Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Angaw-Angaw ang Nagdurusa—Matutulungan ba Sila?

Angaw-Angaw ang Nagdurusa—Matutulungan ba Sila?

Angaw-Angaw ang Nagdurusa​—Matutulungan ba Sila?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Aprika

KUNG ikaw ay may kapangyarihan, aalisin mo ba ang pagdurusa ng tao? Mangyari pa​—kung mayroon kang kapangyarihan! Ang totoo ay na walang tao ang may kakayahang wakasan ang lahat ng kirot at dalamhati sa daigdig.

Gayunman, maaaring may kapangyarihan kang bawasan, at hadlangan man lamang, ang ilan sa pagdurusa na nangyayari sa paligid mo. Halimbawa, tinataya na, sa iba’t ibang bansa, sampu-sampung angaw na kababaihan ang nagtitiis ng matinding kirot at dalamhati bunga ng isang matanda at lubhang napamalaging tradisyon. Ayon sa tradisyon, isinasaayos ng mga magulang na may mabuting intensiyon ang pag-aalis ng bahagi o kalakhang bahagi ng ari ng kanilang mga anak na babae. Ito ay tinatawag na pagtutuli sa babae. a Subalit karamihan ng mga dalubhasa ay tinatawag ito ngayon na FGM (female genital mutilation o pagputol sa bahagi ng ari ng babae), isang terminong mas wastong inilalarawan ang pamamaraang ito.

Ang Hosken Report tungkol sa FGM ay nagsasabi sa atin na ang pagputol sa bahagi ng ari ay isang kaugalian sa isang malaking rehiyon mula sa Silangang Aprika hanggang sa Kanlurang Aprika at sa ilang kalapit na mga dako. Ang masakit na pagputol na ito sa mga babae ay nagdudulot ng mga suliranin sa kalusugan at maaaring maging banta sa buhay.

Ipinahayag na mga Opinyon

Hindi madaling ipahayag ang opinyon ng isa laban sa kaugaliang ito. Binanggit ng pahayagan sa Kenya na The Standard na ang FGM “ay lubhang napaliligiran ng pagkasekreto. Mahirap at kung minsan ay mapanganib para sa mga babae o mga lalaki na nagnanais na ihinto ang mga pag-ooperang ito, na magsalita laban sa kaugaliang ito. Sila ay kadalasang pinararatangan na laban sa tradisyon, laban sa pamilya, laban sa relihiyon, laban sa bansa, o ng pagtanggi sa kanila mismong bayan at kultura.”

Ang pahayagan ding iyon sa Aprika ay nagpapaliwanag na ang FGM “ay hindi isang ‘walang pinsalang kultural na kaugalian’ kundi isang pangunahing sanhi ng permanenteng pisikal na pinsala at kamatayan ng mga babae at mga batang babae . . . Nilalabag nito ang karapatan ng bawat batang babae na pisikal na lumaki sa isang malusog at normal na paraan.”

Sa buong Aprika at sa buong daigdig, marami pang iba ang nagpapahayag ng kanilang mga opinyon sa isang pagsisikap na turuan ang mga tao tungkol sa kaugaliang ito. Ito’y nagdudulot ng kirot at pagputol sa mga batang babae, kahit na sa pagkasanggol, at walang anumang medikal na katuwiran.

Ang bilang ng permanente, masakit na mga pagkainutil at iniulat na mga kamatayan ay nakatakot sa mga opisyal ng kalusugan at sa mga pamahalaan ng maraming bansa. Iminumungkahi pa nga na ang FGM ay maaaring gumanap ng isang bahagi sa paghahatid ng AIDS sa Aprika. At dahil sa pagdagsa ng mga mandarayuhan mula sa Aprika at Gitnang Silangan hanggang sa Australia, Canada, Europa, at Estados Unidos, ang pagputol na ito sa bahagi ng ari ng mga babae ay nagiging isang usapin tungkol sa kalusugan ng bayan sa ilang pasilidad sa pangangalaga ng kalusugan sa Kanluran. Hindi dapat waling-bahala ang halaga ng paggamot sa pisikal na mga komplikasyon at, sa maraming kaso, pinsalang pangkaisipan.

Mga batas ay isinabatas at isinasabatas upang sugpuin ang kaugaliang ito. Ang Inglatera, Pransiya, Italya, at Sweden ang ilan sa mga bansa sa Europa kung saan labag sa batas ang FGM. Ang The Globe and Mail ng Canada ay nag-ulat na ang FGM “ay ipinagbawal ng regulatory body na namamahala sa mga doktor sa Ontario.” At, binanggit pa: “Bagaman hindi tuwirang binabanggit ng batas sa Canada ang pagtutuli sa babae o infibulation (pagdikit sa labing panlabas ng ari ng babae), sinabi ng pederal na mga opisyal na ang gayong kaugalian ay maituturing na isang anyo ng pag-abuso sa bata o malubhang pagsalakay.”

Maraming internasyonal na mga organisasyon na gaya ng World Health Organization ay kumilos upang hadlangan ang FGM. Isang mahalagang pagsulong ang narating noong Setyembre 1990, nang ang mga pinuno ng daigdig, pati na ang mga pangulo ng mga bansa sa Aprika, gaya ng Senegal, Uganda, at Zimbabwe, ay nagtipon sa New York upang lagdaan ang Kombensiyon sa mga Karapatan ng Bata. Hinahatulan ng dokumentong ito ang pagtutuli sa mga babae bilang pagpapahirap at pag-abuso sa sekso.

Ang Economist ng London ay nag-uulat: “Ang pagtutuli sa mga babae​—mas wastong tinatawag na pagputol sa bahagi ng ari—​ay nananatiling isa sa totoong hindi masambit na sindak sa Aprika. Sang-ayon sa isang ulat ng Minority Rights Group sa London, . . . sampu-sampung angaw na mga batang babae ang apektado taun-taon.”

Ang publikasyong ito ay nagsabi pa: “Ang pamamaraan ay iba-iba mula sa bahagyang masakit hanggang sa nakapangingilabot, at maaaring magsangkot ng pag-alis ng clitoris at iba pang sangkap sa pamamagitan ng mga kutsilyo, basag na salamin, at labaha​—ngunit bihirang gamitan ng pampamanhid. Ito ay maaaring humantong sa malubhang mga problema sa pagreregla, pagtatalik at panganganak, kabagabagan ng isip at kamatayan pa nga. . . . Ang kaugaliang ito ay nagpapatuloy dahil sa mapamahiing mga takot tungkol sa seksuwalidad ng babae, ugali at maling paniniwala na ito ay pangkalinisan.”

Ang Gawain ay Nagpapatuloy

Sa isang bansa sa Aprika kung saan maraming babae ang napasailalim sa pamamaraang ito, ang mga batas na ipinatupad noong 1947 ay nagbabawal sa karamihang matinding uri ng pagputol. Subalit ang ritwal ay ipinagpapatuloy pa rin. Bakit? Sapagkat angaw-angaw na mga taong may mabuting intensiyon ay patuloy na nailigaw at nadayang maniwala na ang FGM ay kapaki-pakinabang. Halimbawa, ang nakatatandang mga babae sa nayon ay naniniwala na ito ay para sa ikabubuti ng batang babae. Gaya ng iniulat ng pahayagan sa Nigeria na The Guardian, iyan ang dahilan kung bakit binanggit ng Minority Rights Group na kailangang “baguhin ang mga isipan ng matatandang babae na nagpapanatili nito.”

Gayundin ang katuwiran ng magasing Nursing Times: “Ang edukasyon ang tanging paraan na talagang malalabanan mo ang pagtutuli sa mga babae.” At nang maglaon, ang babasahin ding ito ay nagsabi: “Ang buong problema ay maaaring maalis lamang sa pamamagitan ng higit na kabatiran tungkol dito, at pagtuturo sa mga lalaki, gayundin sa mga babae.” Bakit kailangang turuan din ang mga lalaki? Sapagkat maraming ama ang nagbabayad para sa operasyon upang maipakasal nila ang kanilang mga anak na babae sa mga lalaki na hindi tumatanggap sa mga babaing hindi tuli.

Ang isa pang dahilan na ang pagputol na ito ay nagpapatuloy ay may kinalaman sa pera. Ang The American Journal of Nursing ay nagsasabi: “Ang pagtutuli ay isang mahalagang pinagmumulan ng kita ng mga kasangkot sa pagsasagawa nito; kaya nga, ang mga taong iyon ay may masakim na interes sa pagpapanatili ng gawaing ito.” Hindi lamang ang matatandang babae ang kumikita sa pagsasagawa ng pamamaraang ito kundi ang mga komadrona at mga barbero rin. Gagawin din ito ng mga nars at mga manggagamot sa ilang medikal na klinika upang iligtas ang mga batang babae sa ilang panganib at trauma mula sa hindi malinis na mga operasyon. Gayunman, sinuman ang gumagawa nito, pagputol pa rin ito.

Sa ilang kaso ang maygulang na mga babae ay paulit-ulit na napaiilalim sa operasyong ito sa mga panahon ng kanilang panganganak. Binanggit ng The New York Times International na “maraming babae ang dumaranas ng masakit na serye ng pag-aalis sa pagtutuli at muling-pagtutuli pagkatapos ng bawat panganganak. Ang mga peklat mula sa mga pagtutuli ay binubuksan bago manganak at tinatahi pagkatapos. Ito ay nagiging sanhi ng matinding pagdurugo, pinatatagal ang panganganak at higit na panganib na mapinsala ang utak ng sanggol.”

Ang magasing New Scientist ay nag-ulat na maraming “munting batang babae ang namatay sa pagdurugo dahil sa pinutol ng padaskul-daskol na nag-oopera ang pudendal o dorsal na malaking ugat ng clitoris. Ang iba ay namatay dahil sa pagkasindak pagkatapos ng operasyon sapagkat walang nakaaalam kung paano sila pagmamalayin-tao at napakalayo ng ospital, o yaong mga nasasangkot ay atubiling humingi ng tulong sapagkat ikinahihiya nila ang padaskul-daskol na mga pag-opera.”

Gayunman, ang kaugaliang ito ay nagpapatuloy. Ang mga ulat tungkol sa FGM ay patuloy na lumilitaw sa mga pahayagan sa Aprika at Europa. Iniulat kamakailan ng isang babasahin sa Aprika na “karamihan ng mga biktima ng pagputol sa ari ng babae ay mga sanggol at mga batang babae. Bagaman tinutuli ng mga magulang ang kanilang mga anak na babae sa paniniwala na ito ay tama at kailangan, ang operasyon at ang resulta nito ay maihahalintulad sa pagpapahirap.” Sang-ayon sa pahayagan ng London na The Independent (Hulyo 7, 1992), isinisiwalat ng isang surbey kamakailan na “ang gawaing ito ay mas malaganap sa UK kaysa dating paniwala.” Sa Britaniya mahigit na 10,000 batang babae, “karamihan sa kanila ay walong taóng gulang o wala pa, ay tinatayang nanganganib dahil sa pagtutuli sa mga babae.”

Isang Tradisyong Salig sa Kasinungalingan

Ang ilan ay naniniwala sa kasinungalingan na ang mga sangkap na ari ng babae ay marumi at dapat linisin sa pamamagitan ng pagputol dito. Inaakala nila na ang mga lalaki lamang ang may karapatang masiyahan sa pagtatalik. Pinaniniwalaan din na pinabubuti ng FGM ang pertiliti, hinahadlangan ang seksuwal na imoralidad, at dinaragdagan ang tsansa ng babae na makapag-asawa. “Balintuna,” sabi ng magasing Time, “ang pagiging malamig o pagkabaog na dala ng pagputol ay umaakay sa maraming asawang lalaki na iwasan ang kani-kanilang asawa.”

Hindi naniniwala na ang pagtutuli sa mga babae ay hahadlang sa mga babae sa pagiging handalapak, ang mga kalahok sa isang komperensiya kamakailan ng Inter-African Committee, na ginanap sa Lagos, Nigeria, ay nagsabi na ang maagang moral na pagsasanay ay higit na kapaki-pakinabang. Ang maling mga kilos ay maaaring hadlangan ng edukasyon, hindi ng pagputol. Upang ilarawan: Puputulin ba natin ang mga kamay ng mga sanggol upang huwag silang lumaking mga magnanakaw? O puputulin ba natin ang kanilang mga dila upang hindi sila kailanman magsalita ng masasamang bagay?

Isang mag-asawa sa Nigeria ay tumangging tuliin ang kanilang anak na babae. Ito’y lubhang nakagalit sa ina ng asawang lalaki, na nag-aakalang ang anak ay lálakíng handalapak. Subalit dahil sa mabuting moral na pagpapalaki, ang batang babae ay nanatiling malinis ang asal. Sa kabaligtaran, ang ilang batang kilala ng pamilyang ito, na ang mga magulang ay hindi naglaan ng panahon na turuan sila ng mabuting moral, ay nagwakas na lubhang handalapak bagaman natuli. Ngayon ang lola ay nakumbinsi na ang mahalagang bagay ay, hindi ang pagtutuli o ang di- pagtutuli, kundi ang pagtitimo sa isipan ng mga bata ng moral na mga batas ng Diyos.

Kung mahal natin ang ating mga anak na babae, ipakikita natin ang masasamang resulta ng FGM sa kanilang buhay at huwag itaguyod o himukin ang gawaing ito sa anumang paraan. Ito’y mangangailangan ng tibay ng loob sapagkat sa ilang dako ang takot sa panggigipit ng pamayanan na umayon sa tradisyong ito ay matindi.

Isang Relihiyosong Kaugnayan

Ang kasaysayan ng pagputol sa mga babae ay nakapagtuturo. Ang kaugaliang ito ay mga dantaon na ang gulang at makikita pa nga sa mga momiya ng sinaunang Ehipto. Ang babasahing Plastic and Reconstructive Surgery ay nagsasabi: “Ang pagtutuli sa mga babae ay isinagawa sa sinaunang Ehipto at nauugnay sa paniwala ng mga Faraon sa mga diyos na may dalawang sekso.” Hanggang sa ngayon, ang tawag sa pinakamatinding uri ng pagputol na ito ay Faraonikong pagtutuli.

Sa ilang dako, ang sinaunang relihiyosong mga seremonya ay nauugnay sa FGM. Isang awtoridad sa Aprika ay nagsabi na isang partikular na seremonya ay itinuturing na isang pakikipagkomunyon sa isang diyos ng mga ninuno, na ang proteksiyon ay hinihiling upang tulungan ang mga batang babae sa aktuwal na operasyon at kasabay nito ay bigyan sila ng karunungan ng kanilang mga ninuno.​—Ihambing ang 2 Corinto 6:14-18.

Hindi mahirap unawain kung bakit hindi sinusunod ng tunay na mga Kristiyanong nakatira sa mga bansa kung saan ang FGM ay isinasagawa ang tradisyong ito. Wala man lamang binabanggit sa Bibliya na kailangang isagawa ang gayong pagtutuli sa mga babae. Maliwanag na dinisenyo ng Maylikha ang babae na masiyahan sa pagtatalik sa kaayusan ng pag-aasawa. Ang pagputol sa bahagi ng ari ng babae ay hindi kasuwato ng mga simulain ng pag-ibig, empatiya, at pagkamakatuwiran na itinataguyod sa Banal na Kasulatan.​—Efeso 5:28, 29; Filipos 4:5.

Higit na mahalaga, ang Diyos ng pag-ibig, si Jehova, ay nalulungkot sa hindi makatuwirang pagputol na ito at ang resultang pagdurusa ng angaw-angaw na mga babae at munting mga batang babae. Anong saya natin na ipinangako niya ang isang bagong sanlibutan kung saan wala nang magdurusa!​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

[Kahon sa pahina 21]

Kumusta Naman ang Tungkol sa Pagtutuli sa mga Lalaki?

Maaaring ibangon ng ilan ang tanong, Hindi ba pagputol din sa katawan ang pagtutuli sa mga lalaki? Binabanggit ng Bibliya na noong minsan ipinag-utos ng Diyos ang pagtutuli sa mga lalaki. Nang maglaon, sa pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano, ang pagtutuli ay hindi na isang kahilingan, bagaman hindi ipinagbabawal. Ipinauubaya sa bawat indibiduwal na magpasiya kung baga siya o ang kaniyang mga anak na lalaki ay magpapatuli o hindi.

Sa ngayon, ang pagtutuli sa mga lalaki ay isinasagawa sa maraming dako. Totoo, ang operasyon ay nagsasangkot ng pag-aalis ng laman. Subalit ang pamamaraang ito ay hindi katulad ng FGM. Bilang tuntunin, ang mga lalaki ay hindi nakararanas ng matinding masamang mga epekto pagkatapos ng pagtutuli. Kabaligtaran naman, ang normal na mga gawain ng mga babae, gaya ng pagreregla, pagtatalik, panganganak, at pag-ihi, ay kadalasang may kasamang habang buhay na matinding sakit bunga ng FGM. Gayundin, ang lubhang komplikadong panganganak ay naging dahilan ng malubhang mga depekto sa pagsilang at kamatayan pa nga ng maraming bagong panganak.

Ilang lalaki ang ipaiilalim ang kanilang sarili o ang kanilang mga anak na lalaki sa isang pamamaraan na puputol sa ari ng lalaki anupat hahadlangan ang lahat ng pakiramdam sa panahon ng pagtatalik at na magiging sanhi ng walang tigil na kirot at mga panganib sa kalusugan habang buhay? Maliwanag, walang pagkakatulad sa pagitan ng pagtutuli sa mga lalaki at ng FGM.

[Kahon sa pahina 23]

Isang Batang Aprikana ang Nagsasalita

‘Ako’y walong taóng gulang nang ako’y tuliin. Ako ngayon ay 11, subalit tandang-tanda ko pa ang operasyon. Kahit na ang isipin lamang ito ay nakaliligalig sa akin, at kung minsan ako ay nagkakaroon ng nakatatakot na mga panaginip. Karamihan ng mga araw ako ay masayang tao, subalit kapag naiisip ko ang tungkol dito, pakiramdam ko’y patay ako.

‘Talagang maligaya ako nang una kong marinig ang tungkol dito. Bibigyan ako ng pamilya ko at ng aking mga kamag-anak ng maraming regalo. Hindi ko alam kung ano ang operasyon ng pagtutuli, at hindi ko inisip na ito ay masakit.

‘Ang katuwaan ko ay naglaho. Nagsimula akong umiyak at ako’y talagang natakot. Apat na babae ang humahawak sa aking mga kamay at paa. Tinakpan ng isang babae ang aking bibig ng kaniyang kamay. Sinikap kong makawala, subalit mas malakas sila kaysa akin at minsan pa’y pinilit nila akong pahigain. Napakasakit nito.

‘Nang ako’y hiwain ng kutsilyo, nagkalat sa lahat ng dako ang dugo. Hindi ko akalain na anumang bagay ay labis na makasasakit na gaya niyaon. Pagkatapos ay tinakpan nila ang sugat ng isang halo ng mga itlog at asukal. Saka nila itinali ang aking mga paa. Ako’y kinarga pabalik sa kotse. Ako’y umiyak habang daan pauwi sa nayon.’​—Halaw mula sa pahayagan sa Kenya na The Standard.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

WHO/OXFAM