Kung Paano Pakikitunguhan ang Paggahasà
Kung Paano Pakikitunguhan ang Paggahasà
Tatlumpu’t tatlong taon ang nakalipas si Mary ay dinahas samantalang tinutukan ng patalim. Ngayon, ang dibdib ni Mary ay kumakaba at ang kaniyang mga palad ay namamawis kapag sinisikap niyang ilarawan ito. “Ito ang pinakamasamang bagay na maaaring maranasan ng isang babae,” aniya, halos naiiyak. “Ito’y isang masama, nakatatakot na bagay.”
ANG paggahasà ay maaaring maging isa sa pinakamapangwasak na emosyonal na pangyayari sa buhay ng isang tao, at ang mga epekto ay maaaring tumagal habang buhay. Sa isang pag-aaral, halos sangkatlo ng mga nakaligtas sa paggahasà na kinapanayam ay nagtangkang magpatiwakal, at ang karamihan ay nagsabi na permanenteng binago sila ng karanasan.
Ang mga epekto ay maaaring traumatiko lalo na kung kilala ng babae ang dumahas sa kaniya. Ang isang biktimang dinahas ng isa na kakilala ay malamang na hindi tumanggap ng alalay mula sa iba dahil sa hindi niya sinasabi kaninuman kung ano ang nangyari o sinasabi niya ito subalit walang naniniwala na ito ay paggahasà. Yamang siya ay sinaktan ng isa na pinagkatiwalaan niya, malamang na sisihin niya ang kaniyang sarili at pag-alinlanganan ang kakayahan niya na hatulan ang iba.
Tumanggap ng Tulong
Ang unang reaksiyon ng maraming nakaligtas sa paggahasà ay sindak at pagkakaila. Isang babae ang dinahas bago ang isang mahalagang eksamen sa kolehiyo. Isinaisang-tabi niya sa kaniyang isip ang paggahasà hanggang matapos niya ang eksamen. Ganito pa ang sabi ng isang nakaligtas sa paggahasà: “Hindi ko mapayagan ang aking sarili na alalahanin ang anuman dito sapagkat ang aking pinagkakatiwalaang kakilala ang dumahas sa akin. Hindi ko sukat akalain na ikaw ay maaaring dahasin ng isa na nakikilala mo. Maaaring magtinging hangal, subalit ang paniniwala na maaari kang dahasin ng isang pinagkakatiwalaang kakilala ay nag-iwan sa akin na walang pag-asa. Nadama kong ako’y nag-iisa.”
Patuloy na ikinakaila ng ilang babae kung ano ang nangyari sa pamamagitan ng hindi pagsasabi kaninuman tungkol sa paggahasa sa kanila. Kinukuyom nila ang pagsalakay sa loob ng mga taon, na nag-aantala sa proseso ng paggaling at nagiging dahilan ng iba pang emosyonal na problema na maaaring hindi natatalos ng nakaligtas na ito ay mula sa paggahasà.
Ang paggaling ay karaniwan nang hindi nagsisimula hanggang ipakipag-usap mo ito sa iba. Ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan ay makatutulong sa iyo na matanto na ang nangyari sa iyo ay paggahasà nga at hindi mo ito kasalanan. Isang matandang kasabihan ay nagsasabi: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isangKawikaan 17:17) Isa pa, ang espirituwal na mga pastol ay maaaring “maging kublihang dako sa hangin at isang dakong kanlungan sa bagyo.” (Isaias 32:2; 1 Tesalonica 5:14) Para sa ilang biktima, ang pakikipag-alam sa isang sentro na nakikitungo sa mga biktima ng paggahasà o sa isang propesyonal na tagapayo ay baka kailanganin upang matulungan sila na pakitunguhan at maunawaan ang kanilang mga damdamin.
kapatid na ipinanganganak ukol sa kasakunaan.” (Ang mga nakaligtas ay kadalasang takot na ipakipag-usap ang tungkol sa paggahasà sa kanila dahil sa mga damdamin ng pagkakasala, lalo na kung sila ay seksuwal na napukaw noong panahon ng pagsalakay. Maaaring madama nila na sila ay marumi at walang silbi at sisihin ang kanilang sarili sa paggahasà—bagaman walang dapat sisihin kundi ang manggagahasà.
“Ang pagkakaroon ng isang mabait na kaibigan na makakausap mo ay mahalaga,” sabi ni Mary, na nagtapat sa isang kapuwa Kristiyano. “Maaari ko siyang kausapin at gayunma’y hindi ko madama na ako ay marumi at hindi ako nakadarama ng dungis sa karangalan sa naranasan kong pagdahas.”
Alalayan Siya
Sa kabilang dako, hindi makatuwiran at hindi maibigin para sa mga kaibigan ng biktima na hulaan o magpasiya sa kanilang sarili kung siya “nga ba ay dinahas.” Huwag na huwag sabihin na naibigan niya ito o na siya ay imoral. Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng isang kaibigan kapag hiningan ng tulong ay maniwala sa kaniya. Bigyan siya ng katiyakan. Pakinggan siya kapag nais niyang magsalita, subalit huwag mo siyang pilitin para sa mga detalye.
Kung ang paggahasà ay kamakailan lamang nangyari, ang mga kaibigan ay makatutulong sa biktima na kumuha ng medikal na tulong at makapag-aalok ng isang ligtas na dako upang tirhan. Himukin siya na ireport ang paggahasa, subalit hayaan siyang gumawa ng mga pasiya. Bago pa lamang niyang nararanasan ang isang kalagayan kung saan siya ay inalisan ng lahat ng pagsupil. Hayaan mong mabawi niya ang ilan sa pagsupil sa pamamagitan ng pagpapahintulot mo sa kaniya na piliin kung ano ang gusto niyang gawin.
Dapat labanan ng mga pamilya ng mga biktima ng paggahasà na emosyonal na kumilos sa kalagayan. Baka maghanap sila ng masisisi para sa paggahasà o maghiganti sa manggagahasà, na alin man sa dalawa ay hindi tumutulong sa biktima. (Roma 12:19) Ang pagsisi sa nangyari sa sinuman maliban sa manggagahasà ay walang-saysay, at ang paghihiganti ay mapanganib. Ito ay maaaring magpangyari sa nakaligtas na mag-alala tungkol sa kaligtasan ng kaniyang mga mahal sa buhay sa halip na ituon ang isip sa kaniyang paggaling.
Ang mga pamilya ay dapat na may kabatiran din na iba ang pangmalas ng maraming nakaligtas sa seksuwal na mga kaugnayan pagkatapos ng paggahasà. Sa kanilang isip, ang sekso ay nagiging isang sandata, at maaaring mahirapan sila tungkol sa seksuwal na mga kaugnayan sa loob ng ilang panahon, kahit na sa isa na minamahal at pinagkakatiwalaan nila. Sa dahilang iyan, hindi dapat pilitin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa na makipagtalik hanggang siya ay handa. (1 Pedro 3:7) Ang mga pamilya ay maaaring tumulong sa pamamagitan ng pagtatayo sa pagpapahalaga-sa-sarili ng dalaga at sa pagpapakita sa kaniya na siya ay minamahal at iginagalang pa rin anuman ang nangyari sa kaniya. Ang patuloy na alalay ay kakailanganin habang ang nakaligtas ay nagdaraan sa kung minsan ay mahabang daan tungo sa emosyonal na paggaling.
Pakikitungo sa Takot at Panlulumo
Ang mga babaing dinahas ay nagsasabi na ang kanilang nangingibabaw na reaksiyon ay takot. Hindi inaasahan ng karamihan sa mga biktima ng paggahasà na maligtasan ang pagsalakay. Sa dakong huli sila ay maaaring matakot na muling magahasa o maaaring matakot pa nga na di-sinasadyang makita ang manggagahasa.
Ang takot na nadama sa panahon ng paggahasà ay maaaring madamang muli ng kahawig na mga tunog, amoy, at mga dako. Kung ang isang babae ay dinahas sa isang iskinita, maaaring takot siyang magtungo sa isang iskinita. Kung siya ay hinalay sa bahay, maaaring kailanman ay hindi siya muling makadamang ligtas doon at maaaring mapilitan siyang umalis. Kahit na ang pag-amoy sa isang pabango na kahawig niyaong gamit ng manggagahasa ay maaaring pagmulan ng hindi kanais-nais na mga alaala.
Bagaman iilang paggahasà ang nagbunga ng pagdadalang-tao, maraming biktima ay takot na takot sa posibilidad na mabuntis. Marami rin ang makatuwirang nag-aalala tungkol sa kung sila ba ay nahawa ng isang sakit na naililipat ng pagtatalik. Halos kalahati ng mga biktima ng paggahasà ay nakaranas ng mga damdamin ng panlulumo, kawalan ng pag-asa, at kawalang-halaga, na maaaring tumagal mula ilang linggo hanggang ilang buwan. Maaaring pinaglalabanan din nila ang kabalisahan, mga pobya, at mga pagsalakay ng nerbiyos.
Bagaman maaaring hindi mahadlangan ng mga babae ang paggahasà, sa kalaunan maaari nilang masupil ang kanilang mga isip, damdamin, at mga reaksiyon sa pagsalakay. Maaari nilang matutuhan na palitan ang negatibong mga kaisipan ng positibong mga pangmalas ng kanilang mga sarili.
“Sa halip na sabihan ang iyong sarili kung gaano kahina, kawalang silbi, o kawalang kaya mo, matutong sabihin sa iyong sarili kung gaano kahusay ang ginagawa mo at kung gaano na ang naisulong mo mula sa ligalig na naranasan mo kasunod ng pagsalakay,” sabi ni Linda Ledray sa Recovering From Rape. “Sa bawat araw na nadarama mong ikaw ay hindi gaanong nalilipos ng negatibong mga kaisipan at damdamin, sabihin mo sa iyong sarili, ‘Natututuhan ko nang supilin muli ang aking damdamin.’”
Ang takot ay maaari ring pakitunguhan sa pamamagitan ng pagkatutong makilala kung ano ang nagpapangyari nito. Kapag nakikilala ng biktima kung ano ang pinagmumulan ng takot, maaaring itanong niya sa sarili, Gaano katotoo ang takot na iyon? Halimbawa, kung may nakikita siyang kamukha ng manggagahasa, maaaring ipagunita niya sa kaniyang sarili na hindi ito ang manggagahasa at na hindi siya sasaktan nito.
Ang isa pang paraan na iminumungkahi upang madaig ang takot ay ang sistematikong pagpapamanhid. Ang babae ay gumagawa ng isang talaan ng mga gawain o mga kalagayan na kinatatakutan niya, itinatala ang mga ito mula sa hindi gaanong nakatatakot hanggang sa lubhang nakatatakot. Pagkatapos ay ginugunita niya ang kaniyang sarili na nasa hindi gaanong maigting na kalagayan hanggang sa ito ay waring hindi na nakatatakot. Ginugunita niya ang kaniyang sarili sa bawat kalagayan na nasa talaan hanggang sa siya ay komportable na kapag nag-iisip tungkol sa lahat ng mga kalagayan.
Sa tulong ng isang kaibigan, maaari siyang sumulong
hanggang sa pagsasagawa ng mga gawain sa tunay na buhay, gaya ng paglabas ng bahay sa gabi o sa pag-iisa. Sa dakong huli ay maaari na niyang masupil ang kaniyang takot anupat hindi na nito naaapektuhan ang kaniyang pang-araw-araw na rutina. Gayunman, ang takot sa ilang gawain—gaya ng pagpunta sa isang madilim na iskinita sa gabi—ay normal, at hindi na kailangang subuking mapagtagumpayan ang pagkaasiwa sa mga kalagayang iyon.Pagbaling ng Galit sa Ibang Bagay
Nararanasan din ng mga nakaligtas sa paggahasà ang mga damdamin ng galit, na sa simula’y maaaring nakatuon sa lahat ng lalaki subalit, sa paglipas ng panahon, ay karaniwang nakatuon sa manggagahasa. Ang mga taong galít ay karaniwang itinutuon ang kanilang galit sa lahat. Ang iba ay maaaring kumilos sa pamamagitan ng pagsupil sa kanilang mga damdamin. Gayunman, ang galit ay maaaring ibaling sa ikabubuti, at ang paraan ng pakikitungo ng isang tao sa kaniyang galit ay maaaring tumulong sa kaniyang paggaling. Ang Kasulatan ay nagsasabi: “Kayo’y mapoot [magalit], subalit huwag magkakasala.”—Efeso 4:26.
Una, ang mga nakaligtas ay hindi kinakailangang matakot na ipahayag ang galit. Maaari nilang ipakipag-usap ito sa iba. Ang pagsangkot sa legal na mga proseso o ang pag-iingat ng isang rekord ay maaaring maging isang labasan ng galit. Maaari rin nilang ilabas ang kanilang galit sa pamamagitan ng pisikal na mga gawain, gaya ng tenis, racquetball, handball, paglalakad, jogging, pagbibisikleta, o paglangoy, na may karagdagang pakinabang na tulungang malabanan ang panlulumo.
Maaari mong supilin muli ang iyong buhay.
Ano ang Magpapahinto sa Paggahasà?
Ang pagpapahinto sa paggahasà ay higit sa basta pagtago ng mga babae mula sa mga manggagahasa o paglaban sa mga ito. “Ang mga lalaki ang nanggagahasa at ang mga lalaki sa pangkalahatan ang may kapangyarihan na wakasan ang paggahasà,” sabi ng awtor na si Timothy Beneke sa kaniyang aklat na Men on Rape.
Ang paggahasà ay hindi hihinto hanggang ihinto ng mga lalaki ang pagtrato sa mga babae na parang mga bagay lamang at matutuhan na ang matagumpay na mga kaugnayan ay hindi depende sa marahas na pangingibabaw. Sa indibiduwal na antas, ang maygulang na mga lalaki ay maaaring magsalita at impluwensiyahan ang ibang lalaki. Kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay maaaring tumanggi na sumang-ayon sa mga birong patungkol sa sekso, manood ng mga pelikulang nagtatampok ng pagkaagresibo sa sekso, o itaguyod ang mga tagapag-anunsiyo na pinagsasamantalahan ang sekso upang magbenta ng mga produkto. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Ngunit ang pakikiapid at ang ano mang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat, kundi bagkus kayo’y magpasalamat.”—Efeso 5:3, 4.
Maaaring ituro ng mga magulang ang paggalang sa mga babae sa pamamagitan ng halimbawa. Maaari nilang turuan ang kanilang mga anak na lalaki na malasin ang mga babae na gaya ng pangmalas ng Diyos na Jehova. Ang Diyos ay hindi nagtatangi. (Gawa 10:34) Maaaring turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lalaki na makipagkaibigan sa mga babae at maging palagay na kasama nila, na gaya ni Jesus. Maaari nilang ituro sa kanilang mga anak na lalaki na ang pagtatalik ay isang magiliw na kapahayagan ng pag-ibig na para lamang sa kabiyak ng isa. Maaaring maliwanag na ipahiwatig ng mga magulang na ang karahasan ay hindi ipahihintulot, ni pahahalagahan man ang pangingibabaw sa iba. (Awit 11:5) Maaari nilang himukin ang kanilang mga anak na prangkang ipakipag-usap ang tungkol sa seksuwal na mga bagay sa kanila at labanan ang panggigipit sa sekso.
Isang Problema na Malapit Nang Magwakas
Ang paggahasà ay hindi magwawakas nang walang malaking pagbabago sa lipunan ng daigdig. “Ang paggahasà ay hindi lamang isang indibiduwal na problema [kundi] ito ay isa ring problema ng pamilya, isang problemang panlipunan, at isang problemang pambansa,” sabi ng mananaliksik na si Linda Ledray.
Gayunman, ang Bibliya ay nangangako ng isang pambuong-daigdig na lipunan na walang karahasan, kung saan ang tao ay hindi ‘pangingibabawan ang tao sa kaniyang kapahamakan.’ (Eclesiastes 8:9; Isaias 60:18) Ang panahon ay malapit na kapag hindi na pahihintulutan ng Diyos na Jehova ang anumang pag-abuso ng kapangyarihan, pati na ang paggahasà.—Awit 37:9, 20.
Sa bagong sanlibutang lipunan, lahat ng mga tao ay tuturuang maging mapayapa at mag-iibigan sa isa’t isa anuman ang kasarian, lahi, o nasyonalidad. (Isaias 54:13) At sa panahong iyon, ang maaamong tao ay mamumuhay nang walang takot sa mga kaibigan o mga hindi kakilala at “kanilang masusumpungan ang kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Kung Ikaw ay Ginahasa
□ Patingin ka sa doktor.
□ Kung nais mo, hilingin mo na ikaw ay samahan ng isang tagapayo sa biktima ng paggahasà sa medikal at legal na mga pamamaraan kung may makukuhang gayon.
□ Tumawag kaagad sa pulis hangga’t magagawa mo. Inirerekomenda ng mga tagapayo na ipagbigay-alam ito sa pulisya para sa iyong kaligtasan at sa kaligtasan ng ibang babae. Ang pag-uulat ay hindi katulad ng pagdedemanda, subalit kung pipiliin mong magdemanda sa dakong huli, ang iyong kaso ay maaaring pahinain ng isang naantalang ulat.
□ Ingatan ang ebidensiya. Pagkatapos madahas huwag agad maligo, magpalit ng damit, hugasan o suklayin ang buhok, o sirain ang mga bakas ng daliri sa kamay o mga bakas ng paa.
□ Titipunin ng medikal na mga tauhan ang ebidensiya at bibigyan ka ng pagsubok para sa sakit na naililipat sa pagtatalik at sa pagbubuntis. Kung mag-alok sila ng gamot upang iwasan ang pagbubuntis, na kilala bilang pildoras kinaumagahan, dapat malaman ng mga Kristiyano na ang gayong gamot ay maaaring magpangyari sa katawan na ilaglag ang pertilisadong itlog.
□ Gawin mo ang kailangan mong gawin upang maging ligtas—magpalit ng mga kandado, tumira sa isang kaibigan, harangan ang iyong pinto—ito man ay tila labis na reaksiyon o hindi.
□ Higit sa lahat, bumaling sa Kasulatan para sa kaaliwan, nananalangin kay Jehova, tinatawag pa nga nang malakas ang kaniyang pangalan, sa panahon at pagkatapos ng pagsalakay. Umasa sa matatanda at sa iba pang malapit na mga kasama sa loob ng kongregasyon para sa alalay. Dumalo sa mga pulong kung maaari, at makisama sa mga kapuwa Kristiyano sa ministeryo.