Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagdidisiplina sa mga Anak Talagang pinahahalagahan ko ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya . . . ‘Ang Pamalong Disiplina’—Lipas Na Ba?” (Setyembre 8, 1992) Dahil sa dami ng pag-abuso at kalupitan sa bata sa ating paligid, kailangan natin ang mga artikulong gaya nito upang matulungan tayong manatiling timbang. May kilala akong mga bata na labis na pinagmalupitan mula sa pagkasanggol. Sa ngayon sila ay mga kabataan na may matinding mga suliranin sa emosyon. Kailangan natin ang gayong impormasyon upang tulungan tayo na patnubayan at turuan ang mga bata sa maibiging paraan.
M. B., Estados Unidos
Kasuutang May Pangalan Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mga Kasuutang May Pangalan—Ito ba’y Para sa Akin?” (Setyembre 8, 1992) Nang umalis ako sa aking trabaho isang taon na ang nakalipas upang maging isang buong-panahong ebanghelisador, hindi ko na kayang bumili ng mga kasuutang may pangalan. Ito’y nakabalisa sa akin nang sandali. Gayunman, ngayon ay nakita ko na mabuti ang ginawa kong pagpili at na ang mga kasuutang may simbolo ng katanyagan ay walang gaanong halaga para sa akin.
M. J. C., Brazil
Trahedya sa Dagat Aral Maraming salamat sa artikulong “Ang Trahedya sa Dagat Aral.” (Agosto 22, 1992) Simula noong ako’y nag-aral, ang dagat na ito, gayundin ang katabing Dagat Caspian, ay nakabighani sa akin. Sa loob ng maraming taon, ako’y nakapagtipon ng materyal tungkol sa kung alin ang mas malaki sa dalawang dagat, subalit bago dumating ang inyong artikulo, ang mga detalye tungkol sa Dagat Aral ay bihirang-bihira.
D. H., Alemanya
Mga Nuno Bagaman kami’y hindi na mga kabataan, kaming mag-asawa ay labis na nagpapahalaga sa mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” tungkol sa pamumuhay na kasama ng mga nuno. (Hulyo 8 at Hulyo 22, 1992) Kami ay pumisan kamakailan sa lola ng aking misis, at ito’y nagharap ng isang tunay na hamon para sa amin. Ang inyong mahusay na salig-Bibliyang payo at pantas na matalinong-unawa sa mga may edad na ang siyang talagang kailangan namin. Ang dalawang pampamilyang pag-aaral salig sa mga artikulong ito at ang praktikal na pagkakapit ng payo ay talagang nagpasulong sa aming kalagayan.
J. L., Estados Unidos
Death Metal Ang inyong artikulong “Death Metal—Ano ang Mensahe?” (Hulyo 8, 1992) ay labis na nakaapekto sa akin. Patuloy na nagtatalo ang isip ko hinggil sa musikang ito. Ang inyong artikulo ay nagbigay sa akin ng lakas at tibay ng loob na makaiwas sa satanikong musikang ito. Mayroon pa akong pakikipagpunyagi, subalit sa tulong ni Jehova ako’y makapananagumpay.
M. D., Estados Unidos
AIDS Ang inyong artikulo tungkol sa “AIDS sa Aprika” (Agosto 8, 1992) ay talagang mapagkakatiwalaan! Ang payo sa mga kabataang nagpaplanong mag-asawa ay nakapagliligtas-buhay pa nga. Ako ay bagong bautisadong Kristiyano, at dahil sa aking nakaraang istilo ng pamumuhay, ako ay nagpasuri para sa HIV infection. Ang aking pagsusuri ay negatibo. Ako’y nagtataka kung bakit ang ilan na dapat magpasuri ay atubiling gawin ito. Maraming mag-asawa na naging di-tapat ang mga kabiyak ay basta umaasa na lamang para sa pinakamabuti. Subalit nagpapalubha lamang ang basta paghihintay at pag-asa na ang nakamamatay na sakit na ito ay hindi nailipat.
L. J., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang prangkang mga komentong ito. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control, kukuha ng tatlo hanggang anim na buwan pagkatapos na mahawa upang ang katawan ay makagawa ng sapat na mga antibody upang matuklasan sa isang pagsusuri ng HIV. Kung gayon ang muling pagpapasuri ay karapat-dapat kung ang pagsusuri ay kinuha pagkatapos ng posibleng pagkahantad sa virus ng AIDS.—ED.
Gusto ko lamang kayong pasalamatan sa artikulong “AIDS—Mga Manggagawa na Nangangalaga sa Kalusugan Mag-ingat!” (Hunyo 22, 1992) Ako ay nagtatrabaho sa isang opisina ng doktor na nagdadalubhasa sa biglaang panggagamot na pangangalaga. Pagkatapos na mabasa ang artikulong ito, kami’y nagkaroon ng pulong ng mga empleyado kung saan ang katulad na mga hakbang ng pag-iingat ang detalyadong tinalakay. Nasabi ko sa iba na una ko itong nabasa sa Gumising!
T. M., Estados Unidos