Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ating Sinalantang Lupa—Ang Pagsira ay Ginagawa sa Maraming Dako

Ang Ating Sinalantang Lupa—Ang Pagsira ay Ginagawa sa Maraming Dako

Ang Ating Sinalantang Lupa​—Ang Pagsira ay Ginagawa sa Maraming Dako

NOONG Hunyo ng nakaraang taon, ang Earth Summit tungkol sa kapaligiran ay ginanap sa Rio de Janeiro, Brazil. Kasabay nito, noong buwan ding iyon, inilathala ng India Today ang isang editoryal ng pangalawang editor nito na si Raj Chengappa. Ito’y pinamagatang “Ang Sugatang Lupa.” Inilarawan ng panimulang mga parapo nito ang isang maliwanag na larawan:

“Noong 1971 nang si Edgar Mitchell ay magtungo sa buwan sakay ng Apollo 14, ang kaniyang unang sulyap sa lupa mula sa kalawakan ay nag-udyok sa kaniya na magpahayag ng malaking tuwa. ‘Ito’y parang isang kumikinang na asul at puting hiyas . . . Animo’y napaliligiran ng puntás ng marahang umiikot na mga puting lambong . . . Tulad ng isang munting perlas sa isang makapal na itim na dagat ng hiwaga,’ iniradyo niyang pabalik sa Houston.

“Pagkalipas ng dalawampu’t isang taon, kung si Mitchell ay ipadadalang muli sa kalawakan, sa pagkakataong ito ay taglay ang isang pantanging salamin sa mata na magpapangyari sa kaniya na makita ang di-nakikitang mga gas sa atmospera ng lupa, isang lubhang kakaibang tanawin ang sasalubong sa kaniya. Makikita niya ang pagkalalaking butas sa pananggalang na mga lambong ng ozone sa Antarctica at Hilagang Amerika. Sa halip na isang kumikinang na asul at puting hiyas makikita niya ang isang madilim, maruming lupa na punô ng maitim, umiikot na mga ulap ng mga dioxide ng carbon at asupre.

“Kung ilalabas ni Mitchell ang kaniyang kamera at kukunan ng larawan ang kagubatan na tumatakip sa lupa at ihahambing ito sa mga kinuha niya noong ’71, magugulat siya sa laki ng iniliit ng kagubatan. At kung bubuksan niya ang kaniyang pantanging teleskopyo upang masuri niya ang dumi sa mga tubig sa lupa, makikita niya ang mga laso ng lason na paroo’t parito sa mga kimpal ng lupa at maiitim na bola ng alkitran na gumuguhit sa karamihan ng sahig ng karagatan. ‘Houston,’ maaaring iradyo niyang pabalik, ‘ano na ba ang ating ginawa sa lupa?’

“Sa katunayan, hindi na natin kailangang magtungo 36,000 km [22,000 mi] sa kalawakan upang malaman kung ano na ang ating ginawa. Ngayon, maiinom, malalanghap, maaamoy at makikita natin ang polusyon. Sa loob ng 100 taon, at mahigit pa sa nakalipas na 30, dinala ng tao ang lupa sa bingit ng kapahamakan. Sa pagbubuga ng labis-labis na gas na nagkukulong-ng-init sa atmospera ating pinangyayaring humina ang mga pagbabago ng klima. Ang mga gas na ginagamit ng ating mga repridyeretor at mga air-conditioner ang may pananagutan ngayon sa pag-ubos sa pananggalang na ozone layer, inilalantad tayo sa kanser sa balat at binabago ang mga kayarian ng gene sa maliliit na hayop. Samantala, sinira natin ang malalaking lupa, niwasak ang mga kagubatan sa nakamamatay na bilis, walang itinatanging nagtambak ng tone-toneladang lason sa mga ilog at nagbuhos ng nakalalasong mga kemikal sa ating mga karagatan.

“Ngayon higit sa anumang bagay ang banta sa sangkatauhan ay nanggagaling sa pagkawasak ng kapaligiran ng lupa. At ito’y nangangailangan ng isang pangglobong pagbabago ng mga pamamaraan at mga saloobin upang sugpuin ang pagkatupok.”

Pagkatapos isa-isahin ang maraming problema na dapat tutukan ng pansin ng mga bansa na lutasin may kaugnayan sa kapaligiran, niwawakasan ni Raj Chengappa ang kaniyang editoryal sa mga salitang ito: “Ang lahat ng ito ay dapat gawin kaagad. Sapagkat ang banta ay hindi na sa kinabukasan ng iyong mga anak. Ngayon na. At narito na.”

Kaya ang mga dalubhasa sa kapaligiran ay nagtipun-tipon. Ang mga komperensiya ay idinaos, ibinigay ang mga lunas, ngunit hindi sila magkaisa. Sila’y nagtatalo. ‘Wala namang sakit ang lupa,’ sabi ng ilan. ‘Ito’y naghihingalo na! ’ sigaw naman ng iba. Ang retorika ay dumarami, ang mga lunas ay sumasagana, ang mga dalubhasa ay nag-aantala, samantalang ang lupa ay nanghihina. Walang ginagawa. Kailangan pa nilang mag-aral. Gumagawa sila ng mga reseta na hindi kailanman natutugunan. Sayang, ang karamihan nito ay isa lamang taktika ng pag-antala upang hayaang magpatuloy ang polusyon at dumami ang kita. Ang lupa ay hindi kailanman tumatanggap ng gamot, lumalala ang kaniyang sakit, tumitindi ang krisis, at ang pagsalanta sa lupa ay nagpapatuloy.

Ang lupa at ang buhay na narito ay napakasalimuot, lubhang magkakaugnay. Ang angaw-angaw na nabubuhay na nilalang ay tinukoy bilang ang habi ng buhay. Putulin mo ang isang hibla, at ang habi ay maaaring matastas. Itumba mo ang isang domino, at dose-dosenang iba pang domino ang matutumba. Inilalarawan ito ng pagputol ng isang tropikal na masukal na kagubatan.

Sa pamamagitan ng photosynthesis ang masukal na kagubatan ay kumukuha ng carbon dioxide sa hangin at ibinabalik dito ang oksiheno. Umiinom ito ng napakaraming tubig-ulan subalit kakaunti lamang ang ginagamit nito sa paggawa ng pagkain nito. Ang marami rito ay inireresiklo sa atmospera bilang singaw. Doon ito ay gumagawa ng bagong mga ulap-ulan para sa higit na kinakailangang ulan para sa masukal na kagubatan at sa angaw-angaw na nabubuhay na halaman at hayop na binubuhay nito sa ilalim ng luntiang kulandong nito.

Pagkatapos ang masukal na kagubatan ay pinuputol. Ang carbon dioxide ay nananatili sa ibabaw na parang isang kumot upang kulungin ang init ng araw. Kaunting oksiheno ay idinaragdag sa atmospera para sa pakinabang ng mga hayop. Kaunting ulan ay inireresiklo para sa higit na pag-ulan. Sa halip, ang anumang ulan na bumabagsak ay mabilis na nagtutungo mula sa lupa tungo sa mga sapa, dinadala ang ibabaw na lupa na mahalaga para sa muling paglaki ng mga halaman. Ang mga sapa at mga lawa ay napupuno ng putik, at ang mga isda ay namamatay. Ang banlik ay dinadala sa mga karagatan at tinatabunan ang tropikal na mga bahura, at ang mga bahura ay namamatay. Angaw-angaw na mga halaman at hayop na dating nabubuhay sa ilalim ng luntiang kulandong ay naglaho, ang malakas na ulan na dating dumidilig sa lupa ay umuunti, at ang mahaba’t mabagal na proseso ng pagiging disyerto ay nangyayari. Tandaan, ang malaking Disyerto ng Sahara sa Aprika ay dating luntian, ngunit ngayon ang pinakamalawak na sukat ng buhangin na ito sa lupa ay umaabot na sa mga bahagi ng Europa.

Sa Earth Summit, ang Estados Unidos at ang iba pang mayayamang bansa ay gumamit ng panggigipit upang himukin ang Brazil at ang iba pang nagpapaunlad na mga bansa na ihinto ang pagputol sa kanilang masukal na kagubatan. “Ang Estados Unidos ay nagpapaliwanag,” sang-ayon sa balita ng New York Times, “na ang mga kagubatan, lalo na ang tropikal na mga kagubatan, ay sinisira sa nakatatakot na bilis sa nagpapaunlad na mga bansa at na ang planeta sa kabuuan ay malalagay sa malubhang kalagayan bunga nito. Ang mga kagubatan, sabi nito, ang yaman ng mundo na tumutulong upang ayusin ang klima sa pamamagitan ng pagsipsip sa carbon dioxide na kumukulong-sa-init at siyang lugar ng malaking bahagi ng nabubuhay na mga kinapal sa mundo.”

Agad namang pinaratangan ng nagpapaunlad na mga bansa ang E.U. ng pagkukunwaring mabuti. Sang-ayon sa The New York Times, kanilang “ikinagagalit ang itinuturing nilang isang pagtatangka upang bawasan ang karapatan ng kanilang pagkasoberano ng mga bansang malaon nang pinutol ang kanila mismong mga punungkahoy para sa pakinabang subalit ngayon ay nais nilang ilagay ang malaking pasan ng pangglobong pangangalaga sa kagubatan sa mga bansang nagpupunyaging makabangon sa ekonomiya.” Isang diplomatikong taga-Malaysia ang tahasang nagsabi: “Tiyak na hindi namin iniingatan ang aming kagubatan para sa mga bansang sinira ang kanila mismong kagubatan at ngayon ay sinisikap na angkinin ang aming kagubatan bilang bahagi ng pamana ng sangkatauhan.” Sa Pacific Northwest, ang Estados Unidos ay mayroon na lamang 10 porsiyento ng dating masukal na kagubatan nito na natitira, at ang mga ito ay tinotroso pa rin, gayunman nais ng Estados Unidos na ihinto ng Brazil, na mayroon pang 90 porsiyento ng kagubatan ng Amazon nito, ang lahat ng pagtotroso.

Yaong nangangaral sa iba, ‘Huwag ninyong sirain ang inyong kagubatan,’ bagaman sinisira nila ang kanila mismong kagubatan, ay katulad niyaong inilarawan sa Roma 2:21-23: “Ikaw nga na nagtuturo sa iba, tinuturuan mo ba ang iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangangalunya,’ nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga idolo, ninanakawan mo ba ang templo? Ikaw, na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa Kautusan ay niwawalan mo ba ng kapurihan ang Diyos?” O sa pangkapaligirang pananalita, ‘ikaw, na nangangaral, “Pangalagaan ninyo ang inyong kagubatan,” pinuputol mo ba ang iyong sariling kagubatan?’

Malapit na nauugnay sa pagkawasak ng kagubatan ay ang mga pagkabahala tungkol sa pag-init ng globo. Ang kemikal at thermal na lakas ay masalimuot, subalit ang pagkabahala ay pangunahing nakatutok sa isang kemikal sa atmospera, ang carbon dioxide. Isa itong malaking salik sa pag-init ng lupa. Iniulat ng mga mananaliksik sa Byrd Polar Research Center noong nakaraang taon na “lahat ng kalagitnaan- at mababang-altitud na mga niyebe sa bundok ay natutunaw at lumiliit ngayon​—ang ilan sa mga ito ay napakabilis—​at na ang naitalang yelo sa mga bundok na ito ay nagpapakita na ang nakalipas na 50 taon ay mas mainit kaysa anumang iba pang yugto ng 50-taon” sa rekord. Ang kakaunting carbon dioxide ay mangangahulugan ng mas malamig na lagay ng panahon; ang sobrang carbon dioxide ay mangangahulugan ng pagkatunaw ng mga yelo sa polo at sa mga bundok at ang pagbaha ng baybaying mga lunsod.

Tungkol sa carbon dioxide ang India Today ay nagsabi:

“Maaaring binubuo nito ang maliit na bahagi lamang ng mga gas sa atmospera: 0.03 porsiyento ng kabuuan. Subalit kung walang carbon dioxide, ang ating planeta ay magiging kasinlamig ng buwan. Sa pagkulong sa init na nagmumula sa ibabaw ng lupa, inaayos nito ang pangglobong mga temperatura sa isang sumusustini-buhay na 15 digris Celsius. Subalit kung dumami ito, ang lupa ay maaaring maging isang pagkalaki-laking sauna bath.

“Kung ang pangglobong mga istasyon na tagasubaybay ng lagay ng panahon ay magbibigay ng maaasahang impormasyon, ang panggigipit na gawan ito ng lunas ay tumitindi yamang tumitindi rin ang temperatura ng globo. Nasaksihan ng mga taon ng 1980 ang anim sa pitong pinakamainit na tag-araw sapol nang ang lagay ng panahon ay naiulat halos 150 taon na ang nakalipas. Ang maliwanag na salarin: isang 26-porsiyentong pagdami ng carbon dioxide sa atmospera sa antas noong bago ang industriyal na rebolusyon.”

Ang pinagmumulan ay inaakalang ang 1.8 bilyong tonelada ng carbon dioxide na ibinubuga taun-taon sa pamamagitan ng pagsusunog sa mga gatong na fossil. Isang inaasahang kasunduan na gagawa ng higit na pagkontrol sa mga pagbuga ng carbon dioxide ay lubhang nabantuan sa Earth Summit kamakailan anupat iniulat na ito’y “nagpainit” sa mga dalubhasa sa klima roon. Ang isa sa kanila ay galit na galit anupat sinabi niya: “Hindi tayo maaaring basta magpatuloy na parang walang nangyari. Isang di-matututulang bagay na ang dami ng mga gas sa mundo ay nawalan ng pagkakatimbang. Kailangang may gawin tayo o di magtatagal tayo’y magkakaroon ng milyun-milyong takas na pangkapaligiran.” Tinutukoy niya yaong tatakas mula sa kanilang binahang mga lupang tinubuan.

Ang isa pang apurahang isyu ay may kinalaman sa tinatawag na mga butas na lumilitaw sa ozone layer na nagsasanggalang sa lupa buhat sa mga ultraviolet ray na nakakakanser. Ang pangunahing salarin ay ang CFC (chlorofluorocarbons). Ang mga ito ay ginagamit sa mga repredyeretor, air conditioner, at sa mga solvent na panlinis at bilang mga blowing agent sa paggawa ng plastik na mga foam. Sa maraming bansa ang mga ito ay binubuga pa rin ng mga isprey na aerosol. Pagdating nito sa stratosphere, ito ay pinaghihiwa-hiwalay ng mga ultraviolet na sinag ng araw, at ang purong chlorine ay inilalabas, ang bawat atomo nito ay makasisira ng hindi kukulanging 100,000 molekula ng ozone. Ang mga butas, mga rehiyon na lubhang nabawasan ang mga antas ng ozone, ay naiwan sa ozone layer, kapuwa sa Antarctica at sa Hilagang mga latitud, na nangangahulugang higit na mga ultraviolet na sinag ang nakararating sa lupa.

Pinapatay ng mga sinag na ito ang pagkaliliit na mga halaman at hayop sa dagat, na siyang unang bahagi ng kawing ng pagkain sa karagatan. Ang mga mutasyon ay nangyayari sa mga molekula ng DNA na naglalaman ng henetikong kodigo ng buhay. Ang mga ani ay apektado. Ang mga sinag ay nagiging sanhi ng mga katarata sa mata at mga kanser sa balat sa mga tao. Nang masumpungan ng mga mananaliksik ng NASA ang matapang na chlorine monoxide sa mga rehiyon sa hilaga ng Estados Unidos, Canada, Europa, at Russia, ang isa sa mga mananaliksik ay nagsabi: “Ang lahat ay dapat na mabahala rito. Ito’y lalong malala kaysa inaakala natin.” Si Lester Brown, presidente ng Worldwatch Institute, ay nag-ulat: “Tinataya ng mga siyentipiko na ang mabilis na pagnipis ng ozone layer sa hilagang hemispero ay magiging dahilan ng karagdagang 200 000 kamatayan sa EU lamang dahil sa kanser sa balat sa susunod na 50 taon. Sa buong daigdig, angaw-angaw na buhay ang nanganganib.”

Ang pagkasarisari ng buhay, ang pagpapanatili sa hangga’t maaari’y maraming halaman at hayop na kumikilos sa kani-kanilang tirahan, ay isa pang suliranin sa kasalukuyan. Inilathala ng magasing Discover ang isang halaw mula sa bagong aklat ng biyologong si Edward O. Wilson na The Diversity of Life, kung saan itinala niya ang pagkalipol ng libu-libong uri ng mga ibon, isda, at mga insekto, gayundin ang mga uri na karaniwang itinuturing na walang halaga: “Marami sa naglahong mga uri ay mycorrhizal fungi, simbiyotikong mga anyo na tumutulong sa pagsipsip ng mga nutriyente sa pamamagitan ng mga sistema ng ugat ng mga halaman. Ang mga ekologo ay malaon nang nagtatanong kung ano kaya ang mangyayari sa mga ekosistema ng lupa kung aalisin ang mga halamang-singaw (fungi) na ito, at malalaman natin ito sa madaling panahon.”

Sa aklat na iyon tinanong din at saka sinagot ni Wilson ang tanong na ito tungkol sa kahalagahan ng pagliligtas sa mga uri ng buhay:

“Ano ang halaga kung ang ilang uri ay malipol, kahit na kung kalahati ng lahat ng uri sa Lupa ay maglaho? Hayaan mong sabihin ko sa iyo ang ilan. Mawawala ang bagong mga pinagmumulan ng siyentipikong impormasyon. Masisira ang napakalawak na potensiyal ng biyolohikal na yaman. Ang hindi pa napauunlad na mga medisina, ani, gamot, troso, hibla, lamukot, pananim na nagsasauli-ng-lupa, mga kahalili ng petrolyo, at iba pang produkto at mga ginhawa ay hinding-hindi na matutuklasan. Uso sa ilang tao na ituring na hindi mahalaga ang maliliit at di-kilala, ang mga insekto at mga damo, kinaliligtaan na isang di-kilalang gamugamo mula sa Latin Amerika ang nagligtas sa pastulan ng Australia mula sa napakaraming cactus, na ang malarosas na tsitsirika ang naglaan ng lunas para sa Hodgkin’s disease at sa sakit sa pagkabata na lymphocytic leukemia, na ang balat ng kahoy na Pacific yew ay nagbibigay ng pag-asa para sa mga biktima ng kanser sa obaryo at sa suso, na isang kemikal mula sa laway ng mga linta ay tinutunaw ang mga namuong dugo sa panahon ng operasyon, at marami pang iba sa talaan na humaba na at napabantog sa kabila ng kaunting pananaliksik sa kalikasan tungkol sa pagtuklas ng mga lunas mula sa mga halaman o sa mga hayop.

“Sa paggugunamgunam ay madali ring waling-bahala ang mga paglilingkod na ibinibigay ng mga sistema sa ekolohiya sa sangkatauhan. Pinayayaman nito ang lupa at lumilikha ng mismong hangin na ating nilalanghap. Kung wala ang mga ginhawang ito ang pag-iral ng lahi ng tao sa lupa ay magiging napakahirap at maikli.”

Gaya ng kasabihan​—na naluma na dahil sa kauulit sapagkat ito’y angkop na angkop—​ang nabanggit na impormasyon ay ganggakalingkingan lamang. Kailan magwawakas ang pagsalanta sa lupa? At sino ang magwawakas nito? Ang susunod na artikulo ay nagbibigay ng mga kasagutan.

[Blurb sa pahina 4]

Ang malaking Disyerto ng Sahara sa Aprika ay dating luntian

[Blurb sa pahina 5]

‘Ikaw, na nangangaral, “Pangalagaan ninyo ang inyong kagubatan,” pinuputol mo ba ang iyong sariling kagubatan?’

[Blurb sa pahina 5]

Ang napakakaunting carbon dioxide​—ay mas malamig ang panahon

Ang napakarami nito—​ay tumutunaw sa mga glaciers

[Blurb sa pahina 6]

“Anong halaga kung ang ilang uri ay malipol?”

[Blurb sa pahina 6]

Kung walang mga mikroorganismo, ang pag-iral ng lahi ng tao ay magiging maikli at napakahirap

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang masukal na kagubatan ng Amazon, taglay ang lahat ng sinaunang kagandahan nito

Higit pang masukal na kagubatan, pagkatapos salantain ng tao

[Credit Lines]

Abril Imagens/João Ramid

F4/R. Azoury/Sipa

[Larawan sa pahina 8]

Dinudumhan ng nakalalasong kemikal na basura ang hangin, tubig, at lupa

[Credit Line]

Feig/Sipa