Ano ang Masama sa Aking Musika?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Masama sa Aking Musika?
“Sabi ng itay ko, ‘Patayin mo nga ang ingay na iyan! Sumasakit ang tainga ko!’”—Isang tin-edyer na lalaki.
“Ang ilang musikang rap ay talaga, talagang nakaiinis.”—Isang tin-edyer na babae.
“HINDI naman ito malaking problema,” reklamo ni Jodie. “Bakit ba ginagawa nilang malaking isyu ang tungkol sa musika?” Gayundin ang palagay ng trese-anyos na si Lisette. “Isa lamang itong awit,” giit niya.
Ikaw rin ba’y nakikipagtalo sa iyong mga magulang tungkol sa musika? Kung gayon, maaaring makaharap mo ang mga reklamo, banta, at utos sa tuwing patutugtugin mo ang iyong paboritong tape o disc. (“Sabi ng itay ko, ‘Patayin mo nga ang ingay na iyan! Sumasakit ang tainga ko!’” sabi ng isang tin-edyer na lalaki.) Pagod na sa pakikipagtalo, maaaring akalain mo na pinalalaki ng iyong mga magulang ang isang maliit na bagay. “Kumusta naman sila noong sila’y bata pa?” tutol ng isang tin-edyer na babae. “Hindi ba inakala ng kanilang mga magulang na ang kanilang musika ay masama?”
May punto siya. Sa buong kasaysayan, ang nakatatanda at nakababatang salinlahi ay waring magkabangga sa mga bagay na may kaugnayan sa personal na kagustuhan. Kaya bakit kailangan mong ihinto ang pakikinig sa iyong musika dahil lamang sa ayaw ito ng iyong mga magulang? Ano ba ang masama sa iyong musika?
Musika—Ang Dako Nito sa Buhay
Buweno, wala namang nagsasabing masamang masiyahan sa musika. Ang ilan sa Bibliya mismo—lalo na ang mga awit—ay orihinal na nilapatan ng musika. Noong panahon ng Bibliya, ang musika ay gumanap ng mahalagang bahagi sa pagsamba sa Diyos. (Awit 149:3; 150:4) Ang musika ay nagsisilbi rin bilang isang paraan ng pagpapahayag ng kagalakan, katuwaan, at kalungkutan. (Genesis 31:27; Hukom 11:34; 1 Samuel 18:6, 7; Mateo 9:23, 24) Noong kaarawan ni Jesu-Kristo, ang musika ay isang karaniwang bahagi sa sosyal na mga pagtitipon; ito’y nakadaragdag ng kasiyahan sa okasyon.—Lucas 15:25.
Ang musika ay patuloy na gumaganap ng mahalagang bahagi ngayon—lalo na sa mga kabataan. Ang The Journal of the American Medical Association ay nagsasabi: “Sa pagitan ng ikapito at ika-12 grado, ang karaniwang tin-edyer ay nakikinig ng 10,500 oras ng musikang rock, bahagyang kaunti kaysa buong bilang ng oras na ginugol sa loob ng klase mula kindergarten hanggang high school.”
Ipinakikita ng mga surbey na ang karamihan ng mga kabataan sa E.U. ay halos nakikinig tangi sa musikang rock o pop. (Sa simpleng pananalita, gagamitin namin ang mga katagang “rock” at “pop” upang itawag sa lahat ng istilo ng musikang popular sa mga kabataan—mula sa musikang soul at new wave hanggang sa rap at heavy metal.) Sang-ayon sa The World Book Encyclopedia, “ang musikang rock ay hindi na musika lamang ng mga kabataang Amerikano. Ito ay musika ng daigdig.”
Ang Pang-akit ng Musikang Rock
Bakit ba napakapopular ng musikang rock? Sang-ayon sa aklat na Youth Trends, ang rock ay
nagsisilbing “isang pangkaraniwang wika sa lahat ng kabataan.” Kaya inaakala ng ilang kabataan na ang kabatiran sa kung ano ang popular sa daigdig ng musika—ang pagkaalam ng pinakabagong pangkat at mga awit—ay tutulong sa kanila na tanggapin ng iba pang kabataan. Ang musika ay nagbibigay ng isang karaniwang buklod sa mga kabataan at walang katapusang paksang mapag-uusapan.Gayunman, para sa maraming kabataan, ang musika ay pinakamainam na tinatamasa sa pag-iisa. Nagkaroon ka ba ng mahirap na araw sa paaralan? Kung gayon marahil ikaw ay katulad ng tin-edyer na babaing nagngangalang Bree na nagsasabi: “Nauupo ako sa aking silid, pinatutugtog ko ang stereo nang todo at basta nauupo ako roon. Wari bang naiibsan ang kaigtingan at panggigipit.” Bagaman ang musikang rock ay kadalasang pinupuna sa pagiging maingay at magulo, maraming popular na awit ang may magandang himig at maganda-sa-pakinig na mga areglo ng orkestra.
Gayunman, para sa iba ang pang-akit ay ang kumpas. “Ito ang pinakamadaling isayaw na musika,” sabi ng isang batang babae nang tanungin kung bakit mahilig siya sa musikang rap. Subalit marami rin ang naaakit sa mga salita. Isinulat lalo na para sa mga kabataan, inilalarawan ng mga lirikong pop ang iba’t ibang damdamin at mga kabalisahan ng mga tin-edyer. Ang musikang rap ay kapuna-puna lalo na sa pagtutuon ng pansin sa kasalukuyang mga isyu, gaya ng pagtatangi ng lahi at kawalang-katarungan sa lipunan. “Binubuksan ko ang radyo at ang karamihan ng musika ay hindi ko maintindihan, nakababaliw,” reklamo ng isang tin-edyer na nagngangalang Dan, na sinipi sa magasing Newsweek. “Ang rap ay may tunay na mga kuwento at tunay na mga bagay. Kawili-wiling makinig dito.”
Gayunman, maaaring ang mensahe ng musika ang siyang nakababahala sa iyong mga magulang.
Ang Mensahe ng Rap
Halimbawa, isaalang-alang ang musikang rap. Sa rap, ang mga liriko—salitang lansangan na may rima—ay sinasalita, hindi inaawit, kasaliw ng isang malakas na kumpas. Mangyari pa, wala namang masama sa ideang ito. Maraming popular na mga awit sa nakalipas na mga dekada ang sinamahan ng binibigkas na salita. Subalit ang musikang rap ay kadalasang kinukuha ang ideang ito sa kalabisan.
Ang rap (o, hip-hop) ay iniulat na naging popular noong mga taóng 1970 sa maliliit na samahan ng mga sayaw sa New York City na madalas dayuhin ng mga kabataan sa lunsod. Habang binibigkas ng mga disc jockey ang rima (o, nagrarap) sa saliw ng isang patiunang inirekord na tugtog, ang mga sumasayaw ay tumutugon nang halos may istirya. Di-nagtagal ang musikang rap ay lumipat mula sa mga lansangan at sa mga basement club tungo sa kasalukuyang musika. Ang mga rapper na nagtataglay ng pangahas na mga pangalang gaya ng kanilang musika—Public Enemy, M. C. Hammer, at Vanilla Ice—ay agad na naging popular sa radyo dahil sa kanilang dumadagundong na uri ng musika.
Kawili-wili, nang tanungin ng isang reporter ng Gumising! ang isang grupo ng mga kabataang Kristiyano ng iba’t ibang lahi, “Kayo ba’y nakikinig sa rap?” isang nakapagtatakang karamihan ang nagsabi ng oo! “Ano ang naiibigan ninyo sa rap?” ang susunod niyang itinanong. “Ang kumpas,” sagot ng isang tin-edyer na babae. “Basta ito dumadaloy, at madali itong pakinggan.” “Maaari mong sayawan ito,” tugon ng isa pa. Gayunman, ang susunod na tanong ay medyo hindi gaanong masigla ang tugon, “Problema ba para sa mga Kristiyano ang ilang musikang rap?”
Pagkatapos ng isang nahihiyang pagtigil, isang batang babae ang umamin: “Ang ilang musikang rap ay talaga, talagang nakaiinis.” Ang iba ay bantulot na sumang-ayon sa kaniya. Oo, lumalabas na maraming kabataan ay nakagagambalang pamilyar sa mahabang listahan ng kasuklam-suklam na mga awit—mga awit na nagtataguyod ng kahandalapakan at kalisyaan sa detalyadong mga pananalita. Ipinagtapat ng ilan na marami sa mga awit na ito ay malayang gumagamit ng lapastangang pananalita.
Oo, karamihan ng musikang rap ay tila naghahatid ng isang mensahe ng paghihimagsik, karahasan, galit, pagtatangi ng lahi, at seksuwal na kadalubhasaan. Ang tagapagtaguyod ng rap na si Daniel Caudeiron, pangulo ng Black Music Association sa Canada, na pinupuri ang rap sa pagiging “lipos na positibo,” ay umaamin na ang karamihan ng rap ay “misogynistic [laban sa babae], patungkol sa sekso at paminsan-minsan ay pagmumura.”—Maclean’s, Nobyembre 12, 1990.
Ang Rap na Istilo ng Buhay
Ipagpalagay na, hindi lahat ng musikang rap ay imoral o marahas. Sang-ayon sa isang artikulo sa
The New York Times, ang ilan ay itinatalaga sa positibong mga tunguhin na gaya ng edukasyon, sinisikap na hadlangan ang pag-abuso sa droga, at paglutas sa mga sakit ng lipunan. Subalit ang hindi masamang mga liriko ay maaaring eksepsiyon, hindi ang tuntunin. Nang uriin ng Newsweek ang nangungunang sampung album, na ginagamit ang pamantayan na kahawig ng ginagamit sa pag-uuri sa pelikula sa E.U., dalawa lamang ang itinuring na G, o angkop sa panlahat na tagapakinig. Inuri ng Newsweek ang apat na album ng R (para lamang sa adultong mga tagapakinig), at ang dalawa ay inuri pa nga na X dahil sa “mahalay na wika” at maliwanag na sekso.Bukod pa rito, ang mensahe ng rap ay lumalampas pa sa liriko nito. Ang rap ay nagbunga ng isang pagbabago sa kultura. Angaw-angaw na mga tin-edyer ay nagsusuot ng malalaking damit, hindi nakasintas na mga sneaker na lampas sa bukung-bukong, maluluwag na jeans, mga kuwintas na ginto, sombrero ng manlalaro ng baseball, at mga dark glass na siyang pamantayang kasuutang rap. Ginagaya rin ng marami ang kilos at saloobin ng mga nagtatanghal ng rap. At sa pangingilabot ng mga magulang at mga guro, ang mga salitang gaya ng “yo!” at “dis”—mga salitang lansangan na niluluwalhati sa rap—ay nakapasok sa pang-araw-araw na pananalita.
Maaaring lubhang kinakatawan ng rap ang isang paghihimagsik laban sa mga kawalang-katarungan. Subalit sa kabuuan, ang rap ay isa ring kultura ng paghihimagsik laban sa maka-Diyos na mga pamantayan ng paggawi, pananamit, at pananalita. Nanaisin ba ng isang Kristiyano, sa pamamagitan ng kaniyang musika, na mahila sa gayong kaduda-dudang istilo ng buhay?
Mangyari pa, ang musikang rap ay hindi siyang tanging anyo ng musika na labis-labis. Ang magasing Time ay nag-uulat: “May kapaitan sa halos lahat ng dako sa modernong kulturang pop ng Amerika. Ang pangkat ng heavy-metal na Motley Crüe ay nananawagan sa mga larawan ng satanismo at ginagaya ng Beastie Boys ang masturbasyon sa entablado.” Inihula ng Bibliya na “sa mga huling araw . . . ang masasamang tao at mga impostor [ay] lalong sasamâ nang sasamâ, na magdaraya at sila rin ang madaraya.” (2 Timoteo 3:1, 13) Kaya nga, magtataka ka ba kung marami sa musika ngayon ay naghahatid ng maling mensahe sa mga kabataang Kristiyano?
Kaya may katuwiran ang iyong mga magulang na mabahala nang husto kung ikaw ay mahilig sa rap at sa iba pang anyo ng musikang rock. Maaaring ikinatatakot nila na ang isang nakaugaliang pakikinig sa gayong musika ay maaaring puminsala sa iyo. Totoo kaya ang kinatatakutan nila? Tatalakayin ng aming susunod na labas ang tanong na ito.
[Mga larawan sa pahina 17]
Ginagaya ng maraming kabataan ngayon ang damit at saloobin ng mga nagtatanghal ng rap