Gusto ba ng Iyong Anak ng Isang Alagang Hayop?
Gusto ba ng Iyong Anak ng Isang Alagang Hayop?
ANG mga bata sa lahat ng bahagi ng daigdig ay naaakit sa mga alagang hayop. At anong pagkasari-sari ang kanilang mapagpipilian! Ang trese-anyos na si Tabitha, halimbawa, ay nag-aalaga ng isang dagang kosta bilang kaniyang alagang hayop. Ang limang-taóng-gulang na si Naomi ay may puting daga. At ang kasalukuyang kagalakan ng 15-anyos na si Bobby-John ay isang joey—isang babaing batang kangaroo. “Mayroon siyang sarili niyang basket at namamaluktot dito na gaya ng pamamaluktot niya sa lukbutan ng kaniyang ina,” sabi ni Bobby-John. “Ayaw niyang siya’y laging kinakarga, ngunit napakaganda niya.”
Maraming adulto ang mahilig din sa mga alagang hayop. At ang pagpapaamo at paggamit sa mga hayop bilang mga alagang hayop ay noon pang sinaunang panahon. Ang mga Ehipsiyo, halimbawa, ay nagpaamo ng mga pusa at mga baboon. At nariyan ang Romanong emperador na may pambihirang alagang hayop—isang leon na nagngangalang Scimitar. Mahal na mahal niya ang kaniyang alagang leon anupat ito ay nauupo sa hapag kainan na kasama niya at natutulog sa paanan ng kaniyang kama sa gabi. Sinanay rin ng mga Romano ang mga aso at mga bakulaw. Isang popular na libangan na makita ang mga bakulaw na sumasakay sa likod ng aso o nagpapatakbo ng mga karo.
Kapag wastong nasanay at napatnubayan ng kanilang mga magulang, maaaring matutuhan ng mga bata na pangalagaang mainam ang kanilang mga alagang hayop. Sila ay maaaring bigyan ng pananagutan na pakanin at alagaan ang mga ito. Ang pagkakaroon ng mga alagang hayop ay maaari ring maging lubhang nakapagtuturo sa mga bata. Gaya ng binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica, “ang pag-aalaga ng mga hayop ay nagbibigay ng pagkakataon na turuan ang mga bata tungkol sa malapit na ugnayan ng pribilehiyo sa pananagutan at gayundin ang tungkol sa sekso. Di-magtatagal ang proseso ng pag-aasawa ay napapansin, kasunod ng mga bagay na gaya ng mga panahon ng pagbubuntis at ang iba’t ibang problemang nasasangkot sa panganganak at pangangalaga sa mga anak.”
Ginamit ng mga magulang ang mga alagang hayop upang ipakita sa kanilang mga anak ang tamang pangmalas sa lahat ng nabubuhay na bagay—halimbawa, hindi kailanman nagiging mabagsik o pinahihirapan ang alagang hayop at hindi kailanman hinahayaang ito ay magutom o manatiling marumi. Dito man, ay isang praktikal na paraan upang ipakita sa mga anak ang karunungan at mahusay na kasanayan ng Maylikha ng mga hayop, na ginawa ang bawat isa “ayon sa kani-kaniyang uri.”—Genesis 1:24.
Subalit ang mga bata ay kadalasang nagsasawa sa pananagutan o makakalimutin. Kadalasang ang kasiglahan ng isang bata sa isang alagang hayop ay agad na naglalaho. Ang interes ngayong linggo ay maaaring madaling maging kayamutan sa susunod na linggo. Kaya, mga magulang, kung pinag-iisipan ninyong bigyan ang inyong anak ng pananagutan na pagkakaroon ng isang alagang hayop, tandaan na ikaw, ang adulto, ang may pangwakas na pananagutan.
Mahalaga ang Wastong Kalinisan
Ang mabuting kalinisan ay mahalaga para sa mga alagang hayop, ngunit kasinghalaga rin—marahil higit pa—para sa iyong mga anak. Ang mga kulungan at mga bahay ng mga alagang hayop ay dapat na panatilihing malinis, at ang ilang alagang hayop ay nangangailangan ng regular na pag-aayos at pagpapaligo. Kung gaano dapat kalapit sa pisikal ang mga tao sa mga hayop ay kailangan ding isaalang-alang. Tandaan na para sa maraming hayop ang kanilang dila ay siya rin nilang bimpo, na ginagamit nila sa lahat ng bahagi ng kanilang katawan. At yamang sila ay nasasangkapan na pangasiwaan ang mga mikrobyong nakakain nila, ang mga bata ay hindi. Huwag pasiglahin ang inyong anak na halikan ang isang hayop.
Ang mga alagang hayop ay dapat na mayroong kanilang sariling pinggan at hindi dapat pahimuran ang mga pinggan na gamit ng mga tao. Ito’y isang lubhang maselan na bagay, sapagkat ang mga hayop at mga ibon ay maraming sakit na maaaring ilipat sa mga tao kung hindi mag-iingat. At maraming alagang hayop ang nangangagat. Totoo na ang ilan sa mga sakit na ito ay suwabe lamang at maaaring kadalasa’y ipinapasa nang hindi pansin o maaaring dahil sa ilang pinagmumulan maliban sa alagang hayop. Subalit ang ilang sakit sa palahingahan at mga butlig-butlig sa balat ay karaniwang nakukuha sa mga alagang hayop. Ang iba pang sakit ay mas grabe at maaaring makamatay. “Ang mga maaamong pusa ay nakahahawa sa mga 3,300 magiging mga ina sa isang taon ng toxoplasmosis, na nagbubunga ng 15 porsiyento ng kamatayan ng ipinagbubuntis na sanggol,” sabi ng US.News & World Report.
Turuan ang mga Bata na ang mga Alagang Hayop ay Hindi mga Tao
Habang tumitindi ang pagmamahal ng mga bata sa alagang hayop, kailangan ang pag-iingat na sila ay hindi sosobra at tatratuhin ang kanilang alagang hayop na parang isang tao o nagtataglay ng mga katangian o antas ng unawa ng tao. Ito ay magdudulot ng di-kinakailangang trauma kapag ang alagang hayop ay tumanda at mamatay o marahil ay mapatay sa isang aksidente.
Mangyari pa, ito ay hindi isang bagay na dapat lamang ituro sa mga bata. Ang ilang adulto ay kailangan ding turuan na maging maingat sa bagay na ito. Sa ilang kaso ang alagang hayop ay hinihimas-himas at tinatrato na para bang ito’y isang sanggol o isang paslit na bata. Maaaring madaling gayahin ng mga bata ang mga bagay na nakikita nilang ginagawa ng ilang adulto, labis-labis na pagmamahal sa kanilang mga alagang hayop.
Kaya kailangan nating magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa mga alagang hayop at turuan ng gayundin ang ating mga anak. Tulungan silang maunawaan na ang mga alagang hayop at lahat ng may buhay na mga nilalang ng Diyos ay narito para sa kasiyahan at gamit ng tao. Subalit dapat tayong maging maingat na huwag kailanman itaas ang mga hayop at ibon nang higit kaysa bahaging nilayon dito ng Diyos. Hindi layunin ng Diyos na ang mga hayop ay mabuhay magpakailanman. Ang kanilang limitadong haba ng buhay ay hindi dahilan sa kasalanan nina Adan at Eva at sa kasunod na manang kasalanan at kamatayan, gaya sa kaso ng mga tao.—Roma 5:12; 2 Pedro 2:12.
Kapag ang mga alagang hayop ay iniingatan sa kanilang wastong dako, sila ay isang nakalulugod na kaloob buhat sa Diyos para sa kasiyahan ng tao. At hindi lamang para sa mga bata. Maraming nalulungkot, maysakit, at matatandang tao ang nagkaroon ng pakinabang gayundin ng kasiyahan mula sa kanilang mapagmahal na mga alagang hayop. “Sinasabi ng mga mananaliksik na, sa ilang kalagayan, ang mga alagang hayop—o, pinipili ng iba, ‘kasamang mga hayop’—ay maaaring pagbutihin ang kilos ng puso ng mga may-ari nito, mabilis na pagalingin pagkatapos ng isang atake sa puso, paginhawahin ang kabalisahan at ibaba ang presyon ng dugo,” sabi ng babasahing AARP News Bulletin.
Mag-alaga ng Hayop o Hindi?
Kung gayon, ano ang gagawin mo kung ang iyong anak ay humingi ng isang alagang hayop? Dapat kang magpasiya, iniingatan sa isip ang lahat ng mga bentaha at mga disbentaha. Ang mga salik na gaya ng dakong inyong tinitirhan, ang gastos ng wastong pangangalaga at pagpapakain sa alagang hayop, ang edad ng iyong anak, at ang panahong kinakailangan upang pangasiwaan ang wastong pangangalaga sa hayop ay kailangang maingat na isaalang-alang.
Subalit kung ikaw ay magpasiyang magiging kapaki-pakinabang para sa iyong anak na magkaroon ng isang alagang hayop, isaisip ang naunang payo. Pagkatapos, taglay ang isang alagang hayop sa pamilya, bakit hindi lubusang masiyahan dito? Alagaan itong mabuti, at turuan ang inyong anak na gawin din iyon. Inilalagay sa kanilang dako, ang mga alagang hayop ay hindi lamang kapaki-pakinabang at kasiya-siyang mga kasama kundi nakalulugod na katibayan din ng nakapagtatakang pagkasari-sari, ang walang-katapusang pangunguna ng isang maalalahaning Maylikha.