Masapatan Kaya ng Siyensiya ang mga Hamon ng Ika-21 Siglo?
Masapatan Kaya ng Siyensiya ang mga Hamon ng Ika-21 Siglo?
“Napakaraming siyentipikong katibayan ngayon upang ipakita na hindi na kaya ng Inang Lupa ang walang malasakit, magulong mga anak nito.”—The European, Marso 19-25, 1992.
ANG mga ekologo ay naniniwala na ang banta sa lupa, malayo sa pagpapalaki ng maliit na bagay, ay malubha at ito’y nangangailangan ng pansin. Sa katunayan, sinasabi nila na ang kagyat na pagkilos ay mahalaga kung nais nating maiwasan ang kapahamakan. “Wala tayong mga salinlahi,” sabi ng pangulo ng Worldwatch Institute sa pagtatapos ng dekada ng 1980. “Mayroon lamang tayo ng mga taon, upang sikaping baligtarin ang mga bagay-bagay.”
Ang mga editor ng aklat na pinamagatang 5000 Days to Save the Planet ay mas espesipiko noong 1990 nang kanilang ilathala ang kanilang aklat. Mula nang panahong iyon ang kanilang pagbilang na paatras ay nagpapatuloy. Ang natitirang panahon upang iligtas ang planeta, ayon sa kanilang huling araw, ay aali-aligid ngayon na malapit sa 4,000-araw na tanda. At sa pagsisimula ng ika-21 siglo, malibang may pambihirang bagay na mangyari, ang bilang ay mababawasan pa tungo sa 1,500 araw.
Anong pambihirang mga pangyayari ang nagdulot ng maliwanag na krisis na ito? Anong mga hamon ang dala ng dumarating na siglo?
Maraming Problema
Ang mga taong maibigin-sa-kapayapaan ay nagagalak na nagwakas na ang Cold War. Subalit ang hamon na pagkakamit at pagpapanatili ng kapayapaang pandaigdig ay totoo. Si Pangulong Mitterrand ng Pransiya, nagsasalita noong Enero 1990 tungkol sa mga problema ng pagkakaisa ng Europa, ay nagsabi: “Iniiwan natin ang isang di-makatarungan ngunit matatag na daigdig, para sa isang daigdig na inaasahan natin ay magiging higit na makatarungan, ngunit tiyak na magiging higit na mabuway.” At ang pahayagang The European ay sumulat: “Ang halaga ng kalayaan [sa dating mga bansang Sobyet] ay isang lumalagong kawalan ng katatagan, na nakaragdag sa panganib ng digmaang nuklear, bagaman ito ay bahagya lamang.”
Sa katunayan, ang ilan sa mga hamon na nakakaharap ngayon ng daigdig ay halos hindi kilala noong magsimula ang Cold War. Ito’y gaya ng sinasabi ng 5000 Days to Save the Planet: “Halos limampung taon na ang nakalipas ang kapaligiran ng daigdig ay lubhang timbang pa. . . . Ang daigdig ay isang napakalaki, maganda at makapangyarihang dako; paano nga natin magagawang sirain ito? Ngayon tayo ay sinasabihan na ang ating planeta ay nasa krisis, na sinisira at dinudumhan natin ang ating daan tungo sa isang pangglobong kapahamakan.”
Ang tinatawag na likas na mga sakuna—mga baha, bagyo, lindol, pagputok ng bulkan—ay
nangyayari sa lahat ng dako. Kung hanggang sa anong lawak may pananagutan ang pakikialam ng tao sa kapaligiran ay pinagtatalunan pa. May katibayan na sa ilang dako ang ozone layer na pananggalang ng lupa ay naging mapanganib na manipis. Ang mga siyentipiko ay nagbababala ngayon, na ang mga pagbabago sa klima na nagiging dahilan ng kalunus-lunos na mga pangyayari ay maaaring biglang humampas sa halip na unti-unting lumitaw.Malaon nang hinamon ng kanser, sakit sa puso, mga problema sa sirkulasyon ng dugo, at marami pang ibang karamdaman ang mga kasanayan ng medikal na propesyon. Sa kabila ng mga taon ng pagsulong sa medisina, ang mga sakit na ito ay pumapatay pa rin. Sa Europa lamang, tinatayang 1,200,000 katao ang namamatay sa kanser taun-taon, halos 65 porsiyentong higit kaysa isang dekada ang nakalipas. Dahil sa takot tungkol sa bagong salot—ang AIDS, na pumapatay ng mas kaunting tao kaysa kanser—ang dami ng namamatay na ito ay halos hindi pansin.
Isa pang hamon: Wala pang 200 taon, ang populasyon ng daigdig ay dumami mula sa isang bilyong tao tungo sa mga lima at kalahating bilyon. Sa kabila ng pagbaba kamakailan sa taunang pagdami, tinataya ng ilan na sa taóng 2025, ang populasyon ng daigdig ay malamang na lalampas ng walong bilyon, at sa 2050 ito ay aabot sa sampung bilyon. Saan titira ang lahat ng taong ito? Ano ang kakanin nila? Tinataya ng isang report ng UN na inilabas noong 1991 na isang bilyon katao na ang nakatira sa ganap na karukhaan, ang kanilang buhay “ay ipinakikilala ng malnutrisyon, kamangmangan at sakit na mababa pa sa anumang makatuwirang kahulugan ng dangal ng tao.”
Si Paul R. Ehrlich, propesor ng pag-aaral tungkol sa populasyon sa Stanford University sa Estados Unidos, ay bumabanggit sa laki ng problemang ito, na ang sabi: “Samantalang ang sobrang dami ng populasyon sa mahihirap na bansa ay waring nagpapanatili sa kanilang karukhaan, ang labis na populasyon sa mayayamang bansa ay waring nagpapahina sa kakayahang tustusan-ang-buhay ng buong planeta.”
Ang posibilidad na ang nabanggit noon na mga salik—o ang iba
pa gaya ng pag-abuso sa droga, di-sapat na pabahay, krimen, at mga alitan ng lahi—na sa malapit na hinaharap ay maaaring pagmulan ng isang pangglobong kapahamakan ay totoong nakababahala. Ang hamon ay tiyak. Kung paano haharapin ang hamon ay hindi tiyak.Paghanap ng mga Paraan Upang Harapin ang Hamon
Gayunpaman, dahil sa kalubhaan ng mga problema, ang mga pamahalaan, taglay ang iba’t ibang antas ng pagkaapurahan, ay humahanap ng mga lunas. Halimbawa, sa larangan ng kapaligiran, ang pinakamalaking pagtitipong pang-ekolohiya na kailanman ay idinaos ay ginanap noong nakaraang Hunyo sa Rio de Janeiro. Ang Earth Summit na itinaguyod ng UN ang pangalawa sa uri nito, kasunod ng isa na ginanap noong 1972 sa Stockholm, Sweden. Noong panahong iyon isang kilalang pulitikong Aleman ay nagsabi: “Ang komperensiyang ito ay maaaring maging malaking pagbabago sa kahihinatnan ng planeta.”
Maliwanag, ang miting noong 1972 ay hindi nakaabot sa mga inaasahan. Si Maurice F. Strong, punong tagapagsaayos ng mga komperensiya kapuwa noong 1972 at 1992, ay nagsabi: “Natutuhan natin sa loob ng 20 taon mula noong komperensiya sa Stockholm na ang alituntuning pangkapaligiran, na siyang tanging tunay na pingga na taglay ng mga ahensiyang pangkapaligiran, ay mahalaga subalit hindi sapat. Ito ay kailangang samahan ng mahahalagang pagbabago sa saligang mga motibo para sa ating paggawing pangkabuhayan.”
Gayunman, ang komperensiya kaya noong 1992 ay naging mas matagumpay sa pagkakamit ng “mahahalagang pagbabago” na ito kaysa yaong komperensiya noong 1972? At kung hindi, ang ating planeta kaya sa susunod na 20 taon, sa 2012, ay maaari pang pagdausan ng posibleng ikatlong Earth Summit?
Kaharap ang Pinakamalaking Hamon
Ang mga tao sa pangkalahatan ay higit at higit na nagdududa sa kakayahan ng relihiyon at pulitika na lutasin ang mga problema ng daigdig. Subalit kung hindi ang relihiyon, kung hindi ang pulitika, ano ang maaaring makasapat sa malubhang mga hamon ng ika-21 siglo?
Nililinaw ng isang brosyur na inilathala ng German Federal Ministry for Research and Technology ang tanong na ito. “Ang pangangasiwa sa mga problemang ito ay nangangailangan ng pulitikal na mga estratehiya na tutulong hindi lamang upang iwasan ang anumang mga pagbabago pa na pinangyari ng tao kundi hadlangan din ang negatibong mga resulta ng mga pagbabago sa globo. Dahil sa kasalimuutan ng mga problemang nakakaharap natin, ang makabuluhang pulitikal na mga pasiya ay posible lamang salig sa matibay na mga tuklas ng siyensiya at maaasahang mga hula. Waring ito lamang ang tanging paraan upang maiwasan ang magastos o hindi kanais-nais pa nga at mapanganib na mga pangyayari. Ang paglalaan ng impormasyong ito ay naghaharap ng pinakamalaking hamon sa mga siyentipiko sa kasalukuyang panahon.”
Naharap na ng siyensiya ang mahihirap na hamon noon at nakayanan ito, sa paano man. Gayunman, hindi naman mali na magtanong kung baga masasapatan ba ng siyensiya ang pambihirang mga hamon na inihaharap ng dumarating na ika-21 siglo. May saligan ba para sa optimismo?
Isang kasiyahang ipinahahayag ng Gumising! ang isang pagtalakay sa seryosong mga bagay na ito, na sasaklawin sa isang serye ng mga artikulo simula sa labas na ito. Susunod ang Bahagi 1.
[Mga larawan sa pahina 4]
Ano ang magagawa ng siyensiya tungkol sa polusyon, sakit, at sobrang dami ng populasyon?
[Credit Lines]
Larawan ng WHO ni P. Almasy
Larawan ng WHO ni P. Almasy