Kailangan Mo ba ng Postiso?
Kailangan Mo ba ng Postiso?
POSTISO, kadalasang tudlaan ng mga biro, ay hindi nakatutuwa sa maraming may postiso. Kung buo pa at nasa mabuting kondisyon ang iyong totoong ngipin, ang suliranin tungkol sa mga postiso ay maaaring tila hindi mahalaga sa iyo. Subalit kahit na kung hindi mo kailanman makakaharap ang suliraning iyan, kung ano ang nasa artikulong ito ay maaaring tumulong sa iyo na pahalagahan ang pagpapala ng matibay, malusog na mga ngipin at panatilihin itong gayon—sa paano man depende sa iyo.
Ngunit bakit natutuklasan ng maraming tao na nag-aakalang sila’y maingat sa pangangalaga ng kanilang ngipin na ang kanilang ngipin ay umuuga? Tanungin mo ang sinumang dentista at sasabihin niya sa iyo ang sumusunod. Minsang ang isang tao ay lumampas na sa edad na 30, ang pinakamalaking dahilan ng pagkawala ng ngipin ay ang may
diperensiyang gilagid (periodontal disease). Gayunman, ang isang tao ay maaari ring mawalan ng ngipin dahil sa aksidente o pagkasira ng ngipin.Subalit talaga bang kailangan mo ng postiso kung mawala ang ilan o ang lahat mong ngipin? a Bakit ang ibang tao ay waring ayos naman nang walang postiso? Ang mga postiso ba ay isa lamang komersiyal na produktong ipinapasa sa publiko?
Bakit ang Postiso?
Upang sagutin ang mga tanong na ito, ating alamin ang mga gawain ng ating ngipin. Higit pa ang ginagawa nito kaysa apektuhan ang ating hitsura. Kapag nginunguya natin ang ating pagkain, ito ay ginigiling tungo sa maliliit na piraso upang ang mga katas na panunaw ay humalo sa maliliit na piraso, hinahayaang tanggapin ng katawan ang mga nutriyente. Subalit kung kaunti o wala tayong ngipin, ang ating pagkain ay hindi sapat na nagigiling tungo sa maliliit na piraso. Hindi rin ito sapat na magigiling kahit ng matitigas na gilagid. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga taong walang ngipin na sinisikap itulak ang pagkain sa pamamagitan ng kape, tsa, o ibang inumin ay maaaring magkaroon ng mga problema sa panunaw. Kahit na kung ilang ngipin ang nawawala, ang pagkain ay limitado sapagkat ang matitigas at mahiblang pagkain na nangangailangan ng karagdagang pagnguya ay karaniwang iniiwasan.
inutulungan din tayo ng ngipin na magsalita, isang pakinabang na bihira nating isipin hanggang sa mawala ang ilan. Ito ay tumutulong sa dila at sa labi sa paggawa ng tunog na mahalaga upang maunawaan. Halimbawa, ang mga tunog na katinig sa dulo ng isang pantig ay hindi maaaring bigkasin nang wasto kung walang ngipin. Malamang na napansin mo ito kung narinig mo nang magsalita ang isang taong walang ngipin. Kaya nga, kailangang sanayin ng isang tao ang kaniyang dila sa postiso upang minsan pang mabigkas nang tama ang mga tunog. Bagaman ito ay maaaring kumuha ng ilang panahon, ang mga resulta ay karaniwang mas mabuti kaysa kung walang ngipin.
Kumusta naman ang tungkol sa pag-awit o pagtugtog ng ilang instrumento sa musika kung postiso ang ngipin ng isa? Ang mga gawaing ito ay karaniwan nang maaaring gawing mabisa sa pamamagitan ng pagbago sa postiso sa iba’t ibang paraan. Ang mga mang-aawit, ilang artista, mga manunugtog ng instrumentong hinihipan, mga ministro, at modelo ng mga litratista ay lubhang mahihirapan, o imposible pa nga, na gawin ang kanilang trabaho nang walang ngipin.
Apektado rin ng walang ngipin ang personal na hitsura. Nagtitipun-tipon ang malalambot na himaymay sa palibot ng bibig at ang paglalapit ng ilong at ng baba, ay nagpapangyari sa isang tao na magmukhang mas matanda kaysa kaniyang edad. Ito ay maaaring makaapekto sa pagtitiwala-sa-sarili ng isa at maaari pa ngang pagmulan ng sikolohikal na pagkabalisa ng ilan.
Ang pagkabungi ng isang ngipin ay maaaring humantong sa pagbagsak ng arko ng ating ngipin. Ang ating ngipin ay umaasa sa isa’t isa, gaya ng mga bato sa isang arkong Romano. Kaya, ang pagkawala ng isang “katabing ngipin” ay magpapangyari sa ibang ngipin na umusog. Ang kilos na ito ang nagiging dahilan ng mga puwang sa pagitan ng natitirang ngipin at maaaring maipon ang mga tingang pagkain sa gilagid, at ito ay kadalasang humahantong sa pamamaga ng gilagid. Ang pag-usog ng ngipin ay maaari ring sumira sa pagkakahanay ng ngipin, nagiging dahilan ng mga problema sa pagnguya.
Ang Kaibhan ng Totoong Ngipin sa Postiso
Ang malaking kaibhan sa pagitan ng totoong ngipin at ng postiso ay na ang totoong ngipin ay matibay na nakakabit sa buto ng mga panga. Ginagawa nitong posible para sa mga ngipin na mas mabisa sa paghiwa, pagpiraso, at paggiling sa ating pagkain tungo sa pagkaliliit na piraso. Ang ibabang ngipin ay kumikilos sa salungat na direksiyon ng itaas na ngipin para sa malakas na paggiling at pagputol sa pagkain.
Sa kabilang dako, ang kumpletong postiso ay nakapatong lamang sa gilagid. Ito ay pinananatili lamang sa lugar ng mahihinang puwersa na likha ng dila, ng mga pisngi, at pagkapit. Yamang ang mga postiso ay hindi nakakabit na gaya ng totoong ngipin, ito ay maaaring madaling maalis.
Kaya ang pagiging mabisa ng postiso ay iba-iba sa bawat tao. Walang postiso ang makatutulad sa husay ng totoong ngipin. Ang hugis at laki ng panga, uri ng himaymay, at ang mental na saloobin pa nga ng nagsusuot ng postiso, pati ang kakayahang matutong gamitin ito, ay mga salik na tumitiyak kung gaano kabisa ang mga postiso. Ang pangunahing limitasyon nito ay ang kawalan nito ng katatagan. Gayunman, pagdating sa hitsura, ang postiso ay maaaring gawing mukhang totoong ngipin.
Nakalulungkot nga lang, kung minsan saka lamang natatanto ng isang tao ang karunungan, disenyo, at pagiging praktikal ng totoong ngipin kapag postiso na ang ngipin niya. Maaaring magaya ng mga tao ang orihinal subalit kailanman ay hindi nila matutularan ang kahanga-hangang kahusayan nito.
Ang iyong kalagayan ay maaaring magpangyari sa iyo na seryosong pag-isipan kung baga kailangan mo ng postiso, alin sa kumpleto o bahagi lamang. Mangyari pa, nasa iyo ang pasiya, subalit waring makabubuting isaalang-alang ang mga bentaha nito. Ang mga ito ay maaaring tumulong sa iyo na maiwasan ang posibleng mga problema sa panunaw, tulungan kang kumuha ng sapat na nutrisyon, at pagbutihin ang iyong kakayahang magsalita. At talagang maaaring pagandahin nito ang iyong hitsura.
Oo, bagaman ang mga postiso ang ngipin ay karaniwan nang naghihinagpis sa pagkawala ng kanilang totoong ngipin, ang paggawa ng postiso ay nakatulong nang bahagya sa personal na kasiyahan at sa kagalingan ng angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig.
[Talababa]
a Sa artikulong ito, ang salitang “postiso” ay tumutukoy sa pasadyang kagamitan na humahalili sa nawalang ngipin. Kung lahat ng totoong ngipin ay wala na, kung gayon isang buong postiso ang kailangan. Gayunman, kung may natitira pang ngipin, bahagi o partial na postiso ang maaaring gamitin. Ang artikulong ito ay nakatutok sa kumpletong postiso at sa natatanggal na bahaging postiso.
[Kahon sa pahina 19]
Pagbawas sa Halaga ng Iyong Babayaran sa Dentista
ANG pagdalaw sa isang dentista o isang orthodontist ay kadalasang nagbubunga ng lubhang malaking kuwenta. Gayunman, maaari kang mahikayat ng ilang tuklas na makatutulong sa iyong mga anak.
“Ang paglitaw ng maraming sungking ngipin at maling-hugis na mga panga sa gitna ng mga Amerikano,” ulat ng The New York Times, “ay maaaring dahil sa ating lubhang repinadong pagkain.” Ang teoriya ay na ang pagkaing nangangailangan ng masiglang pagnguya “ay nagpapasigla sa paglaki ng panga (na nagbubunga ng isang puwang na sapat ang laki para sa mga ngipin nang hindi nagsisiksikan), wastong tubo paglitaw ng mga permanenteng ngipin at pinagtutugma ang paglaki ng mukha at ang butas ng bibig.”
Sinisikap patunayan ng mga siyentipiko ang teoriyang ito sa pamamagitan ng pagpapakain ng matitigas at malalambot na pagkain sa mga unggoy. Ang mga resulta? Yaong mga kumain ng matigas na pagkaing kailangang nguyain ay nagkaroon ng mas kaunting “abnormalidad sa ngipin.” Kaya malamang na ang pagkaing humihiling sa inyong anak na masiglang nguyain ay maaaring isang paraan upang bawasan ang inyong babayaran sa dentista. Ang isa pang paraan ay tulungan ang inyong mga anak na gawing ugali ang regular na pagsisipilyo at paggamit ng floss sa kanilang ngipin.
[Larawan sa pahina 20]
Ang ating ngipin ay umaasa sa isa’t isa. Kung walang “mga katabing ngipin” upang tulungan ang mga ito na manatili sa kaniyang dako, di magtatagal ang mga ngipin ay uusog sa bakante at lubhang maaapektuhan ang iba pang ngipin