Kung Paano Hahadlangan ang Paggahasà
Kung Paano Hahadlangan ang Paggahasà
Si Eric ay mataas at magandang-lalaki, at galing sa isang mayamang pamilya. Si Lori ay 19 at inanyayahan sa isang “double-date” ni Eric at ng kaniyang kakuwarto. Siya ay dumating sa salu-salo sa bahay ni Eric, subalit lingid sa kaalaman niya, ang dalawa pang kasama nila sa date ay nagpasiyang hindi pumunta. Di-nagtagal, nag-uwian na ang mga bisita.
“Naisip ko, ‘May problema yata, may nangyayari yatang hindi maganda,’ subalit hindi ko ito pinansin,” sabi niya.
Nang silang dalawa na lamang ni Lori, dinahas ni Eric si Lori. Hindi kailanman inireport ni Lori sa pulisya ang paggahasà, at nang maglaon siya ay lumipat mga 240 kilometro ang layo upang huwag na muling makita si Eric. Pagkalipas ng isang taon, takot pa rin siyang makipag-date.
ANG paggahasà ay isang lumalagong banta, at ang pinakamabuting depensa ng isang babae ay maging alisto at handa. Hindi lahat ng kalagayan sa paggahasà ay maaaring mahulaan, subalit ang pagkaalam kung paano nag-iisip at pinaplano ng mga manggagahasà ang kanilang pagsalakay ay maaaring makatulong sa iyo na makilala ang nagbababalang tanda. a Ganito ang sabi ng isang sinaunang kawikaan: “Makikita ng matalinong tao ang kapahamakan at iiwasan ito, ngunit ang taong hindi nag-iisip ay nagpapatuloy at saka pinagsisisihan ito.”—Kawikaan 27:12, Today’s English Version.
Ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang kalagayan na madahas ay iwasan ang mga manggagahasà. Kailangang alam mo ang huwaran ng paggawi ng isang lalaki—kahit na ang isa na kilalang-kilala mo—na maaaring magpakilala sa kaniya bilang isang potensiyal na manggagahasà. (Tingnan ang kahon, pahina 7.) Gagamitin ng ilang lalaki ang istilo ng damit ng babae o ang pagkukusa ng babae na mapag-isa na kasama ng lalaki bilang isang dahilan upang dahasin siya. Bagaman ang isang babae ay walang pananagutan kung ang isang lalaki ay nagtataglay ng gayong baluktot na opinyon, makabubuting kilalanin ng babae ang gayong mga saloobin.
Huwag hayaan ang iyong sarili na mapag-isa na kasama ng isang lalaki na hindi mo gaanong kilala. (Kahit na sa isa na kilalang-kilala mo, maging maingat.) Ang isang di-kilalang manggagahasà ay maaaring dumating sa iyong bahay na nagkukunwang isang taong nagkukumpuni. Tingnan ang kaniyang mga kredensiyal. Ang isang kakilalang manggagahasà ay kadalasang nagagawang ang biktima ay nagsosolo sa pag-iimbento ng mga utos na humihiling na sila ay magtungo sa bahay niya o sa pagsisinungaling na may isang grupo ng mga tao sa isang lugar na pagtatagpuan ninyo. Huwag kang padaya.
Upang maiwasan ang mga problema sa mga kalagayan sa pakikipag-date, makipag-date na kasama ng grupo o kasama ng isang tsaperon. Kilalanin mong mabuti ang iyong ka-date, at magtakda ng matatag na mga hangganan sa pagiging malapit sa isa’t isa sa pisikal na paraan, kung mayroon man, na ipahihintulot mo. Maging maingat tungkol sa pag-inom ng anumang alak! Hindi ka maaaring maging alisto sa panganib kung mahina ang iyong pag-iisip. (Ihambing ang Kawikaan 23:29-35.) Magtiwala sa iyong katutubong gawi. Kung hindi ka mapakalí na kasama ng isa, huwag mong ipalagay na siya ay walang masamang balak. Umalis ka.
Kailangang talakayin lalo na ng mga magulang ng mga tin-edyer sa kanilang mga anak kung paano hahadlangan ang paggahasà, nagiging espesipiko tungkol sa mapanganib na mga kalagayan sapagkat karamihan ng mga manggagahasà at mga biktima ng paggahasà ay mga bata.
Kumilos Kaagad
Hindi lahat ng kalagayan sa paggahasà ay maaaring hulaan. Kaya, maaaring masumpungan mo ang iyong sarili na nag-iisa at nakaharap sa isang lalaki na mas malakas kaysa iyo at na may layon na puwersahin kang makipagtalik. Ano kung gayon?
Kumilos kaagad, at tandaan ang iyong tunguhin: tumakas. Kadalasan nang sinusubok ng manggagahasà ang kaniyang biktima bago magpasiyang sumalakay, kaya mahalaga na biguin kaagad ang kaniyang
mga balak hangga’t maaari bago siya magkaroon ng sapat na pagtitiwala na kumilos. Ang mga dalubhasa tungkol sa paggahasà ay nagbibigay ng dalawang landasin ng pagkilos: walang kibong paglaban o aktibong paglaban. Maaaring subukin mo muna ang walang kibong paglaban at, kapag iyon ay nabigo, lumipat ka sa aktibong paglaban.Ang walang kibong paglaban ay maaaring magsangkot ng anumang bagay mula sa pag-aantala sa pamamagitan ng pagkausap sa manggagahasà hanggang sa pagkukunwang ikaw ay may sakit na naililipat ng pagtatalik o pagsuka sa sumasalakay sa iyo. (Ihambing ang 1 Samuel 21:12, 13.) “Ang mga taktika ay natatakdaan lamang ng imahinasyon ng isa,” sulat ni Gerard Whittemore sa kaniyang aklat na Street Wisdom for Women: A Handbook for Urban Survival.
Mga walang kibong taktika—na kinabibilangan ng lahat ng bagay maliban sa pisikal na paglaban sa manggagahasà—ay humihiling ng malinaw na pag-iisip at dapat na ang layon ay lituhin o pahinahunin ang sumasalakay. Kung ang iyong paglaban ay lalong gumagawa sa sumasalakay sa iyo na galit o marahas, subukin mo ang ibang paraan naman. Gayunman, huwag mong hayaang ikaw ay mapuwersang malagay sa isang lugar na mas nabubukod samantalang ikaw ay nag-iisip. At tandaan ang isa sa pinakamabisang anyo ng walang kibong paglaban—ang pagsigaw.—Ihambing ang Deuteronomio 22:23-27.
Ang isa pang mapagpipilian ay ang kumilos nang negatibo at mapuwersa. Sabihin mo sa sumasalakay na hindi ka kailanman susunod sa kaniyang mga kagustuhan. Sa isang kalagayan kung saan ang paggahasà ay ginagawa ng ka-date, maaaring subukin mo ang taktikang pansindak na pagtawag sa pagsalakay kung ano nga ito. Ang pagsigaw ng, “Ito ay paggahasà! Tatawag ako ng pulis!” ay maaaring mangpangyari sa manggagahasa na maingat na isaalang-alang kung itutuloy niya ito.
Lumaban Ka
Kung ang pakikipag-usap ay hindi mabisa, huwag matakot na lumipat sa aktibong paglaban. Hindi iyan nangangahulugan na malamang na ikaw ay mapahamak o mapatay, ni ang pagsunod mo man ay gumagarantiya sa iyong kaligtasan. Samakatuwid, karamihan ng mga dalubhasa sa paggahasà ay nagpapayo na aktibong lumaban.
Ang paglaban ay maaaring maging mahirap para sa mga babae sapagkat sila ay nakondisyon mula sa pagkabata na maging magalang, walang kibo, at mapagpasakop kahit na kung sila ay pinagbabantaan ng pisikal na lakas. Kaya nga, kailangan mong magpasiya antimano na ikaw ay lalaban upang huwag mong maiwala ang mahalagang panahon sa pamamagitan ng pag-aatubili sa panahon ng pagsalakay.
Dapat kang magalit na sinuman ay magbabanta o gigipit sa iyo. Kailangang matalos mo na ang pagsalakay na ito ay pinaghandaan, at ang manggagahasà ay umaasang ikaw ay susunod. Magalit ka, huwag kang matakot. “Ang iyong takot ang pinakamalakas na sandata ng isang sumasalakay,” sabi ng mananaliksik na si Linda Ledray. Huwag kang mag-alala na labis-labis ang pagkilos mo o na ikaw ay maaaring magtinging hangal. “Mas mabuti nang maging bastos kaysa magahasà,” gaya ng sabi ng isang dalubhasa. Ang mga babaing matagumpay na nalabanan ang mga manggagahasà ay karaniwang aktibong ginawa iyon at sinubok ang mahigit sa isang taktika, kasali na ang pagkagat, pagsipa, at pagsigaw.
Kung hindi mo maipagtanggol ang iyong sarili laban sa paggahasà, pagtuunan mo ng isip na makilala sa dakong huli ang sumalakay sa iyo. Kung maaari, ang pagkalmot sa kaniya o ang pagpunit sa kaniyang damit ay mag-iiwan sa iyo ng dugo at tela bilang katibayan upang makilala siya. Subalit sa puntong ito, maaaring hindi ka na makalaban pa. Sa kasong iyan, “huwag mong kagalitan ang iyong sarili na ‘hinayaan’ mo siyang halayin ka,” sabi ni Robin Warshaw sa I Never Called It Rape. “Hindi mo kailangang dumanas ng pinsala o kamatayan upang ‘patunayan’ na ikaw ay dinahas.”
[Talababa]
a Walang dalawang kalagayan ang magkatulad, at walang paghadlang na payo ang hindi maaaring magkamali. Kahit na ang mga dalubhasa sa paggahasà ay hindi sumasang-ayon sa kung gaano karami o kung anong uri ng paglaban ang dapat gawin ng isang biktima sa panahon ng isang pagsalakay.
[Kahon sa pahina 7]
Larawan ng Isang Potensiyal na Manggagahasa
□ Ikaw ay emosyonal na inaabuso sa pamamagitan ng pag-insulto sa iyo, niwawalang-bahala ang iyong mga palagay, o nagagalit o naiinis kapag ikaw ay nagmumungkahi.
□ Sinisikap na supilin ang mga elemento sa iyong buhay, gaya kung paano ka manamit at kung sino ang mga kaibigan mo. Nais gumawa ng lahat ng pasiya sa isang date, gaya ng kung saan kakain o kung anong pelikula ang panonoorin.
□ Nagseselos nang walang dahilan.
□ Pangkalahatang minamaliit ang mga babae.
□ Nalalasing o “nalalango” at sinisikap na gawin mo rin iyon.
□ Ginigipit ka na mapag-isa na kasama niya o makipagtalik.
□ Ayaw niyang makihati ka sa mga gastos sa isang date at nagagalit kapag ikaw ay nag-aalok na magbayad.
□ Pisikal na marahas kahit sa tusong mga paraan, gaya ng pagsunggab o pagtulak.
□ Tinatakot ka sa pamamagitan ng pag-upo nang napakalapit, pagharang sa iyong daan, paghipo sa iyo gayong sinabi mong huwag, o pagsasalita na para bang mas kilala ka niya kaysa talagang nalalaman niya.
□ Hindi matanggap ang kabiguan nang hindi nagagalit.
□ Hindi ka itinuturing na kapantay.
□ Mahilig sa mga sandata at malupit sa mga hayop, mga bata, o sa mga tao na kaya niyang takutin.
Mula sa I Never Called It Rape, ni Robin Warshaw.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga babaing matagumpay na nalabanan ang mga manggagahasa ay karaniwang aktibong ginawa iyon at sinubok ang mahigit sa isang taktika