Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata

Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata

Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata

WALA akong interes sa relihiyon. Para sa akin lahat ng organisadong relihiyon ay waring mapagpaimbabaw. Hindi ko nakikita na ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao, maliban sa ginawa silang di-mapagparaya sa iba. Dakong huli ng mga taon ng 1960 noon. Pataksil na pinatay ang pangulo ng E.U., at libu-libo ang namamatay sa isang digmaan sa Vietnam. Ang daigdig ay magulo. Ang akin mismong buhay ay maigting. Paano nga maaaring magkaroon ng Diyos na nagmamalasakit sa akin o sa sangkatauhan?

Ako ay 27 anyos, may asawa at dalawang maliliit na anak, at buong-panahong nagtatrabaho sa isang mental na institusyon nang isang kapitbahay ang nagsimulang makipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya. Nakapagtataka, nasumpungan ko ang aking sarili na nakikinig. Binanggit niya ang tungkol sa tinatawag niyang mga huling araw. Tila kakaiba siya, at nais ko ng mga kasagutan. Iniwanan niya ako ng isang aklat na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Binasa ko ito sa isang gabi, hinanap ko ang lahat ng mga kasulatan, at nasumpungan ko ang aking sarili na nagtatanong, ‘Talaga bang nasumpungan ko na ang katotohanan?’

Kung nasumpungan ko na, ito ay naghaharap ng isang problema. Ako’y ipinanganak sa isang pamilyang Judio, may asawang Judio at dalawang maliit na anak, at mga kamag-anak na Judio. Alam kong mababalisa sila kung ako’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ayaw kong saktan ang aking pamilya na hindi naman kinakailangan; kailangang makatiyak ako. Sinimulan kong basahin nang may pananabik ang literatura sa Bibliya. Sa loob ng isang linggo ako’y nakumbinsi na ito ang katotohanan. Ito ay isang bagay na kailangan kong gawin. Kaya nagsimula akong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng ilang linggo ako ay nangangaral sa lahat. Tuwang-tuwa akong malaman na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, na siya ay nagmamalasakit sa akin at sa lahat ng tao, at na ang buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa ay posible. Ako’y nabautismuhan noong Hunyo 12, 1970.

Gaya ng hinala ko, ang pamilya ko gayundin ang pamilya ng aking asawa ay lubhang nalungkot, at itinakwil ako ng ilan. Ang aking mister ay pahintu-hintong nag-aral sa loob ng mga taon subalit hindi kailanman naging mananampalataya. Gayunman, ang aking mga anak ay naging mga Saksi ni Jehova. Mula sa simula, nais kong maging isang buong-panahong ministro, nangangaral sa bahay-bahay ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Subalit mayroon akong lumalaking pamilya at isang asawang hindi sumasampalataya. Kahit na ako’y nagtatrabaho nang buong-panahon, nailit ang aming dalawang bahay, at ilang ulit na wala kaming matirhan. Napakahirap ng buhay.

Minsan ang aming bahay ay embargado. Kailangang umalis kami ng bahay na iyon sa tanghali ng Linggo, at wala kaming matitirhan. Ginawa ko ang lahat ng magagawa ko, at sa wakas noong Sabado ng umaga, isang araw bago nito, naipasiya ko na gagawin ko ang gaya ng sinabi ni Jesus sa Mateo 6:33​—hanapin muna ang Kaharian at maghintay kay Jehova na maglaan ng mga bagay na kailangan ko. Ako’y nagtungo sa aking ministeryo sa madla. Natatandaan kong ako’y umiiyak dahil sa panggigipit na dala ng kalagayan, subalit sa loob ng limang minuto ay bumuti ang pakiramdam ko. Sa tuwina’y natutuklasan ko na ang pangangaral ay may napakapositibong epekto sa akin; nalilimutan ko ang aking mga problema, at ang espiritu ni Jehova ay nagpapanatili sa akin na maligaya at mabunga at nagbibigay ng kabuluhan sa aking buhay. Sa paano man, pag-uwi ko ng bahay nang araw na iyon, wala pa rin kaming matitirhan, subalit mas mabuti ang aking pakiramdam.

Nang gabing iyon tumanggap kami ng tawag sa telepono buhat sa ahensiya ng bahay-at-lupa (real-estate) na nangangasiwa sa aming mga pangangailangan. Alas 11:30 n.g. noon, at ang ahente ng bahay-at-lupa ay lubhang nababahala na wala kaming matitirhan anupat hinanapan niya kami ng isang bahay na pansamantalang matitirhan hanggang sa ang bahay na aming lilipatan ay handa na. Kaya inilipat kami ng mga kapuwa Saksi sa bahay na iyon noong Linggo. Tumira kami roon, ang aming mga gamit ay nakakahon pa, sa loob ng tatlong linggo at sa wakas ay lumipat kami sa aming bahay nang ito ay ayos na. Hindi ito madali, subalit inilaan ni Jehova ang aming mga pangangailangan. Ito’y lubhang nagpalakas sa akin at nagpatibay ng aking pananampalataya. Ito’y gaya ng nasabi ni Haring David sa Awit 37:25: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.”

May mga problema sa pangangasiwa sa pondo ng pamilya. Kung minsan ay pinangangasiwaan ko ang pera at aayusin ang lahat ng bagay. Sinikap kong panatilihin ang aming pagsasama bilang mag-asawa sa loob ng mga panahong ito, pangunahin nang dahil sa pag-ibig ko kay Jehova at sa pagpapahalaga niya sa kaayusan ng pag-aasawa, at sa kaibuturan ko ay inaasahan kong ang aking asawa ay magbabago at mapasakatotohanan.

Lagi akong nananalangin tungkol sa pagiging regular payunir, at nagpatala ako sa paglilingkod bilang auxiliary payunir sa tuwing may pagkakataon. a Alam ko na ang pangangaral ang pinakamabuti at pinakamahalagang paraan na magagamit ko ang aking buhay. Mahal ko si Jehova at nais kong paglingkuran siya nang buong-kaluluwa. Mahal ko rin ang mga tao at nais kong tulungan sila. Natutuhan kong pahalagahan mula sa akin mismong mahirap na buhay kung gaano kapaki-pakinabang ang mga simulain ng Bibliya at batid ko na kailangan ng mga tao ang pag-asa na inilalaan ng Kaharian. Subalit natatakot ako na hindi mabuhay ang aking pamilya kung hindi ako magtatrabaho. Hirap na hirap nga kami sa buhay.

Ako’y Sumigaw, Tumakas ang Manggagahasa

Pagkatapos may nangyari sa aking buhay na nagbigay sa akin ng pananampalataya na si Jehova ay laging maglalaan at mangangalaga sa akin. May nanloob sa bahay ko at nagtangkang halayin ako. Sinalakay niya ako habang ako ay natutulog, at nang ako’y magising, pinagbantaan niyang papatayin ako kung ako ay sisigaw o kikilos. Bagaman ako ay takot na takot, tinulungan ako ni Jehova na maging mahinahon at magkaroon ng matinong pag-iisip upang manalangin at isaalang-alang kung ano ang pinakamabuting pagkilos. Talos ko kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsigaw, ngunit may palagay rin ako na malamang na patayin niya ako kung ako’y sisigaw, at pagkatapos ay magigising ang aking mga anak, at papatayin niya sila. Nakita ko ang pangalan ko na lumilitaw sa mga patalastas sa pagkamatay at nanalangin ako na ingatan ni Jehova ang aking mga anak kung mamatay ako. Gayunpaman, ginawa ko ang ipinahihiwatig ng Bibliya​—ako’y sumigaw. (Deuteronomio 22:26, 27) Ang manggagahasa ay tumakas. Buong akala ko ay mamamatay ako nang gabing iyon. Lalo akong napalapit kay Jehova.

Nagbitiw ako sa aking trabaho at nagsimulang maglingkod bilang isang regular payunir noong 1975. Sa loob ng anim na taon ako’y nagpayunir, ang aking asawa ang nagbayad ng mga gastusin. Nakalulungkot, nagkaroon ako ng diyabetes sa maagang gulang at noong minsan ay napakagrabe ng kalagayan ko. Upang makayanan ito, patuloy akong nagtiwala nang higit kay Jehova. Sa kabila ng aking mga kalagayan, iyon ang pinakamaligaya at pinakamabungang mga taon na naranasan ko. Pinagpala ako ni Jehova ng maraming estudyante sa Bibliya na sumulong tungo sa bautismo. Ang ilan ay naging mga payunir mismo.

Pagkatapos, noong 1980, ang aming buhay ay nagkagulu-gulo. Isang paghihiwalay ang namagitan sa amin ng asawa ko. Ang aking mga anak ay lubhang nabagabag, kaya alang-alang sa kanila ay sinikap kong iligtas ang aming pag-aasawa, subalit ang mister ko ay hindi tumugon sa aking mga pagsisikap. Sa puntong ito, batid ko na panahon na upang kumuha ng maka-Kasulatang diborsiyo. Ang epekto ng kaniyang pag-alis sa aking mga anak ay mapangwasak.

Sinisikap kong patuloy na magpayunir sa panahong ito at nagawa kong magpatuloy sa loob halos ng isang taon. Gayunman, ang anak kong babae, palibhasa’y hindi makayanan ang kalagayan, ay nagsimulang maghimagsik laban sa lahat ng bagay, pati na sa akin at sa katotohanan. Huminto ako sa pagpapayunir nang panahong ito dahil sa kaniyang asal. Ito’y lubhang nakabalisa sa akin; naputol ang mahalagang bagay sa aking buhay. Nadama kong ako’y nag-iisa, para bang ang lahat ng bagay ay nawala maliban kay Jehova.

Noong panahong ito si Jehova ay naglaan ng dalawang mahal na mga kapatid na tumulong sa akin nang higit kaysa nalalaman nila. Ang isa ay isang tagapangasiwa ng sirkito, at ang isa ay isang matanda sa ibang kongregasyon na alam ang aming mga kalagayan, yamang siya ang nakipag-aral sa mister ko. Kailanman ay hindi ko mapasasalamatan si Jehova nang sapat para sa kaloob na ito na mga lalaki. Sila’y mamamalaging mahal sa akin.

Hindi nagtagal pagkatapos nito, ang aking anak na babae, na napakabata pa, ay nag-asawa ng tagasanlibutan. Ito ay sumira sa pamilya at lumubos sa aming kalungkutan. Di-nagtagal ang aking anak na lalaki ay humiwalay sa katotohanan. Lagi akong nananalangin kay Jehova na tulungang makaligtas sa katotohanan ang aking pamilya. Napakahalaga nila sa akin, at ang tanging bagay na ninanais ko ay na sila’y manatili kay Jehova. Ito ang dalangin ko sa buong buhay ko sa katotohanan. Iyan ang pinakamasamang panahon para sa akin kaysa sa buong 20 taon ng pag-aasawa​—at ang mga ito ay masama. Gayunman, alam ko na sa paano man ay tutulungan kami ni Jehova, at anuman ang mangyari, kailangang gawin ko ang kaniyang kalooban.

Isang pangyayari ang tandang-tanda ko pa. Ako’y nagpapayunir pa, at wala kaming pera ngunit kailangan namin ng $70 upang makaraos kami sa loob ng isang linggo at magkaroon ng pamasahe para sa susunod na linggong trabaho. Kailangan kong magtrabaho ng dalawang araw bilang pansamantalang empleado. Karaniwan, kailangan kong maghintay ng halos isang linggo upang makuha ang perang kinita ko​—halos $40. Wala akong pera para sa pagkain, gaano pa sa pamasahe. Nang sumunod na gabi mayroon akong pag-aaral sa Bibliya sa isang babae na nakatulong sa akin sa pamasahe sa subwey na tren.

Kinabukasan ay Biyernes. Nagtungo ako sa koreo, at may dalawang sulat. Ang isa ay ang tseke na inaasahan ko sa susunod na linggo pa. Nagpunta ito sa lungsod at nagbalik sa akin nang wala pang tatlong araw. Manghang-mangha ako. Kailangan ko pa ng $29 o $30 upang makaraos. Sa ikalawang sobre ay isang tseke na nagkakahalaga ng $29, siyang kailangan ko. Ang kamangha-manghang bagay tungkol dito ay na noong Pebrero ng taóng iyon, binigyan ako ng gobyerno ng kaloob na pera para sa langis upang initin ang aking bahay. Agosto na ngayon, at ipinasiya ng tanggapan ng pamahalaan na may utang sila sa akin na $29​—noong Agosto, para sa pagpapainit? Bakit nila iisipin na may pagkakautang sila sa akin, at ang langis pa nga noong Agosto? Anong nakapagpapatibay-pananampalataya na epekto mayroon ito sa akin!

Hindi Sagot ang Materyal na mga Bagay

Nagsimula akong magtrabaho nang buong-panahon at natutong gumamit ng mga computer sa trabaho na pinasok ko. Ang mga taon na hindi ako nagpayunir ay napakahirap. Bagaman mayroon akong napakahusay na trabaho at nagkaroon ng pinansiyal na kaseguruhan at materyal na mga bagay, hindi ako maligaya. Ang aking mga anak ay namumuhay na hiwalay sa akin at may mabibigat na mga problema. Ang aking anak na babae ay nagbabalik sa katotohanan subalit may mga problema pa. Ang aking anak na lalaki ay may problema rin. Pagkalipas ng ilang panahon, nadarama kong nawawala ko ang napakalapit na kaugnayan ko kay Jehova na pinakamamahal ko. Nadarama kong ako’y lumalayo kay Jehova bagaman walang nakakikita nito. Ako’y nasa lahat ng mga pulong, nag-aaral, naglilingkod, subalit hindi ito sapat. Sinubok kong higit na makihalubilo sa mga kaibigan, subalit hindi rin ito nakatulong.

Nahabag ako sa aking sarili. Nagsimula akong mag-isip tungkol sa aking sarili. Hindi ba karapat-dapat akong magkaroon ng higit pa? Maliwanag, ang pag-iisip na ito ang nais ni Satanas. Sa unang pagkakataon, nadama ko sa aking sarili na ako’y napapalapit sa aking mga kasama sa trabaho. Naisip ko, ‘Buweno, mangangaral ako sa kanila.’ At ginawa ko iyon. Subalit sa kaibuturan ko nadarama kong ang aking puso ay nagsisimulang waling-bahala ang mga bagay na hindi dapat waling-bahala. Hindi ito mga problema sa labas ko. Tungkol lamang sa akin. Hindi ko matakasan ang aking budhing sinanay sa Bibliya. Nanalangin ako kay Jehova.

Ako’y nagtatrabaho nang buong-panahon. Kailangang bitiwan ko ang materyal na seguridad na naitayo ko. Ako’y nagbibiyahe paroo’t parito ng tatlong oras isang araw mula sa Long Island tungo sa Wall Street. Napakalaking panahon! Isa pa, ang pakikitungo sa maraming makasanlibutang tao sa mga tren ay hindi nakatulong sa aking kalagayan. Nagsimula akong makipag-usap sa matatanda at nagtungo sa mga asamblea kung mga dulo ng sanlinggo upang tulungan akong magtuon ng pansin sa mahahalagang bagay. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, hindi ko kailangang mabahala tungkol sa materyal na mga bagay, kaya bakit gusto ko ngayong makipagpunyaging muli? Pagkatapos ng isang taon na pananalangin, maingat na isinasaalang-alang ko kung ako ba ay gagawa ng mga pagbabago sa aking kalagayan, ginawa ko iyon.

Lumipat ako sa residensiyal na lugar sa Brooklyn Heights. Nadalaw ko na ang kongregasyon at alam ko na ang espirituwalidad doon ang siyang kailangan ko. Napakaraming tapat na mga Saksi, naglilingkod ng buong-panahon sa loob ng maraming taon​—hindi ako asiwa roon. Sa loob ng anim na buwan ako ay handa nang magbitiw sa aking karera at magpayunir. Kumuha ako ng isang part-time na trabaho, at noong 1984, ako ay muling nahirang bilang isang regular payunir.

Sa lumipas na mga taon, si Jehova ay naglaan ng kahanga-hangang mga pagpapala sa akin, gayundin ng maraming, maraming mahahalagang aral. Sinikap kong manatiling positibo at matuto sa bawat mahirap na karanasan. Hindi nakahihiyang magkaroon ng mga problema; ang kasalanan ay dumarating sa hindi paggamit ng mga simulain ng Bibliya upang lutasin ito. Dito sa Brooklyn, hindi ako nagkaroon ng mga problema na katulad ng mga problema ko noong bago pa lamang ako sa katotohanan. Ang pananalapi ay hindi na problema. Ang isang hindi sumasampalatayang asawa ay hindi na problema. Wala na akong sama ng loob. Ako’y pinagpala ng maraming espirituwal na mga anak.

Subalit laging may bagong mga problema at mga hamon. Noong 1987 ang aking anak, si Marc, ay sinumpong ng nerbiyos at dumanas ng matinding panlulumo, subalit tinulungan kami ni Jehova sa lahat ng iyan. Si Marc ay sumusulong na ngayon at gumagawang mabuti sa kongregasyon. Ang aking anak na babae, si Andrea, ay nagbalik sa katotohanan at nabautismuhan, at pinalalaki niya ang kaniyang mga anak sa katotohanan. Yamang mabilis na papalapit na ang malaking kapighatian, inaasahan ko na magpapatuloy ang mga problema at marahil ay darami pa, ngunit si Jehova ay laging naroroon upang tulungan tayo sa anumang mga balakid o mga hamon na maaaring dumating.

Tunay, tinulungan ako ni Jehova na magkaroon ng isang napakaligaya at mabungang buhay. Inaasam-asam kong gugulin ang natitirang bahagi ng buhay ko sa pananatiling malapit sa kaniya at ginagawa ang kaniyang kalooban.​—Gaya ng inilahad ni Marlene Pavlow.

[Talababa]

a Ang “pagpapayunir” ay isang katagang ginagamit upang ipahiwatig ang buong-panahong gawaing pangangaral.

[Larawan sa pahina 23]

Si Marlene Pavlow, buong-panahong mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian