Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mapamusong na mga Gulong?
Isang pangunahing kompaniya ng gulong sa Yokohama, Hapón, ay huminto sa paggawa ng iba’t ibang gulong ng kotse sapagkat nakaiinsulto ang mga ito sa mga Muslim. Nagreklamo ang mga Muslim na ang disenyo ng uka sa goma ay nakahahawig ng Arabikong salita na “Allah.” Sinabi ng Asahi Evening News na nagpaabot ng paumanhin ang kompaniya dahil sa kawalan ng kaalaman nito sa Islam at nagpaliwanag na idinisenyo ng computer ang uka ng goma para sa higit na kaligtasan sa pagmamaneho. Hindi sinasadya ang anumang pang-iinsulto o pamumusong kay Allah. Binabawi o pinapalitan ng kompaniya ang mga goma sa mga bansang Islamiko.
“Bagong” Pag-eebanghelyo ng mga Katoliko
Ang Iglesya Katolika Romana ay naglalagay ng panibagong pagdiriin sa pag-eebanghelyo, ulat ng New York Newsday. Nababahala ang mga pinuno ng iglesya sa pagkawala ng malaking bilang ng mga Katolikong nandayuhan na nakumberte sa ibang relihiyosong mga grupo. Kaya, si Papa Juan Paulo II ay nanawagan para sa “bagong pag-eebanghelyo” at lumikha ng isang organisasyon, ang Evangelization 2000, para lamang sa layuning iyan. “Kalakip pa nga sa mga pamamaraan ay ang bahay-bahay na pag-eebanghelyo, isang paraan na karaniwang iniuugnay sa mga Saksi ni Jehova at sa ibang Kristiyanong mga grupo,” ulat ng Newsday.
Pinakamagastos na Krimen sa Australia
Ang kabuuang taunang gastos ng krimen sa Australia ay tinatayang A$1,600 sa bawat lalaki, babae, at bata sa bansa, ayon sa Australian Institute of Criminology. Ang kabuuang taunang gastos ay A$27 bilyon, na kumakatawan ng 2.7 porsiyento ng kabuuang produktong panloob ng bansa. Paano tinaya ang nakagugulat na halagang ito? Sinipi ng pahayagang The Australian ang bilang mula sa ulat ng surian. Ang magdarayang mga pag-aangkin sa seguro sa mga sasakyan ay lumalago, at ang kabuuang gastos ng lahat ng uri ng pagdaraya ay kasintaas na ngayon ng A$13 bilyon sa isang taon; ang halaga ng pisikal na mga pagsalakay ay halos A$300 milyon sa isang taon. Ang taunang gastos ng pagpapatupad ng batas ay umabot sa A$2.5 bilyon, at ang halaga upang ipiit ang isang bilanggo sa isang taon ay tumataas na ngayon sa A$50,000.
“Lungsod na Walang Langaw”
Ang mga naninirahan sa Beijing, Tsina, ay nagpahayag ng panlahatang paglipol sa mga langaw, ulat ng International Herald Tribune. “Ang aming tunguhin ay lumikha ng isang lungsod na walang mga langaw,” sabi ng nakatataas na pinunong pangkalusugan. “Subalit hindi lamang kami papatay ng mga langaw. Nais naming lumikha ng malilinis na lungsod.” Sa isang kampanya upang “pakilusin ang karamihan,” ang mga mamamayan ay nagpaskil ng mga bandera at namahagi ng dalawang milyong pulyeto na ipinatatalastas ang kampanya. Sa sumunod na isang pantanging “linggo ng pagsalakay,” ang lungsod ay namahagi ng halos 15 tonelada ng mga pestisidyo at 200,000 pamatay ng langaw. Sa isa pang linggo ng pagsalakay ng sumunod na buwan, 1,000 pangkat ng matatanda at mga bata ang nakipaglaban sa mga langaw na may 8,000 kilo ng lason. Noong Hunyo ang ilang lugar ng Beijing ay dinagsaan ng langaw na kasindami ng 33 sa bawat silid. Ang tunguhin ay pababain ang dami sa dalawang langaw sa bawat 100 silid.
Isang Pamayanan ng Mahihirap sa Europa?
Dahil sa ipinamahaging 18 porsiyento ng pandaigdig na kabuuang kita sa gitna ng 6 na porsiyentong populasyon ng daigdig sa Europa, ang European Community ay waring lumilitaw na isang dako ng kapayapaan at kasaganaan. Subalit, iniuulat ng Le Monde Diplomatique, isang pahayagan sa Paris, na sa gitna ng 12 bansa ng European Community, mayroon na ngayong halos 53 milyon katao ang namumuhay na nasa mababang antas ng karukhaan. Sa Gresya, Ireland, Portugal, at Espanya, binubuo ng mahihirap ang 20 hanggang 25 porsiyento ng populasyon, at ang kanilang bilang ay mabilis na dumarami sa Gran Britaniya, Italya, at sa Netherlands. Ang lumulubhang kawalan ng trabaho ay naging isang pinakamalaking salik sa lumalagong bilang ng mahihirap. Kabilang sa 13 milyong walang trabaho sa Community, mahigit sa kalahati ang ipinapalagay na matagal nang walang trabaho.
Masagwang Bahagi ng United Church
“Karamihan sa atin ay waring may di-naghihinalang palagay na ang mga bagay na gaya ng pag-abuso sa sekso ay hindi magaganap sa iglesya at hindi kailanman gagawin ng mga klero,” sabi ng ministro ng United Church na si Sylvia Hamilton. Gayunman, sinabi ni Hamilton na “ang pag-abuso sa sekso ay isang malaking suliranin.” Ayon sa Toronto Star ng Canada, ang pag-abuso sa sekso na “mula sa malalaswang biro hanggang sa puwersahang seksuwal na mga gawain—ay kasinlaganap, kung hindi man higit na laganap, sa iglesya kaysa lipunan sa pangkalahatan.” Inamin ni Peter Lougheed, isang miyembro ng tagapagpatupad sa United Church, na “ang iglesya ay di gaanong ligtas na lugar para sa mga taga-paroko at para sa mga babae kaysa mga lugar ng trabaho.” Isinususog pa ng ulat ng Star: “Pagkatapos ng mga taon ng pagkakaila at pagtatakip, ang suliranin ay ngayon lamang bumubulubok sa ibabaw gaya ng mga bula sa isang latian.”
Tingga na Kasinghalaga ng Ginto
Isang kargada ng hulmadong mga tingga na natagpuan sa pagkabagbag ng Romanong bapor na lumubog sa baybay ng Sardinia dalawang libong taon na ang nakalipas ay “kasinghalaga ng ginto,” sabi ng pahayagan sa Italya na Il Messaggero. Sa sinaunang Roma, inaakalang ang orihinal na destinasyon ng kargada, ang metal ay kapaki-pakinabang sa “paggawa ng mga tubo,
paghinang ng mga alulod, at paghulma ng mga pabigat.” Subalit ipinapalagay ng mga siyentipiko na ang tuklas ay higit pang mahalaga. Yamang ang mga hulma ay matatagpuan sa pinakasahig ng dagat, na naingatan ng “makakapal na latag ng buhangin” mula sa mga epekto ng mga sinag ng kosmiko, inalis ng panahon ang bawat bakas ng radyaktibidad. Ang gayong kadalisay na tingga, na mahirap matagpuan saanman, ay napakahalaga sa mananaliksik na mga pisiko para sa pananggalang na hindi makaaapekto sa maselan na mga pagsukat na isinasagawa sa kanilang mga laboratoryo.Kristiyanong Pagkakaisa?
Noong Agosto 1992, inihalal ng WCC (World Council of Churches) si Dr. Konrad Raiser bilang ang bagong kalihim-panlahat. Pinalitan ni Dr. Raiser si Emilio Castro, na naglingkod bilang pinuno ng organisasyon simula noong 1984. Ang WCC, na binubuo ng mahigit na 300 iglesya ng Protestante, Anglicano, at Eastern Orthodox, ay itinatag noong 1948 sa pagsisikap na magdala ng higit na pagkakaisa sa pagitan ng mga iglesya. Nagkukomento sa kabiguan nito na pangyarihin ang gayong pagkakaisa, ang pahayagang Le Monde sa Paris ay nagsabi: “Ang mga usapang pandoktrina ay nabalam, ang pagkasangkot sa pulitika ang humati sa WCC. Ang pagkasangkot nito sa Timog Aprika laban sa pamahalaang nagtatangi ng mga itim, ang pagnenegosyo ng mga armas, at ang [pagpanig nito sa] teolohiyang kalayaan ay hindi nagdala ng pagkakasundo . . . at pininsala ang kredibilidad nito. Napaliligiran ng higit at higit pang burukrasya, ang magagawa lamang ng WCC ay pukawin ang magalang na pag-usisa o, mas masama pa, pagkawalang-bahala.”
Pagtatrabaho ng Bata
“Ang dekada ’80 ay hindi mabuti para sa mga bata at mga tin-edyer sa Brazil, hinuha ng Foundation of the Brazilian Institute of Geography and Statistics,” ulat ng Jornal da Tarde. Sa 59.7 milyong bata, isiniwalat ng pagsusuri na 32 milyon ang kabilang sa mga pamilya na ang taunang kita ng bawat tao ay wala pa sa kalahati ng pinakamababang kita na halos $40. Sa halip na pumasok sa eskuwela, 17.2 porsiyento ng mga bata sa Brazil sa pagitan ng mga edad na 10 at 14—humigit-kumulang sampung milyon—ay nagtatrabaho upang makatulong sa naghihikahos nilang mga pamilya. Ang resulta? Sinabi ng sosyologong si Rosa Ribeiro: “Ang kalagayan ay nagbubunga ng paglaganap at pamamalagi ng karukhaan. Dahil sa walang sapat na pag-aaral, ang bata ay walang tsansa na baguhin ang kaniyang sosyal na kalagayan.”
Mga Droga sa Sinaunang Ehipto
“Natuklasan ng mga siyentipiko sa mga Pamantasan ng Munich at Ulm [sa Alemanya] ang mga bakas ng hashish, cocaine, at nikotina sa mga momiya sa Ehipto,” ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Sinuri ng mga mananaliksik ang mga sampol ng buto, buhok, at selula na kinuha mula sa ilang momiya na may petsa sa pagitan ng 1070 B.C.E. at 395 C.E. Ano ang sinasabi sa atin ng makasiyentipikong mga pagtuklas na ito tungkol sa sinaunang Ehipto? “Maliwanag na ang mga Ehipsiyo ay gumamit ng droga maging sa pagpapatahan ng iyaking mga bata,” sabi ng pahayagan. Paano nalalaman ng mga siyentipiko? Inilarawan ng isang papiro ang isang halo ng dumi ng langaw at mga binhi ng poppy bilang mabisang pampakalma.
May Bahid-dugo na mga Poste ng Barbero
Ang pula-at-puting paikid na guhit na mga poste ay nagpapakilala sa mga barberya. Bakit? Sapagkat noong Edad Medya, ang mga barbero ay hindi lamang naggugupit ng buhok at nag-aahit ng balbas kundi nagbubunot din ng ngipin at nagsasagawa ng pagpapadugo bilang gamot-sa-lahat. “Sa panahon ng pagpapadugo,” ulat ng The Toronto Star, “nakaugalian nang hawakang mahigpit ng pasyente ang poste sa isang kamay, upang ang mga ugat ay mamaga at bumulwak nang husto ang dugo.” Upang mabawasan ang mga bahid ng dugo sa poste, ito ay pinintahan ng pula. “Pagka hindi ginagamit, ito’y nakabitin sa labas ng barberya bilang patalastas, nakapulupot ang puting gasa na ginagamit na benda sa pinadugong mga bisig,” sabi ng Star. Minana ng mga barbero ang marka ng poste nang maghiwalay ang propesyon ng mga siruhano at mga barbero sa panahon ng paghahari ni Henry VIII, hari ng Inglatera noong ika-16 na siglo.
Nagkakaisang Himpapawid sa Europa?
“Sa susunod na walong taon, ang paglalakbay sa himpapawid sa Europa ay hahantong sa punto ng lubusang paghinto,” sabi ng La Repubblica. Sa nakaraang dalawang taon, ang lawak ng trapiko ay tumaas ng 8 porsiyento. Gayunman, ang mga pagkaantalang dala ng mga suliranin sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid ay “tumaas ng 62 porsiyento,” at halos sangkapat ng lahat ng mga paglipad ay dumarating ng 24 na minutong huli. Ang kawalan ng pinag-isang network ng kontrol sa himpapawid sa Europa ang sinisisi sa pagsisikip, sabi ng pangulo ng Association of European Airlines, na si Giovanni Bisignani. Sa kasalukuyan, may 54 na sentro ng kontrol, na gumagamit ng 31 iba’t ibang sistema. Maliban na masumpungan ang solusyon, ang pagiging nasa oras ay wala kundi “isang panaginip” lamang.
Epekto ng Mararahas na Pelikula
Sa isang panayam ng magasing Veja sa Brazil, tinanong ang direktor ng pelikula na si Steven Spielberg tungkol sa epekto ng karahasan sa paglilibang sa mga manonood. Sabi ni Spielberg: “Ang panonood ng karahasan sa pelikula o sa mga programa sa TV ay nagpapasigla sa mga manonood na tularan nang higit ang kanilang nakikita sa pelikula kaysa kung aktuwal na nakita o nasa balita sa TV. Sa mga pelikula, ang karahasan ay isinasapelikula na may ganap na liwanag, kahanga-hangang tanawin, at sa mabagal na kilos, ginagawa pa nga itong romantiko. Gayunman, sa balita, ang madla ay mayroong mas mabuting pag-unawa kung gaano kahindik-hindik ang karahasan, at ginagamit ito na may mga layon na hindi umiiral sa mga pelikula.” Isinusog pa ni Spielberg na hanggang ngayon ay hindi niya pinapayagang panoorin ng kaniyang batang anak na lalaki ang ilan sa kaniyang kilalang mga pelikula (Jaws, ang serye ng Indiana Jones) dahil sa dami ng dugo at karahasan na ipinakita.