Paano Ko Maihihinto ang Pag-inom?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maihihinto ang Pag-inom?
“Laging masama ang pakiramdam ko kinabukasan, kapuwa sa emosyonal at espirituwal!”—Bob.
“Lagi akong nasasangkot sa gulo sa bahay, sa paaralan, sa mga kaibigan at sa mga pulis!”—Jerome.
KAPUWA pinagbayaran nina Bob at Jerome ang pag-inom ng alkohol nang labis at madalas. Sila kapuwa ay naging sugapa sa alkohol. At bagaman sa wakas ay lubusan nang inihinto ni Bob ang kaniyang pag-inom, sinisikap pa ni Jerome na madaig ang alkoholismo.
Ang pagkasugapa sa alkohol ay isang lumalagong problema sa gitna ng mga kabataan sa maraming dako ng daigdig. Tinataya ng ilan na sa Estados Unidos lamang, halos limang milyong kabataan ang may malubhang problema sa pag-inom. Gayunman, kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano, walang alinlangan na iniwasan mong mag-eksperimento sa alkohol, lalo na kung ang pag-inom ng inuming may alkohol ay labag sa batas sa inyong pamayanan. Gayumpaman, ang sumusunod na impormasyon ay maaaring magpatibay ng iyong pasiya na huwag masangkot sa pag-inom sa simula pa—sa paano man hanggang sa ikaw ay magkaedad na at mas nasasangkapan na pangasiwaan ito. Ngunit kung ikaw ay isa na naging sugapa sa alkohol, inaasahan namin na ang impormasyong ito ay tutulong sa iyo na labanan ang problemang ito. Taglay ang tunay na pagsisikap sa iyong bahagi at sa tulong ng Diyos na Jehova, maaari kang gumaling.
Pagtagumpayan ang Pagkakaila
Ang una at pinakamahirap na hakbang na dapat mong kunin ay pagtagumpayan ang pagkakaila. Karaniwan nang tinatanggihan ng mga alkoholiko na maniwala na sila ay may anumang problema sa pag-inom. ‘Kaya ko ito,’ ang kalunus-lunos na pagmamalaki ng alkoholiko. Isaalang-alang, halimbawa, ang 15-anyos na nagsabi: “Wala akong problema sa pag-inom. Anim na beer lamang ang naiinom ko sa isang gabi.” Nagugunita natin ang paglalarawan ng Bibliya sa isang tao na “nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata na nasusumpungan ang kaniyang pagkakamali at kinapopootan ito.”—Awit 36:2.
Oo, ang pagkakaila ay nakamamatay. Kaya kung may problema ka sa pag-inom, dapat mong aminin ang masakit na katotohanang iyan sa iyong sarili. a Huwag mong waling-bahala ang mga kaibigan, mga kapatid, o mga magulang na nagsasabi sa iyo na ikaw ay labis-labis kung uminom. Hindi sila mga kaaway mo sapagkat sinasabi nila ang katotohanan. (Ihambing ang Galacia 4:16.) Si Bob (na nabanggit kanina) ay dating malakas uminom tuwing dulo ng sanlinggo. Nang siya’y lapitan ng isang kaibigan tungkol dito, tinanggihan ni Bob ang anumang palagay na siya ay may problema sa pag-inom, at tinapos niya ang usapan. Subalit paano ba naaapektuhan ng alkohol ang buhay ni Bob? “Ako’y lubhang nerbiyoso kung hindi ako umiinom at hindi ko naman mapigil kapag uminom ako,” pagtatapat ni Bob. “Ang aking buhay pampamilya ay nasira—gayundin ang aking kaugnayan sa Diyos.”
Noong minsan, sa wakas ay inihinto ni Bob ang kaniyang pagtutol at inamin niya sa kaniyang kaibigan na siya nga ay naghahangad ng alkohol. Palibhasa’y naigupo na ang pader ng pagkakaila, nasimulan ni Bob ang kaniyang paggaling.
Magkaroon ng Determinasyong Huminto
Si Propesor George Vaillant ay sumusulat na “ang alkoholismo ay . . . maaaring gamutin, ngunit . . . mangangailangan ng malaking pananagutan mula sa pasyente.” Kalakip diyan ang iyong pagiging determinadong ihinto ang pag-inom ng alkohol. Ang kakulangan ng pagpapasiya ay maaaring mangahulugan ng pamumuhay—at pagkamatay—bilang isang alkoholiko. Ano ang maaaring tumulong? Ang pagtutuon ng pansin sa pagkamapangwasak ng alkoholismo ay maaaring tumulong sa iyo na “kapootan ang masama” at maaaring magpalakas ng iyong pasiya na ihinto ang pag-inom minsan at magpakailanman.—Awit 97:10.
Halimbawa, maaaring pag-isipan mo ang malaking pinsala na dala ng alkoholismo sa pisikal, emosyonal, at sa moral. Ipagpalagay na, ang isang inumin ay maaaring tila palubagin ang iyong panloob na kirot o mga damdamin ng kawalang-halaga sa sandaling panahon. Subalit sa wakas, ang pagtitiwala sa alkohol ay lumilikha lamang ng higit na mga problema; nasisira ang pagkakaibigan, at umiigting ang mga kaugnayang pampamilya. Isa pa, sapagkat binabawasan ng alkohol ang iyong pagpipigil, maaaring madali nitong “alisin ang mabuting motibo” at akayin ka sa malubhang maling paggawi.—Oseas 4:11.
Isaalang-alang din, kung anong maaaring gawin ng maraming alkohol sa iyong katawan, unti-unting nilalason ang iyong mahahalagang sangkap. Kaya sinasabi ng Bibliya na ang labis na pag-inom ay nagbubunga ng higit pa kaysa ‘paghihirap, pagsisisi, mga away, kabalisahan, at mga pasâ.’ (Kawikaan 23:29-30, The New English Bible) Sulit ba ito sa anumang pansamantalang kasiyahan na nakukuha mo?
Maaaring makatulong din na ipaalaala sa iyong sarili na hindi mo kailangan ang alkohol upang maging maligaya. Ni kailangan mo man ang isang artipisyal na katuwaan at kaligayahan upang magkaroon ng paggalang-sa-sarili, mabuting kalusugan, tapat na mga kaibigan, at isang maibiging pamilya. Ang tagumpay sa mga larangang ito ng buhay ay dumarating sa pagkakapit ng Salita ng Diyos. (Awit 1:1-3) Ang Salitang iyon ay nagbibigay rin sa iyo ng pag-asa para sa isang mas maaliwalas na hinaharap—buhay na walang-hanggan na walang emosyonal o pisikal na kirot! (Apocalipsis 21:3, 4) Ang pagkakaroon ng gayong pag-asa ay nagbibigay sa iyo ng isa pang dahilan upang umiwas sa alkohol.—Ihambing ang 1 Corinto 6:9, 10.
Humingi ng Tulong
Gayunman, ang basta pagkakaroon ng pagnanais na gumaling ay karaniwan nang hindi sapat. Kakailanganin mo rin ang alalay at tulong ng iba. “Ang dalawa ay maigi kaysa isa,” sabi ni Haring Solomon. “Sapagkat kung angEclesiastes 4:9, 10) Ang pagtitiwala sa isa na tutulong sa iyo sa iyong problema ay hindi madali. Subalit isang pagaling na alkoholikong nagngangalang Katy ay nagpapayo: “Matutong magtiwala sa mga tao, lalo na sa iyong pamilya.” Oo, sa karamihan ng mga kaso ang iyong pamilya ay nasa pinakamainam na kalagayan na magbigay sa iyo ng pag-ibig at alalay na kailangan mo.
isa sa kanila’y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama.” (Totoo, ang kalagayan ng iyong pamilya ay maaaring siyang dahilan ng iyong pagkasangkot sa pag-inom. Subalit kung nalalaman ng iyong mga magulang ang iyong kalagayan, hindi kaya makita nila ang pangangailangan na pagbutihin ang mga bagay-bagay sa tahanan? Kaya bakit hindi subuking lapitan ang iyong mga magulang, ipaalam sa kanila na ikaw ay may malubhang problema? Sa halip na ibunton ang lahat ng sisi sa kanila, hingin ang tulong at alalay nila. Ang pagiging tapat sa iyong mga magulang ay tutulong sa inyong pamilya na maging “maayos ang pagkakalapat” na gaya ng sambahayan ng Diyos. (Efeso 4:16) Sa ganitong paraan lahat kayo ay makapagsisimulang gumawa nang sama-sama para sa isang matagumpay na paggaling.
Kung walang pagtaguyod ng pamilya, ang iba ay maaaring tumulong. b (Kawikaan 17:17) Si Bob ay kinaibigan ng isang Kristiyanong matanda na dumadalaw sa kaniya linggu-linggo sa loob ng ilang buwan upang subaybayan ang kaniyang pagsulong. Sabi ni Bob: “Ang kaniyang interes at pangangalaga ay nagbigay sa akin ng pagpapahalaga-sa-sarili na kailangan ko upang ihinto ang aking nakasusugapang bisyo.”—Santiago 5:13, 14.
Higit sa lahat, alamin na kailangan mo ang tulong ng Diyos na Jehova. Umasa sa kaniya para sa lakas. Oo, sa tulong ng Diyos maaaring maranasan “ng mga bagbag ang puso” ang ‘pagpapagaling at pagtali [ni Jehova] ng kanilang mga sugat.’—Awit 147:3; tingnan din ang Awit 145:14.
Humanap ng Bagong mga Kaibigan
Iniulat ng isang surbey sa New Zealand na ang mga kaibigan ay isang malaking impluwensiya sa mga kabataan na nagmalabis sa alkohol. Masusumpungan mo kung gayon na mahirap ihinto ang pag-inom kung ikaw ay nakikisama sa mga manginginom. Sa dahilang ito ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag mapasama sa mga malakas uminom.” (Kawikaan 23:20) Magkaroon ng bago, kaayaayang pakikipagkaibigan. Kung paanong totoo na ang “masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali,” ang mabubuting kasama ay isang positibong impluwensiya.—1 Corinto 15:33.
Natuklasan ni Kim na ito ay totoo. “Nakaaasiwa,” inaamin niya, “ngunit kailangan kong palitan ang aking mga kaibigan . . . ayaw kong mapasama sa mga umiinom ng alak o nagdodroga.” Tunay, ang mga kaibigan na hindi umiinom ay maaaring mahirap matagpuan. Gayunman, masusumpungan mo na ang huwarang mga kabataan sa mga Saksi ni Jehova ay hindi nagsasagawa ng ilegal na pag-inom. Ni sila man ay umaasa sa alkohol bilang isang pinagmumulan ng libangan o pagtakas. Kaya sila ay maaaring tumulong—hindi humadlang—sa iyong pagsisikap na “hubarin ang dating pagkatao at ang mga gawain nito.”—Colosas 3:9.
Maaari Kang Gumaling!
Ang pamumuhay nang walang alkohol ay magiging isang nagpapatuloy na pakikipagbaka para sa iyo. Kung minsan ang pangingilin ay maaaring maging napakahirap. “Mayroon pa rin akong malakas na pagnanais [na uminom],” sabi ni Ana, “lalo na kapag ako’y naliligalig, bigo, nanlulumo o nasasaktan.” Kaya karaniwan na sa isang pagaling na alkoholiko na dumanas muli ng pagbalik sa dati, na humahantong sa mga damdamin ng pagkakasala. Sakaling mangyari iyon, tandaan na “tayong lahat ay natitisod ng maraming ulit.” (Santiago 3:2) Tandaan din, na si Jehova ay isang Diyos ng kaawaan na nakauunawa sa iyong mga kahinaan.—Awit 103:14.
Gayumpaman, mag-ingat na huwag abusuhin ang kabaitan ng Diyos. Matuto mula sa iyong pagkakamali, at maging higit na determinado kailanman na huwag bumalik na muli sa dati. Sa pagpapakita ng gayong determinasyon, naihinto ni Bob ang pag-inom. Mula noon, siya ay nagtatamasa ng mapayapang kaugnayan kapuwa sa kaniyang pamilya at sa Diyos. Kalakip sa kaniyang maligayang buhay ngayon ang paglilingkod bilang isang buong-panahong ministro. Ang kaligayahan at kapayapaan ng isip ay magiging iyo rin, kung magwawagi ka sa pakikipagbaka sa alkohol.
[Mga talababa]
a Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari Kaya Akong Gawing Sugapa ng Pag-inom?” (Enero 8, 1993, Gumising!) ay maaaring tumulong sa iyo na alamin kung ikaw ay may problema sa bagay na ito.
b Marami ang nakinabang mula sa tulong ng mga manggagamot at mga tagapayo na sinanay upang pakitunguhan ang sugapa sa alkohol. Ang ibang dalubhasa ay naniniwala na hanggang maihinto mismo ang nakasusugapang gawi, ang paggawa sa ibang aspekto ng paggaling ay hindi maaaring magtagumpay. Dahil dito at sa iba pang kadahilanan, inirerekomenda ng ilan na ang mga alkoholiko ay pumasok sa isang programa na pag-aalis ng nakasusugapang bagay sa katawan sa isang ospital o klinika.
[Larawan sa pahina 16]
Mahilig na ikaila ng mga kabataang alkoholiko na sila ay may problema