Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sukatan ng Kalayaan

Sukatan ng Kalayaan

Sukatan ng Kalayaan

ANG UNDP (United Nations Development Program) ay naglathala ng isang “Sukatan ng Kalayaan ng Tao” na nagpapahiwatig kung gaanong kalayaan ang tinatamasa ng mga mamamayan sa 88 iba’t ibang bansa. Batay sa 40 karapatan at mga kalayaan na nasa Universal Declaration of Human Rights, ang sukatan ay nagkakaloob sa isang bansa ng isang punto para sa bawat kalayaan.

Sang-ayon sa The Courier, isang magasin na inilathala ng European Community, ang ilan sa mga kalayaan na sinukat ng UNDP ay: ang karapatan na magtipun-tipon at mapayapang makihalubilo; kalayaan mula sa sapilitang relihiyon o ideolohiya ng estado sa mga paaralan; kalayaan mula sa malayang paglalathala ng aklat; kalayaan mula sa di-makatuwirang pagsamsam ng personal na ari-arian; at ang personal na karapatang isagawa ang anumang relihiyon. Paano nakatutugon sa sukatan ang mga bansa?

Bagaman walang bansa ang nakakuha ng 40 puntos, ang Sweden at Denmark ang may pinakamalapit na umabot ng 38 puntos, at ang Netherlands ang pumangatlo na may 37 puntos. Sa dulo ng listahan ay ang mga bansang nakakuha ng isa o dalawang puntos lamang. Isang bansa na nasa dulo ng listahan ay tumanggap pa nga ng walang puntos. Gayunman, dapat pansinin, sabi ng report ng UNDP, na “ang Sukatan ay tumutukoy sa kalagayan noong 1985” at na mula noon ang daigdig ay nagkamit ng higit na kalayaan.

Ang magasing Olandes na Internationale Samenwerking ay bumabanggit na “ang nagpapaunlad na mga bansang gaya ng Costa Rica (ika-18 puwesto), Papua New Guinea (ika-20), at Venezuela (ika-22) ay nakakuha ng mas mataas na puntos sa listahang ito kaysa Europeong mga bansa ng Ireland (ika-23) at Espanya (ika-24).”

Ang report ay naghihinuha na, bilang pangkalahatang tuntunin, may kaugnayan sa pagitan ng kalayaan at pag-unlad. Karamihan ng mga bansa na may mataas na antas ng kalayaan ay waring nagtatamasa ng mataas na antas ng pag-unlad ng tao, samantalang ang mga bansang may kaunting kalayaan ay kadalasang pinabibigatan din ng mahinang pag-unlad. Ganito ang sabi ng report ng UNDP: “Pinakakawalan ng kalayaan ang mapanlikhang lakas ng tao upang sunggaban ang mga pagkakataong pangkabuhayan para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamayanan.”

Mangyari pa, hindi kabilang sa 40 kalayaan na itinala ng UNDP bilang kanais-nais na mga tunguhin sa lipunan ng tao ang kalayaan mula sa nakabubulok na mga epekto ng sakit, pagtanda, at kamatayan. Tanging ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang magbibigay ng mga kalayaang iyon. Ang Bibliya ay nangangako na “balang araw palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

[Larawan sa pahina 31]

Ang paggiba sa Pader ng Berlin ay nagtanda ng higit na kalayaan sa Silangang Europa