Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbibigay—Isang Pinagmumulan ng Kagalakan

Pagbibigay—Isang Pinagmumulan ng Kagalakan

Pagbibigay​—Isang Pinagmumulan ng Kagalakan

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Alemanya

SINO ang hindi nasisiyahang tumanggap ng isang magandang regalo? Anong nakapagpapasigla sa pusong malaman na may nagmamahal sa atin! Gayunman, nagbibigay-kasiyahan din naman ang kagalakan ng pagbibigay. Sa katunayan, sang-ayon kay Jesus, ang tagapagtatag ng Kristiyanismo, “lalong maligaya ang magbigay kaysa tumanggap.”​—Gawa 20:35.

Ang Bibliya ay nag-uulat ng maraming halimbawa ng pagbibigay, kung minsan ay labis-labis pa ngang pagbibigay. Nang maranasan mismo ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Haring Solomon, “siya’y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawampung talentong ginto at mga espisia na totoong sagana at mga mahalagang bato.” (1 Hari 10:10) Ang ginto lamang ay nagkakahalaga na ng mahigit na 46 na milyong dolyar sa halaga ngayon! At minsa’y ipinagkaloob ng Faraon ng Ehipto sa isa sa kaniyang mga anak na babae ang isang buong lunsod bilang isang regalo!​—1 Hari 9:16.

Subalit ang mga regalo ay hindi naman kailangang maging maluho upang maging isang pinagmumulan ng kagalakan. Maaaring natatandaan mo ang mabait na Samaritano sa ilustrasyon ni Jesus, na kusang tumulong sa isang kapuwa na nangangailangan. (Lucas 10:30-37) O ang kongregasyong Kristiyano sa Corinto na nagpadala ng “mabait na kaloob” sa kanilang mga kapatid na nangangailangan sa Jerusalem.​—1 Corinto 16:3.

Gayunman, marahil ang pinakakilalang halimbawa ng pagbibigay na binanggit sa Bibliya ay yaong tungkol sa mga astrologo​—karaniwang kilala bilang mga mago—​na nagdala ng mga regalo sa batang si Jesus. Ibinatay ng maraming tao ang kanilang kaugalian na pag-aaginaldo sa pangyayaring ito.​—Mateo 2:2-11.

Kumusta Naman ang Tungkol sa Pag-aaginaldo?

Walang alinlangan, marami ang taimtim na nasisiyahang masangkot sa tinatawag nilang diwa ng Pasko​—ang diwa ng pagbibigay. Ang ilan sa kanila ay nagpaplanong mainam nang patiuna, ipinagmamalaki ang pagkasumpong ng pambihirang mga regalo at ang paghahanap ng angkop na mga kard. Siyanga pala, ang huling banggit ay lumitaw sa kauna-unahang pagkakataon noong dekada ng 1840 sa Inglatera, bagaman kung sino ang talagang nagpakilala nito ay pinagtatalunan pa. Ngunit ito man ay isang regalo o isang kard, marami ang nakasusumpong ng tunay na kagalakan sa pagkatuklas ng natatanging bagay na iyon para sa isa na itinatangi.

Sa kabilang panig naman, hindi maikakaila na maraming nag-aaginaldo ang hindi kabilang sa mga uri ng tao sa kategoryang ito. Ganito ang napansin ng isang Alemang may-ari ng tindahan tungkol sa mga namimili kung Pasko: “Mientras papalapit tayo sa Bisperas ng Pasko, lalong nininerbiyos ang mga tao. Sa wakas, basta binibili nila ang anumang masumpungan nila.”

Ang pagsisiksikan sa mataong mga department store sa umuubos-panahong paghahanap ng angkop na mga regalo ay nagpapangyari sa ilang mámimili na magreklamo tungkol sa kaigtingan, sa pag-aapura, at sa panggigipit. Sang-ayon sa isang pahayagan sa Austria, bawat ikatlong parokyano ay nagrereklamo tungkol sa “nakapapagod na paglalakad-lakad,” sinasabing siya’y giginhawa “minsang matapos na ang pagmamadali.” At ang mga tin-edyer na Aleman, nang tanungin kung ano ang nadarama nila tungkol sa Pasko, ay tumugon sa pamamagitan ng mga komento na gaya ng, “Nayayamot ako,” “Hindi mo kailanman malaman kung ano ang ibibigay mo,” at, “Ang lahat ay napakamahal.”

Maliwanag na hindi lahat ay nakararanas ng higit na “kaligayahan sa pagbibigay” na binanggit ni Jesus. Walang alinlangan na ito ay pangunahin nang dahilan sa ang Pasko ay naging masyadong komersiyal, isang pinagmumulan ng pagkainis ng marami. Sang-ayon sa The World Book Encyclopedia, “kasindami ng sangkapat ng taunang benta ng maraming tindahan ay dumarating sa Kapaskuhan.” Maliwanag ang “Jingle Bells” na gustung-gustong marinig ng daigdig ng komersiyo ay ang tunog ng cash register nito.

Maliwanag, ang pag-aaginaldo ay kadalasang hindi nagbibigay ng kagalakan na dala ng pagbibigay. “Kinatatakutan ko ang Pasko,” sabi ng isang babaing Katoliko.

Hindi kataka-taka na ang kaangkupan ng pag-aaginaldo ay pinag-aalinlanganan. Talaga bang makatuwiran ito?