Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maiingatan ang Musika sa Kaniyang Dako?
“SA PALAGAY ko likas sa atin na maging mahilig sa musika,” sabi ng isang kabataang nagngangalang Jackie, “sapagkat maaari nitong ipahayag ang iyong nadarama. Napakalaking bahagi ito ng iyong buhay kapag ikaw ay bata.”
Tama si Jackie. Bagaman ang mga kabataan ay waring partikular na mahilig sa musika, ang kakayahang masiyahan sa himig at armoniya ay waring likas sa ating lahat. At kailangan mo lamang marinig ang masayang himig ng isang ibong umaawit o ang nakagiginhawang indayog ng alon upang malaman na ang musika ay isang maibiging regalo mula sa ating maligayang Maylikha. (1 Timoteo 1:11; Santiago 1:17) Gayunpaman, ito ay isang regalo na kadalasang ginagamit sa maling paraan. Sa katunayan, kung ang musika ay hindi iingatan sa kaniyang dako, makagagawa ito sa iyo ng higit na pinsala kaysa kabutihan.
Sugapa sa Musika?
Ang mabuting musika ay maaaring maging nakalulusog, kapaki-pakinabang. Gayunman, ang isang bagay na labis kahit na mabuti ay maaaring maging masama sa iyo. Isang matalinong kawikaan ay nagbababala: “Nakasumpong ka ba ng pulot? Kumain ka ng sapat sa iyo, baka ka masuya at iyong isuka.” (Kawikaan 25:16) Ang pulot ay may kilalang-kilalang mga katangian na nakagagaling. Gayunman, “hindi mabuti ang kumain ng maraming pulot” at maaari kang masuka. (Kawikaan 25:27) Ang punto? Ang mabubuting bagay ay dapat na tamasahin nang katamtaman.
Gayunman, totoong pinangingibabawan ng musika ang buhay ng ilang kabataan. Halimbawa, isang kabataang babae na nagngangalang Jodie ay nagsasabi na bilang isang tin-edyer, siya “ay nakikinig sa musika sa lahat ng panahon.” Sinisikap mo rin bang punan ang bawat sandali ng himig? Kung gayon ang maaaring idahilan mo bilang pagpapahalaga sa musika ay maaaring pagkasugapa sa musika.
Ganito ang gunita ng isang kabataang nagngangalang Steve: “Pumapasok ako sa paaralan na kasama ng mga batang nakikinig pa nga sa musika sa loob ng klase.” Gayunman, sabi niya: “Ang pananatili ng Walkman [mga headphone] sa kanilang tainga ay talagang nakasisira sa kanilang pag-aaral.” Sa katulad na paraan, nasusumpungan mo ba ang iyong sarili na nagpapatugtog ng nakagagambalang musika kapag ginagawa mo ang iyong araling-bahay? At kumusta naman ang mga panahon na inilalaan mo para sa pag-aaral ng Bibliya o sa paghahanda para sa mga pulong Kristiyano? Tumutugtog ba ang kumpas ng iyong paboritong awitin?
Isaalang-alang din, ang gastos mo upang makaalinsabay sa lahat ng pinakabagong mga labas na musika. Magkano sa iyong kita o alawans ang ginugugol mo sa mga plaka, mga cassette tape, o compact disc? Maaari kayang ilagay ang ilan sa perang iyon sa mas mabuting gamit?
Kumusta naman ang mga kaugnayang pampamilya? Ikaw ba ay nakikisama sa mga pag-uusap ng pamilya, naroroon sa mga pagkain ng pamilya—o ikaw ba ay nananatili sa iyong silid at nakikinig sa musika? Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang isa na humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.”—Kawikaan 18:1.
Pagbabago ng Iyong mga Kaugalian sa Pakikinig
Kung ang musika ay kumukuha ng napakaraming panahon sa iyong personal na buhay, makabubuting isaalang-alang ang mga salita sa Efeso 5:15, 16: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang pagkakataon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.” Maaaring magsangkot ito ng pagtatakda sa iyong sarili ng ilang hangganan at tinatakdaan ang dami ng oras na pakikinig sa musika. (Ihambing ang 1 Timoteo 3:2.) Halimbawa, maaaring kailanganin mong hintuan ang pakikinig sa musika pagdating na pagdating mo ng bahay. Matutong tikman ang ilang panahon ng katahimikan.
Sa paano man, ang paggawa ng gayon ay maaaring makatulong sa iyong mga marka sa paaralan. Ang mga sandali ng katahimikan ay nakatutulong sa pag-aaral. Ngayon, maaaring akalain mo na ang pagkakaroon ng tumutugtog na musika ay nakatutulong upang maging relaks ka. Subalit bakit hindi subuking mag-aral nang walang musika, at tingnan kung bumubuti ang iyong pagtutuon ng isip? “Maaaring magawa mong mag-aral [na may musika],” sabi ng kabataang si Steve, “ngunit makikinabang ka nang higit sa iyong mga pag-aaral kung walang musika.”
Nanaisin mo ring samantalahin, o iiskedyul, ang panahon para sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya at mga publikasyong salig-Bibliya. Si Jesu-Kristo kung minsan ay naghahanap ng isang tahimik, “ilang na dako” para manalangin at magbulaybulay. (Marcos 1:35) Ang iyo bang kapaligiran sa pag-aaral ay katulad din niyaon na tahimik at mapayapa? Kung hindi, maaaring sinusugpo mo ang iyong espirituwal na paglaki.
Matutong Mag-isip Para sa Iyong Sarili
Gayunman, marahil ang higit na nakababahala ay ang uri ng musika na iyong pinakikinggan. Ganito ang pagkakasabi ni Steve: “Bakit ang lahat ng magagandang himig ay sinasaliwan ng napakapangit na mga liriko?” Noong panahon ng Bibliya, may mga awit na nagtataguyod ng malakas na pag-inom at prostitusyon. (Awit 69:12; Isaias 23:15, 16) Sa katulad na paraan, marami sa popular na musika sa ngayon ay nagtataguyod ng pag-abuso sa droga, pagtatalik bago ang kasal, at karahasan. a
Maaaring ikaw ay matinding gipitin ng mga kasamang kaedad na makinig sa gayong musika. May panggigipit din mula sa industriya ng musika mismo. Sa tulong ng radyo at telebisyon, ang musikang rock ay naging isang malakas, multibilyon-dolyar na industriya. Ang matataas-kalibreng mga dalubhasa sa pagbebenta ay inuupahan upang hubugin—at supilin—ang iyong kagustuhan sa musika.
Subalit kung hahayaan mong diktahan ka ng iyong mga kasama sa kung ano ang pakikinggan mo, mawawala mo ang iyong kapangyarihang pumili. Ikaw ay nagiging isang mangmang na alipin. (Roma 6:16) Hinihimok tayo ng Bibliya na mag-isip para sa ating sarili. Sinasabi nito sa atin na “patuloy na tiyakin na pinatutunayan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Tiyak na hindi natin aasahan na suriing mabuti ng kongregasyong Kristiyano ang libu-libong awit na inilalabas sa bawat taon at maglaan ng isang talaan ng sinasang-ayunan o ipinagbabawal na mga seleksiyon sa musika. Hindi, dapat mong sanayin ang iyong “pang-unawa . . . na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.”—Hebreo 5:14.
Paano mo magagawa iyon? Buweno, isaalang-alang ang sumusunod na mga mungkahi:
Suriin ang Pagpapakete: Kadalasan, isang tingin lamang sa pagpapakete o pagpapalaganap na materyal ay sapat na. Ang maliwanag na sekso, karahasan, o mga larawan ng okulto ay dapat na maging babala. Ang nilalamang musika ay malamang na hindi rin kanais-nais. Kung maaari, basahin ang mga komento sa pabalat.
Suriin ang Nilalaman: ‘Suriin ang mga salita’ ng isang awit sa pagsasaalang-alang sa mga titulo at mga liriko. (Job 12:11) Ano ang sinasabi nito? Talaga bang nais mong pakinggan o ulit-ulitin ang mga ideang ito? Ang mga kaisipan bang ito ay kasuwato ng iyong mga pamantayan at ng mga simulaing Kristiyano?—Efeso 5:3-5.
Pansinin ang Epekto: Ano ang panlahat na epekto sa iyo? Ang musika ba ay tila nagpapangyari sa iyo na manlumo o labis na matuwa? Nasusumpungan mo ba ang iyong sarili na nag-iisip ng maling mga kaisipan pagkatapos mapakinggan ito? Ang mga salitang-lansangan ba na ginamit sa musika ay nagsisimulang lumitaw sa inyong usapan?—1 Corinto 15:33.
Isaalang-alang ang Iba: Ano ang palagay ng iyong mga magulang tungkol sa iyong musika? Tanungin ang kanilang palagay. Isipin din, kung anoRoma 15:1, 2.
kaya ang madarama ng kapuwa mga Kristiyano tungkol sa iyong musika. Mabagabag kaya nito ang iba?—Palawakin ang Iyong Kagustuhan sa Musika
Maaaring kailangan mong gumawa ng ilang pagbabago sa iyong kagustuhan sa musika. Ngunit yamang ang kagustuhan sa musika ay nakukuha, maaari itong baguhin. Sabi ng isang kilalang musikero: “Ang mga batang ito ay walang naririnig kundi ang uring ito ng musika na lubhang itinataguyod ng mga dalubhasa sa pagbebenta nito.” Ang lunas? Huwag takdaan ang iyong sarili sa iisa lamang istilo ng musika. Subuking palawakin ang iyong kagustuhan sa musika.
Mangyari pa, kailangang maging mapamili ka. Subalit sa mga musikang katutubo, jazz, at oo, klasikal, napakaraming kanais-nais na musika na masisiyahan ka. Sa katunayan, maaaring nasisiyahan ka na sa gayong musika nang hindi natatalos ito. Halimbawa, ang klasikal na musika ay maaaring lumikha ng pagkakakilanlang kapaligiran ng ilan sa iyong paboritong pelikula at mga palabas sa telebisyon. Isip-isipin kung paano maaaring maging kanais-nais ang musikang iyon kung marinig mo ito nang walang pang-abala.
Binabago ng ilang kabataang Kristiyano ang kanilang kagustuhan sa musika sa pakikinig sa mga tape ng Kingdom Melodies na ginawa ng Samahang Watch Tower. Ang mga himig na ito, pamilyar sa lahat ng mga Saksi ni Jehova, ay naglalakip ng iba’t ibang kanais-nais na mga istilo sa musika. May iba’t ibang anyo ng magandang musika na maaaring irekomenda ng mga kaibigan. “Tinuruan ako ng isang kaibigan na pahalagahan ang musikang pang-orkestra—gaya ng Beethoven,” sabi ni Michelle. “Dati ayaw na ayaw ko ito,” sabi niya.
Ang isa pang paraan upang palawakin ang iyong kagustuhan sa musika ay mag-aral na tumugtog ng isang musikal na instrumento sa ganang sarili. Hindi lamang ito isang hamon at kasiya-siya, kundi maaari ka ring ilantad nito sa iba pang anyo ng musika bukod sa rock. “Ang pagtugtog ng musika ay talagang maganda,” sabi ni Jackie, “sapagkat ikaw ay may talino at ginagamit mo ito.” Taglay ang ilang pagsisikap maaaring makapaglaan ka ng kanais-nais na kaaliwan para sa iba.
Ang musika ay tunay na isang regalo buhat sa Diyos, subalit dapat kang pakaingat na huwag gamitin ito sa maling paraan. Isang kabataan ay nagsabi: “Mayroon akong musika na alam kong dapat kong itapon. Ngunit napakaganda nito.” Gayunman, isipin ang pinsala na ginagawa ng kabataang ito sa isip at puso sa pakikinig sa kung ano ang masama! Iwasan ang silo. Huwag hayaang pasamain ka o pangibabawan ang iyong buhay ng musika. Manghawakan sa mataas na mga pamantayang Kristiyano sa iyong musika. Manalangin para sa patnubay at tulong ng Diyos sa pagpili ng iyong musika. Hanapin ang mga kasama na may katulad na paniniwala na gaya ng sa iyo.—Roma 12:2, 12.
Ang musika ay maaaring tumulong sa iyo na magrelaks at magpahingalay. Maaari itong tumulong na malunasan ang pagkadama ng kahungkagan kapag ikaw ay nag-iisa. Subalit kapag ito ay huminto, naroroon pa rin ang iyong mga problema. At ang mga awit ay hindi maaaring humalili sa tunay na mga kaibigan. Kaya huwag hayaang maging pinakamahalagang bagay sa iyong buhay ang musika. Masiyahan dito, ngunit ingatan ito sa kaniyang dako.
[Talababa]
a Tingnan ang Pebrero 8 at Pebrero 22, 1993, na mga labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 15]
Ang musika ba ay nakasasagabal sa iyong pag-aaral?