Isang Kabuuang Tanda na Maraming Bahagi
Isang Kabuuang Tanda na Maraming Bahagi
Ang Katapusan ng Sanlibutan—Gaano Kalapit?
ISANG pabula sa India ay nagsasabi tungkol sa anim na lalaking bulag mula sa Indostan na humayo upang makakita ng isang elepante. Hinipo ng unang lalaking bulag ang tagiliran nito at nagsabi: “Nakupo! ang elepante pala ay parang pader!” Nahipo ng ikalawa ang pangil nito at ang sabi: “Ang elepante ay parang sibát!” Nahipo ng ikatlo ang nguso nito at nagsabi: “Ang elepante ay parang isang ahas!” Ang ikaapat ay umabot at nakapa ang tuhod nito at nagsabi: “Maliwanag na ang elepante ay parang punungkahoy!” Hinipo ng ikalima ang tainga nito at ang sabi: “Ang kababalaghang ito ng isang elepante ay parang pamaypay!” Nasunggaban ng ikaanim ang buntot nito at ang sabi: “Nawawari ko na ang elepante ay parang lubid!” Matagal at maingay na nagtalu-talo ang anim na lalaking bulag tungkol sa kung ano nga ba ang katulad ng isang elepante, subalit wala isa man ang nagbigay ng tamang paglalarawan. Ang hindi kumpletong impormasyon ay hindi nagbigay ng isang kumpletong larawan.
Gayunding problema ang bumabangon pagdating sa pagkilala sa tanda ng pagbabalik ni Kristo. Bilang tugon sa tanong ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” si Jesus ay sumagot: “Titindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at ng mga salot sa iba’t ibang dako at pagkakagutom.” (Mateo 24:3; Lucas 21:10, 11) Subalit kapag ito lamang ang mga bagay na babanggitin bilang patotoo na si Kristo ay nagbalik na noong 1914, ang mga tao ay tumututol: “Oh, lagi naman nating nararanasan ang mga digmaan, taggutom, salot, at mga lindol!” At tama sila.
Ang ilang bagay na ito—bagaman lumilikha ng walang katulad na kabagabagan—ay hindi sapat sa maraming tao upang tandaan ang pagbabalik ni Kristo; higit pa ang kailangan upang gawing kumpleto, maliwanag ang tanda. Kapag ang mga pahayag na ang katapusan ng sanlibutan ay malapit na ay ginawa batay sa kakaunting katibayan, o sa isa o ilang bahagi lamang ng tanda na nakikita, maling mga alarma ang resulta. Ang kailangan ay ang lahat ng bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus may kaugnayan sa kaniyang pagbabalik, hindi isa lamang o iilan. Ang ibinigay niya upang magtanda
sa kaniyang pagkanaririto ay isang kabuuang tanda, isa na binubuo ng sapat na mga bahagi upang bumuo ng isang tiyak na tanda, isang kombinasyon ng iba’t ibang bahagi na, kung pagsasama-samahin, ay gagawa ritong maliwanag.Bilang isang halimbawa ng isang kabuuang tanda, isaalang-alang ang isa na ibinigay sa Bibliya upang makilala si Jesus bilang Mesiyas sa panahon ng kaniyang unang pagparito. Ito’y nagsasangkot ng maraming pangyayari na may kaugnayan sa Mesiyas na ibinigay sa Hebreong Kasulatan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa ilan sa mga tekstong ito, subalit hindi nila naunawaan ang kahulugan nito. Tulad ng mga Judio sa pangkalahatan, nais ng mga alagad ang isang Mesiyas na magbabagsak sa Roma at mamamahala sa daigdig na kasama nila bilang mga kasamang hari. Kaya nang siya ay mamatay, sila’y nagulumihanan at nasiraan ng loob. Pagkatapos buhaying-muli si Jesus, siya’y nagpakita sa kanila at nagsabi: “ ‘Ito ang mga salitang sinabi ko sa inyo nang ako’y kasama pa ninyo, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit.’ Nang magkagayo’y binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang mapag-unawa nila ang mga Kasulatan.”—Lucas 24:44, 45.
Sang-ayon sa salin ng Kingdom Interlinear sa talatang 45, ginawa ito ni Jesus sa pamamagitan ng “pagsasama-sama ng mga Kasulatan” mula sa Hebreong bahagi ng Bibliya na humula ng mga pangyayari at mga kalagayan ng buhay ng ipinangakong Mesiyas na darating, at inilagay niya ito na katabi ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus na tumupad dito. Nang maglaon, ginamit ni apostol Pablo ang katulad na paraan nang “ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya” na si Jesus ang Mesiyas. (Gawa 17:3) Minsan pa, nililiwanag ng Kingdom Interlinear ang pamamaraan sa pagsasabing ginawa niya iyon sa pamamagitan ng “lubusang pagbubukas at paglalagay sa tabi” ng Mesianikong mga hula sa Hebreong Kasulatan sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus na tumupad nito. Pinatutunayan ng kalakip na kahon ang marami sa Hebreong mga hulang ito na natupad sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus at na nagpapatunay na siya ang inihulang Mesiyas. Inilalarawan nito kung ano ang bumubuo sa isang kabuuang tanda.
Ang Kabuuang Tanda ng Pagkanaririto ni Kristo
Ito nga ay isang kabuuang tanda na nagtatanda sa panahon ng ikalawang pagparito ni Jesus, o, mas tumpak, ng kaniyang pagkanaririto. Ang salitang Griego na pa·rou·siʹa na isinalin ng maraming salin na “pagparito” sa Mateo 24:3 ay hindi nangangahulugan ng isang panahon kung kailan siya darating o paririto kundi nangangahulugan ito na siya ay dumating na at naririto na, sa kasalukuyan. Sa kaso ni Jesus ito’y nangangahulugan na siya ay di-nakikitang naririto bilang ang iniluklok ni Jehova na Hari at naghahari mula sa langit. Ito’y kasuwato ng pangungusap ni Jesus sa Juan 14:19: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” Yamang hindi na siya makikita sa pisikal na paraan, siya’y nagbigay ng isang tanda na magpapahiwatig ng kaniyang pagbabalik at di-nakikitang pagkanaririto bilang ang nagpupunong Hari ni Jehova.
Ang tanda na ibinigay niya ay hindi nagtataglay ng isa lamang bahagi o ng ilang bahagi. Marami itong bahagi na kailangang sama-samang kunin bilang isang kabuuang tanda, gaya ng kaso sa kabuuang tanda sa panahon ng kaniyang unang pagdating bilang Mesiyas. Kaya nga, dahil sa maraming bahagi o mga pangyayari, maliwanag na inilalarawan niya ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa panahong ito bilang ang nagpupunong Hari na iniluklok ni Jehova sa langit ngunit pinararating ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya sa mga bagay sa lupa. Ang maling mga alarma ay maaaring maging bunga kapag isa o dalawa lamang sa mga bahagi nito ang idiniriin, sa halip na ang maraming bahagi na bumubuo sa kabuuang tanda. Ito’y tulad ng anim na lalaking bulag mula sa Indostan, bawat isa’y agad nagkaroon ng maling hinuha dahil sa pagkadama sa isang bahagi lamang ng katawan ng elepante.
Ang katuparan ng kabuuang tanda na ibinigay ni Jesus, pati na ang ilang karagdagang kalagayan na ibinigay ng tatlong apostol, ay nagsimula sa kahanga-hangang paraan mula noong 1914 patuloy. Ang halaw ng iba’t ibang bahagi nito pati na ang mga katuparan nito ay ang sumusunod.
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Ang Digmaang Pandaigdig I ay nagsimula noong 1914 na nilahukan ng 28 bansa, 14 na milyon katao ang nasawi. Sumunod ang Digmaang Pandaigdig II na kinasangkutan ng 59 na mga bansa, 50 milyon katao ang nasawi.
“Mga salot sa iba’t ibang dako.” (Lucas 21:11) Habang nagtatapos ang Digmaang Pandaigdig I, mga 21 milyon katao ang kinitil ng trangkaso Espanyola. Mula noon, ang sakit sa puso, kanser, AIDS, at iba pang salot ay kumitil ng daan-daang angaw.
“Magkakaroon ng kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) Ang pinakamalubhang taggutom sa buong kasaysayan ay humampas pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Isa pang katakut-takot na taggutom ay sumunod noong Digmaang Pandaigdig II, at ngayo’y apektado ng malnutrisyon ang ikalimang bahagi ng populasyon ng daigdig. Taun-taon, mga 14 na milyong bata ang namamatay dahil sa malnutrisyon.
“Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Mga lindol pagkaraan ng 1914—isaalang-alang ang ilang malalakas na lindol. Noong 1915, sa Italya, 32,610 ang namatay; 1920, Tsina, 200,000 ang nasawi; 1923, Hapón, 143,000 ang nasawi; 1939, Turkey, 32,700 ang nasawi; 1970, Peru, 66,800 ang nasawi; 1976, Tsina, 240,000 (ang ilang awtoridad ay nagsasabi na 800,000) ang nasawi; 1988, Armenia, 25,000 ang nasawi.
“Pagsagana ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Ang katampalasanan ay naging palasak mula noong 1914; sa ngayon ito ay mabilis na dumarami. Mga pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw, mga labanan ng gang—ito ang nangingibabaw sa mga ulong balita at pumupuno sa mga balita. Dinadaya ng mga pulitiko ang publiko, ang mga tin-edyer ay nagdadala ng mga baril at pumapatay, ang mga batang mag-aaral ay nambibiktima sa isa’t isa. Sa maraming dako hindi ligtas na lumakad sa mga lansangan kahit sa araw.
“Manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . Nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:25, 26) Ang krimen, karahasan, pagkasugapa sa droga, pagkakawatak-watak ng mga pamilya, kawalang-katatagan sa ekonomiya, kawalan ng trabaho—ang listahan ay mahaba at dumarami. Isang kilalang siyentipiko ay sumulat: “Tayo’y kakain sa takot, matutulog sa takot, mabubuhay sa takot at mamamatay sa takot.”
“Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Binanggit ni apostol Pablo ang mga tao na “walang bahagya mang wagas na asal.” (Efeso 4:19) Gayunman, idinagdag pa niya ang tungkol sa pagguho ng moral na inihula niya sa “mga huling araw.” Ito’y kahawig ng mga balita sa ngayon: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyaon; at sa mga ito ay lumayo ka.”—2 Timoteo 3:1-5.
“Sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya.” (2 Pedro 3:3) Ang mga pahayagan, mga balita, magasin, aklat, at mga pelikula ay may paghamak na niwawalang-saysay ang Bibliya at hinahalinhan ito ng kanilang sariling malayang-kaisipang propaganda, na nagsasabi, gaya ng inihula ni Pedro: “Nasaan ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.”—2 Pedro 3:4.
“Huhulihin kayo ng mga tao at pag-uusigin kayo.” (Lucas 21:12) Simula noong 1914 at sa nilakad-lakad ng mga taon, ang mga Saksi ni Jehova ay malupit na dinakip, may kamaliang hinatulan, inumog, at inilagay sa mga piitang kampo ni Hitler nang libu-libo, kung saan sila ay pinahirapan, marami ay pinatay, ang ilan ay brutal na pinatay sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Sa ibang bansa, kapuwa sa mga diktadura at sa mga demokrasya, ang kanilang gawaing pagpapatotoo kay Jehova at sa kaniyang Kaharian ay ipinagbawal at ang mga Saksi ay ibinilanggo. Lahat ng ito ay kasuwato ng mga salita ni Jesus para sa mga huling araw.—Mateo 5:11, 12; 24:9; Lucas 21:12; 1 Pedro 4:12, 13.
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Anong mabuting balita? Ang mabuting balita ng Kaharian ni Kristo na nagpupuno buhat sa langit, sapagkat iyan ang tanong na itinanong kay Jesus kung kaya ibinigay niya ang hula tungkol sa kabuuang tanda ng pangyayaring iyan. Ito ay ipinangaral na ng mga Saksi ni Jehova sapol noong 1914. Apat na libo ang gumagawa nito noong 1919, mahigit na apat na milyon noong 1990, at noong 1992 sa loob ng isang buwan ay 4,472,787. Ang mga literatura sa Bibliya ay ipinamahagi sa mga 200 wika sa 229 lupain. Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng gayong katuparan ang bahaging ito ng kabuuang tanda.
“Ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ang sakim na mga tao ay laging handang ipahamak ang lupa para sa sakim na pakinabang, ngunit kailanman ay hindi pa nagkaroon ng kapangyarihan ang salinlahing ito na gawin iyon. Ngayon, sapol noong 1914, ang modernong teknolohiya ay nagbigay sa kanila ng kakayahan na ipahamak ang lupa, at ginagamit nila sa maling paraan. Kanilang ipinapahamak ang lupa.
Narito ang ilan sa mga bungang kalupitan: pag-ulan ng asido, pag-init ng lupa, mga butas sa ozone layer, mapanganib na mga pestisidyo, nakalalasong mga basura, sobra-sobrang basura, basurang nuklear, mga natapong langis sa dagat, pagtatambak ng mga dumi ng alkantarilya, patay na mga lawa, nasirang mga kagubatan, maruming tubig sa ilalim ng lupa, nanganganib na mga uri ng buhay, napinsalang kalusugan ng tao.
Ang siyentipikong si Barry Commoner ay nagsasabi: “Naniniwala ako na ang patuloy na pagpaparumi sa lupa, kung hindi titigil, ay sisirain sa wakas ang pagiging angkop ng planetang ito bilang isang dako para sa buhay-tao. . . . Ang problema ay hindi dahil sa kawalang-alam sa siyensiya, kundi sa kusang kasakiman.” Ang State of the World 1987 ay nagsasabi: “Pinagbabantaan ng lawak ng mga gawain ng tao ang pagiging matitirhan ng lupa mismo.” Isang serye sa telebisyon na ipinalabas noong 1990 ay makabuluhang pinamagatang “Pabilisan Upang Iligtas ang Planeta.”
Ang maraming pangyayaring ito na pinagsama-sama bilang isang tanda sa loob ng isang salinlahi ay mahirap waling-bahala na nagkataon lamang. Ang kanilang laki ay nakadaragdag din ng timbang. At may ilan sa mga pangyayaring ito, gaya ng pangglobong pangangaral ng mensaheng ito tungkol sa mabuting balita at ang pagpapahamak sa lupa, na hindi pa kailanman nangyari mula sa pasimula ng paglalang. Ang kabuuang tanda ng pagkanaririto ni Kristo Jesus ay napakarami.
“Sinumang may mga pandinig na ipakikinig, makinig siya.”—Marcos 4:23.
[Kahon sa pahina 7]
Kabuuang Katibayan ng Unang Pagparito ni Jesus Bilang Mesiyas
IPINANGANAK sa tribo ni Juda (Genesis 49:10); kapopootan, ipagkakanulo ng isa sa kaniyang mga alagad; pinagsapalaran ang kaniyang kasuutan; binigyan ng suka at apdo; inupasala sa tulos; walang butong mababali; hindi nakakita ng kabulukan; binuhay-muli (Awit 69:4; 41:9; 22:18; 69:21; 22:7, 8; 34:20; 16:10); ipinanganak ng isang birhen; angkan ni David; batong katitisuran; itinakwil; tahimik sa harap ng mga nagpaparatang; dinala ang mga karamdaman; ibinilang na kasama ng mga makasalanan; sakripisyong kamatayan; uulusin sa tagiliran; inilibing na kasama ng mayaman (Isaias 7:14; 11:10; 8:14, 15; 53:3; 53:7; 53:4; 53:12; 53:5; 53:9); tinawag mula sa Ehipto (Oseas 11:1); isinilang sa Bethlehem (Mikas 5:2); inalok bilang hari; nakasakay sa isang asno; ipinagkanulo sa halagang 30 pirasong pilak; nangalat ang mga tagasunod.—Zacarias 9:9; 11:12; 13:7.
[Kahon sa pahina 8]
Kabuuang Tanda ng Maharlikang Pagkanaririto at Ikalawang Pagparito ni Jesus
PANDAIGDIG na digmaan; mga kakapusan sa pagkain; salot; lindol (Mateo 24:7; Lucas 21:10, 11; Apocalipsis 6:1-8); paglago ng katampalasanan; magkakanulo at mapopoot sa isa’t isa; masuwayin sa mga magulang; walang katutubong pagmamahal; walang pagpipigil-sa-sarili; di-marunong tumupad ng kasunduan; mga maibigin sa salapi; maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos; may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan nito; mga mamumusong; mababangis; pag-uusigin ang mga tagasunod ni Kristo; dadalhin sa mga hukuman, at papatayin ang mga tagasunod ni Kristo (Mateo 24:9, 10, 12; Lucas 21:12; 2 Timoteo 3:1-5); mga manlilibak tungkol sa pagkanaririto ni Jesus; sinasabing lahat ng mga bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang (2 Pedro 3:3, 4); mga maninira ng kapaligiran ng lupa.—Apocalipsis 11:18.