Hindi Napatitigil ng Niyebe ni ng Ulan ni ng Dami ang Koreo
Hindi Napatitigil ng Niyebe ni ng Ulan ni ng Dami ang Koreo
“Habang may mga kartero, ang buhay ay may kasiyahan.”—William James, pilosopo sa E.U. (1842-1910)
HALOS lahat ay may nakasusuyang kuwento na isasaysay tungkol sa paglilingkod ng koreo. Ang sulat na inihulog niya sa koreo ay dumating ilang linggo o mga buwan pa nga kaysa inaasahan, ang mga halaga ng selyo ay mabilis na tumataas, o ang pila sa tanggapan ng koreo ay nakayayamot. Noong Oktubre 1966, isinapanganib ng malaking sakuna ang sistemang pangkoreo. Isang tagapagsalita ng Lingkurang Pangkoreo ng E.U. ay nagsabi sa Gumising! na “ang pinakamalaking pasilidad pangkoreo sa E.U. noong panahong iyon, sa mga sangandaan ng Chicago, ay talagang huminto nang ito ay mapunô ng mga sulat at hindi nito nakayang pangasiwaan ang koreo.”
Ano ang ginawa upang matiyak na ang daloy ng koreo ay hindi huminto at na ang iyong sulat ay makararating sa patutunguhan nito? May magagawa ka ba upang mapabuti ang serbisyong tinatanggap mo? May malaking pagbabago ba sa mga paraan ng paghahatid ng sulat at pagkamaaasahan sa nakalipas na mga dantaon?
Sinaunang Lingkurang Pangkoreo
Ang pinakamaagang organisadong mga lingkurang pangkoreo ay para lamang sa gamit ng pamahalaan. Ang gayong mga sistema ay umiral sa sinaunang Tsina, Ehipto, Asiria, Persia, at Gresya. Ang sistemang pangkoreo ng Roma ay tinawag na cursus publicus, sa literal ay “daan ng publiko”; gayunman, ito ay pangunahin nang para lamang sa paglilingkod ng pamahalaan. Kawili-wili, ang mga sulat ng manunulat ng Bibliya na si Pablo sa mga kongregasyon sa Efeso at Colosas, at kay Filemon ay ipinadala sa pamamagitan ng personal na mga kaayusan at hindi sa pamamagitan ng lingkurang pangkoreo ng pamahalaan ng Roma.—Efeso 6:21, 22; Colosas 4:7-9; Filemon 21, 22.
Bagaman ang transportasyon at ang paghahatid ng korespondensya ay bahagyang nagbago hanggang noong ika-19 na siglo, ang mga palagay tungkol sa pagkontrol o pag-alis ng pribadong mga paglilingkod sa koreo ay nagsimulang lumitaw nang maaga. Bakit? Sapagkat ang mga awtoridad ay nakadama ng isang pangangailangan para sa saklaw ng pribadong mga komunikasyon. Sa kaniyang aklat na The Universal Postal Union, si George A. Codding, Jr., ay nagbibigay ng dalawang pangunahing dahilan sa paglikha ng isang monopolyo ng gobyerno sa mga lingkurang pangkoreo. Una, ang buwis ay “isang mahusay na paraan ng pagtulong sa pananalapi sa opisyal na paglilingkod.” Ikalawa, ang seguridad na ibinibigay ay isang tulong sa pagkontrol sa mga komunikasyon ng mga kalaban ng Estado.
Kaya, sinimulan ng French Royal Post na pangasiwaan ang ilang koreo ng bayan noong 1464. Noong 1635, binuksan ni Charles I ng Inglatera ang paglilingkod ng Royal Mail sa taong-bayan. Ang iba pang pamahalaan ay gumaya rin at sa gayo’y sinarili ang lingkurang pangkoreo, pinangangasiwaan ang palitang ito sa pagitan ng mga tao.
Kontrolado ng Britaniya ang maagang sistema sa koreo ng Amerika, kung paanong pinalawak ng Imperyong Romano ang sistemang pangkoreo nito sa Britaniya. Tinularan ng sistemang Romano ang karamihan ng kaayusang Persiano, na isang sistemang pangkoreo ng mga mensahero na nakasakay sa kabayo na ginagawa ito sa paraang pahatid o riley na sinimulan noong ikaanim na siglo B.C.E. Sa gayon, ang katangian ng maraming sistema sa koreo ay matutunton sa Persia.
Ang kolonyal na sistema sa koreo ng Amerika ay opisyal na nangasiwa
sa koreo na galing sa ibayong dagat noong 1639, at sa lokal na koreo, sa pagitan ng Boston at New York City, noong 1673. Ang sandaling rutang iyon ng koreo ay tinawag na Boston Post Road, ngayo’y bahagi ng U.S. Highway 1. Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang koreo ay inihahatid sa pamamagitan ng karomata, bapor, at tren. Ang paghahatid ng koreo sa San Francisco, California, mula sa New York City ay kumukuha halos ng isang buwan o higit pa sa pamamagitan ng bapor at mas matagal pa sa pamamagitan ng karomata.Ang “Pony Express”
Upang pabilisin ang transkontinental na paghahatid sa Estados Unidos, isang bagay maliban pa sa karomata o bapor ang kailangan. Ano ang lulutas sa problema? Ang mga dantaong-gulang na pamamaraan ng kartero na nakasakay sa kabayo ang ginamit. Ang History of U.S. Postal Service 1775-1984 ay sumisipi sa mga anunsiyo ng pahayagan ng Marso 1860:
“Wanted: Bata, mapayat, maliksing mga lalaki na hindi hihigit sa 18 anyos. Kailangan ay ekspertong mga mangangabayo na handang suungin ang kamatayan araw-araw. Mamabutihin ang mga ulila.”
Yaong mga inupahan “ay kailangang sumumpa sa Bibliya na hindi ‘gagamit ng lapastangang pananalita,’ makikipag-away, o pagmamalupitan ang kanilang mga hayop at gagawi nang matapat.” Ito ang kilalang pony express, na binawasan ang panahon ng paghahatid tungo sa sampung araw sa 3,200 kilometrong ruta sa pagitan ng St. Joseph, Missouri, at ng kanlurang baybayin ng Estados Unidos. Sumasakay sa bilis na 15 hanggang 25 kilometro, pagkatapos ay nagpapalit ng mga kabayo nang walang pag-antala, ang mga batang mangangabayong iyon ay matuling nagpatakbo sa mga bundok, kapatagan, at mga ilog sa lahat ng uri ng panahon. Sa buong pag-iral ng pony express, dahil sa pagkakaroon ng pinakamabibilis na kabayo, ang walang takot na mga mensahero ay mas mabilis kaysa mga Indian at mga tulisan; gayunman, isang mangangabayo ang napatay.
Pinalabis pa ng alamat ang walang takot na lingkurang pangkoreo na ito, na tumakbo lamang mula noong Abril 3, 1860, hanggang noong Oktubre 26, 1861. Nagsara ito sa pagsisimula ng transkontinental na lingkurang pantelegrapo, sa gayo’y niwawakasan ang isa sa pinakamakulay na mga kabanata sa kasaysayan ng koreo sa Amerika.
Modernong mga Paraan
Maghulog tayo ng sulat ngayon at tingnan natin kung paano ito pinangangasiwaan. Ang oras ng paghahatid ay maaaring iba-iba depende sa paraan ng paggamit mo sa paglilingkod nito.
Habang tinatapos mo ang iyong trabaho para sa araw na iyon, ang naipong mga sulat ay inihuhulog sa koreo. Yamang ito ang rutina para sa karamihan sa atin, isang dagsa ng koreo ang pumapasok sa daluyan ng koreo sa kinahapunan. Sa gayon, ang paghuhulog ng koreo sa umaga ay nagbibigay sa iyo ng bentaha ng ilang oras at nailalagay ang iyong mga sulat sa unahan ng araw-araw na dami ng koreo. Noong 1991, ang katamtamang dami ng koreo sa araw-araw sa daloy na ito ng koreo sa Estados Unidos ay 454 milyong piraso, na may 13.3 milyon para sa New York City; Pransiya, 71 milyong piraso, na may 5.5 milyon para sa Paris; Hapon, 62.5 milyon, na may 17 milyon para sa Tokyo; at Britaniya, 60 milyon.
Ang mga sulat na inihuhulog sa mga buson sa kalye o sa isang maliit na tanggapan ng koreo ay dinadala sa mas malalaking tanggapan ng koreo. Ang paghuhulog ng iyong koreo bago ang oras ng pagkolekta at, kung praktikal, malapit sa mas malaking tanggapan ng koreo ay nagpapabilis sa panahon ng paghahatid.
Sa lokal na tanggapan ng koreo, ang iyong sulat ay inilalagay sa sako, at pagkatapos ito ay isinasakay ng trak tungo sa isang pasilidad sa koreo na tinatawag
na sectional center, kung saan ginagamit ang awtomatikong kagamitan sa pagbubukod ng koreo. Dito, sa pamamagitan ng mga makinang dinisenyo nang mahusay, ang mga sulat ay binabaligtad at kusang pinipihit habang ang mga ito ay nagtutungo sa mga conveyor belt tuluy-tuloy sa culling, facing, pagtatatak sa selyo, pagbubukod, at pagsasalansan. Ang isang aparatong iyon, tinatawag na makinang facer-canceler, ay mabilis na napangangasiwaan ang 27,000 sulat sa isang oras para sa pagtatatak sa selyo at sa koreo.Sa hapon naman hanggang sa gabi, ang palabas na koreo ay binubukod. Ang mga sulat na may direksiyon na madaling basahin—minakinilya, inimprenta, o isinulat nang palimbag—ay maaaring ibukud-bukod ng isang makina. Nababasa ng mas bagong mga makina ang dalawang linya na naglalaman ng ZIP code o kodigong pangkoreo; lungsod, estado, o lalawigan; at kalye.
Maaaring awtomatikong “basahin” ng mga makinang iyon at kahawig na mga kagamitan ang mga direksiyon at magtatak ng pantanging mga kodigo sa koreo sa libu-libong sulat sa isang oras. Ang primera-klaseng mga sulat na hindi maaaring iproseso ng mga makina ay dapat na ibukod nang manu-mano, sa katamtamang 800 piraso sa isang oras. Ang madaling basahing direksiyon, na may ZIP code sa Estados Unidos (pangkoreo o kodigong pangkoreo sa maraming ibang bansa) ay nagpapangyari sa iyong sulat na maproseso nang mas mabilis, mas mahusay na mga paraan.
Ang palabas na koreo ay ipinadadala sa pamamagitan ng sasakyang panghimpapawid o panlupa. Ang primera-klaseng koreo ay karaniwang inihahatid sa magdamag sa espesipikong mga lungsod at mga sectional center, sa loob ng dalawang araw sa lokal na itinalagang mga estado, at sa loob ng tatlong araw saanman sa Estados Unidos. Sa Britaniya, 90 porsiyento ng primera-klaseng koreo ay dapat na ihatid sa susunod na araw ng trabaho at 97.4 porsiyento ng segunda-klaseng koreo sa ikatlong araw. Ang mga surbey sa sistema sa koreo sa Pransiya na inilathala noong Mayo 1992 ay nagpapakita na 81 porsiyento ng lokal na mga sulat ay naihatid sa magdamag at na 96.3 porsiyento ng mga bagay sa koreo ay inihatid sa loob ng dalawang araw, maliban kung Linggo at pista opisyal. Kaya, sa kalaliman ng gabi ang palabas na koreong ito ay nagiging parating na koreo sa mga pasilidad na nagpoproseso ng area-mail at pagkatapos ay sa patutunguhang tanggapan ng koreo. Sa buong magdamag at hanggang sa madaling-araw, ang dumarating na koreo ay ibinubukod para sa paghahatid.
Ang mas malalaking parokyano sa koreo, gaya ng Samahang Watchtower, ay inihahanda ang kanilang koreo upang ito ay matanggap ng tanggapan sa koreo sa pamamagitan ng traktor-treyler sa planta
ng nagpadala. Ang koreong ito ay inihahatid ng tanggapan sa koreo nang tuwiran sa ibayo ng bansa tungo sa kawani na naghahatid sa koreo. Higit at higit na ginagamit ng mga lingkurang pangkoreo ang paligsahang paraan ng komunikasyon, gaya ng elektronikong koreo (E-mail; ang impormasyon ay ipinadadala sa pamamagitan ng computer sa mga linya ng telekomunikasyon). Ang sistemang Pranses ay naghahatid ng sampung milyong piraso ng malayong paglilimbag (E-mail) noong nakaraang taon.Bagaman ang mga paraan sa koreo ay maaaring iba-iba sa gitna ng mga bansa, karamihan ng koreo sa daigdig ay pinoproseso na kahawig niyaong inilarawan namin para sa Lingkurang Pangkoreo ng E.U., na nangangasiwa sa 40 porsiyento ng dami ng koreo sa daigdig.
Iba Pang Lingkurang Pangkoreo
Ang mga sistemang pangkoreo ay nagbibigay ng higit pang mga paglilingkod kaysa pagpoproseso lamang ng koreo. Ang tanggapan sa koreo ng E.U. ay tutulong sa iyo na makakuha ng isang pasaporte. Maaari kang magbangko sa isang Hapones na tanggapan sa koreo o sa Britanong Girobank (dating pag-aari ng Britanong lingkurang pangkoreo). At, ang kalakal na ipinadala sa koreo ay maaaring iseguro o irehistro upang pabayaran ang halaga sakaling mawala o masira. Kung ang isang bagay na ipinadala sa koreo ay nangangailangan lamang ng patotoo ng paghuhulog o paghahatid sa koreo, ang pagpapadala rito na sertipikado ay mas mura kaysa kung ito ay iparerehistro. Ang mga tao ay maaaring kumuha ng seguro buhat sa Hapones na lingkurang pangkoreo.
Kung hihilingin mo, ang ilang lingkurang pangkoreo, gaya niyaong sa Estados Unidos, ay magbibigay sa iyo ng makukuhang impormasyon na pagwawasto-ng-direksiyon. Isulat ang “Address Correction Requested” o “Do Not Forward” sa harap ng sobre sa ilalim ng direksiyon ng nagpadala. Walang karagdagang bayad, ang primera-klaseng koreo ay ibabalik sa iyo taglay ang bagong direksiyon (kung wala pang isang taon) o iba pang dahilan ng hindi paghatid.
Para rito at sa iba pang mga paglilingkod, ang daigdig ay lubhang depende sa sistema sa koreo. Ang ulat ng Evaluation of the United States Postal Service ay nagsasabi: “Ang Lingkurang Pangkoreo ay mabuti ang ginagawa sa pangangasiwa sa napakaraming koreo, subalit ang mga pagkakamaling hindi maaaring alisin ay dapat patuloy na kilalanin upang malaman ng madla kung ano ang makatotohanang asahan sa mga koreo.” Sa Estados Unidos, kung 5 porsiyento lamang ng halos 250,000,000 piraso ng primera-klaseng araw-araw na dami ng mga sulat ay maaantala, ito ay katumbas ng mahigit na 12,000,000 piraso isang araw. Ang resulta nito ay maraming reklamo sa matagal na paghahatid.
Ang magulong mga kalagayan sa ekonomiya ay nakaapekto sa mga sistemang pangkoreo. Ang tumataas na halaga, ang nasirang mga bagay, naantalang koreo, at modernong teknolohiya ay nagpaunlad ng dumaming kompetisyon sa mga paglilingkod na kontrolado-ng-pamahalaan. Bagaman napasulong ng bagong mga paraan sa pangangasiwa ang pagproseso ng koreo, ang mga panggigipit sa lahat ng mga institusyon ay nagpapahirap sa mga sistemang pangkoreo. Ang Lingkurang Pangkoreo ng E.U. ay kulang ng $1,500,000,000 sa kita para sa 1991. Mahigpit na mga hakbang, gaya ng malaking pagtaas sa bayad sa koreo at pagbabawas ng mga tauhan, ay baka kailanganin upang maipagpatuloy ang kasalukuyang paglilingkod.
Mula sa patak noong sinaunang panahon tungo sa isang nagbabahang agos sa ngayon, ang daloy ng koreo ay nagpapatuloy sa kabila ng mga problema, sa gayo’y sinasapatan ang isang likas na pangangailangang makipagtalastasan.—Isinulat ng isang manggagawa sa koreo.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Paghahatid ng Koreo Istilong-Persiano
Ang tagpo ay ang sinaunang imperyo ng Persia. Ang nasusulat na mga dokumento ay maingat na inihanda, opisyal na tinatakan, at ipinahatid sa pamamagitan ng lingkurang pangkoreo ng pamahalaan. Maraming buhay ang masasawi kung ang mga utos ay hindi maihatid kaagad at maipatupad agad. Subalit paano ihahatid ang koreo? Ang “mga sulat ay ipinadala sa pamamagitan ng mga mensaherong nakasakay sa mga kabayo na mula sa mga kuwadra ng hari. . . . Kaya ang mga mensahero, na nakasakay sa kaniyang maharlikang mga kabayo, ay apurahang isinugo sa mahalagang utos ng hari,” sabi ng The New English Bible, sa Esther 8:10, 14.
Ang maaasahang mga mangangabayong iyon sa paghatid, na ang mga kabayo ay nakapuwesto humigit-kumulang 23 kilometro ang mga pagitan, ang mas gustong paraan upang ihatid ang kontrautos ni Haring Ahasuero na magliligtas sa mga Judio mula sa lansakang pagkalipol noong ikalimang siglo B.C.E. Ang mananalaysay na si Herodotus ay nagsabi na ang mga tagapagdalang ito ng sulat ay hindi “nahadlangan sa paggawa nito sa pinakamabilis na magagawa nila sa layo na kailangan nilang puntahan, alin ng niyebe, o ulan, o init, o ng kadiliman man ng gabi.” Ito ang araw-araw na sistema ng komunikasyon ng pamahalaan na tumatakbo sa buong Imperyo ng Persia.
[Larawan sa pahina 17]
Awtomatikong binabasa at binubukod ng mga makina ang libu-libong sulat sa isang oras
[Credit Line]
Larawan ng USPS