Pag-aalaga ng Tupa ang Aming Hanapbuhay
Pag-aalaga ng Tupa ang Aming Hanapbuhay
NAKAPAGSUOT ka na ba ng isang kasuutang yari sa lana o nakabili ka na ba ng inikid na istambreng lana? Ikaw ba ay huminto kailanman upang mag-isip kung saan nanggaling ang lana? O ano ang nasasangkot sa pag-aalaga ng mga tupa na nagbibigay sa iyo ng lana? Marahil maaari ka naming tulungan. Bakit? Sapagkat, kasama ng maybahay ko, si Barbara, pinamamahalaan ko ang isang pastulan ng mga tupa sa South Island ng New Zealand.
Ang mga tupa ay kawili-wiling mga nilalang—maamo, mahiyain, at kadalasan ay maliwanag na walang muwang. Gayunman ay natatandaan ko ang isang inang tupa na sinusupil ang kaniyang mga tupa na mas mahusay kaysa iba pang ina sa kawan. Hindi nasusumpungan ng iba ang kani-kanilang mumunting anak, subalit hindi ang inang tupa na ito. Ano ang natatangi sa kaniya? Siya ay bulag. Subalit napupunán niya ang kaniyang pagiging bulag sa pamamagitan ng kaniyang matalas na pang-amoy at pandinig. Alam niya kung saan makikita ang kaniyang mga tupa. Anong laking kagalakan na masdan silang sumususo, ang kanilang mga buntot ay masiglang kumakawag!
Kasa-kasama ko ang mga tupa sa karamihan ng buhay ko rito sa South Island. Ang tatay ko ay nag-aalaga ng tupa sa loob ng 60 taon. Ngayon bakit ko sinabing “nag-aalaga ng tupa” at hindi “pastol”? Ang popular na kaisipan tungkol sa isang pastol ay yaong isang tao na nag-aalaga sa dayuhang kawan ng tupa. Sa aming kalagayan, mayroon kaming pastulan ng mga tupa. Ang aming tupa ay inaalagaan sa isang piraso ng lupa na may tiyak na mga hangganan at basta lumilipat mula sa isang bukid, o pastulan, tungo sa isang pastulan. Sa halip ng dose-dosena o daan-daang tupa, libu-libo ang tupa namin. Gayunman, sa mga pamantayan sa New Zealand, maliit ang aming pastulan. Gayunpaman, ang aming gawain ay nasa isang industriyal na lawak. Kaya ano ang nasasangkot sa pag-aalaga ng napakaraming tupa?
Paramihin at Maging Marami
Samantalang ang ilang nag-aalaga ng tupa ay nagpaparami ng tupa upang ipagbili ang karne nito, kami ay nagpaparami ng tupa upang ibenta ang balahibo ng tupa gayundin ang karne nito. Ang mga dumadalaw ay kadalasang nagtataka na malaman na ang New Zealand ay may 70 milyong tupa, pangunahin nang mula sa 19 na iba’t ibang lahi. Ang mga tupa ay hindi katutubo sa aming bansa kundi dinala rito mula sa ibang bansa. Ang malaking tupang merino, orihinal na galing sa Extremadura,
Espanya, at ang Romney, Leicester, at iba pang Ingles na mga lahi ay karaniwang dinala rito mula sa Australia.Ang aming mga tupa ay lahing Romney, mataas at malaking katawan, nagbibigay ng magandang lana. Subalit ang pagkuha ng pangwakas na produktong iyon ay nagsasangkot ng maraming pagpapagal at pagpaplano. Una muna, kailangang mag-alaga kami ng isang produktibong kawan, at iyan ay nangangahulugan ng mga hayop na mainam palahian. Bumibili ako ng de kalidad na mga lalaking tupa taun-taon upang magkaroon ng kabuuang tupa na halos 35, at kung Abril ang mga ito ay pinalalabas upang magsemilya, sa mga babaing tupa. Sa loob ng mahigit na tatlong linggo, ang mga lalaking tupa ay makapagsesemilya ng mula 60 hanggang 80 babaing tupa bawat isa. Ang pagsisilang ng tupa ay kung Setyembre, at iyan ang panahon na gustung-gusto namin ni Barbara. Ngunit paano ba namin pinananatiling abala ang aming sarili hanggang sa Setyembre?
Pagpapakain sa Taglamig
Dito sa Timugang Hemispero, ang aming taglamig ay mula Mayo patuloy. Ang tubo ng damo ay hindi mabuti sa panahong iyon, kaya kailangang pakanin namin sa labas ang kawan. At sinasabi kong “namin” sapagkat si Barbara ay abala sa pagtulong sa akin. Hinahati namin ang aming bukid, o pastulan, sa pamamagitan ng alambreng may kuryente sa mga bloke na halos kalahating ektarya ang bawat isa. Ang paggawa lamang ng de kuryenteng mga bakod na ito ay isa nang malaking trabaho sa ganang sarili. Ngayon bakit namin kailangang gawin ito? Sapagkat ang mga tupa ay kailangang ilipat araw-araw mula sa isang bloke ng pastulan tungo sa isang bloke, at kailangan naming ikariton ang dayami at iba pang pagkain sa
kanila. “Ang iba pang pagkain” ay maaaring mangahulugan ng sebada at mga nuwes, lalo na bago ang pagsisilang ng tupa kung kailan ang mga babaing tupa ay nangangailangan ng karagdagang pagkain. Pinakakain din namin ng mga swede (rutabaga, isang uri ng singkamas) ang mga hogget, ang tupa na isang-taóng-gulang. At saan namin kinukuha ang mga swede? Kailangang itanim namin ito, na nangangahulugang nagsasaka rin kami, hindi lamang nag-aalaga ng mga tupa. Subalit balikan natin ang masayang gawain, ang pagsisilang ng tupa.Kumikilos Bilang mga Komadrona
Pagdating ng Setyembre, binabagtas namin ni Barbara ang mga pastulan sakay ng aming mga motorsiklo. Hindi, hindi ito isang karera. Ito ang aming paraan ng transporte upang marating ang lahat ng babaing tupa na nagsisilang. Sinisikap naming dalawin ang mga babaing tupa na manganganak na apat o limang beses isang araw upang tulungan ang sinuman na nahihirapan sa panganganak. Ang karamihan ay nanganganak nang walang anumang komplikasyon, subalit kailangan pa rin naming lagyan ng tanda ang kambal na mga tupa upang kung ang isa ay mapahiwalay, mailalagay namin itong muli na kasama ng kakambal nito.
Ang ilan sa mga babaing tupa ay mahirap manganak, at diyan nakatutulong sa amin ang mga motorsiklo na nangangahulugan ng mabilis na tulong kung kinakailangan. Halimbawa, kung ang isang tupa ay lumalabas na una ang ulo na hindi umuusli ang paa, maaari itong masakal. Kung gayon, kami ay tumutulong bilang mga komadrona at tumutulong kami na maayos ang panganganak. Sa sinuman na hindi sanay rito, ito ay maaaring magtinging isang maruming trabaho, subalit para sa amin, ang pagkasaksi sa paglabas ng isang bagong buhay ay isang taunang himala.
Karamihan ng babaing tupa ay nagsisilang ng kambal. Sa wakas ay halos 500 babaing tupa ang nalalagyan namin ng may kulay na tali sa tainga para sa pagpaparami. Ito ang nagpapakilala sa kanilang edad. Pagkatapos ng tatlo o apat na buwan, ang mga lalaki at ang sobrang babae ay ipinadadala sa palamigan para katayin. Maiba ako, mayroon kaming pantanging terminolohiya upang makilala ang mga edad. Ang isang-taóng-gulang na tupa ay tinatawag na hogget at ang dalawang-taóng-gulang ay tinatawag na dalawang-ngipin. Alam mo, ang tupa ay tinutubuan lamang ng walong ngipin, dalawa sa bawat taon. Kapag ang babaing tupa ay dalawang-ngipin, handa na siyang magparami.
Huwag nating kalimutan ang pangunahing dahilan na kami ay nag-aalaga at nagpaparami ng tupa—dahil sa kanilang mahalagang balahibo, ang kanilang lana—na nagdadala sa amin sa talagang pagpapagal sa buong taon.
Pagtulong sa Paggupit
Bagaman ang isang mahusay na tagagupit ay maaaring makagupit ng halos 300 hanggang 400 tupa sa isang araw, hindi ko matutumbasan iyan. Ang aking katamtamang nagugupitan ay 150 isang araw. Karamihan ng tupa ay nagugupitan minsan sa isang taon, subalit ang ilan ay nagugupitan dalawang beses sa isang taon, bilang mga hogget sa Oktubre at bilang dalawang-ngipin sa Marso. Upang gawing mas madali ang paggupit, aming pinuputol ang mga buntot ng tupa, na nakatutulong upang panatilihing malinis ang kanilang dulo.
Noon, ang paggupit ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talim o panggupit. Ngayon mayroon kaming panggupit na de kuryente, ngunit ang paggupit ay mahirap pa ring trabaho at humihiling ng pantanging mga kasanayan. Depende sa kung paano mo hinahawakan ang tupa, ang iyong trabaho ay maaaring maging mas madali o mas mahirap. Umuupa ako ng mga manggugupit na binabayaran ayon sa bilang ng tupa na nagugupitan nila sa isang araw. Karaniwan nang kami’y nakakukuha ng mula 4.5 hanggang 5.5 kilo ng lana sa bawat babaing tupa.
Ang susunod na trabaho ay ang paghahanda ng lana para sa paghahatid sa mga negosyante ng lana. Kailangang iimpake namin ito nang mahigpit sa mga paldo na tumitimbang ng halos 180 kilo ang bawat isa. Subalit paano namin naigagarantiya ang mahusay na klaseng lana? May isa pang yugto sa aming gawain na mahalaga sa pagkuha ng mahusay na lana.
Paglubog
Ang mga tupa ay nagkakaroon ng mga pulgas o kuto mula sa isa’t isa, at ang mga parasitong ito ay nagpapangyari sa kanila na mangati. Walang anu-ano, ginugugol ng mga tupa ang kanilang panahon sa pagkuskos ng kanilang sarili sa mga bakod sa halip na kumain. Kaya sila ay pumapayat at nasisira ang kanilang balahibo. Paano namin nilalabanan ito? Inilulubog namin sila sa isang kemikal na paligo minsan sa isang taon. Ito man ay isang yugto ng mahirap na trabaho gaya ng napansin ng isang dayuhang bisita sa aming pastulan ng mga tupa. Ganito niya inilarawan ito.
Ang Pangmalas ng Isang Taga-Lungsod
“Pagdating ko sa eksena, ang paglulubog ay nangyayari na sa loob ng ilang oras. Ang nakita ng aking hindi sanay na mga mata sa lungsod ay isang
tanawin ng kaguluhan. Ang mga lalaki ay sumisigaw; ang mga aso ay tumatahol. Ang ilang tupa ay umuubo; ang iba ay humihingal. Ang mga aso ay literal na lumulukso sa likuran ng takót na mga tupa upang manguna sa unahan ng pangkat upang mahawi ang pagsisiksikan. Di-nagtagal ay naunawaan ko ang dahilan ng kung ano ang nangyayari.“Daan-daang tupa ang nasa mga pastulan, naghihintay ng kanilang turno na akayin, halos isang dosena sa isang panahon, tungo sa isang makipot na dako. Doon ang isa sa nag-aalaga ng tupa ay naghihintay sa tabi ng isang maliit na lawa ng kemikal na halo na nakakubli sa paningin ng tupa sa pamamagitan ng tabing na sako. Pagdating na pagdating ng bawat hayop sa naghihintay na tao, ito ay agad na itinutulak ng tuhod sa sako at, splosh! sa maitim na likido. Ang unang reaksiyon ng hayop ay umahon, at ito ay magsisimulang lumangoy patungo sa makipot na labasan. Gayunman, sa magkabilang panig ay ang iba pang upahang manggagawa na may mahahabang patpat na naghihintay upang itulak ang mga tupa sa ilalim ng kemikal na halo at sa gayo’y tinitiyak na ang lahat ng balahibo, mula sa ulo hanggang sa talampakan, ay nabasa. Habang ang tupa ay umaahon mula sa kemikal na halo, sila ay uubo at aalugin nang husto ang kanilang sarili, na nagsasaboy ng tubig sa himpapawid. Kapag ang ilan ay handa nang ilabas mula sa labasan ng kulungan, sila ay hinahayaang bumalik sa bukid, na waring ginagawa ng karamihan na may ginhawa at kasiglahan!”
Ang Paglaban sa mga Garapata at mga Bulati
Kawili-wili para sa akin na marinig ang paglalarawan ng isang tagalabas tungkol sa kung ano ang aming ginagawa. Maaaring magtanong ka kung anong kemikal na halo ang aming ginagamit sa pinaglulubugan. Ito ay tinatawag na Grenade, at ang aktibong sangkap nito ay Pyrethroid, na may 5 porsiyentong Cyhalothrin, na pumapatay sa mga garapata o kuto. Ang mga parasitong ito ay hindi ang tanging likas na kaaway ng tupa. Sila rin ay nagkakaroon ng mga bulati sa bituka at sa baga, na nangangahulugang kailangang regular na painumin ng gamot ang tupa. Ito ay nagsasangkot ng pagdadala ng mga tupa sa bakuran. Inilalagay namin sila sa isang makipot at nababakurang daanan, mga uno punto dos metro, na kasya ang mga 50 tupa. Pagkatapos ang mga ito ay sapilitang pinaiinom ng isang kemikal na halo na pumapatay sa mga bulati. Nagsusuot kami ng isang backpack na naglalaman ng likido at gumagamit kami ng isang tubo at pampuslit upang ipuslit ito sa kanilang lalamunan. Kung minsan binibigyan din namin sila ng penicillin upang labanan ang pagkalason sa dugo.
Ang amin bang mga tupa ay nagkakaroon ng mga sugat sa paa-at-bibig? Hindi, dahil sa mahigpit na pagsupil ng mga awtoridad sa pandarayuhan at agrikultura sa mga daungan at mga paliparan ng New Zealand. Maraming dayuhan ang nalilito pagdating nila sa aming mga paliparan at masumpungan nila na ang cabin ng eruplano ay kailangan munang ispreyhan bago sila makalabas. Subalit iyan ang isang dahilan kung bakit wala rito ang ilang sakit na nagpapahirap sa mga hayop sa ibang bansa.
Ang Kailangang-kailangan na mga Aso
Ang aking kuwento ay hindi magiging kumpleto kung hindi ko babanggitin ang aming mga asong bantay-tupa. Mayroon kaming kalahating dosena sa aming bukid at kami’y gumagamit ng dalawang uri ng mistisong mga aso na may mga lahing collie. Mayroon kami ng tinatawag na asong tumatahol. Ang mga ito ay tatahol at imamaneobra ang mga tupa sa pamamagitan ng pagtakbo sa kanilang likuran upang magkaroon ng isang estratihikong posisyon. Ang isa pang uri ay ang tinatawag naming eyedog. Ito ay magtutungo mismo sa isang tupa at tititigan ito sa mata, tatakutin ito sa pamamagitan ng pagtingin sa halip ng pagtahol. Walang paraan na magagawa namin ang aming trabaho kung wala ang tapat na mga hayop na ito. Ang mga ito’y magtatrabaho hanggang sa sila ay bumagsak sa pagod.
Sa maikli, iyan ang aming buhay rito sa Mossburn, New Zealand, sa pag-aalaga ng mga tupa. Kaya sa susunod na pagkakataong ikaw ay bumili ng isang magandang kasuutang lana, pag-isipan ang mga nag-aalaga ng tupa sa buong daigdig na maingat na inalagaan ang mga hayop na nagbibigay ng lana.—Gaya ng inilahad ni Bruce Cournane.
[Larawan sa pahina 16]
Labinsiyam na iba’t ibang lahi na nakatanghal sa Agrodome, Rotorua
[Credit Line]
Mga Tupang Lalaki sa Agradome na Nasa Entablado
[Mga larawan sa pahina 18]
Itaas: Mga tupa na patungo sa paglulublob
Kanang ibaba: Ang paggupit sa balahibo ng tupa ay isang nakapapagod na trabaho