Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat ba Akong Dumalo sa Prom?

Dapat ba Akong Dumalo sa Prom?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat ba Akong Dumalo sa Prom?

“Ang gabi ng prom ay karaniwan ding ang unang pagkakataon na sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang, ‘Mahal, magsaya ka. Hanggang sa pagkikita natin sa umaga.’”

“Natatandaan ko pa ang pagpunta sa isang sayawan sa paaralan kung saan may dalawa lamang tsaperon, at hindi nila pinapansin ang mga kabataan.”

PINAG-UUSAPAN ito ng iyong mga kaklase sa loob ng ilang buwan. Tutal, ang senior prom a ay minsan-lamang-sa-buhay na okasyon. At yamang ikaw ay mamamaalam na sa iyong mga kaklase na nakilala mo sa loob ng mga taon, natural lamang na nais mong ikaw ay naroroon. “Mula noong ikatlong taon ko sa high school,” sabi ng isang 18-anyos na babae, “gustung-gusto kong dumalo sa prom.”

Sa ilang bansa ang senior prom​—isang pormal na sayawan bago ang pagtatapos sa mataas (sekondarya) na paaralan—​ay isang tunay na mahalagang pangyayari para sa mga kabataan. Higit kaysa isang masayang sosyal na okasyon, ang prom ay isang malaon nang pinararangalang ritwal na nagtatanda sa pagtungo sa pagkamaygulang. Ang magasing Seventeen ay nagsasabi: “Ang gabi ng prom ay karaniwan ding ang unang pagkakataon na sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang, ‘Mahal, magsaya ka. Hanggang sa pagkikita natin sa umaga.’ Ang pagpapaumaga ay hindi lamang pinapayagan​—ito ang inaasahang gagawin mo.”

Hindi naman ibig sabihin na lahat ng kabataan ay nagpaplano ng magdamag na sesyon ng kahina-hinalang paggawi. Bagkus, basta inaasam-asam ng marami ang isang magandang romantikong karanasan​—ang pagkakataon na maging makabagong-panahong Cinderella o Prince Charming! “Ito’y parang pantasya,” sabi ng 19-anyos na si Darcey. “Sila ay bumababa sa kanilang inarkilang limousine, kumukuha ng litrato, at nagpapasikat sa harap ng kanilang mga kaibigan. Ito ang kanilang sandali na maging sentro ng atensiyon.”

Hindi gaanong kaakit-akit sa istilo, ngunit popular din, ay ang mga sayawan sa paaralan. “Sa pana-panahon, kailangan mo ang isang sosyal na okasyon upang magkaroon lamang ng kasayahan,” sabi ng 15-anyos na si Jamey. Subalit kung ang pang-akit man ay ang sayawan, ang kainan, o ang pagbibihis nang maganda, inaakala ng karamihan ng mga kabataan na ang pagdalo sa gayong sosyal na mga okasyon ay isang tunay na obligasyon. Ang tanging inaalaala nila ay kung sino ang makakasama nila, ano ang susuutin nila, at kung paano sila magkakapera upang ibayad sa okasyong ito ng gabi. Subalit may iba pang bagay na dapat mong isaalang-alang.

Pagtingin sa Kabila Pa ng Kaningningan

Si Jesu-Kristo mismo ay isa na dumalo sa kagalang-galang na sosyal na mga okasyon. (Ihambing ang Lucas 5:29; Juan 2:1, 2.) Subalit ang “mga pagkakaingay,” o “magugulong salu-salo,” ay hinahatulan sa Bibliya. (Galacia 5:21; Byington) Noong unang siglo, ang magugulong lasingan kung saan ang mga pagano ay hayagang nagsasagawa ng “kahalayan, masasamang pita, pagmamalabis sa alak, mga kalayawan, mga paligsahan ng pag-inom, at labag-kautusan na mga idolatriya” ay pangkaraniwan. Kaya ang mga Kristiyano ay binabalaan laban sa pagdalo sa magugulong okasyong ito.​—1 Pedro 4:3, 4.

Kumusta naman ang tungkol sa mga prom at mga sayawan sa paaralan? Ang ilan ay maaaring organisado at napamamahalaang mainam, sa gayo’y kontrolado ang mga bagay. Ang magulong ugali ay maaaring hadlangan at agad na malunasan kapag ito ay nangyari. Subalit sa kabila ng kaningningan at halina ng marami​—kung hindi man ng karamihan—​sa mga prom, kadalasang nagkukubli ang espiritu ng maingay at magulong pagsasaya. b “Napakaraming seksuwal na imoralidad at inuman,” sabi ng isang tin-edyer sa Gumising! Ang mga inuming may alkohol ay maaaring opisyal na ipagbawal. Subalit maraming inuman ang maaaring nangyayari sa mga palikuran, mga hagdan, at mga paradahan ng sasakyan.

Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo.” (Kawikaan 20:1) Idagdag mo pa ang ilang mahaharot o mahahalay na musika, walang-pigil na pagsasayaw, malamlam na ilaw, at maraming kabataan na walang gaanong pagpapahalaga sa simulain ng Bibliya, at taglay mo ang mga sangkap para sa maingay at magulong pagsasaya. Maaasahan mo bang masupil ng mga tsaperon ang mga bagay? Hindi sa tuwina. Isang tin-edyer na nagngangalang Charles ang tahasang nagsabi: “Ang mga tsaperon ay walang ginagawa.” Hindi-makatuwiran? Hindi ayon sa kabataang si Darcey, na nagsabing: “Natatandaan ko pa ang pagpunta sa isang sayawan sa paaralan kung saan may dalawa lamang tsaperon, at hindi nila pinapansin ang mga kabataan.”

Dapat aminin na nasusumpungan kahit na ng pinakamaingat na mga tsaperon na halos imposibleng supilin ang maraming kabataan sa loob ng isang madilim na sayawan o himnasyo na desididong magkaroon ng ‘katuwaan.’ Bunga nito, ang pangarap na gabi ng romansa ay maaaring madaling maging isang masamang panaginip. “Maraming away,” sabi ng isang tin-edyer na babae.

Nakakokompromisong mga Kalagayan

Ipagpalagay na, hindi lahat ng mga prom o mga sayawan sa paaralan ay nauuwi sa karahasan. Gayunman, may tunay na malaking panganib na ikaw ay malagay sa isang potensiyal na nakakokompromisong kalagayan. Ganito ang gunita ng isang kabataang babae: “Kapag ikaw ay sumasayaw nang napakalapit sa mga lalaki, ang kanilang kamay ay gumagapang sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan. Inaasahan nilang tatanggapin mo ito!” Maiiwasan mo ba ang problemang iyon sa pamamagitan ng basta paglayo sa iba? Marahil. Subalit iyan ay mas madaling sabihin kaysa gawin.

Ipagpalagay nang ikaw ay walang kasama o ikaw ay kasama ng isang grupo ng mga kaibigan. Isang tin-edyer ang nagpapagunita sa amin: “Ang ilang lalaki na naroroon ay nag-iisa, at sinisikap nilang sundan ang hangga’t maaari’y maraming babae.” Maaaring marami ring agresibong mga babae roon. Ang isang kabataan na nagtutungo sa prom na nag-iisa ay maaaring madaling maging tudlaan ng di naiibigang atensiyon.

Sa kabilang panig naman, ang pagsama ng isang kapananampalataya bilang isang kasama ay maaaring lumikha ng iba pang problema. Tutal, ang pakikipag-date ay itinuturing na seryosong bagay ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. c At kahit na kung inaakala mo na ang kasama mo ay walang romantikong interes sa iyo, hanggang saan siya magsisilbing isang proteksiyon? Ganito ang sabi ng 19-anyos na si Lora: “Ano ang hahadlang sa iba na makipagpalitan ng kapareha habang ikaw ay nagsasayaw​—o hilingin ka na makipag-date sa kanila? Ano ang nangyayari pagkatapos?” Maaaring magkaroon ng maigting, asiwang kalagayan.

Hindi rin dapat kaligtaan ang panganib na ibaba ang iyong mga pamantayang moral at masangkot mismo sa espiritu ng okasyon. Ang masasamang kasama ay “sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Ganito ang amin ng isang 18-anyos na nagngangalang Nick: “Kahit na kung dalawang Saksi ni Jehova ang magkasamang dumalo sa sayawan, sila ay maaaring madaling mahikayat na gawin ang ginagawa ng lahat.”

Pagkatapos ng Parti

Gayunman, kadalasang ang tunay na problema ay bumabangon pagkatapos ng parti. “Ang ilan ay nagtutungo sa isang otel o sa bahay ng isa,” sabi ng kabataang si Tanya. Susog pa ni Yolanda: “Inaasahang ikaw ay mananatili roon sa buong magdamag. Iyan ay bahagi ng tradisyon.” Ang mga droga, alkohol, at pagtatalik ay maaari ring maging bahagi ng tradisyon ng prom. Gayunman, ang kinaumagahan ay maaaring mag-iwan sa isang kabataan na bagabag ang budhi, nabawasan ang paggalang-sa-sarili, at ng tunay na takot na magdalang-tao​—o takot sa AIDS.

Saka, kadalasan nang ang mga prom at mga sayawan sa paaralan ay hindi nakatutugon sa kanilang pangako na romansa at kasiya-siyang katuwaan at sumamâ tungo sa walang taros na mga parti, maingay at magulong mga katuwaan. Tayo’y pinaalalahanan na ipinahayag ni propeta Isaias noong panahon niya ang hindi pagsang-ayon ng Diyos sa mga salu-salo na tumagal “hanggang sa kalaliman ng gabi.” Ang mga parti ay kumpleto na may mga inuming de alkohol at musika​—“ang alpa at ang viola, ang pandereta at ang plauta.” Katuwaan? Walang alinlangan. Subalit sinabi ni Isaias sa mga dumalo sa parti: “Hindi nila pinakundanganan ang gawa ni Jehova, o ginunita man nila ang gawa ng kaniyang mga kamay.”​—Isaias 5:11, 12.

Oo, ang pagdalo sa isang parti na kasama ng mga kabataan na hindi nagpapahalaga sa pangmalas ng Bibliya ay maaaring maging mapanganib. Totoo, hindi lahat ng gayong okasyon ay nauuwi sa maingay at magugulong katuwaan, at iba-iba naman ang mga kalagayan sa buong daigdig. Kaya ikaw at ang iyong mga magulang ay dapat magpasiya kung angkop ba para sa iyo na dumalo. “Mahirap,” sabi ng isang kabataang babae, “sapagkat ang prom ay kahali-halina, at isa itong tukso. Ito ang nasa harapan mo sa lahat ng panahon!”

Subalit ang pakikipag-usap ng mga bagay na ito sa iyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyano ay makatutulong upang liwanagin ang mga bagay. Isaalang-alang: Sino ang dadalo sa sayawan? Anong uri ng superbisyon mayroon doon? Magsisilbi ba ng mga inuming may alkohol? Anong uri ng musika ang patutugtugin? Nagkaroon ba ng mga problema noong nakalipas na mga taon? Paano kaya mamalasin ng iba ang pagiging bahagi ng gayong okasyon​—lalo na ng kapuwa mga Kristiyano? Makatitisod kaya sa iba ang pagdalo roon?​—1 Corinto 10:23, 24, 32.

Dahil sa lahat ng mga problema na nauugnay sa mga prom at mga sayawan sa paaralan, sasangguniin ng mga kabataang Kristiyano ang kanilang mga magulang at malamang na magpasiyang hindi dumalo. Ngunit hindi ba ang iyong pagtatapos ay isang katuparan na dapat ipagmalaki? Mangyari pa! Gayunman, malamang na ikaw ay makasusumpong ng mas ligtas na paraan upang magdiwang, marahil sa pamamagitan ng pagbahagi ng iyong kagalakan sa iyong mga kapuwa Saksi. Halimbawa, maaaring ipasiya ng iyong pamilya na magsaayos ng isang maliit na salu-salo o parti. Kapag ang mga pagtitipong iyon ay tama lamang ang laki at organisadong mainam, bihirang magkaroon ng malubhang mga problema. d

Ang gayong pagtitipon ay maaaring salat sa kaningningan at halina ng isang pormal na prom sa paaralan. Subalit ito ay maaari pa ring maging isang maligayang okasyon​—malaya sa mga patibong na makikita sa isang prom o sayawan sa paaralan. Higit sa lahat, ikaw ay makakasuwato ng mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 10:31: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”

[Mga talababa]

a “Isang pormal na sayawan na idinaraos para sa isang klase sa high school o sa kolehiyo karaniwan na sa o malapit sa pagtatapos ng akademikong taon. [Pinaikling anyo ng PROMENADE.]”​—The American Heritage Dictionary of the English Language.

b Ang “maingay at magulong pagsasaya” ay binigyan-kahulugan bilang magulong pagsasalu-salo o pagsasaya.

c Tingnan ang kabanata 30 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

d Tingnan ang artikulong “Panlipunang Paglilibang​—Tamasahin ang mga Pakinabang, Iwasan ang mga Silo” sa Agosto 15, 1992 na labas ng Ang Bantayan.

[Larawan sa pahina 21]

Nasusumpungan ng mga tsaperon na halos imposibleng supilin ang gawi ng lahat ng dumadalo