Mga Flamingo—“Magkakabalahibo na Nagsasama-sama”
Mga Flamingo—“Magkakabalahibo na Nagsasama-sama”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
PAMILYAR gayunma’y misteryoso, asiwa gayunma’y elegante, masidhing hinahangad ang pagbubukod gayunma’y palakaibigan—ang flamingo ay isang mapandayang ibon.
Pamilyar halos sa lahat, ang nag-iisang guhit-balangkas nito ay lumilitaw sa hieroglyphic na pagsulat ng mga Ehipsiyo (ito ay kumakatawan sa kulay na pula), sa sinaunang mga pinta sa kuweba, at modernong mga likha ng sining. Subalit may mga bagay pa rin tayong hindi nalalaman tungkol sa mga flamingo. Ang kanilang paramihang dako ay kahanga-hangang malayo, at ang ilan sa mas malalaking flamingo ay natuklasan nito lamang nakalipas na 50 taon. At ang lalaki at babaing flamingo ay lubhang magkahawig anupat makikilala lamang sila ng dalubhasang mga ornitologo sa pamamagitan ng paggamit ng isang medikal na instrumento na ipapasok sa kanilang katawan.
Ang mahahaba’t mapapayat na mga paang iyon at ang mahahabang leeg na iyon—na iniimbay at isinusuksok nito sa ilalim ng kaniyang pakpak na para bang ito’y yari sa goma—ay nakadaragdag sa asiwang larawan nito. Gayunman, kapag painut-inot na naglalakad sa mababaw na tubig o naghahanap sa ilalim ng tubig ng maliliit na krustasyo na kinakain nito, ito ay may di-maikakailang kakisigan, isang kakisigan na nagiging makapigil-hiningang kagandahan kapag ito ay lumilipad.
Iilang tanawin sa kalikasan ang maihahambing sa isang kawan ng mga flamingo na lumilipad. Ang pula at itim ng kanilang mga pakpak ay litaw na litaw sa kulay rosas o puti ng kanilang katawan. a Para bang isang laksa ng maraming-kulay na mga abaniko ang sabay-sabay na iniwawagayway habang ang kawan ay marahang tumataas sa himpapawid. At minsang ito’y nasa himpapawid ang kanilang magandang guhit-balangkas at maindayog na kilos ay gumagawa sa kanila na mga mananayaw ng ballet sa daigdig ng mga ibon.
Nakalulungkot nga lang, mahirap makita ang gayong tanawin. Ang mga flamingo ay palakaibigang ibon, subalit mas gusto nilang kasama ang kanilang mga kauri—sila’y sakdal na halimbawa ng “magkakabalahibo na nagsasama-sama.” Patuloy na iniiwasan nila ang mataong mga lugar at karaniwang nagsasama-sama sa malalaking bilang doon lamang sa liblib na maaalat na lawa o mga putikan.
Kapansin-pansing mga Ugali
Upang matuto nang higit tungkol sa kahali-halinang mga ibong ito, kinapanayam ng Gumising! si Manuel Rendón, patnugot ng Fuente de Piedra Reserve, sa Málaga, Espanya.
Ang mga flamingo ba ay mahina na gaya ng hitsura nila? “Hindi naman. Sila’y nabubuhay sa maaalat na lawa sa kaitaasan ng Andes kung saan walang ibang ibon ang mangangahas. Sa mga lawa ng Aprika na madalas nilang dinadalaw, ang tubig ay napakainit at nakapapaso anupat mapapaso nito ang iyong balat, subalit ang malakatad na balat ng mga paa ng flamingo ay nag-iingat dito sa pinsala.”
Ano naman ang kanilang pangunahing problema? “Walang alinlangan na iyon ay ang paghanap ng isang angkop na dakong pagpaparamihan. Kailangan nila ng isang tahimik, mababaw at maalat na lawa kung saan may maliliit na pulo na mapagtatayuan nila ng kanilang mga pugad. Sa mga panahong ito ang gayong mga dako ay mahirap matagpuan. Sa katunayan, sa buong gawing kanluran ng Mediteraneo, may dalawa lamang gayong dako: isa sa Espanya at isa sa Pransiya. b
Dito sa Fuente de Piedra, may isa pa silang problema. Ang lawa kung saan sila nagpaparami ay mabilis na natutuyo sa ilalim ng nakapapasong araw sa Andalusia—bago pa makalipad ang mga inakay.”
Ano ang nangyayari kapag lubusang matuyo ang lawa? “Mga ilang taon na kailangang magtustos kami ng artipisyal na tubig upang huwag mawala ang buong dakong paramihan. Natuklasan namin na kung pananatilihin namin ang halos 6 na ektarya sa ilalim ng tubig, iyan ay sapat na, kahit na mangahulugan ito na ang adultong mga flamingo ay kailangang manginain sa mga lawa na maraming kilometro ang layo. Gugugulin ng mga flamingo ang karamihan ng kanilang panahon sa pagparoo’t parito sa mga dakong kainan, samantalang iniiwan ang kanilang mga inakay sa pangangalaga ng ilang adultong ibon—medyo kahawig ng kindergarten.”
Ano pa ang natuklasan ninyo? “Dahil sa paglalagay ng tag sa mga ibon, marami kaming natutuhan tungkol sa kanilang paggala. Ang mga flamingo ay hindi eksaktong nandarayuhan, subalit sila’y naglalakbay mula sa isang dakong kainan tungo sa iba, saanman nila maibigang magtungo. Kaya, maaaring gugulin ng isang ibon ang tag-araw sa Espanya at ang taglamig sa Hilagang Aprika, samantalang ang isa naman ay ang kabaligtaran. Matatawag ninyo silang mga ekskursiyunista, bagaman ang kanilang paggala ay maliwanag na higit na nauugnay sa mga panustos na pagkain kaysa kasiyahan.
“Maliwanag na kung sila ay bibigyan ng kaunting tulong at proteksiyon, ang mga flamingo ay darami. Bago ang mga taon ng 1980 sila ay manaka-naka lamang na nagpaparami rito at sa kakaunting bilang. Sa pamamagitan ng pagsupil sa pakikialam ng tao at pagpapanatili ng kinakailangang antas ng tubig sa lawa hanggang sa ang mga inakay ay makalipad, nakita namin ang lubhang pagdami ng kanilang bilang. Noong 1988 halos sampung libong inakay ang aming pinalaki.”
Isang Kababalaghan ng Paglalang
Hindi malilimutan ng ilan na nakakita sa mga flamingo sa iláng ang karanasan. At dahil sa naiibigan nila ang liblib na mga dako at sa pagmamalasakit ng mga tagapangalaga, may ilan pa ring maiinam na bahagi ng daigdig kung saan ang malaking kawan ay makikita sa kanilang likas na kapaligiran.
Ang lupa ay hindi magiging maganda kung wala ang gayong kababalaghan ng paglalang upang palugdan ang mga paningin at pasiglahin ang espiritu. Tunay, masasabi na itong “magkakabalahibo na nagsasama-sama” ay nagdaragdag ng kanilang tinig sa “mga ibong lumilipad” na pumupuri sa pangalan ni Jehova.—Awit 148:10, 13.
[Mga talababa]
a Ang mga flamingo sa Caribbean (Phoenicopterus ruber ruber) ay may kapansin-pansing rosas na balahibo, samantalang ang mas malaking flamingo (Phoenicopterus ruber roseus) ay mas mapusyaw, ang kulay ay depende sa pagkain.
b Ang mga ito ay: Fuente de Piedra (Málaga), Espanya, at ang Camargue (Bouches-du-Rhône), Pransiya.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga larawan sa itaas at sa ibaba: Zoo de la Casa del Campo, Madrid