Ang Tahimik na Mandaragit
Ang Tahimik na Mandaragit
KUNG ikaw ay naglakad na sa kakahuyan sa gabi, maaaring narinig mo ang huni ng tahimik na mga mandaragit—ang mga kuwago. Yamang mayroong di-kukulanging 145 uri ng kuwago sa buong daigdig, karamihan ng mga tao ay makaririnig ng huni ng isang kuwago. Makakikita ka ng karaniwang kuwago sa buong Amerikas, Europa, Aprika, at sa maraming bahagi ng Asia, gayundin sa Tasmania at sa iba pang dako sa Australia. Ano ang gumagawa sa kuwago na natatangi?
Una sa lahat, ang mukha at mata nito. Ang disenyo ng mukha ay iba-iba sa uri at uri, subalit karaniwang ito ay may isang “malaki, malapad na ulo na may hugis-platitong lamuymoy ng mga balahibo sa palibot ng mata. . . . Ang lamuymoy ay nagpapatalbog ng tunog sa tainga ng kuwago.” (The World Book Encyclopedia) Di-gaya ng mata ng karamihang ibon, ang mata ng kuwago ay nakatingin sa unahan; hindi ito kumikilos sa saket nito. Kaya, kailangang ikilos ng mga kuwago ang kanilang ulo upang sundan ang kumikilos na bagay. At maaari nilang ipihit ang kanilang ulo halos sa isang ganap na pag-ikot!
Ang isa pang natatanging katangian ng panggabing mandaragit na ito ay ang disenyo ng kanilang balahibo na nagpapangyari sa kanila na lumipad na halos walang kaingay-ingay. Hinahanap ang kanilang sisilain sa pamamagitan ng paningin o ng matalas na pandinig, maaari nilang tahimik na dagitin ang kanilang susunod na pagkain. Ang mga ito ay sinasabing “kabilang sa pinakakapaki-pakinabang na mga ibon sa mga magsasaka” sapagkat pinapatay nila ang mga daga na kadalasang sumisira sa mga pananim.
Ang aklat na Book of North American Birds ay nagsasabi: “Ang mga kuwago sa buong daigdig . . . ay kinikilala sa lahat ng kultura bilang mga ibon na nagdadala ng pangitain at naghuhudyat ng nalalapit na kamatayan.” Tinawag ng makatang Ingles noong ika-14 na siglo na si Geoffrey Chaucer ang kuwago na “propeta ng kaabahan at masamang kapalaran.” Binabanggit ng Bibliya ang mga kuwago sa pitong talata, kasali na ang pagtukoy ni Isaias sa gibang mga bahay ng Babilonya, na “punô ng mga kuwago.”—Isaias 13:21.
Ang great horned owl (isang uri ng kuwago) ay maganang-magana sa pagkain. Isang babasahin ay nagsasabi: “Sa pambihirang mga okasyon, ang ibon ay napabalitang sumalimbay at sinalakay ang mga taong nakasuot ng sombrerong yari sa balahibo ng hayop, maliwanag na napagkakamalan ang balahibo na buháy na hayop na sisilain”! Bagaman ipinahayag na maruming ibon sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang pambihirang disenyo ng kuwago ay nagpapahiwatig ng isang walang-katulad na Maylikha.—Levitico 11:16, 17.
[Mga larawan sa pahina 31]
Ang great horned owl—matalas ang mata, ang pandinig, at walang ingay sa paglipad
[Credit Line]
Mga larawan: Sa kagandahang-loob ng Green Chimneys Wildlife Rehabilitation Center, Brewster, NY