Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Negatibong mga Damdamin Maraming salamat sa kahanga-hangang serye ng mga artikulong pinamagatang “Maaari Mong Supilin ang Negatibong mga Damdamin.” (Oktubre 8, 1992) Matagal ko na itong suliranin. Subalit ngayon na ibinigay ni Jehova sa akin ang kaloob na mga artikulong ito, sa wakas ay nasumpungan ko ang lakas ng loob upang paglabanan ang ganitong mga damdamin. Ginugunita ang hinaharap na kaniyang inilaan para sa atin at ang mga pagpapala na ating tatamasahin sa panahong iyon ay isang malaking tulong.
C. I., Italya
Ako’y nanlumo pagkatapos na romantikong masangkot sa isang tao na napatunayang totoong mapanlinlang. Sa loob ng mga buwan pinahirapan ko ang aking sarili ng negatibong mga kaisipang gaya ng, ‘Napakatanga kong talaga upang maniwala sa kaniyang mga kasinungalingan.’ O, ‘Napakahina kong kumilatis ng pagkatao.’ Ito’y humantong sa mapang-uyam na konklusyon: ‘Hindi na ako muling magtitiwala sa lalaki.’ Ang praktikal na pagtalakay ng artikulo hinggil sa positibong kaisipan ay tumutulong sa akin na itatag muli ang paggalang-sa-sarili at paalalahanan ang aking sarili na ang pangyayaring ito ay isa lamang karanasan ng pagkatuto.
R. M., Estados Unidos
Pinupuri ko ang inyong pagtalakay sa paksa ng negatibong mga damdamin. Gayunpaman, hindi lahat ng negatibong mga damdamin ay sanhi ng may-kamalayang pag-iisip. Ang mga pag-iisip na hindi namamalayan—gaya ng kinimkim na mga alaala ng pag-abuso sa bata—ay maaari ring lumikha ng matitinding damdamin. Ang ilan ay maaaring magtangka na ikapit ang impormasyon na ito upang masumpungan lamang na ang paggawa ng gayon ay hindi magpapabuti sa kanilang nadarama. Ang kanilang suliranin ay maaaring mas matindi. Ang mga taong nakadarama ng pangangailangan na gumawa ng mas matinding gawain sa kanilang kalusugang pangkaisipan o pandamdam—nagsasangkot man ito ng propesyonal na tulong o hindi—ay hindi dapat hatulan bilang pagpapakalabis.
M. W., Estados Unidos
Maraming salamat sa mga komentong ito. Dapat tandaan ng mga mambabasa na ang mga artikulo ay hindi pinatungkol sa mga indibiduwal na dumaranas ng malalang mga suliranin gaya ng labis na panlulumo o mga epekto ng pag-abuso sa bata. Ang gayong mga tao ay maaaring magkamit ng ilang pakinabang mula sa pagkakapit ng mga mungkahi na nakapaloob doon; gayunpaman, gaya ng nabanggit sa pasimula, ang mga artikulo ay nagtuon ng pansin sa “normal na negatibong mga damdamin na nararanasan ng lahat.” May kinalaman sa malulubhang anyo ng panlulumo, kinikilala ng artikulo na ang gayong mga karamdaman ay “maaaring mangailangan ng propesyonal na paggamot.”—ED.
Mga Luha Ako’y nakadalo kamakailan sa libing ng isang tapat na Kristiyano na naglingkod bilang isang matanda sa aming kongregasyon sa loob ng maraming taon. Nang kanilang ilabas ang kabaong mula sa bulwagan, ako’y napahagulgol. Gayunman, ang karamihan sa dumalo ay nagpigil sa kanilang damdamin. Pagkaraan lamang ng isang araw, natanggap ko ang Setyembre 22, 1992, na labas ng Gumising! na may artikulong “Bakit Tayo Lumuluha?” Tumulong ito sa akin upang maunawaan na ang mga luha ay hindi tanda ng kahinaan kundi kapahayagan ng matinding damdamin. Maraming salamat sa inyong nakapagtuturong artikulo.
S. Z., Alemanya
Mga Kamay Ang artikulong “Ang Ating Kahanga-hangang mga Kamay” (Agosto 8, 1992) ay totoong kawili-wili. Nabatid ko na na ang ating mga kamay ay kahanga-hangang ginawa. Subalit ang artikulong ito ay tumulong sa akin na madama ang kadakilaan ng ating Maylikha.
K. Y., Hapón
Panalangin Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Sinasagot ba ng Diyos ang Aking mga Panalangin?” (Setyembre 22, 1992) Nasumpungan ko ang artikulo na lubhang nakatutulong. Itinuro nito sa akin na ang aking mga panalangin ay hindi dapat lakipan ng di-gaanong mahalagang mga kahilingan ng materyal na mga hangarin. Natutuhan ko rin na kailangan kong maging matiyaga sa pananalangin sapagkat si Jehova ay hindi karaka-rakang sumasagot. At hindi niya ipinagkakaloob ang sagot ayon sa ating naisin.
B. G., Estados Unidos