Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pinalalamig ng Bulkan ang Planeta

Nang sumabog ang Bundok Pinatubo na bulkan sa Pilipinas noong 1991, inihula ng mga siyentipiko na ang ating planeta ay bahagyang mas lalamig bilang resulta. Tama sila, gaya ng nangyari. Ibinuga ng bulkan ang halos 20 milyong tonelada ng gas na sulfur dioxide sa atmospera. Nag-anyong isang malawak na ulap ang gas na binubuo ng maliliit na patak ng asidong asupre at ikinalat sa paligid ng globo ng mataas, mabilis na takbo ng hangin sa loob lamang ng mga linggo. Nagkalat ang mga patak at hinadlangan ang ilang silahis ng araw, na nagbunga sa mas malamig na temperatura sa lupa sa ibaba. Sang-ayon sa Science News, nakitaan ang mga bahagi ng Hilagang Hemispero, simula ng pagsabog, ng pagbaba ng halos isang digri Celsius sa katamtamang temperatura. Gayumpaman, panandalian lamang ang epektong ito at hindi dapat malasin bilang isang lunas sa pag-init ng globo. Isang dalubhasa sa klima ay humuhula na ang paglamig na kalakarang ito na gawa ng bulkan ay lilipas sa 1994.

Negosyo ng Sangkap ng Katawan sa Asia

“Ang suplay at demand ang batas ng lupain,” sabi ng magasing Asiaweek sa paksa na pagnenegosyo sa mga sangkap ng katawan ng tao. Sa Hong Kong mga 600 katao ang naghihintay ng paglilipat ng bató (kidney transplant) sa tagsibol ng 1992, subalit 50 lamang sa mga ito ang inaasahang makatatanggap ng isa sa dulo ng taon. Kaya naman, marami ang naglalakbay sa ibang mga bansa, gaya sa India kung saan mga 6,000 paglilipat ng bató ay isinasagawa taun-taon sa isang 20-milyon-dolyar-santaon na negosyo. Kalimitan ay handang ipagbili ng mahihirap o yaong mga dumaranas ng kagipitan sa pinansiyal ang isang bató, yamang posible namang mabuhay ng iisa lamang ito. Subalit sinabi ng Asiaweek na ang negosyo ng sangkap ng katawan ay sinasalot ng katiwalian. Ang ilang nagbibigay ay dinadaya sa kanilang bayad ng mga ahente. Isang lalaki ang iniulat na nagpatingin sa isang ospital na may kaunting problema sa tiyan at humantong sa pagkatanggal ng isang bató​—inalis iyon na walang pahintulot niya!

Pagpaslang sa mga Walang-malay

Di-kukulangin sa 1,383 bata sa Estados Unidos ang napatay sa pamamagitan ng pag-abuso o pagpapabaya noong 1991, ulat ng The Washington Post. Ang katamtamang pagtayang ito, na ibinigay ng National Committee for Prevention of Child Abuse, ay umaabot sa nakatatakot na apat na mga kamatayang may kaugnayan sa pag-abuso sa mga bata sa bawat araw, 50-porsiyentong pagsulong sa nakalipas na anim na taon. Iba’t iba ang mga dahilan ng pagsulong. Sinisisi ng ilang espesyalista ang lumulubhang mga kalagayan sa pangkabuhayan​—dahil sa kawalan ng trabaho, mababang kita, at kawalang pag-asa—​na nagtutulak sa mga tao na ibunton ang kanilang mga kabiguan sa walang kayang mga biktimang ito. Sinabi ng Post na bagaman ang ilang kaso na nailathala nang husto ay nagsangkot ng mga upahang tagapag-alaga ng bata, na inaakusahang umabuso sa mga bata, “batid ng mga espesyalista na ang tunay na dahilan ng mataas na bilang ng mga kamatayan ay karaniwang mas malapit sa tahanan, sa nanay at tatay, na sa lahat ay siyang dapat na magpakita ng higit na pagmamahal sa mga sanggol.”

Nagpuputok na Populasyon​—Bakit?

Bakit ang nagpuputok na populasyon ay napakapalasak sa mas mahihirap na bansa? Sa magasing Visão, si Paulo Nogueira Neto, dating kalihim ng kapaligiran sa Brazil, ay tahasang sumagot: “May isang kuwento sa Brazil. Tinanong kung bakit siya’y may siyam na anak, wika ng lalaki, ‘Dahil ang tatlo ay namatay nang sila’y maliliit pa; ang tatlo ay nandayuhan sa São Paulo, Rio de Janeiro, o Brasília, at ang tatlo ay mananatili rito upang kumalinga sa amin pagtanda namin.’ Ang anak ay siyang panlipunang seguridad ng mahihirap na tao.” Isinusog pa ni Neto, nang may pagbababala: “Madaling makita sa buong daigdig: Kung saan may paghihikahos ay may pagputok ng populasyon. At kung ito’y magpapatuloy, ang planeta ay mapapahamak. Sa isang daigdig na may takdang mga yaman, hindi tayo maaaring magkaroon ng walang-hanggang pag-unlad, maliban kung ito’y espirituwal, moral, o makasiyentipiko.”

Si Jesus sa Video

Ang iba’t ibang organisasyon sa Sangkakristiyanuhan ay gumagawa ng nakapangingilabot na bagay sa kanilang pagsisikap na akitin ang mga kabataan sa pagkakamit ng kaalaman sa Bibliya. Halimbawa, ang American Bible Society ay gumawa ng isang video na bersiyon ng ulat ng Marcos 5:1-20 tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang taong inalihan ng demonyo. Iniuulat ng The Miami Herald ng Florida na ang istilo ay gaya ng musikang video, na may mga eksenang inayos sa mabilis-kilos na mga pagsipi. Ang isang bersiyon ay sinaliwan ng musikang rap, ang isa pang bersiyon ay sinaliwan ng kansiyon. Inilarawan si Jesus na naka-T-shirt at dyaket habang siya’y nasa isang hagdan para sa sunog na manu-manong nakikipaglaban sa taong inaalihan ng demonyo na naglalaway at nakasuot ng isang sombrero ng baseball. Ang isa pang musikang video, tinatawag na Resurrection Rap, ay iniulat na ipinakikita si Jesus bilang isang lider ng gang!

Nakamamatay na Tubig

Pagkatapos ng digmaan, ano ang gagawin sa lahat ng di nagamit na mga munisyon? Sang-ayon sa pahayagang Aleman na Hannoversche Allgemeine, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang mga Allies ay sumapit sa isang simple, ngunit hindi tumitingin sa hinaharap, na sagot: Itambak ito sa dagat. Iniuulat ng pahayagan na sa pagitan ng 700,000 at 1,500,000 tonelada ng mga munisyon mula sa Third Reich ay itinambak sa pinakasahig ng dagat, di naglaon ay napasama ang mga munisyon ng Allies. Ang mga lugar na pagtatambakan ay pinili​—subalit hindi lubhang wasto na itinala—​sa North Sea, sa Baltic, at sa Skagerrak. Bagaman ang ilan sa mapanganib na basurang ito ay nasagip noong dekada ng 1950, halos 500,000 tonelada nito ang inaakalang natitira pa. Ngayon lumalago ang pagkabahala sa mga panganib na nilikha ng basurang ito na nasa ilalim ng dagat. Sinusuri ng mga maninisid ng pamahalaan ang ilan sa mga lugar at sinisikap na tantiyahin kung gaano pa karaming munisyon ang naroroon at kung gaano kapanganib ito. Ang ilan sa dinamita ay maaari pang sumabog, at ang ilan ay nagtatagas ng mapanganib na mga lason, gaya ng lead azide, asoge, at TNT, sa tubig.

Mga Kapinsalaan sa Trampoline

Ang pambakurang mga trampoline ay nagiging popular, subalit ang mga ito ay maaaring maging mapanganib, ulat ng The Toronto Star ng Canada. Bagaman ipinapalagay ng ilan ang mga ito bilang mga laruan, nasumpungan ng dalawang-taóng pagsusuri ng Statistics Canada na 324 malulubhang kapinsalaan sa trampoline ang iniulat sa ibayo ng bansa. “Ang mga bata ng lahat ng edad ay nanganganib at ang dinanas na kapinsalaan ay malamang na mas malubha kaysa karamihan ng mga kapinsalaan sa pagkabata,” sang-ayon kay Arlene Huhn ng Sports Medicine Council ng Alberta. Nangyayari ang karamihan sa mga aksidente habang ang mga tao ay umaakyat o bumababa sa trampoline o pagka gusto nilang magsirko, susog pa ni Huhn. Iminumungkahi ng mga eksperto na ilagay ng mga may-ari ang trampoline sa isang bukas na lugar, na ang mga sumasali ay may panyapak na mabuti ang kapit, at na sila’y mag-ingat pagka umaakyat o bumababa. Isang tao lamang sa isang panahon ang dapat gumamit ng trampoline. Ang tamang pangangasiwa ay mahalaga.

Pagsalakay ng Ahas

Halos 30 taon na ang nakalipas, isang salot ang humampas sa isla ng Micronesia na Guam at pinalis ang karamihan ng mga uri ng mga ibong gubat nito. Ang salot ay hindi isang virus o isang pestisidyo kundi isang ahas​—ang kulay kayumangging ahas sa puno. Maaaring dinala mula sa New Guinea tungo sa isla sa pamamagitan ng mga sasakyang naghahatid ng tauhang militar at mga paninda ng E.U., ang ahas ay labis na dumami sa Guam. Mayroon ngayon na kasindami ng 30,000 ng di-gaanong makamandag na mga reptilya sa bawat labindalawang libong kilometro kudrado sa ilang lugar. Iniulat na ang mga ito ay naglambitin sa mga bakod at kawad ng kuryente, nilulusob ang mga tahanan, lumilitaw nang bigla sa mga tubo, at sinasalakay ang mga alagang hayop at maging ang mga sanggol. Sa ngayon nababahala ang mga dalubhasa sa kapaligiran sa Hawaii na ang mga ahas ay gagawa ng katulad na pagsalakay roon. Ang Hawaii ay walang katutubong mga ahas, subalit marami itong mga uri ng eksotiko at pambihirang mga ibon na madaling salakayin ng gayong mga maninila. Sa kasalukuyan, ang kulay kayumangging ahas sa puno ay natagpuan sa mga paliparan ng Hawaii​—waring mga takas na pasahero sa eruplano na dumating galing sa Guam.

Nilalabanan ng Venice ang Damong-dagat

Ang Venice, ang marikit na lunsod na umaahon mula sa isang lawa sa hilagang Italya, ay napapaharap sa isang pambihirang problema​—ang mga damong-dagat. Dahil sa labis-labis na mga nutriyente sa tubig, ang lawa ay nagsisibol ng nakapagtatakang 500,000 tonelada ng damong-dagat sa isang taon! Ano ang gagawin dito? Sa kauna-unahang eksperimentong iyon sa daigdig, na tinatawag ng magasing Le Scienze na “tunay na tagumpay,” ang damong-dagat ay ginawang papel. Ginagamit ang mga 40,000 hanggang 60,000 tonelada ng damong-dagat na inaani buhat sa lawa bawat taon, ang mga siyentipiko ay nakagawa ng papel sa isang proseso na mas banayad pa nga sa kapaligiran kaysa pagreresiklo. Pareho ang papel, at sa ilang paraan ay nakahihigit sa, papel na gawa sa cellulose. At ang kulay? Mapusyaw, batik-batik na berde​—siyempre pa!

May Kabaitang Pagkakawanggawa?

Itinangi kamakailan ng magasing Consumer Reports ang isang kawanggawa sa kanser na nagpadala ng mga sulat na hinihilingan ang mga tao na manghingi ng donasyon mula sa mga kaibigan at mga kapitbahay at ipadala iyon. Sinasabi ng ulat na ang pag-unawa sa maliit na titik sa likod ng sulat ay nagsisiwalat ng kawili-wiling mga katotohanan. Halimbawa, bagaman ang kawanggawa ay nakapangilak ng halos $2.5 milyon noong nakaraang taon, wala pang isang kusing ng bawat dolyar ang talagang napunta sa pondo para sa pananaliksik sa kanser. “Ang ibang pera ay ibinayad sa propesyonal na tagapagtipon ng pondo, ibinayad sa mga gastos sa pagtitipon ng pondo, pangangasiwa sa pondo, pag-aayos sa mga kasong lumitaw dahil sa nakaraang nakapanlilinlang na pangingilak, at ibinayad sa ‘pampublikong edukasyon,’ ” sabi ng magasin. Binanggit nito ang isang halimbawa ng pampublikong edukasyon na pinag-aalinlanganan​—labis na di kawili-wili at panlahatang payo sa pag-iingat sa kanser, gaya ng, “Panatilihing ligtas sa mga panganib ng kanser ang inyong dako ng trabaho.”

Mga Wika at ang Utak

Ayon kay Franco Fabbro, isang mananaliksik sa Trieste University sa Italya, ang bawat wika na nalalaman natin, o bahagyang nalalaman natin, ay nasa isang tiyak na dako ng utak. Paano niya narating ang konklusyong ito? Maraming indibiduwal na nagsasalita ng maraming wika na dumanas ng pinsala sa utak at hindi na makapagsalita nang wasto sa kanilang sariling wika ay nagsimulang magsalita nang matatas sa isang banyagang wika na inakala nilang bahagya lamang nilang nalalaman. Ipinahihiwatig nito, sabi ng magasing L’Espresso, “na ang katutubong wika ay humahadlang sa iba pang wika, tinatakdaan ang pagsasalita nito.”