Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Isang Mapanganib na Istilo ng Pamumuhay
Ang AHA (American Heart Association) ay nagtala ng maraming salik na nagiging dahilan ng sakit sa puso. Mayroon ding talaan ng mapanganib na mga salik na mas malubha. Hanggang sa kasalukuyan, itinala ang pagiging di-aktibo ng katawan na kabilang sa di gaanong malubhang “sanhing salik.” Gayunman, sang-ayon sa University of California at Berkeley Wellness Letter, ang AHA ay “nagtaas sa pagiging di-aktibo ng katawan mula sa talaan nito ng ‘mga sanhing salik’ sa sakit sa puso tungo sa mas matinding kategorya ng ‘mapanganib na salik.’ ” Isinususog pa ng Wellness Letter na ito’y “naglalagay sa palaupong istilo ng pamumuhay sa katumbas na kalagayan ng mataas na presyon ng dugo, paninigarilyo, at mataas na kolesterol sa dugo.”
Maruruming Kamay
Isiniwalat kamakailan ng isang pagsusuri na kinaliligtaan ng karamihan sa mga manggagawang nangangalaga sa kalusugan sa Estados Unidos na maghugas ng kanilang mga kamay bago magsuri ng kanilang mga pasyente. Gayundin, sang-ayon sa The Washington Post, “ang ibang pagsusuri ay nagpapahiwatig na ang mga doktor ay hindi nagpapalit ng kanilang mga guwantes samantalang dapat nilang gawin iyon.” Ang suliraning ito ay walang alinlangang tumulong sa pagkalat ng sakit. Nag-uulat ang Post na sang-ayon sa The New England Journal of Medicine, ang di nahugasang mga kamay ng mga doktor at mga nars ay “maaaring magpaliwanag kung bakit ang mga pasyente sa ospital ay nagkakaroon ng mga impeksiyon na nagkakahalaga ng hanggang $10 bilyon sa isang taon upang gamutin.”
Mahihirap na Bata sa Amerika
Ang Estados Unidos, isa sa mga pinakamayamang bansa sa daigdig, ay tahanan din ng ilang pinakamahirap na mga bata. Sang-ayon sa The New York Times, nasumpungan ng isang pag-aaral na isinagawa ng Children’s Defense Fund na “ang bilang ng mga bata sa Amerika na namumuhay sa karukhaan ay lumago sa mahigit na 1 milyon noong dekada ng 1980, na ang bilang ay tumataas sa 33 estado.” Noong 1989 mahigit na 25 porsiyento ng mga bata sa mga estado ng Arkansas, Louisiana, New Mexico, at West Virginia ang namumuhay sa mga pamilyang may mga kitang mas mababa pa sa itinakdang antas ng kita ng pamahalaang E.U. Ang estado ng Mississippi ang may pinakamataas na bilang, na 33.5 porsiyento ng lahat ng mga bata ay namumuhay sa karukhaan.
Mga Tagas sa Koreo
Ang mga laboratoryo sa buong mundo ay gumagamit ng sistema ng koreo upang magpadala ng buháy na mga mikroorganismo. May lumalagong pagkabahala sa gawaing ito sapagkat ang “potensiyal na mapanganib na baktirya ay regular na ipinadadala mula sa isang laboratoryo tungo sa iba,” sang-ayon sa magasing New Scientist. Ang mga mananaliksik na Olandes ay nagbabala na maaaring tumagas sa sirang mga pakete ang mga organismo tungo sa kapaligiran. Kamakailan, isang pangkat ng mga siyentipiko ang nagsuri ng ilang mga pakete mula sa mga laboratoryo sa Australia, Netherlands, Singapore, at Estados Unidos. Kanilang nasumpungan na wala isa man sa mga pakete ang sumunod sa mga pamantayang itinakda ng UN Committee of Experts on the Transport of Dangerous Goods. Isang laboratoryong Olandes, na tumatanggap ng libu-libong sampol taun-taon, ay kumuha ng pantanging mga hakbang ng pag-iingat upang maiwasan ang gayong mga sakuna. Subalit, ito’y “tumatanggap pa rin ng halos lima na sirang mga culture vial sa koreo sa bawat taon,” sabi ng New Scientist.
Mga Pagpapatiwakal sa Argentina
Ang Argentina ang may pinakamataas na bilang ng pagpapatiwakal sa Amerikas. Ang pahayagang La Nación ay nagsasabi na ‘sang-ayon sa opisyal na mga ulat, halos 10 porsiyento ng lahat ng iniulat na mga pagpapatiwakal sa bansa ay nagsasangkot ng mga adolesent at nakababatang mga adulto sa pagitan ng mga edad na 10 at 22, at karamihan ay kalalakihan.’ Ang Ministri ng Kalusugan ay nagsasabi na sa bawat 30 oras isang adolesent ang nagpapatiwakal sa Argentina.