Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Labanan sa Hukuman Bilang isang abugadong nagtatanggol sa mga kaso na may kaugnayan sa pangangalaga sa anak at mga demanda tungkol sa dugo, hindi ko masabi kung gaano kalaking pampatibay-loob ang nakuha ko buhat sa artikulong “Ang mga Saksi ni Jehova ay ‘Dinadala sa Lokal na mga Hukuman.’ ” (Setyembre 22, 1992) Nitong nakaraang linggo ilang doktor, na niwawalang-bahala ang espesipikong tagubilin, ay nagsalin ng dugo sa isang Saksi. Ang gayong walang awa na pagwawalang-bahala sa mahalagang relihiyoso at personal na karapatan ay kasuklam-suklam. Ako’y lalo pang pinalakas-loob ng inyong artikulo na ipagpatuloy ang pakikipagbaka!

P. P., Estados Unidos

Mga Babae​—Karapat-dapat sa Paggalang Salamat sa mga seryeng “Mga Babae​—Karapat-dapat sa Paggalang.” (Hulyo 8, 1992) Tinulungan ako nito na maunawaan na ang pagbabale-wala sa mga babae ay hindi isang problemang natatakdaan sa isang pamayanan, kundi isa ito na nangyayari sa maraming bansa. Ako’y nagpapasalamat din sa mga mungkahi tungkol sa pag-iwas sa seksuwal na panliligalig.

S. A., Nigeria

Pinahahalagahan ko ang kaprangkahan ng mga artikulong ito. Ang inyong mga mungkahi ay magpapangyari sa maraming tao, mga lalaki at babae, na muling isaalang-alang ang kanilang mga saloobin. Salamat sa pagpapakita ninyo kung paano minamalas ni Jehova ang mga babae.

J. P. L., Canada

Talagang inaakala ko na ang mga babae ay naisauli sa kanilang marapat na puwesto at itinuturing kung ano nga sila. Sana ay pahalagahan din ng mga lalaking Kristiyano ang mga artikulong ito upang, kung kinakailangan, maaari nilang baguhin ang kanilang pangmalas tungkol sa mga babae. Lalo naming taimtim na igagalang sila sa paggawa nila ng gayon.

E. S., Pransiya

Ang mga artikulo ay nagbigay sa amin ng pahintulot na makadama na mas mabuti tungkol sa aming sarili at ipinakita nito na ang mga lalaki ay may pananagutan na kumilos nang mapayapa at may paggalang sa amin. Inaakala ko na ito ay magigiting na artikulo, at ang mga ito ay labis na pinahahalagahan.

A. H., Estados Unidos

Nabagbag ang aking damdamin at naiyak ako na malaman na ako’y kabilang sa isang organisasyon na may gayong matatag na paninindigan tungkol sa pakikitungo sa mga babae. Ang mga ito ang unang mga artikulo na nakita kong hindi nag-iwan ng mga butas para gamiting dahilan ng mga mang-aabusong lalaki.

E. M., Estados Unidos

Batid ko na hindi babaguhin ng impormasyong ito tungkol sa pangmalas ng mga lalaki sa mga babae ang daigdig, subalit nakaaaliw na mabasa ang mga salita ng katotohanan, kaaliwan, kahabagan, at pag-unawa, natatalos na si Jehova ay talagang nagmamalasakit sa atin.

H. Q., Estados Unidos

Ang mga artikulo ay lubhang nakaapekto sa akin​—hindi dahil sa napababayaan ko ang aking asawang babae, kundi natitiyak ko na marami pa akong magagawa upang tulungan siya. Labis ko siyang pinahahalagahan at inaakala ko na ang mga artikulo ay tutulong sa lahat ng Kristiyanong asawang lalaki na makita nang higit ang halaga ng kani-kanilang asawa. Sila’y karapat-dapat sa paggalang, dignidad, pag-ibig, at pag-unawa mula sa kani-kanilang asawa.

S. S., Brazil

Kamatayan Ang inyong labas tungkol sa “Kapag Isang Minamahal ay Namatay” (Hulyo 22, 1992) ay nakabagbag ng aking damdamin. Nang araw na tanggapin ko ito, ang aking 16-anyos na bayaw ay namatay dahil sa kanser. Ang mga artikulong ito ay tunay na isang pampatibay-loob sa panahon ng kalungkutan. Ang aming mga kaibigan at pamilya ay tumulong sa amin sa paglalaan ng pagkain, kaaliwan, at tulong sa paggawa ng mga kaayusan sa libing. Si Jehova ay tunay na nagbibigay ng kaaliwan sa pamamagitan ng napapanahong mga artikulo na gaya nito.

C. C., Estados Unidos