Kapag Apektado ng Karahasan ang Tahanan
Kapag Apektado ng Karahasan ang Tahanan
“Ang karahasan ng tao—ito man ay isang sampal o salya, pagsaksak o pagbaril—ay mas madalas mangyari sa loob ng pamilya kaysa saanmang dako sa ating lipunan.”—Behind Closed Doors.
MAGLAKAD ka sa alinmang lansangan sa Amerika. Sa isa sa bawat dalawang tahanan, ang ilang anyo ng karahasan sa pamilya ay mangyayari hindi kukulangin ng minsan sa taóng ito. At sa 1 sa bawat 4 na tahanan, ito ay paulit-ulit na mangyayari. Balintuna, marami na natatakot maglakad sa mga lansangan sa gabi ay mas nanganganib sa bahay.
Subalit ang karahasan sa pamilya ay hindi lamang sa Amerika. Ito ay nangyayari sa buong daigdig. Halimbawa, sa Denmark 2 sa 3 pagpatay ay nangyayari sa loob ng pamilya. Ipinakikita ng pananaliksik sa Aprika na 22 hanggang 63 porsiyento ng lahat ng pagpatay ay nangyayari sa loob ng pamilya, depende sa bansa. At sa Latin Amerika maraming tao, lalo na ang mga babae, ay hinahamak, binubugbog, o pinapatay ng mga lalaking macho.
Sa Canada halos sandaang babae ang namamatay taun-taon sa kamay ng kani-kanilang asawa o kinakasama. Sa Estados Unidos, na halos sampung ulit ng populasyon ng Canada, taun-taon mga 4,000 babae ang pinapatay ng abusadong mga asawa o nobyo. Higit pa riyan, sa bawat taon mga 2,000 bata ang pinapatay ng kanilang mga magulang, at kasindami ring mga magulang ang pinapatay ng kanilang mga anak.
Kaya nga, sa buong daigdig, binubugbog ng mga asawang lalaki ang mga babae, hinahampas ng mga asawang babae ang mga lalaki, binubugbog ng mga magulang ang mga anak, sinasalakay ng mga anak ang mga magulang, at ang mga bata ay marahas sa isa’t isa. “Ang karamihan ng galit at karahasan na nararanasan ng mga adulto sa kanilang buhay ay mula o para sa isang kamag-anak,” giit ng aklat na When Families Fight, “at na ang galit ay mas matindi kaysa yaong naranasan sa anumang ibang kaugnayan.”
Ang Away sa Pamilya
Pag-abuso sa asawa: Kadalasan, minamalas ng mga asawang lalaki ang lisensiya sa kasal bilang isang lisensiya upang bugbugin ang kani-kanilang asawa. Bagaman nananakit din ang mga babae sa mga lalaki, ang pinsala ay karaniwan nang hindi kasinlaki ng pinsalang ipinababata ng mga lalaki kapag binubugbog nila ang kanilang mga kabiyak. Ang magasing Parents ay nag-uulat: “Mahigit na 95 porsiyento ng iniulat na mga kaso ng [malubhang] pag-abuso sa asawa ay nagsasangkot ng isang lalaki na binubugbog ang isang babae.”
Ganito ang sabi ng isang district attorney sa New York: “Ang karahasan laban sa mga babae ay umiiral sa epidemikong lawak sa lipunan ng Amerika. Tinataya ng FBI na . . . kasindami ng 6 na milyong babae ay binubugbog sa bawat taon.” Bagaman ang bilang ng mga insidente ay iba-iba sa bansa at bansa, ipinakikita ng mga ulat na ang pambubugbog ng mga lalaki sa mga babae ay epidemiko sa marami, kung hindi man sa karamihan, ng mga bansa.
Sa Estados Unidos, tinatayang “isa sa 10 babae ang malubhang sasalakayin (susuntukin, sisipain, kakagatin o masahol pa) ng kaniyang asawa bukas-makalawa sa panahon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.” Nang isama ang hindi gaanong malubhang mga kaso, sabi ng magasing Family Relations, “isa sa dalawang babae sa Estados Unidos ang makararanas ng karahasan sa pamilya.”
Sa katunayan, isang district attorney sa New York ay nagsasabi na natiyak nang “ang pambubugbog sa asawang babae ay nagdudulot ng higit na pinsala sa mga babae na nangangailangang ipasok sa ospital kaysa lahat ng panghahalay, pambubugbog at mga aksidente sa kotse na pinagsama-sama.”
Si Dr. Lois G. Livezey ay nagsabi: “Maliwanag na ang karahasan laban sa mga babae at ang karahasan sa loob ng mga pamilya ay karaniwan, at na ang mga nagsasagawa nito . . . ay mga ordinaryong tao. . . . Ito’y isang malubhang problema sa gitna ng lahat ng uri at mga lahi ng populasyon.”
Kung minsan sinisisi ng mga biktima ang kanilang sarili sa abusong tinatanggap nila, na nagbubunga ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili. Ang magasing Parents ay nagpapaliwanag: “Ang babaing kulang ng pagtitiwala-sa-sarili at may mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay ginagawang tudlaan ang kaniyang sarili ng pag-abuso. . . . Ang karaniwang babaing inabuso ay takot magplano at kumilos alang-alang sa kaniyang sariling kapakanan.”
Ang karahasan ng mag-asawa ay may masamang epekto rin sa mga bata. Nalalaman nila na ang karahasan ay maaaring gamitin upang maneobrahin ang iba. Iniuulat pa nga ng ilang ina na ang kanilang mga anak ay gumagamit ng mga pagbabanta laban sa kanila, gaya ng, “Sasabihin ko kay Tatay na suntukin kayo,” upang masunod ang gusto nila.
Pag-abuso sa bata: Sa bawat taon nakakaharap ng angaw-angaw na mga bata ang matinding pisikal na parusa na maaaring makapinsala nang husto, makabalda, o makapatay sa kanila. Tinatayang sa bawat kaso ng pag-abusong iniulat, 200 kaso ay hindi iniuulat. “Para sa mga bata, ang tahanan ay kadalasang ang pinakamapanganib na dako,” sabi ng aklat na Sociology of Marriage and the Family.
Ang propesor sa unibersidad na si John E. Bates ay nagsasabi na ang pag-abuso ay siyang pinakamalakas na impluwensiyang pantahanang nakaaapekto sa kung paano gagawi ang isang bata sa dakong huli ng buhay. Si Dr. Susan Forward ay nagsasabi: “Nasumpungan ko na walang ibang pangyayari sa buhay ang lubhang nakasusugat sa pagpapahalaga-sa-sarili ng tao o nagpapangyari sa kanila na magkaroon ng malaking mga problema ng damdamin sa pagkaadulto.” Ang mga palatandaan ng pagkaagresibo ng bata sa mahihirap na kalagayan ay maaaring mapansin kahit sa mga bata na apat hanggang limang taóng gulang. Habang sila ay lumalaki, ang mga batang iyon ay mas malamang na maging sugapa sa droga, sugapa sa alkohol, magkaroon ng kriminal na paggawi, mga kabalisahan ng isip, at naantalang paglaki.
Mauunawaan naman, maraming minaltratong mga bata ang nagkikimkim ng galit sa magulang
na nag-abuso sa kanila, subalit kadalasang galit din sila sa magulang na hindi nang-aabuso dahil sa pagpapahintulot na magpatuloy ang karahasan. Sa isip ng bata, ang magulang na nakakikita sa pag-abuso subalit walang ginagawa upang hadlangan ito ay maaaring malasin bilang isang kasabwat.Pag-abuso sa mga may edad: Tinatayang 15 porsiyento ng mga may edad na tao sa Canada ay dumaranas ng pisikal at sikolohikal na pag-abuso sa mga kamay ng kanilang adultong mga anak. Hinuhulaan ng isang doktor na “ang kalagayan ay maaari lamang lumala habang parami nang parami sa mga mamamayan ay nagiging may edad, at ang pinansiyal at emosyonal na mga pasan sa kanilang mga anak ay bumibigat.” Kahawig ding mga pangamba ang nadarama sa buong daigdig.
Kadalasan, ang mga may edad ay nag-aatubiling ireport ang pag-abuso. Maaaring sila ay umaasa sa nang-aabuso at sa gayo’y pipiliin pa nilang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kakila-kilabot na mga kalagayan. “Sa susunod na pagkakataon” ang sagot na ibinibigay ng isang may edad na babae kapag siya ay tinatanong kung kailan niya isusuplong ang kaniyang anak na lalaki at manugang na babae sa mga awtoridad. Binugbog nila siya nang husto anupat siya ay naospital sa loob ng isang buwan.
Pag-abuso sa mga kapatid: Ito ay laganap na anyo ng karahasan sa pamilya. Niwawalang-halaga ito ng iba, sa pagsasabing, “Normal lamang ito sa mga lalaki.” Gayunman, mahigit na kalahati ng mga kapatid sa isang surbey ang nakagawa ng malubhang mga gawa na karapat-dapat sa kriminal na pagsasakdal kung ang gawa ay ginawa sa isa sa labas ng pamilya.
Inaakala ng marami na ang pag-abuso sa mga kapatid ay nagtuturo ng isang huwaran na nadadala sa pagkaadulto. Sa iba ito ay maaaring isang mas malaking salik sa pag-abuso sa asawa sa dakong huli kaysa pagkakita lamang nila sa karahasan sa pagitan ng kanilang mga magulang.
Mapanganib na Larangan ng Labanan
Minsan ay tinaya ng isang legal na mananaliksik na ang mga pulis ay tinawag na pangasiwaan ang mga labanan ng pamilya nang higit kaysa lahat ng iba pang kriminal na mga pangyayari na pinagsama-sama. Sinabi rin niya na mas maraming pulis ang napapatay kapag tumutugon sa mga tawag ng pamilya dahil sa isang problema ng pamilya kaysa pagtugon sa anumang ibang uri ng pagtawag. “Sa paano man sa isang nakawan alam mo kung ano ang iyong inaasahan,” sabi ng isang pulis. “Ngunit ang pumasok sa bahay ng iba . . . Hindi mo alam kung ano ang mangyayari.”
Pagkatapos ng isang masusing pag-aaral tungkol sa karahasan sa pamilya, isang pangkat ng mananaliksik sa Amerika ay naghinuha na, maliban pa sa militar kung panahon ng gera, ang pamilya ang pinakamarahas na sosyal na yunit na umiiral.
Anu-ano ang dahilan ng karahasan sa pamilya? Magwakas pa kaya ito? Ito ba kailanman ay maaaring bigyang-matuwid? Susuriin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Blurb sa pahina 4]
“Ang karahasan laban sa mga babae ay umiiral sa epidemikong lawak sa lipunan ng Amerika.”—Isang district attorney
[Blurb sa pahina 5]
“Para sa mga bata, ang tahanan ay kadalasang ang pinakamapanganib na dako.”—Sociology of Marriage and the Family