Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Nuno Ang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” mga labas ng Hulyo 8 at Hulyo 22, 1992, ay may kinalaman sa pagpisan ng mga nuno. Ang aking lola ay pumisan sa amin pagkamatay ng kaniyang asawa. Siya ang nag-alaga sa akin at sa aking limang kapatid samantalang sina Inay at Itay ay nagtrabaho; kami’y naging totoong malapít. Ngayon ay hindi na mapangalagaan ni Lola ang kaniyang sarili, ako’y may pribilehiyo na ibigay sa kaniya kung ano ang ibinigay niya sa akin. Hindi madali ito, yamang may pamilya ako na pangangalagaan, at ang aking kalusugan mismo ay hindi gaanong mabuti. Subalit ako’y nasisiyahan sa pangangalaga sa kaniya. Oo, maraming positibong mga bagay ang maaaring mangyari kapag pumisan ang isang nuno!
B. M., Estados Unidos
Pagpapalaki ng mga Anak Salamat sa mga artikulo tungkol sa “Pagpapalaki ng mga Anak sa Isang Imoral na Daigdig.” (Hunyo 22, 1992) Kayo’y nagbabala tungkol sa mga manlilinlang na pumapasok sa kongregasyon, na nag-aangking Kristiyano. Noong nakaraang taon ang aming anak na babae ay pinainom ng droga at hinalay ng gayong binata. Siya ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isang miyembro ng aming kongregasyon. Bagaman siya ay hinatulan ng hukuman, ang pinsala sa aming pamilya ay mapangwasak. Inaasahan namin na pag-aaralan ng lahat ng Kristiyanong magulang ang napapanahong mga artikulong ito na kasama ng kanilang mga anak, pinag-iingat sila na huwag maging labis na nagtitiwala sa mga kunwari’y interesado sa Bibliya.
K. V., Estados Unidos
Ang magasing ito ay nagpangyari sa akin na matanto kung gaanong pagsisikap ang ginagawa ng ating mga magulang upang palakihin tayo sa pagkatakot sa Diyos. Personal akong nakinabang sa artikulong “Tulungan Silang May Katalinuhang Pumili ng Kabiyak.” Ako’y 16 pa lamang at hindi pa ako interesado sa pag-aasawa ngayon. Gayunman, natitiyak ko na ang praktikal na payong ito ay magiging kapaki-pakinabang sa akin sa hinaharap.
N. G., Italya
Musikang “Death-Metal” Maraming salamat sa artikulong “‘Death-Metal’—Ano ang Mensahe?” (Hulyo 8, 1992) Kapuwa ang musikang heavy-metal at rap ay napakapopular sa aking paaralan. Ang lahat na hindi nakakagusto sa uring ito ng musika ay kinakantiyawan. Ginawa ng artikulong mas madali para sa akin na tumanggi at gayundin ay ipaliwanag kung bakit ayaw ko ang musikang ito. Maraming salamat.
M. F., Alemanya
Pagsasalita sa Publiko Ilang komento lamang tungkol sa artikulong “Maaari Kang Magsalita sa Harap ng mga Tagapakinig!” (Hulyo 22, 1992) Ako’y mahiyain sa tuwina. Sa paaralan bihirang-bihira akong magsalita sa harap ng klase, at sa wakas ay huminto ako ng pag-aaral dahil sa aking mga takot. Subalit nang ako’y maging isang Kristiyano, ako’y sumali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at kailangan kong magsalita sa harap ng mga tagapakinig. Hindi ito madali, subalit sa pamamagitan ng panalangin at ng pagkukusang mapagtagumpayan ang aking problema, ako ay unti-unting sumulong. Mahiyain pa rin ako, subalit ako’y nakapagsalita na sa harap ng maraming tagapakinig sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova!
A. H., Brazil
Pagpapasulong sa Iyong Memorya Bago ko pa basahin ang artikulong “Kung Paano Pasusulungin ang Iyong Memorya” (Hulyo 22, 1992), natuklasan ko na minsan pa’y may nakalimutan akong bilhin noong ako’y namili. Binanggit ng artikulo ang maraming tulong sa pagsasanay sa memorya ng isa, gaya ng pagbuo ng isang larawan sa isipan. Ang halimbawa ng paglalarawan ng isang bakang nagsisipilyo ng kaniyang ngipin kapag kailangan ng isa na bumili ng gatas at toothpaste ay totoong nakatatawa. Sa hinaharap, gagamitin ko ang mga paraang ito at inaasahan kong hindi ko na gagamitin ang aking talaan ng mga bibilhing bagay.
E. B., Alemanya
Mula sa Aming mga Mambabasa Maraming salamat sa tampok na “Mula sa Aming mga Mambabasa.” Malayo sa pagiging isang halu-halong pangungusap na pinili upang suportahan ang inyong punto de vista, ito ay isang kalipunan ng makabagbag-damdaming mga karanasan ng tao. Ang pagiging handa ninyong ilathala ang puna ng mga mambabasa at, kung minsan, ang mga pagtutuwid ng editor ay malinaw na patotoo ng inyong kapakumbabaan.
C. Q., Italya