Ang Pambihirang “Glacier” ng Argentina
Ang Pambihirang “Glacier” ng Argentina
“IKAW ay dapat na magtungo rito at tingnan ito.” “Ito ay isa sa mga kababalaghan ng daigdig.” Kami’y ipinadala sa Buenos Aires upang tumulong sa pagtatayo ng bagong mga pasilidad para sa sangay ng Samahang Watch Tower, subalit isang pangganyak na gaya nito ang nag-udyok sa aming mag-asawa na magtungo sa Glaciers National Park sa timog ng Argentina upang tingnan ang isang pambihirang glacier na tinatawag na Perito Moreno.
Sa wakas, dumating kami sa Andes, ang mga burol nito ay natatakpan ng mga punungkahoy. Ang daan ay tumatakbo sa kahabaan ng Rico arm ng Lawa Argentino. Di-nagtagal ay narating namin ang dulo ng isang peninsula kung saan ang mga daan ng tubig ay lumiliko tungo sa lawa. Kalagitnaan sa ibayo ng dagat-lagusan ay unti-unting lumilitaw ang Perito Moreno—isang pader ng yelo na mahigit apat na kilometro ang lapad at mahigit na 50 metro ang taas. Anong makapigil-hiningang tanawin!
Ang ilog na ito ng yelo, ang Perito Moreno, ay maaaring sumulong ng hanggang 4 na metro isang araw o 450 metro sa isang taon! Hindi namin mapigil na kumuha ng larawan habang ang araw ay kumikinang sa asul na mga kristal. Bakit asul? Dahil sa bigat ng niyebe o yelo, walang hangin ang natitira sa yelo, kaya kinukuha ng glacier ang isang maaninag na maasul-asul na kulay. Nakatawag pa ng aming pansin ang hindi pangkaraniwang mga tunog. Naririnig namin ang dagundong ng 195 kilometro kudradong glacier na marahang bumababa sa libis at ang tunog ng malalaking tipak ng yelo na humihiwalay sa mukha ng glacier. Ang mga ito ay tumatama sa tubig na may tunog na parang kulog.
Tuwing ilang taon ang pagsulong ng Perito Moreno ay humahadlang sa likas na paagusan ng tubig ng Rico arm tungo sa Lawa Argentino. Sa isang panig, ang nakulong na tubig ay tumataas mula 20 hanggang 35 metro na mahigit sa kanilang likas na antas. Sa wakas, nahihigitan ng presyon ng tubig ang yelo, at ang Perito Moreno ay gumagawa ng madulang tanawin samantalang sumasabog ang tubig.
Ang tahimik na tubig ng lawa ay naging isang nagngangalit na dagat. Ito’y tumatagal ng mga ilang oras. “Pagkalaki-laking mga piraso ng yelo na mas malaki pa sa isang 15-palapag na gusali ang humihiwalay mula sa mga pader ng glacier at nahuhulog na may nakabibinging lagapak,” paliwanag ng dokumentaryo sa telebisyon na La Guerra Del Hielo. “Ang lahat ay sumisigaw at lumulundag, kasabay ng hindi kapani-paniwalang katibayang ito ng kapangyarihan ng kalikasan.”
Anong ligaya namin na kami ay hinimok ng aming mga kaibigan na pumarito at tingnan ang Perito Moreno!—Isinulat.