Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Steenbok na Nakatakas

Ang Steenbok na Nakatakas

Ang Steenbok na Nakatakas

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika

SA PAMAMAGITAN ng katutubong ugali ang steenbok, isang maliit na antelope sa Aprika, ay nagbibigay ng isang kahanga-hangang halimbawa ng kalinisan. “Isang katangian ng steenbok,” paliwanag ni Propesor John Skinner sa kaniyang aklat na South African Animals in the Wild, “ay na bago sila dumumi o umihi, nililinis muna nila ang isang dako sa pamamagitan ng kanilang mga paa sa harap at saka, pagkatapos, maingat na tatabunan ang laman nito sa pagkaskas ng lupa sa ibabaw nito.” Oo, ang munting nilikhang ito ay humihigit pa sa batas na ibinigay sa mga hukbong Israelita. (Deuteronomio 5:1; 23:13, 14) Tinatabunan pa nga nito ang kaniyang ihi.

Ang maselan na ugali ng steenbok sa pananabi ay katugma ng magandang hitsura nito. “Para sa akin ang steenbok ay laging isa sa pinakamaganda at kaibig-ibig na antelope sa Aprika,” sulat ni Laurens van der Post. Sa kaniyang aklat na The Heart of the Hunter, inilarawan ni van der Post kung paanong sinubok niyang barilin ang isang steenbok para sa isang pangkat ng gutom na mga taong katutubo sa Disyerto ng Kalahari sa Aprika. “Ang kaniyang matalas na mga tainga,” sulat ng manggagalugad, “ay nakaturo sa aking direksiyon, ang kaniyang malaking muradong mga mata ay mulat na mulat, walang katakut-takot at kumikinang sa pagtataka sa pagkakita ng lubhang kakatwang tanawin sa liblib na dakong ito ng buhay. . . . Agad akong bumaril bago pa siya mabagabag o bago pa mapanghina ng magandang nilikhang ito ang aking pagnanasang barilin ito. Hindi ko sukat akalain na hindi ko ito tamaan sa napakalapit na distansiya. Gayunman hindi ko ito tinamaan. Inalog lamang ng munting antelope ang kaniyang ulo sa putok ng aking baril upang mawala ang taginting ng putok ng aking mabigat na baril sa kaniyang mga tainga.”

Pagkaraan ng ilan pang putok, naipasiya ng munting antelope na ang tao ay mapanganib at ito ay tumakas. Bagaman napagkaitan ng kinakailangang pagkain, ang gutom na mga taong katutubo na kasama ni van der Post ay natuwa. Bakit? Malaki ang paggalang ng mga taong katutubo sa mga paraan ng steenbok, at ang isang ito ay nakatugon sa kanilang inaasahan. “Sa buong maghapon ng mainit na araw,” susog ni van der Post, “ang aking isip ay nagbabalik sa pangitain ng magandang antelope na iyon na walang katinag-tinag na nakatayo sa gitna ng sunud-sunod na putok mula sa baril ko.”