kaniyang mga alagad: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay.” At ipinakikita na ang pagbibigay ay magbubunga ng pagpapala sa mga nagbibigay mismo, kaniyang isinusog: “At kayo’y bibigyan ng mga tao.”​—Lucas 6:38.

Gayunman, hindi rito tinutukoy ni Jesus ang pagpapalitan ng mga regalo. Bagkus, binabanggit niya ang pansansinukob na katotohanan na ang walang-imbot na pagbibigay ay karaniwang ginagantihan. Totoo ito lalo na kung ang isa na nagbibigay ay may tamang motibo at iniibig ang iba “nang maningas mula sa puso.”​—1 Pedro 1:22.

Ang pag-ibig ay hindi humihiling ng kabayaran para sa mga paglilingkod, kaya iminungkahi ni Jesus: “Pagka nagkakawanggawa ka, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanan, upang ang iyong pagkakawanggawa ay malihim.” Angkop na hindi itinatawag ng nagbibigay ang pansin sa kaniyang sarili o sa kaniyang regalo, gayunman siya ay gagantihin. Ipinakita ito ni Jesus nang kaniyang sabihin pa: “Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gaganti sa iyo.” (Mateo 6:3, 4) Isa pa, gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang nagbibigay ay dapat na “magbigay ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.”​—2 Corinto 9:7.

Kaya ang pagbibigay na nakalulugod kay Kristo ay udyok ng pag-ibig, ginagawa nang hindi umaasa ng anumang ganti, at hindi ginagawa na mabigat sa loob o parang pinipilit. Anong laking pagkakaiba ang gayong pagbibigay sa maraming pagbibigay na ginagawa kung Pasko!

Kaya nga, ang pagbibigay na isang pinagmumulan ng kagalakan ay hindi depende sa kalendaryo o sa mga kaugalian. Wala rin itong kaugnayan sa kung gaano karaming pera ang ginugol ng isa sa isang regalo, kundi ang tungkol sa kaniyang pagkabukas-palad. Oo, iniligaw ng Pasko ang angaw-angaw sa pagbibigay ng maling mga bagay, kadalasan ay sa maling mga dahilan. Kung gayon, bakit hindi subukin ang isang bagay na mas mabuti kaysa pag-aaginaldo? Subukin ang uri ng pagbibigay na nagdadala ng mayamang mga pagpapala at tunay na kagalakan, na siyang paksa ng susunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

Ano ang Tunay na Pinagmulan ng Pasko?

TALOS ng mga taong may kabatiran na ang Disyembre 25 ay hindi ang araw ng kapanganakan ni Jesu-Kristo. Ang New Catholic Encyclopedia ay kumikilala: “Ang petsa ng kapanganakan ni Kristo ay hindi alam. Hindi sinasabi ng mga Ebanghelyo ang araw ni ang buwan.”

Isa pa, maraming patotoo na ang Pasko at ang mga kaugalian nito ay kinuha mula sa di-Kristiyanong mga pinagmulan. Sa katunayan, ang U.S. Catholic ay nagsabi: “Imposibleng ihiwalay ang Pasko sa paganong mga pinagmulan nito.”

Ang The Encyclopedia Americana ay nagpaliwanag: “Karamihan ng mga kaugaliang ngayo’y nauugnay sa Pasko ay hindi dating mga kaugalian sa Pasko kundi bagkus ay mga kaugalian bago ang panahong Kristiyano at di-Kristiyanong mga kaugalian na pinagtibay ng iglesyang Kristiyano. Ang Saturnalia, isang kapistahang Romano na ipinagdiriwang sa kalagitnaan ng Disyembre, ay naging huwaran para sa maraming kaugalian ng pagsasaya kung Pasko. Mula sa pagdiriwang na ito, halimbawa, ay hinango ang maluhong kapistahan, ang pag-aaginaldo, at pagsisindi ng mga kandila.”

Tungkol sa kaugalian ng pag-aaginaldo, ang babasahing History Today ay nagsasabi: “Ang pagbibigay ng regalo sa kapistahan sa kalagitnaan ng taglamig ay halos tiyak na nagsimula bilang isang makamahikong kaugalian kaysa isang sosyal na kaugalian lamang. Kabilang sa mga regalo sa Saturnalia ay mga manikang yari sa kandila, na ibinibigay sa mga bata. Tiyak, isa itong kaugalian na itinuturing na maganda noong panahong ang kaugaliang ito ay patunayan ng dokumento, subalit may nakatatakot na lumipas: inaakala maging ng mga kapanahon na ito marahil ay isang palatandaan ng paghahandog ng tao, ng mga bata, upang pagpalain ang paghahasik ng binhi.”

Itinampok ng isang artikulo sa The New York Times ng Disyembre 24, 1991, ang mga pinagmulan ng mga kaugalian sa Pasko, pati na ang pag-aaginaldo. Si Simon Schama, propesor ng kasaysayan sa Harvard University, ay sumulat: “Ang Pasko mismo ay hinango sa sinaunang mga kapistahan na nagdiriwang ng winter solstice . . . Noong ikatlong siglo, nang ang mga kulto sa araw na gaya ng relihiyon ni Mithras ng Persia ay makarating sa Roma, ang mga araw sa Disyembre ay itinalaga upang ipagdiwang ang muling pagsilang ng Sol Invictus: ang di-malulupig na araw. . . .

“Ang unang Iglesya sa Roma ay nagkaroon ng mahirap na pakikipaglaban sa dalawang iba pang mga kapistahang pagano, ang sanlinggo-haba na Saturnalia, na nagsimula noong Dis. 17, at ang Kalends, na sumasalubong sa Bagong Taon. Ang unang kapistahan ay isang panahon ng pinapayagang kaguluhan, kadalasa’y pinangangasiwaan ng isang panginoon ng kasayahan, hindi ni Santa Klaus kundi ng matabang si Saturn mismo, ang isa na walang-habas sa pagkain, pag-inom at iba pang uri ng kapilyuhan. Gayunman, sa panahon ng Kalends, kapag nagpapalit ang taon, na ritwal na nagpapalitan ng regalo, kadalasang nakatali sa mga sanga ng mga luntiang dahon na gumagayak sa mga tahanan sa panahon ng mga kapistahan.

“Ang saloobin ng unang iglesya tungkol sa lahat ng mahalay na pagkakasayahang ito ay masasabing malamig. Ang mga ama ng simbahan, lalo na ang nagpapahayag ng pagpuna na si Sn. Juan Crisostomo, ay mahigpit na inirekomenda na huwag makipagkompromiso sa mga gawang kasuklam-suklam ng mga pagano. . . . Yamang walang panlahat na pagsang-ayon tungkol sa eksaktong petsa ng kapanganakan ni Jesus . . . , waring makabubuting halinhan nito ang Saturnalia . . . Kaya ang muling pagsilang ng araw ay sa halip naging ang pagsilang ng Anak ng Diyos . . .

“Sa katulad na paraan, ang Kalends ay hinalinhan ng Pista ng Tatlong Hari, at ang pagpapalitan ng mga regalo at maliliit na bagay ng paganong mga Romano ay sa halip naging ang pagpipitagan ng tatlong hari sa bagong Hari ng Daigdig. Noong kalagitnaan ng ikaapat na siglo, ang pangunahing mga tampok ng kalendaryo sa Pasko ay permanenteng itinatag.”

Bagaman tinatanggap ng may kabatirang mga tao ang paganong pinagmulan ng Pasko at ng mga kaugalian nito, marami ang nangangatuwiran na hindi naman mahalaga ang gayong pinagmulan. Tumutugon sa artikulo ni Propesor Schama, maaga sa taóng ito isang retiradong rabbi ang sumulat ng isang liham sa editor ng Times: “Ang mga pinagmulan ng isang tatag na kaugalian ay walang kaugnayan sa halaga nito ngayon.” Tungkol sa Pasko at sa iba pang kahawig na mga selebrasyon, sabi niya: “Ang mga nagdiriwang nito ay nagbibigay rito ng isang bagong kahulugan na nagbibigay ng layunin sa kanila mismong mga buhay at nagpapasigla ng kanilang diwa sa malaking pagsasaya.”

Gayunman, pinasisigla ba ng mga pagdiriwang sa Pasko ang mga diwa sa malaking pagsasaya at nagbubunga ng mabuting bungang Kristiyano? Tapatan, gaya ng kinikilala, ang bunga ay karaniwang masama, hindi mabuti. Isa pa, ang mga Kristiyano ba ay dapat manghiram sa mga paganong relihiyosong mga pagdiriwang? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? . . . ‘ “Kaya nga magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag nang humipo ng maruming bagay.” ’ ”​—2 Corinto 6:14-17.

Alalahanin din, kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagsamba sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat: “Yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kaya nga, upang ang ating pagsamba ay maging kalugud-lugod sa Diyos, dapat na ito’y nakasalig sa katotohanan. Gayunman, ang Pasko ay itinataguyod bilang kapanganakan ni Jesu-Kristo bagaman hindi naman gayon. At kumusta naman ang ipinalalagay na makamahikong mga tagapagdala ng regalo sa Pasko, gaya ni Santa Klaus? Kapag ang mga bata ay pinapaniniwala na ang mga regalong tinanggap nila ay mula sa mga ito, hindi ba ito sa totoo ay pagdaraya sa mga bata?

Kung talagang mahal mo ang Diyos, susundin mo ang utos niya na huwag makibahagi sa kung ano ang marumi sa relihiyosong paraan. Mahal mo ba ang katotohanan upang iwasan ang isang kapistahan na nagtatampok ng mga kasinungalingan?

[Larawan sa pahina 7]

Makatuwiran bang linlangin ang mga bata sa pagsasabi sa kanila na si Santa Klaus ang nagdadala sa kanila ng mga regalo?