Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kahaliling Pagka-Ina—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?

Kahaliling Pagka-Ina—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kahaliling Pagka-Ina​—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?

ANG sinaunang makatang Romano na si Horace ay walang kaalam-alam tungkol sa kahaliling pagka-ina (surrogate motherhood) nang kaniyang isulat: “Hindi mahalaga kung sino ang mga magulang ng isang tao, basta ba siya ay isang taong may kagalingan.” Ang salawikain ng manunulat na Pranses noong ika-17 siglo na, “Ang kapanganakan ay walang kabuluhan kung walang kagalingan,” ay isinulat din bago pa naging suliraning legal ang kahaliling pagsilang. Ngunit, gaya ng iniulat ni Mary Thom sa magasing Ms., taglay ang bagong teknolohiya sa pagpaparami, “ang mga gawain ng tagagawa ng itlog, pisaan o inkubador ng ipinagbubuntis na sanggol, at ang tagapag-alaga ng sanggol minsang maisilang ito” ay maaaring hatiin sa dalawa o tatlong “mga ina.” Ang katanungan tungkol sa “kagalingan” at “kasamaan” ay naging kapuwa malabo at masalimuot.

Ang gawain na paggamit ng kahaliling mga ina ay biglang naging palasak sa daigdig noong kalagitnaan ng mga taóng 1970, na nagbabangon ng sosyal, moral, at legal na mga problema na hindi nakaharap noon. Sinasamantala ng ilang mag-asawang hindi magkaanak ang bagong paraan ng pag-aanak. Sa kabilang dako, ang mga doktor, abugado, at mga mambabatas ay nakipagpunyagi upang makaagapay sa lumalawak na teknolohiya ng pag-aanak sa pagsisikap na magtakda ng mga tuntunin na patungkol sa etikal at moral na mga suliraning bumabangon.

Ano ba ang Kahaliling Pagka-Ina?

Ang kahalili, o kontrata, na pagka-ina ay ang pagpapadala sa isang babae ng isang sanggol sa pamamagitan ng artipisyal na pagpapasok ng semilya (artificial insemination) para sa ibang babae. Ang tinatawag na tradisyunal na paghahalili ay nangyayari kapag ang kahaliling ina ay magbuntis sa pamamagitan ng artipisyal na pagpapasok ng semilya ng asawang lalaki mula sa mag-asawa na nakipagkontrata sa babae. Sa gayon, ang kahaliling ina ang henetikong ina ng sanggol. Ang kahaliling pagbubuntis ay nangangahulugan na ang itlog na galing sa asawang babae at ang semilya na galing sa asawang lalaki ay pagsasamahin sa labas ng bahay-bata sa isang proseso na tinatawag na in-vitro (test-tube) na pertilisasyon, at ang resultang embrayo ay inilalagay sa matris ng kahaliling ina para sa pagbubuntis.

Bakit nauuso ang kahaliling pagka-ina? Sa isang bagay, natuklasan ng siyensiya ng makabagong-teknolohiya ang ilang paraan upang tulungan ang mga babae na magkaanak. Ang mga mag-asawa ay maaaring gustung-gustong magkaanak, gayunman dahil sa hindi magkaanak, malaking abala, o kakaunting malulusog na sanggol ang maaaring ampunin, hindi sila magkaroon ng isang anak. Kaya inuupahan nila ang katawan ng isang tao upang magkaanak. Yamang malaking halaga ng salapi ang nasasangkot, ang kahaliling ina ay inilalarawan sa pangit na mga termino, gaya ng “hindi kinukusang pagkabusabos at pagkaalipin” at “paggamit sa kakayahang mag-anak ng mahihirap para sa pakinabang nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan.”

Sa Estados Unidos, kinilala ng Korte Suprema ng New Jersey ang potensiyal para sa mayayaman na pagsamantalahan ang mahihirap at sa isang kaso tungkol sa kahaliling ina ay sinabi nito: “Sa konklusyon, may mga pamantayan na itinuturing ng lipunan na mas mahalaga kaysa pagkakaloob sa kayamanan ng anumang bagay na mabibili ng kayamanan, ito man ay trabaho, pag-ibig, o buhay.” Binanggit ng Korte Suprema ng Pransiya na nilalabag ng kahaliling pagka-ina ang katawan ng babae at na “ang katawan ng tao ay hindi ipinahihiram, hindi pinauupahan, hindi ipinagbibili.”

Mga Problema sa Pagiging Kahaliling Ina

Ang pagiging kahaliling ina ay nagdadala ng maraming problema. Ang isa ay ang potensiyal na hindi kanais-nais na mga labanan sa hukuman kung ayaw ibigay ng babaing nagsilang ang bata. Kaninong anak ito, sa babaing nagsilang o sa babaing nagbigay ng itlog? Kaya ang pagsilang ng isang sanggol, karaniwan nang isang panahon ng kagalakan, kung minsan ay humahantong sa labanan sa hukuman. Isa pang problema: Nasusumpungan ng ilang babae na sumasang-ayong maging kahaliling mga ina na ang kanilang damdamin ay nagbabago sa paglaki at pagsilang ng ipinagkasundong anak. Ang kontratang pinagkasunduan mga ilang buwan bago nito ay nagiging mas mahirap tanggapin. Isang malakas na nagbubuklod na kaugnayan ang nag-aanyo sa pagitan ng ina at ng sanggol na nasa loob niya. Ganito ang sabi ng isang kahaliling ina, na hindi inaasahan ang pagbubuklod na ito, tungkol sa pagbibigay ng sanggol: “Parang may namatay. Hinahanap-hanap ko ang aking anak na babae.”

Gayundin, ano ang maaaring pangmatagalang mga epekto ng pagsilang na ito sa iba pang anak ng kahaliling ina, sa pamilya na tumatanggap sa sanggol, at sa bata mismo? O ano ang mangyayari kung ang batang isinilang ng kahaliling ina ay may depekto sa pagsilang? Obligado ba ang ama na kunin ang sanggol? Kung hindi, sino ang magtutustos sa bata? At mas mahalagang tanong pa, Ano ang pangmalas ng Diyos sa kahaliling pagka-ina?

Pinararangalan ba ng Kahaliling Pagka-Ina ang Pag-aasawa?

Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na minamalas niya ang pag-aasawa na isang bagay na banal. Halimbawa, ang Hebreo 13:4 ay nagsasabi: “Hayaang ang pag-aasawa ay maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.”  a Inaasahan ng Diyos na ituturing ng lahat ng mga Kristiyano na marangal ang pag-aasawa at panatilihin itong gayon. Ano ang nagpaparumi sa pag-aasawa? Ang pakikiapid, na maaaring patiunang makasirang-puri sa pag-aasawa, at ang pangangalunya, na nakasisirang-puri sa pag-aasawa pagkatapos na ito ay pasukin.

Ang kahaliling pagka-ina ba ay nagpaparangal sa pag-aasawa at pinananatiling walang dungis ang higaan ng mag-asawa? Sa payak na pananalita, hindi. Ang tradisyunal na kahaliling pagka-ina ay nangangailangan ng pagpapasok sa matris ng babae ng ipinagkaloob na semilya. Ang pangmalas ng Bibliya ay masusumpungan sa Levitico 18:20, na nagsasabi: “Huwag mong ibibigay ang iyong inilabas na tamod sa asawa ng iyong kapuwa na magpaparumi sa kaniya.” Walang saligan sa Bibliya upang makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng pagpapasok ng semilya sa pamamagitan ng pagtatalik at ng artipisyal na pagpapasok ng semilya ng nagkaloob. Samakatuwid, sa alinmang kaso, ang pakikiapid o pangangalunya ay nagawa kapag ang pagpapasok ng semilya ay ginagawa ng isang lalaki maliban sa legal na asawa ng babae.

Kumusta naman ang kahaliling pagbubuntis? Ito man ay nagpaparumi sa higaan ng mag-asawa. Totoo, ang nalangkapang itlog ay ang pagsasama ng semilya ng lalaki at ng itlog na galing sa kaniyang asawang babae, subalit pagkatapos ito ay inilalagay sa bahay-bata ng ibang babae at, sa katunayan, ay magpapangyari sa kaniya na mabuntis. Ang pagbubuntis na ito ay hindi bunga ng pagtatalik sa pagitan ng kahaliling ina at ng kaniya mismong asawa. Kaya, ang kaniyang mga sangkap sa pag-aanak ay ginagamit ngayon ng iba maliban sa kaniyang sariling asawa. Hindi ito kasuwato ng mga simulaing moral ng Bibliya na ang isang babae ay magdadalang-tao para sa kaniyang sariling asawa. (Ihambing ang Deuteronomio 23:2.) Hindi tama para sa isang lalaki maliban sa asawa ng kahaliling ina na gamitin ang kaniyang mga sangkap sa pag-aanak. Ito ay hindi tamang paggamit ng higaan ng mag-asawa. Sa gayon, ang kahaliling pagka-ina ay hindi para sa mga Kristiyano.

[Talababa]

a Ipinakikita ng reperensiyang akda na New Testament Word Studies na “ang higaan ng mag-asawa” sa Hebreo 13:4 ay nangangahulugan hindi lamang ng kalagayan kundi rin naman na ang pag-aasawa ay hindi dapat dungisan.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Pastel ni Mary Cassatt, The Metropolitan Museum of Art, Kaloob ni Gng. Ralph J. Hines, 1960. (60.181)