Ang Olimpiyada sa Barcelona—Bigong Kabantugan?
Ang Olimpiyada sa Barcelona—Bigong Kabantugan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
NOONG Hulyo 25, 1992, isang mámamanà, na napaliligiran ng matinding liwanag ng isang spotlight, ay hinugot ang kaniyang busog. Ang kaniyang palasô na may apoy sa dulo ay pumailanglang nang diretso at eksakto sa himpapawid noong gabi. Habang ito ay nagsisimulang bumaba, ang palasô ay humapaw sa isang pagkalaki-laking sulô sa itaas ng napakalaking istadyum. Ang apoy ng Olimpiyada ay nagdingas. Nagsimula na ang Olimpiyada sa Barcelona.
Labing-isang libong mga manlalaro buhat sa 172 bansa ang dumating upang makipagpaligsahan para sa 1,691 medalya ng Olimpiyada. Kasuwato ng sawikain ng Olimpiyada, pinagsikapan ng mga kalahok na maging “mas mabilis, mas mataas, mas malakas,” higit kailanman—at ang ilan ay nagtagumpay. Tinatayang 3,500,000,000 manonood sa telebisyon ang nakibahagi sa mga tagumpay at kabiguan.
Bagaman ang panahon ng mga manlalaro na naranasan nila ang pansin ng madla ay maikli, ang isang tagumpay sa Olimpiyada ay nangangako ng kabantugan at kayamanan. Ang Olimpiyada sa Barcelona ay hindi isang eksepsiyon. Ang ilang kilalang kalahok ay kumikita na ng milyun-milyong dolyar sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kasuutang pang-isports, mga sapatos sa pagtakbo, mga sunglass, at pati na ang kagamitang elektroniko.
Pagtatalaga—Ang Susi sa Kabantugan sa Olimpiyada
Bagaman maraming manlalaro—lalo na ang mga gymnast at mga diver—ay waring ginagawa ang kanilang mga pagtatanghal na para bang walang kahirap-hirap, mga taon ng nakapapagod na pagsasanay ang nasa likuran ng gayong kahusayan. Ang ilan ay nagsasanay na sapol pa nang sila’y limang taóng gulang. At ang isports ay dapat na manguna kung nais maranasan ng isang manlalaro ang tagumpay.
Ang Kastilang manlalangoy na si Martín López Zubero, na nanalo sa 200-metrong backstroke, ay nagsabi—marahil may kaunting pagpapakalabis: “Ginugol ko ang ikatlong bahagi ng aking buhay sa tubig.” Ang iskedyul niya sa pagsasanay ay nagsisimula sa alas singko ng umaga, at tinataya niya na 8,000 kilometro na ang nalangoy niya sa loob lamang ng mahigit na isang taon.
Ang pagsasanay ay nangangahulugan ng paghihirap, hindi lamang pagkakait. Si Jackie Joyner-Kersee, ang nagkamit ng medalyang ginto sa heptathlon (isang paligsahan na binubuo ng pitong laro) sa Seoul at Barcelona, ay nagsabi: “Ang kompetisyon ay kaakit-akit. Ang pagsasanay ay hindi. . . . Tanungin mo ang sinumang manlalaro: lahat kami ay nasasaktan sa lahat ng panahon. Hinihiling ko sa aking katawan na gawin ang pitong mahihirap na atas. Ang asahan ang aking katawan na huwag sumakit ay kalabisan na.” Ang mga gymnast lalo na ay kailangang maging mga panginoon ng pagtitiis. Kailangang gawin nila ang kanilang iskedyul sa pagsasanay dalawang beses isang araw anumang kirot ng pilay na galanggalangan o bukung-bukong, nabanat na mga kalamnan at mga litid, at kahit na mga balì dahil sa kaigtingan. Subalit sa pangwakas na pagsusuri, ang ganiyang uri ng pagtatalaga ay nagbubunga ng mga nagwagi at palabas.
Halina at Ginto ng Olimpiyada
Walang alinlangan tungkol dito, ang palabas sa Olimpiyada ay maaaring maging kahanga-hanga.
Ito’y nagbibigay ng kapana-panabik na mga sandali para sa maraming tao at isang tanghalan para sa kamangha-manghang tagumpay ng mga manlalaro. Ang Barcelona ay hindi eksepsiyon.Isang gymnast na taga-Belorussia si Vitali Scherbo ay nagwagi ng isang sumisira-ng-rekord na anim na gintong medalya mula sa posibleng walong medalya sa gymnastics ng mga lalaki. Ang Intsik na gymnast na si Xiaosahuang Li ay gumawa ng hindi kapani-paniwalang tatlong pagsirko sa floor exercise. Si Carl Lewis naman ay gumawa ng kasaysayan sa Olimpiyada sa pagwawagi sa long jump sa tatlong sunud-sunod na pagkakataon. Sa kabilang dako naman, ang Hapones na nagwagi ng medalyang pilak sa marathon ng mga babae, si Yuko Arimori, ay tumanggap ng masigabong palakpakan dahil sa kaniyang paggalang. Sa kabila ng kaniyang pagkapagod, inikot niya ang istadyum na yumuyuko sa istilong Hapones sa pulutong ng mga manonood at pagkatapos ay sa mga nagwagi.
Ang komersiyal na mga posibilidad ng Olimpiyada ay napansin ng multinasyonal na mga kompanya. Sila’y nagbayad ng pagkalaki-laking halaga upang magparangya sa kabantugan ng Olimpiyada sa pagtataguyod sa mga laro sa Olimpiyada o sa pambansang mga koponan sa Olimpiyada.
Ang Paggamit ng Droga Tungo sa Kabantugan
Ang walang lubag na pagsasanay at likas na kakayahan—bagaman mahalaga—ay hindi siyang tanging susi sa tagumpay sa Olimpiyada. Maraming manlalaro ang dumedepende sa mga droga upang makalamang. Ang mga droga ay maaaring anabolic steroids o mga hormone na pampalaki upang magkaroon
ng mga kalamnan (lalo nang popular sa weight lifting at field events); mga beta blocker upang pabagalin ang tibok ng puso (upang pagbutihin ang mga resulta sa pamamanà at pamamaril); o erythropoietin upang pasiglahin ang paggawa ng pulang selula ng dugo (kapaki-pakinabang para sa pagbibisikleta at malalayong takbuhan).Bagaman nalalaman ng mga manlalaro ang mga panganib, ang panggigipit na gumamit ng ipinagbabawal na droga ay matindi. Ang manlalarong Aleman na si Gaby Bussmann, kasama sa koponan ni Birgit Dressel, na namatay noong 1987 bilang resulta ng pag-inom ng 20 iba’t ibang droga, ay nagsasabi: “May ilang espesyalidad sa larangan ng isports kung saan mahirap maging kuwalipikado para sa Olimpiyada nang hindi gumagamit ng droga.”
Ang mga coach ng mga manlalaro ay karaniwang may pananagutan sa paggamit ng mga droga; maaaring sila pa nga ang nagrerekomenda nito. Ang dating coach ng Silangang Alemanya na si Winfried Heinicke ay umaamin: “Sinabi ko sa kanila na kung gusto nilang makasali sa Olimpiyada, kailangang gawin ninyo ito [gumamit ng droga].” Maliwanag, higit na pinahahalagahan ng maraming kalahok ang tagumpay kaysa katapatan—higit pa nga kaysa kanilang kalusugan. Isiniwalat ng isang surbey kamakailan sa pinakamagaling na mga manlalaro na 52 porsiyento ay gagamit ng isang ipinalalagay na kahanga-hangang droga na garantisadong gagawa sa kanila na mga panalo kahit na kung ito ay papatay sa kanila pagkatapos ng limang maluwalhating taon sa isang bantog na puwesto.
Ang Britanong mananakbo ng maikling distansiya na si Jason Livingston ay kahiya-hiyang pinauwi mula sa Barcelona pagkatapos na siya’y masubok na positibo sa paggamit ng anabolic steroid. Si Harry Reynolds ng Estados Unidos, mayhawak ng pandaigdig na rekord sa 400 metrong takbuhan, ay hindi kailanman tumakbo sa paligsahan. Ang hindi pagpasa sa pagsubok laban sa paggamit ng droga noong 1990 ay humantong sa dalawang-taon na suspensiyon, na pinagbayaran niya hindi lamang ng posibleng medalya sa Olimpiyada kundi ng isang milyong dolyar din sa naiwalang pagkakataon sa pag-isponsor.
Gayunman, karamihan ng mga gumagamit ng droga ay hindi nahuli. Sa kabila ng halos 2,000 pagsubok laban sa paggamit ng droga noong panahon ng mga laro sa Barcelona, maaari pa ring iwasan ng madayang mga manlalaro ang pagkatunton sa kanila sa paggamit ng mga drogang hindi lumilitaw
sa mga pagsubok sa ihi. “Ang kasakiman sa tagumpay at salapi ay nagsiwalat ng madilim na daigdig kung saan naging mahirap kilalanin ang pagkakaiba ng etika sa pandaraya,” sabi ng pahayagan sa Espanya na El País.Mangyari pa, maraming nagwagi ng medalya ang nagtagumpay, hindi dahil sa droga, kundi dahil sa mga taon ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Sulit ba ang mga sakripisyo?
Isang Nagtatagal na Kabantugan
Si Gail Devers, nagtatakang nanalo sa 100-metro na takbuhan ng mga babae, ay tuwang-tuwa pagkatapos ng kaniyang tagumpay. “Kung mayroon mang naniniwala na nagkakatotoo ang mga panaginip, ako iyon,” sabi niya. Wala pang dalawang taon bago nito, hindi siya halos makalakad, at may usap-usapan na maaaring putulin ang dalawang paa dahil sa mga komplikasyon sa paggamot sa kaniyang sakit na Graves’ disease. Si Pablo Morales, na nagretiro sa paligsahan ng paglangoy, subalit isang taon bago ang Olimpiyada ay muling nagsimulang magsanay para sa Olimpiyada na magwagi ng medalyang ginto sa 100-metrong butterfly na paglangoy, ay sumang-ayon: “Sa wakas ito ang panahon ko, isang pangarap na nagkatotoo,” aniya.
Hindi maiiwasan, karamihan ng mga manlalaro ay hindi kailanman magiging mga kampeon. Totoo, inaakala ng ilan na “ang mahalagang bagay sa Palarong Olimpiyada ay hindi ang magwagi kundi ang makibahagi.” Subalit ang ibang manlalaro, na umaasang maging mga kampeon, ay umuwi taglay ang kanilang nabigong mga pangarap. Masidhing hangarin ng weight-lifter na si Ibragim Samadov ang isang medalyang ginto—subalit siya ay pangatlo lamang sa paligsahang ito. “Taglay ang isang medalyang ginto, mabibigyan ko sana ng direksiyon ang buhay ko, makapag-aaral sana ako para sa isang karera, matutulungan ko ang aking pamilya. Ngayon ay hindi ko alam kung ano ang aking gagawin,” panangis niya. At nakakaharap kahit na ng mga nagwagi ang isang traumatikong panahon nang ang kanilang pagtatanghal ay nagsimulang humina.
Ang dating manlalaro ng tenis ng Sobyet na si Anna Dmitrieva ay nagsabi: “Ang Sobyet na mga kompanya ng isport ay hindi nagmamalasakit sa mga tao. Basta iniisip nila: ‘Umalis ka at makasusumpong kami ng 10 pa na gaya mo.’ ” Sa katulad na paraan, si Henry Carr, nagwagi ng dalawang medalyang ginto sa Tokyo noong 1964, ay umamin: “Kahit na kung ang isa ay naging ang pinakamagaling, ito’y isang panlilinlang. Bakit? Sapagkat hindi ito nagtatagal, hindi talaga kasiya-siya. Ang mga bituin ay agad na napapalitan at karaniwang nakalilimutan.”
Ang panandaliang kabantugan sa Olimpiyada ay hindi maihahambing sa gantimpala ng buhay na walang-hanggan, na ipinangangako ng Diyos sa mga naglilingkod sa kaniya. Ang gantimpalang ito ay nangangailangan ng espirituwal sa halip ng atletikong pagsasanay. Kaya nga, isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Ang pagsasanay sa katawan [literal, “pagsasanay bilang isang gymnast”] ay mapapakinabangan nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
Itinataguyod ng Palarong Olimpiyada ang mga pakinabang ng pagsasanay sa katawan—na sa pinakamabuti ay pansamantala lamang. Ipinakikita nito sa daigdig kung ano ang magagawa ng mga manlalaro sa pamamagitan ng pagtatalaga at pagkakait-sa-sarili. Ang mga katangiang ito ay kinakailangan din upang magwagi sa takbuhing Kristiyano. Ang takbuhing ito, di-tulad ng anumang paligsahan sa Olimpiyada, ay magdadala ng walang-hanggang pakinabang sa lahat ng lumalahok sa paligsahan. Kaya nga, makabubuting tularan ng mga Kristiyano, hindi ang mga manlalaro, kundi si Jesu-Kristo, sa ‘pagtapos sa kanilang pagsasanay’ at ‘takbuhin ang kanilang takbuhin na may pagtitiis.’—1 Pedro 5:10; Hebreo 12:1.
[Mga larawan sa pahina 23]
Mga diver na lumalahok sa Olimpiyada. Nasa likuran ang Barcelona
[Credit Line]
Mga Larawan: Sipa Sport
[Larawan sa pahina 24]
Paligsahan sa parallel bars
[Credit Line]
Larawan: Sipa Sport
[Larawan sa pahina 25]
Sa panghuling 100-metrong takbuhan, ang tumatakbo na nasa dulong kanan ang nagwagi ng ginto
[Credit Line]
Larawan: Sipa Sport