Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapalaki ng Anak Ang seryeng “Ang Inyong mga Anak—Ginagawa ang Pinakamainam Para sa Kanila” (Setyembre 22, 1992) ay naglantad sa aking mga kakulangan bilang isang magulang. Ang aking pansin ay nakatutok sa personal na mga bagay at sa mga gawain sa kongregasyon—pawang sa kapabayaan ng aking tatlong-taóng-gulang na anak na lalaki. Siya ay naging napakalikot na bata. Ako rin ay tila walang pasensiya, magagalitin, at nahihiyang ipahayag ang aking pagmamahal. Sa halip na yapusin ang aking anak, ako’y naging sobrang istrikto. Yamang saganang pinauulanan ni Jehova ang lahat sa atin ng pag-ibig, sisikapin ko ngayong paulanan ng pag-ibig ang mana na tinanggap ko buhat kay Jehova.
T. T., Hapón
Bagaman hindi ako isang magulang, ako’y maibigin sa mga bata, at ang labas na ito ay lubhang nakabagbag ng aking damdamin. Naiyak ako na malaman ang malungkot na mga problemang nakakaharap ng mga bata sa ngayon. Ang inyong artikulo ay totoong nakapagtuturo rin sa pagpapakita kung paano pakikitunguhan ang mga problemang ito sa napakaagang mga yugto ng buhay upang maiwasan ang katakut-takot na mga problema sa dakong huli.
L. B., Estados Unidos
Ang mga artikulo ay nagpangyari sa akin na suriin ang aking sarili bilang isang ama. Nang ako’y mag-asawa, ako’y masyadong bata at mas interesado pa ako na makasama ng aking mga kaibigan kaysa makasama ang aking pamilya. Ang pagbabasa ng mga artikulo ay nagpangyari sa akin na matanto na hindi ko nabigyan ang aking anak na babae ng sapat na panahon ko. Harinawang pakilusin ng mga artikulong ito ang mga magulang na gawin ang pinakamainam para sa kanilang mga anak.
A. V., Italya
Mga Kuwento Tungkol sa Hayop Salamat sa artikulong “Ang Capybara—Pagkakamali o Kababalaghan ng Paglalang?” (Setyembre 22, 1992) Madalas kong basahin ang mga artikulo tungkol sa mga hayop sa aking anak. Dahil sa si G. Capybara mismo ang nagsasalita, ang artikulo ay nagbigay ng malaking tuwa sa aking anak!
C. T., Hapón
Isang nakarerepreskong mapagpipilian sa basurang materyal na inilalathala ng maraming magasin! Binabasa namin itong magkasama ng aking mga anak. Ang pagkatuto tungkol sa bago at iba’t ibang mga hayop ay nakatutuwa!
C. H., Estados Unidos
Salamat sa artikulong “Ang Kahanga-hangang mga Marsupial na Iyon Buhat sa Bansa sa Ilalim.” (Hulyo 22, 1992) Nasumpungan kong kawili-wili ang paraan ng panganganak ng mga hayop na ito at ang paggawa nila ng iba’t ibang uri ng gatas. Pinag-isip ako nito sa kung paano maliwanag na nakikita ang kapangyarihan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang!
N. S., Italya
Ako po’y 14 anyos, at ako po’y nasiyahan sa artikulong “Ang Kamelyong Arabe—Ang Maraming-Gamit na Sasakyan sa Aprika.” (Hunyo 8, 1992) Inilalagay ninyo ang mga bagay-bagay sa isang paraan na gumagawa sa impormasyon na lubhang nakaaaliw.
G. C., Argentina
Pagsasalita sa Madla Ang artikulong “Maaari Kang Magsalita sa Harap ng mga Tagapakinig!” (Hulyo 22, 1992) ay nakatulong sa akin sa pagkakaroon ng trabaho. Binasa ko muna ito na ang layon ay ikapit ito sa ministeryong Kristiyano. Subalit nang ako’y paunawaan tungkol sa isang panayam sa trabaho, muli kong binasa ang artikulo at ikinapit ang marami sa mga punto na binanggit nito, gaya ng mga ehersisyong nakapagpapahinahon-sa-nerbiyos. Saka ako nanalangin at nagtungo sa panayam. Ako’y natanggap sa trabaho, at ako’y nagpapasalamat sa inyo sa paglalaan ng artikulong ito sa tamang panahon.
K. B., Estados Unidos
Paggagalugad sa Kalawakan Bilang isang masugid na mambabasa ng katha sa siyensiya, ako’y lubhang nabighani ng mga serye tungkol sa paggagalugad sa kalawakan (Setyembre 8, 1992) Binigyan ako nito ng isang timbang na pangmalas tungkol sa totoong kapana-panabik na paksang ito. Nakapagpapasiglang maunawaan na ang Diyos ay may kahanga-hangang layunin hindi lamang para sa planetang ito kundi para sa buong sansinukob.
A. C., Estados Unidos