Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Libreng mga Laruan sa Aprika

Libreng mga Laruan sa Aprika

Libreng mga Laruan sa Aprika

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Sierra Leone

Nakasuot lamang ng kupas na kortong kaki, isang paslit na batang lalaki ay naglalakad-lakad, hila-hila ang kaniyang laruang trak​—isang kinakalawang na lata ng sardinas. Nakatambak sa loob ang kaniyang karga​—isang bunton ng maliliit na bato.

Sa gawi pa roon ng daan, isang pangkat ng mga batang lalaki na nakatapak ay naglalaro ng larong soccer. Gayunman, ang kanilang bola ay isang bola ng binigkis na mainam na mga basahan. Ang kanilang mga goalpost ay mga bato.

Doon naman, kalung-kalong ng isang tres-anyos na batang babae ang kaniyang manika​—isang kayumangging patpat na binalot sa malambot, pulang tela.

Ang mga ito ay karaniwang tanawin sa mga bansa sa Aprika. Gayunman, maaaring ito ay kakatwa sa mga mambabasa na nakatira sa industriyalisadong mga bansa. Marahil naniniwala ka (gaya ng ipinapaniwala sa iyo ng industriya ng pag-aanunsiyo) na ang mga laruan ay mga bagay na dapat bilhin. Gayunman, bago pa ang panahon ng mga laruang gawa sa pabrika, ginagawa ng mga bata ang kanilang sariling mga laruan. At sa Aprika ang mapanlikhang tradisyon ay buháy na buháy.

Mga Laruan ng mga Batang Lalaki

Mula pa noong sinaunang panahon ang mga batang lalaki ay naaakit na sa mga sasakyan. Ang Griego at Romanong mga batang lalaki ay naglaro ng maliliit na kariton. At hindi kataka-taka, ang sasakyang may makina ay nakaaakit pa rin at pumupukaw ng pagkamapanlikha ng mga batang lalaki.

Si Abraham, isang batang mag-aaral sa Ghana, ay nagsisibak ng mga sanga ng niyog sa pamamagitan ng isang mahabang sundang. Mula rito siya ay gumagawa ng isang trak na pickup. Ang mga gulong ay ginupit mula sa itinapong plastik.

Sa Lesotho isang batang lalaki na nagngangalang Chepa ay gumagawa ng isang Land-Rover mula sa mga lata ng beer at mga kawad. Binibiyak ang mga lata, niyuyupi niya ito, pinuputol ang mga ito ayon sa laki, at ibinabaluktot ito sa balangkas na kawad upang mag-anyong katawan ng kotse. Ang mga kalahati ng lata ng beer ang nagiging mga gulong para sa sasakyang ito.

Oo, mula sa mga lata, patpat, karton, kawad, at kawayan, ang mga batang lalaki sa Aprika ay gumagawa ng mga eruplano, bus, bisikleta, trak, traktora, kotse, at mga bangka. At walang magkatulad!

Paggawa ng Isang Kotseng Yari sa Kawad

Marahil ang talinong ito sa paglikha ay pinakamabuting ipinahahayag sa kung ano ang tinatawag na mga kotseng yari sa kawad. Ang mga ito ay mga sasakyang ginawa mula sa mga tira-tirang kawad at lata.

Gayunman, kailangan munang hanapin ng tagagawa ng kotseng yari sa kawad ang mga materyales. Si Tamba, halimbawa, ay umaalis ng bahay nang maaga upang simulan ang kaniyang paghahanap. Siya ay binibigyan ng isang kapitbahay ng ilang lumang hanger​—tamang-tama para sa tsasis at balangkas ng katawan. Mula sa isang tambakan ng basura ay nakakuha siya ng ilang kawad ng kuryente. Ang walong-centimetrong mga takip ng lata ay magsisilbing mga gulong. At pauwi ng bahay, hiningi ni Tamba ang makapal na kawad na uno punto dos metro ang haba mula sa isang sirang bakod.

Ngayon naman ay ang bahagi ng disenyo. Pagkatapos gumuhit ng isang krokis sa isang kard, si Tamba ay handa nang simulan ang aktuwal na paggawa. Ginagamit ang plais ni Itay, kaniyang pinuputol, binabaluktot, at ibinubuhol ang mga hanger ayon sa disenyo. Nang matapos ang balangkas, idinagdag niya ang mga ehe at mga gulong na takip ng lata. Pagkatapos ang mga detalye​—mga pinto, sahig, upuan, balangkas ng bintana, grill, bamper, at ilaw. Mangyari pa, ang kotse ni Tamba ay magkakaroon din ng ilang dagdag na gamit, gaya ng maliit na piraso ng salamin at ilang alpombra para sa sahig. Ang malinaw na mga balot ng kendi ay magsisilbing “salamin” para sa mga bintana.

Ngayon ay panahon na upang ikabit ang steering shaft, na umaabot hanggang sa bubong at sa likod ng kotse mismo hanggang sa ito ay sintaas ng baywang. Ginagawa ni Tamba ang dulo nito na manibela, na magpapangyari sa kaniya na “manehuin” ang kaniyang kotse sa pagtulak dito. Ang panahon na ginugol sa paggawa? Dalawang araw. Subalit ngayon ay dumarating ang tunay na katuwaan​—pagmamaneho nito! Ang kaniyang kamay sa manibela, itinutulak ni Tamba ang kaniyang kotse at may kasanayang minamaneobra ito ni Tamba sa paligid ng mga hadlang. At para sa pagmamaneho sa gabi, ang ilang batang lalaki ay nagkakabit ng mga ilawan sa unahan na de batirya, yaon ay, mga bombilya ng plaslayt.

Mga Manika sa Aprika

Ang mga manika ay tinawag na “ang pinakamatandang laruan ng tao.” Gayunman, ang mga manika sa Aprika ay lubhang kakaiba sa mga nabibili sa tindahan. a Gunigunihin, halimbawa, ang manikang saging! Ito ay popular sa mga batang babae sa Kanlurang Aprika. Pagkatapos gumuhit ng isang pares ng mata, bibig, at ilong sa prutas, binibihisan nila nang angkop ang manika. Kinakarga pa nga ng ilang kabataan ang kanilang laruang mga anak sa kanilang likod​—tulad ng ginagawa ni Nanay!

Ang mga batang babae sa Timog Aprika ay marunong ding gumawa ng “mga sanggol” mula sa mga puso ng mais. Idinaragdag nila ang mga patpat para sa mga kamay at paa. Ang ilang piraso ng tela ay nagiging damit. At ang buhok ng mais ay tamang-tama para itirintas.

Si Cynthia, isang batang babae mula sa Sierra Leone, ay nagtutungo sa mga sastre upang mangolekta ng mga tira-tirang bagay para sa isa pang uri ng manika. Ito ang mga pirasong sanggol, o manikang basahan. Humihiram ng gunting, karayom, at sinulid sa kaniyang ina, ginugupit niya ang kaniyang tela at tinatahi upang mabuo ang kaniyang manika. Ang maliliit na piraso ng tela ay nagsisilbing palaman o itinatahi bilang mga bahagi ng mukha.

Nagbabagong mga Panahon

Gayunman, nitong nakalipas na mga taon nakita ng Aprika ang pagdagsa ng mura, gawa sa pabrika na mga laruan galing sa Dulong Silangan. Halimbawa, sa Kanlurang Aprika ang mga manikang plastik ay mabibili sa kaunting halaga na 40 cents. Dahil sa ito’y matibay at mas kahawig ng tunay na mga sanggol, mas pinipili ito ng mga batang babae kaysa manikang yari sa mais o manikang basahan.

Isang tin-edyer na babae na nagngangalang Saffie ay nagtitinda ng mga manika sa isang tindahan sa bangketa sa Freetown, ang abalang lungsod ng Sierra Leone. Ito’y ipinagbibili sa murang halaga na $2.50 (U.S.) Ang kaniyang mga parokyano? Sabi ni Saffie: “Karamihan ng mga turistang Amerikano at Europeo ang nagnanais ng mga manikang basahan ngayon. Mas gusto ng mga bata sa Aprika ang mga manikang plastik.”

Ngunit talaga bang mas gusto ng mga batang lalaki ang mga laruang ipinagbibili sa tindahan? Ang trese-anyos na si Raymond ay gumugol ng isang buong linggo sa paggawa ng isang masalimuot na trak na yari sa kawad. “Kung may mag-alok sa iyo ng isang laruang gawa sa pabrika bilang kapalit ng iyong trak,” tanong namin, “kukunin mo ba ito?” Ang kaniyang tugon kaagad ay: “Siyempre! Mas mukhang totoo ito.”

Oo, ang mga sasakyang gawang-bahay ay nawawalan ng popularidad habang ang mga laruang kotse na gawa sa pabrika ay dumarami. Ganito ang sabi ni Patricia Davison sa magasing African Arts: “Waring ang mahirap na sosyo-ekonomikong kalagayan na karaniwan sa mga pamayanang gumagawa ng mga laruang ito ay nagpasigla sa anyong ito ng mapanlikhang pagpapahayag at, kabaligtaran, ito ay maaaring nahahadlangan ng materyal na kasaganaan.”

Papalitan kaya sa dakong huli ng mga laruang gawa sa pabrika ang mga laruang gawa ng kamay sa Aprika? Panahon lamang ang makapagsasabi. Kawili-wili, maraming organisasyon sa buong Aprika ang nagsisikap na panatilihing buháy ang gawang-bahay na nakagawiang laruan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga paligsahan sa paggawa ng laruan. Gayundin, ang ilang museo ay nangongolekta na mga halimbawa ng kahusayang ito para sa kanilang mga pagtatanghal. Gayunpaman, kung papipiliin, mas gugustuhin sa tuwina ng mga bata ang mga laruang gawa sa pabrika dahil sa kanilang pagkamakatotohanan.

Marahil ito ay nakapanghihinayang. Sapagkat di-gaya ng mga laruang nabibili sa tindahan, ang mga laruang gawang-bahay ay nagpapasigla ng pagkamapanlikha, pagiging orihinal, pagkamapamaraan, pagkamasining, at imahinasyon. Ang paggawa nito ay nakatutuwa at ang resulta’y pagkadama ng kasiyahan sa iyong nagawa. At ito ay di-hamak na mura.

[Talababa]

a Ang mga istatuwa sa Aprika na nililok sa kahoy, na dati-rati’y madalas na nauugnay sa relihiyon at espiritismo, ay bihirang gamitin bilang mga laruan ng mga bata sa Aprika. Si Mr. H. U. Cole, patnugot ng Museo sa Sierra Leone sa Freetown, ay nagsabi pa sa Gumising! na dahil sa Kanluraning impluwensiya, ang mga imahen na iyon ay ginagamit bilang palamuti.

[Blurb sa pahina 19]

Bago pa ang panahon ng mga laruang gawa sa pabrika, ginagawa ng mga bata ang kanilang sariling mga laruan