Mga Taong Nagmamalasakit
Mga Taong Nagmamalasakit
ANG mga Saksi ni Jehova ay isang internasyonal na organisasyon ng mahigit na apat na milyong estudyante ng Bibliya na organisado sa mahigit 69,000 kongregasyon sa buong daigdig. Ang mga Saksi ay hindi lamang nakatalaga sa pagtulong sa mga tao na matuto nang higit tungkol sa mga layunin ng Diyos kundi sila ay nag-iibigan din sa isa’t isa gaya ng utos ni Jesu-Kristo. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig na ito ay ipinakikita sa praktikal na mga paraan.
Halimbawa, mga ilang panahon na ang nakalipas 30 Saksi mula sa Kongregasyon ng East San Marcos, California, ay nagtipon para sa almusal noong alas sais isang Sabado ng umaga. Mayroon silang isang pantanging proyektong nasa isipan—pagtulong sa mga miyembro ng kongregasyon na nangangailangan ng tulong sa pag-aayos ng kanilang mga tahanan.
Ang ilan sa mga nangangailangan ay mga nagsosolong magulang, mga balo, at matatanda nang mag-asawa. Kabilang sa mga pangangailangan nila ang mga pagkumpuni ng bubong sa kanilang bahay, pagpinta ng isang pamproteksiyong pinta sa mga driveway, pagkakabit ng mga ilaw sa labas ng bahay para sa layuning panseguridad, pagsabit ng isang pinto sa garahe, pagpintura, pagtabas sa mga punungkahoy, at iba pang gawain. Ang paghahanda para sa trabaho ay nagsimula mahigit na isang buwan ang nakalipas nang malaman ang mga pangangailangan at nang makuha ang mga materyales.
Noong itinakdang araw ng Sabado, ang pangwakas na mga paghahanda ay ginawa noong panahon ng almusal. Ang mga pangkat sa paggawa ay inorganisa, at bawat isa’y tumanggap ng espesipikong mga atas. Ang kababaihan ang naghanda ng mga pagkain at inumin, pati ng pananghalian. Ang gawain sa araw na iyon ay nagkaroon ng isang kahanga-hangang epekto hindi lamang doon sa ang mga tahanan ay nakumpuni kundi sa lahat sa kongregasyon.