Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bulating Guinea—Ang mga Huling Araw Nito

Ang Bulating Guinea—Ang mga Huling Araw Nito

Ang Bulating Guinea​—Ang mga Huling Araw Nito

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria

ANG araw ay mainit, gaya ng lahat ng araw. Itinatali ni Chinyere ang kaniyang sanggol sa kaniyang likod, dinadampot ang dalawang pinatuyong upo, at nakikisabay sa ibang taganayon sa maalikabok na daan. Sama-sama silang naglalakad sa mga bukid na nilanta-ng-araw hanggang sa maliit na lawa, ang tanging pinagmumulan ng tubig sa dakong iyon. Sa lawa ay maingat na bumababa siya sa madulas na mga pampang ng putik at painut-inot na lumalakad sa tubig na gatuhod ang lalim upang umigib ng tubig.

Napapansin niya ang mga buwaya na palakad-lakad sa lantang mga damo sa kahabaan ng pampang at na nagtatagal sa ibabaw lamang ng lawa, ngunit hindi siya natatakot sa mga ito. Gaya ng sabi ng isang lalaki sa tabi ng lawa: “Hindi namin sila ginagambala, kaya hindi nila kami ginagambala.”

Ang gayong pananalita ay tiyak na hindi masasabi tungkol sa iba pang mga nilikha na nakatira sa lawa. Hindi nakikita, hindi maaaring makita ni Chinyere ang mga ito; napakaliit nito. Ang mga ito ay nasa tubig na umaagos tungo sa kaniyang mga sisidlan ng tubig.

Ang Mapanganib na Bulating Guinea

Si Chinyere ay bumabalik sa kaniyang tahanang ang dingding ay putik na ang bubong ay pawid at ibinubuhos ang tubig sa isang palayok. Pagkatapos na tumining ang latak, siya ay uminom. Pagkalipas ng isang taon ay napansin niya ang isang bagay sa ibabang bahagi ng kaniyang paa na kamukha at parang isang maliit na ugat. Ngunit hindi ito ugat. Isang napakaliit na nilikha na nasa tubig na kaniyang ininom ay lumaki tungo sa isang mapayat, walumpung centimetrong bulating guinea.

Di-magtatagal ang bulati ay magpapangyari ng makirot na paltos sa kaniyang balat. Pagkatapos, ang paltos ay puputok, at ang kulay-kremang bulati ay lalabas, mga ilang centimetro sa bawat araw. Kukuha ng mula dalawa hanggang apat na linggo​—marahil mas matagal pa​—upang ito ay lumabas nang lubusan. Karamihan ng panahong iyan, si Chinyere ay malamang na mabaldado, at ang kaniyang kirot ay titindi. Ang pumutok na paltos ay maaaring mahawaan ng baktirya, na maaaring humantong sa tetano, sepsis, arthritis, o isang naknak.

Si Chinyere ay pinahihirapan ng isa lamang bulati, subalit karaniwan na para sa isang biktima na mahawaan ng ilan, isang dosena o higit pa, na mga bulati nang sabay-sabay. Karaniwang lumalabas ito sa paa, subalit ito kung minsan ay dumarayo at lumalabas sa ibang bahagi ng katawan, gaya sa anit, suso, at dila.

Gayunman, dahil sa isang internasyonal na kampaniyang lipulin ang bulating guinea, ang bulati ay maaaring masugpo na sa malapit na hinaharap. Sa buong daigdig, sang-ayon sa World Health Organization, pinahihirapan nito ngayon ang kulang-kulang tatlong milyon katao, halos pawang nakatira sa Pakistan, India, at sa 17 bansa sa Aprika. Wala pang isang dekada ang nakalipas, pinahirapan nito ang mga sampung milyon. Sa Asia, ang bulating guinea ay malapit nang malipol; sa karamihan ng apektadong mga bansa sa Aprika, ang parasito ay maaaring malipol sa pagtatapos ng 1995.

Isang Mahabang Kasaysayan

Sinalot na ng bulating guinea ang sangkatauhan mula pa noong una, lalo na sa Gitnang Silangan at Aprika. Isang tumigas na bulating guinea ay nasumpungan sa isang 13-anyos na babae na ang momiya ay nasumpungan sa Ehipto. Nakalulungkot, ang kaniyang dalawang paa ay pinutol, marahil upang ihinto ang ganggrena na mula sa impeksiyon ng bulating guinea.

Maraming reperensiya sa sinaunang mga akda. Ang pinakamaagang pagtukoy sa bulating guinea ay nasumpungan sa isang tekstong Ehipsiyo. Inilarawan nito ang pagpulupot sa lumalabas na bulati sa isang patpat. Noong ikalawang siglo B.C.E., isang Griegong nagngangalang Agatharchides ng Cnidus ay sumulat: “Ang mga taong nagkasakit sa Dagat na Pula ay dumanas ng maraming kakatwa at dating hindi kilalang mga pagsalakay, sa gitna ng ibang mga bulati, maliliit na ahas, na umatake sa kanila, nginatngat ang kanilang mga paa at braso, at kapag hinihipo ay umuurong, pumupulupot sa mga kalamnan, at pinagmumulan ng matinding mga kirot.”

Paggamot

Ang kasabihang, “Ang paghadlang ay maigi kaysa lunas,” ay tiyak na kumakapit sa sakit na dulot ng bulating guinea. Sa katunayan, wala itong lunas. Minsang uminom ang isang tao ng tubig na naglalaman ng itlog ng bulating guinea, wala nang magagawa ang mga doktor o ang medisina hanggang sa lumabas sa balat ang bulati, bago ito maging paltos. Sa yugtong iyon maaaring alisin kung minsan ng isang bihasang doktor ang parasito pagkatapos gumawa ng isang maliit na hiwa sa tabi ng bulati sa gitna ng haba nito. Pagkatapos ay gumagamit siya ng isang instrumentong may kalawit upang ilabas ang isang bahagi ng bulati, gumagawa ng isang silò sa ibabaw ng balat. Sa wakas maingat na hinihila niya ang iba pang bahagi ng bulati, isang operasyon na natatapos sa loob ng ilang minuto.

Gayunman, minsang lumabas ang bulati sa ganang sarili, ang pamamagâ sa pumutok na bahagi ng balat ay humahadlang upang madaling mabunot ang bulati. Pagkatapos, ang pinakamainam na magagawa ng biktima ay sundin ang sinaunang paggamot na maingat na pagpulupot sa bulati sa isang maliit na patpat habang ito ay lumalabas. Kailangang maging maingat upang hindi maputol ang bulati. Kung maputol ito, ang natitirang bahagi ay umuurong papasok sa biktima at ang bunga ay higit pang pamamagâ, kirot, at impeksiyon.

Kaunti lamang ang magagawa sa medikal na paraan upang labanan ang isang bulating guinea sa loob ng taong biktima nito. Subalit malaki ang magagawa upang sugpuin ang parasito bago pa ito pumasok sa katawan ng tao.

Pagsugpo sa Bulating Guinea

Ang isang paraan ay maglaan ng malinis na pinagmumulan ng tubig, gaya ng isang balon, na hindi maaaring mahawaan ng itlog ng bulating guinea. Ang isa pang paraan ay turuan ang mga taganayon na alin sa pakuluan ang kanilang iniinom na tubig o salain ito sa pamamagitan ng pagbubuhos nito sa isang pinong tela. Ang ikatlong mapagpipilian ay gamutin ang lawa sa pamamagitan ng kemikal na papatay sa itlog subalit hindi nakapipinsala sa tao o sa hayop.

Sa lahat ng natitirang bansa kung saan ang sakit ay laganap sa lugar na iyon, mabisang mga programa upang lipulin ito ay isinasagawa upang hanapin ang mga nayon kung saan ang mga tao ay sinasalot ng bulating guinea at tulungan ang mga maninirahan na iwasan ang impeksiyon. Hanggang sa ngayon, ang mga pagsisikap na ito ay napatunayang lubhang matagumpay. Sa ngayon ang bulating guinea ay waring pumasok na sa mga huling araw nito. At walang malulungkot kapag nawala na ang bulating guinea.

[Larawan sa pahina 26]

Ang maruming tubig ay hindi dapat inumin malibang ito’y mapakuluan o masala muna