Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Payasong Ibon sa Lawa ng Victoria

Ang Payasong Ibon sa Lawa ng Victoria

Ang Payasong Ibon sa Lawa ng Victoria

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya

ANG aming bangka ay naglalayag sa kahabaan ng tahimik na tubig ng Lawa ng Victoria nang bigla itong lumitaw. Naroon, nakasiksik sa sanga ng isang matandang punungkahoy na nakayungyong sa lawa, ay isang napakalaking pugad ng ibon. Ito ay sumusukat ng mahigit na uno punto otso metro sa diyametro​—sapat ang laki upang matakot na may nilikhang tulad-pterodactyl ay tiyak na nakatira sa pugad na ito.

Gayunpaman, desididong makita ang pugad, itinali namin ang aming bangka sa isang malaking bato malapit sa paanan ng malaking punungkahoy, at lahat kami ay umakyat patungo sa sanga upang makita nang malapitan. Ang lahat, yaon ay, lahat maliban sa nagpapatakbo ng aming bangka. Iniiwasan ng mga taong nakatira malapit sa lawa ang anumang pakikipagkita rito. Kahit na ang pangalan nito ay nakatatakot​—hammerkop!

Habang papalapit kami sa pugad, nakikita namin na ito ay di-gaya ng anumang pugad na kailanma’y nakita namin. Kumukuha ng mula tatlo hanggang apat na araw para sa isang lalaki at isang babaing hammerkop na ilagay ang “pundasyon” ng kanilang tahanan​—medyo maluwag ang pagkakagawa, hugis-platitong plataporma. Ito ay binubuo ng mga tambo, patpat, at dayami. Kapag ang yugtong ito ng pagtatayo ay natapos, sila ay gumagawa ng mga dingding sa palibot at saka sisimulan ang bubong mula sa likod. Kapag ang bubong ay nangangalahati na, ang babae ay titira na sa pugad. Siya’y mananatili sa pugad samantalang ang lalaki ay naghahanap ng higit pang materyal sa pagtatayo.

Pagkatapos na makompleto ang balkon sa harap, nilalagyan nila ito ng sapin na putik at sa loob ng silid. Iba’t ibang materyales ang saka idinaragdag sa mga dingding at bubong upang ang pugad ay hindi pasukin ng tubig at mainit. Sa wakas, ang kanilang tahanan ay “pinalalamutian.” Mga lata, balat ng ahas, basahan​—oo anumang bagay na masumpungan ng lalaki​—ay idinaragdag sa ibabaw ng pugad. Ang buong proyekto ay kumukuha ng lima o anim na linggo.

Palibhasa’y natapos na namin ang aming inspeksiyon, kami ay nagbalik sa bangka at naghintay. Di-nagtagal isang hammerkop ang lumitaw, dumapo roon mismo sa bubong. Subalit sa pagtataka namin, hindi ito isang dambuhalang ibon. Ito ay 56 na centimetro lamang ang haba, kulay matingkad na kayumanggi, at lubhang pangkaraniwan ang hitsura. Maliban sa ulo nito. Isang mabigat na tuka at isang malaking palong sa likod ay nagbibigay rito ng hitsura na parang ulo ng isang martilyo de kabra. Kaya ang pangalan nito na hammerkop.

Di-nagtatagal ay sinisimulan ng hammerkop ang rutina na kung saan siya ay nakilala bilang payasong ibon. Siya ay bumibigkas ng matining na pagkakak at nagsisimulang sumayaw at lumukso sa paligid. Walang anu-ano ang kaniyang kabiyak ay lumilitaw at nakikisama sa kaniya sa pamamagitan ng paglukso sa likod niya at nakikisama sa katawa-tawang sayaw. Gayunman, hindi pa tapos ang rutina ng ibon. Ngayon siya ay sumasalimbay mula sa kaniyang mansiyon sa tabi ng lawa at lumalapag sa likod ng isang natutulog na hippo. Kapag kumilos ang hippo, mabubulabog ang ilalim ng lawa. Ang nagulat na mga palaka ay lumalangoy sa ibabaw ng tubig​—upang dagitin lamang ng hammerkop. Ang maliliit na isda, bulati, insekto, at mga crustaceo ay pagkain din ng hammerkop.

Tawagin mo man itong isang payaso o isang maestrong tagapagtayo, ang hammerkop ay kahali-halina​—isa pang halimbawa ng walang takdang imahinasyon ng ating Maylikha.

[Larawan sa pahina 31]

Ang hammerkop at ang pugad niya